Press Release
March 13, 2010

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' AMBUSH INTERVIEW IN PANGASINAN

(On the LP sortie in Davao)

Q: Sinong mga local leader na kasama?

MAR: Si Mayor Duterte; si Mr. Chito Ayala, Jesus Ayala na taga-Davao... Kami nina Pastor Quiboloy, best friend niya si Mayor Duterte, respetado niya si Mr. Jesus Ayala. Si Pastor din niremind niya ako kagabi, "alam mo Mar, 11 years na tayong magkaibigan, magkakilala," ganoon. Warm naman at maayos naman ang pag-uusap.

(On power crisis)

Q: Reaction po sa proposal ni Former Speaker de Venecia para sa special session ang two houses para pag-usapan ulit ang power crisis at kung puwede yung possible postponement ng barangay elections para ang pera gamitin na lang sa agriculture.

MAR: Ako, di ako pabor na magkaroon ng special session para sa electricity crisis. Ano ba ang magagawa ng special session? Ang kakulangan ng kuryente sa Mindanao ay sanhi sa kakulangan din ng tubig sa Lake Lanao. Tulad ng pinuntahan natin sa San Roque Dam, sa Lake Lanao mababang mababa na talaga, wala nang kuryente na maipa-pump out. 60% of Mindanao power is produced by the Agus and Lake Lanao hydro system. Kahit magtatalumpati kaming mga Senador diyan, mga Kongresista, sa mga committee hearing, kahit pukpukin pa natin ang lamesa sa pagtatalumpati, sa mga hearing, hindi naman iyan makakadagdag ng isang droplet ng ulan sa Kamindanawan, no. Nasa sa batas na ngayon na maaari namang mag-contract ng mga power barge for Mindanao, at sa ngayon iyan lang naman talaga ang technically feasible solution for the power crisis in Mindanao. It's just power barge. Kinalulungkot ko na hindi naman ito ang pinakamagandang solusyon dahil ito ang pinakamahal at pinaka-pollutant na form of electricity, yung power barge. Ang power barge kasi, sinusunog niyan ay diesel. Para kang pumunta riyan sa Petron o sa Caltex o sa Shell, bumili ng diesel tapos sinunog lang para magkaroon ng kuryente yung mga electric fan at mga refrigerator. That's the most expensive form of power, the estimate is P10-12 per kilowatt hour. That's just the generation cost. Wala pa riyan yung transmission, wala pa riyan yung sa electric coop, wala pa riyan yung systems loss. So pag sinuma-total mo lahat iyan, mahigit sa P15 per kilowatt hour ang magiging kuryente na ihahatid ng power barge. Kaya itong power barge na ito, makakatulong ito sa krisis pero hindi talaga. Dahil papasanin ito ng mga kababayan natin sa Mindanao at pati tayo na rin sa Luzon kung tayo ang magsa-subsidize niyan dahil nga sa kapabayaan, sa short-sightedness, sa kamalian ng gobyernong ito na 10 years ago, sinabihan na na kukulangnin ang kuryente sa Mindanao. Siyam na taon nang nakaupo si GMA, walang ginawa, kaya tayo ngayon ang magbabayad nitong problemang ito.

Q: Sir, yung proposal po niya to postpone the barangay elections to 2011. Gamitin ang pera para tulungan ang mga magsasaka.

MAR: Hindi ko alam ang detalye roon...

Q: Timeframe na lang ... may certain period na...

MAR: Itong "state of calamity" sa Mindanao, this is a political act, is a political response to what is a technical problem. So halimbawa, mga mayor, mga gobernador, hinayaan na ngayong gamitin ang kanilang calamity fund, papaano makakadagdag ito sa kuryente? Wala, gagamitin lang ito sa tulong sa tao, in short, sa panahon ng pulitika, diba? Kasi ang maitutulong lang nito ay makabili ng pagkain, sopdrinks o inuman, makapagawa ng deep well o anuman. Pero sa panahon ng pulitika, alam naman natin na may political color na ang lahat ng ito.

Q: Hindi gagamitin yung fund nila for power generation?

MAR: Yung pinaka-mayaman na siguro riyan ay Davao City, e kukulangin iyan. Yung calamity fund ng Davao City, di naman puwede na bibili siya, kokontrata siya ng power barge tapos papaandarin niya. Hindi naman puwede. Maybe kung sabihin ng pangulo na lahat ng calamity fund ng lahat ng LGU ay ipunin tapos ito ang gagastusin pang-power barge, baka iyon puwede. Pero yung hahayaan na kanya-kanyang gastos, individual gastos, wala iyan pulitika lang iyan. Paano makakatulong sa power crisis iyan?

Q: Sino puwedeng mag-provide ng power barges? DOE pa rin?

MAR: DOE and Napocor will contract. May mga available niyan sa mundo, kokontratahin mo iyan, pero itong mga nagpapa-lease ng mga power barge alam din nila na emergency purchase iyan. Alam din nila na kung gaano mo ba ka-kailangan iyan. Kaya alam din nila na puwede nilang pataasan yung kanilang presyo dahil hindi ka puwedeng umayaw. Ganoon iyon. Tayo ngayon bilang mga konsumedor ang magbabayad niyan.

* * *

(On surveys)

Q: Sir, consistent ba kayong nangunguna sa mga survey?

MAR: Ikaw na ang nagsabi niyan (mukhang papunta na po doon?) Nagpapasalamat ako sa patuloy na tiwala na pinagkakaloob kay Mr. Palengke. Inaasahan ko naman na magpapatuloy ito, kasama na rin po ang aking partner na si Senador Noynoy Aquino. Dahil talagang pakay namin na maghatid ng matino, matuwid, walang mantsa na uri na pamunuan dito sa atin. Iyan ang gamot sa napakaraming problema na hinaharap natin. Mahirap tayo, gutom tayo, wala tayong pag-asa dito sa sariling bansa natin, dahil nga ninanakaw ang pera natin, ang serbisyo ng gobyerno di maparating sa atin. Kulang na kulang ang mga dapat na galing sa gobyerno. Samantala, tayo namang mga mamamayan ay di naman makareklamo. Lahat na ng kinokolekta ng gobyerno ay nakokolekta nila sa VAT, sa income tax, sa iba pang mga kinokolekta ng gobyerno. Di naman bumabalik sa serbisyo. Kaya para sa amin, ito ang dahilan kung bakit mahirap tayo. At kung maituwid natin ang pamamahala, iyon ang ating kaunlaran.

(On Nuclear Power Plant)

Q: Stand dito sa nuclear power plant?

MAR: Bukas ang kaisipan ko. Para sa akin, pag-aralan nating maigi ito. Maganda kung gumawa tayo ng isang independent commission--hindi mga pulitiko dapat umupo riyan, mga dalubhasang scientist, physicist, nuclear scientist, mga iba pa--alamin natin. Bakit ang mga ibang bansa ay may kumpyansa sa nuclear power? Ang China, 30 yata ang ipapatayong nuclear power plant sa loob ng susunod na dekada. Yung Korea, yung Taiwan, yung bansang Hapon atbp umaasa sila sa nuclear power para sa kanilang pangangailangan. Para sa akin, dapat maging bukas tayo at siguraduhin natin na alam natin ang pinapasukan natin, siguraduhin natin na ligtas ito. May kasabihan tayo, nasa dulo ang pagsisisi. Di naman natin gusto na basta-basta ay magtatayo tayo di naman pala natin kaya o di kaya ng ating mga inhinyero o inspektor. Pag nagka-nuclear plant ka, yung "Pilipino-style" na "bahala na, okey na iyan," hindi puwede iyan. Kapag nagka-nuclear accident, talagang malaking pinsala iyan. Daan-libo ang apektado niyan. Ako, bukas ang aking kaisipan, pag-aralan natin ito. It's the cheapest form of power. At long term, nakikita natin ang ating mga kapitbahay ay bukas sila sa nuclear power. Dapat malawak ang ating pagtingin dito, pag-aralan natin ito.

Hiwalayin natin yung isyu ng Nuclear Power from the Philippines, doon sa isyu ng buksan natin ang Bataan Nuclear Plant. Hiwalayin natin. Kasi kung marupok naman talaga yung Bataan nuclear plant, kung itinayo ito na hindi maayos ang mga inspeksyon, yung kalidad o kapal ng semento, ay delikado tayo diyan. At alamin natin, totoo ba talaga na ang Bataan Nuclear Plant na iyan ay nakatungtong sa earthquake fault? E bakit naman tayo papasok sa isang maselang gawain, bat tayo pasimula pa lang ay doon tayo sa alanganin. Pero para sa akin, manatili tayong bukas. Alamin natin, gamitin natin ang mga makabagong teknolohiya para sa ating kapakanan. Siguraduhin lang natin na ligtas tayo at hindi yung "bahala na, ok lang iyan" dahil kapag naaksidente iyan ay malaking pinsala sa ating lahat iyan.

(San Roque dam inspection)

Q: Yung trip ninyo kanina sa San Roque Dam, what is your purpose?

MAR: Ang purpose ko doon ay bilang Mr. Palengke. Dahil nararamdaman ko doon sa Manila unti-unting tumataas ang presyo ng bigas. At madalas dinadahilan na yung crop daw na papasok ay bawas dahil dito sa tag-init o sa tuyot na sitwasyon. Kaya pinuntahan ko yung San Roque. Alam ko yung San Roque irrigates about 12,000 hectares of the Pangasinan rice fields, at yang 12,000 hectares na iyan ay 60% of the entire Pangasinan crop. E yung Pangasinan crop, 1 sa bawat 16 na tonelada na inaani sa bansa natin ay inaani sa Pangasinan. Ganoon kalaki ang Pangasinan contribution sa food security natin lalo na sa bigas. Tiningnan ko para masiguro ko, at nakita ko talaga na nakakabahala ang sitwasyon. In fact, they are five meters below the critical level. Pero pinipilit lang nila para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka hanggang maani nila sa loob ng isa hanggang dalawang buwan. Harvest season ngayon e, nagsimula na nga. Ginagawa nila ang lahat, kahit alanganin na, kahit nasa critical level na, patuloy nilang tinutugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka para lamang na makasiguro tayo na maani natin ang papasok na crop na ito, para masiguro natin ang food security natin, ang supply ng palay at bigas at makasiguro tayo na manatiling ma-stabilize yung presyo sa ating mga pamilihian.

Q: Bilang Mr. Palengke po, how would you market Dagupan bangus para mas lalaki po ang market?

MAR: Sikat na sikat na nga ngayon ang Pangasinan, yung Bonoan bangus, at tuwang-tuwa ako na madinig galing kay Vice Mayor Velencia, kay Mayor Al, na meron nang joint venture with the Korean aid agency na meron nang processing dito. Makikita ngayon na puwede nang i-dry, puwedeng i-debone, puwedeng i vacuum pack, lahat marami nang magawa rito to preserve the bangus at ma-export ito sa ibang mga pamilihan. Huwag tayong matakot sa Tsina, halimbawa. Isipin na lang natin, 1.3 bilyon ang Chinese diyan sa Tsina. E kung 10% lang, 130 million, kahit once a week lang na tig-iisang kilo lang sa 130 million na iyan sa kanilang pamilya, that's 130 million kilos a week na ma-susuplay natin. Dried bangus, deboned bangus...

Q: Do you like our bangus?

MAR: Tatlo nga ang kinain ko e, kaw naman o. Binibisto mo ako e. Ang point ko lang, napakalaking potensiyal ito. In fact, maganda ito na may mga processing plant para makasiguro tayo na di lang in its natural state as limited by ice preservation, but converted na into other products para it can go to farther areas and it can stay in the supermarkets longer.

(Failure of elections)

Q: Pinag-uusapan yung sinasabing failure of election. Ano ang masasabi ninyo rito?

MAR: Dapat manatili iyan sa pag-uusap lamang, dahil ang temperatura ng tao ay galit na galit na sila. Alam ko na sa kabila ng pagnanakaw, sa kabila ng pandaraya, sa kabila ng pagsisinungaling ng gobyerno ay nagtimpi, nanahimik, di umalma ang tao dahil alam nila na may halalan. Na mabibigyan sila ng pagkakataon na maipaabot ang kanialng pananaw, kanilang tinig. Kung pati ito nakawin pa sa kanila, aalma na ang tao sa palagay ko. Iyon ang temperatura ng kanilang damdamin, at nakikiisa ako sa kanila. Itong halalan na ito, dapat hindi guluhin nito, dapat hindi mani-obrahin ito, dapat maging credible ito, dahil pagkakataon natin ito na maibalik sa tama yung sitwasyon natin. Mailagay sa maganda ang landas na tinatahak natin, na sa ganoong paraan ay magkaroon naman tayo ng pag-asa sa loob ng ating bansa. Sa Pilipino, ang pag-asa na lang ngayon ay maging OFW, nandoon ang trabaho, nandoon ang magandang pagkakakitaan. Pangit naman iyon, masamang-masama na ang pag-asa nating mga Pilipino ay nasa ibang bansa pa, sa labas ng ating sariling bansa. Bawiin natin ang ating bansa, bawiin natin ang ating gobyerno mula sa mga mapagsamantalang trapo, mula sa mga mapagsamantalang malalaking negosyante, mapagsamantalang malalapit sa puwesto, nang sa ganoon umiral naman ang kapakanan ng pangkalahatan imbes na kapakanan ng iilan lamang.

(On cheaper medicines)

MAR: May tawag na sa atin, yung mga nagbabangungot... Siya nakikipag-away pa siya kung sino ang author, alam naman, nasa record naman kung sino naman ang author, alam ninyong media lahat iyan, alam ng mga kababayan natin lahat iyan. Pero ano bang mahalaga rito, sino ang author? O mahalaga ba rito ay naipababa na natin ang presyo ng gamot? Sino ba ang kinasuhan ng mga pharmaceutical companies? Sino ginamitan ng black propaganda ng mga pharmaceutical companies? Sino nagsulong nito ng sampung taon, laban sa lahat ng mga interes na nagsasabing "a hinde, walang mangyayari riyan." Pero ngayon, naisabatas natin ito. Unti-unti yung Norvasc, yung Cozaar, yung pang-diabetes, napakarami na pong gamot, mahigit sa 150 gamot na po ang naipababa ang presyo. At sa ilalim ng pamumuno ni Senador Noynoy at Senador Mar, sakaling palarin po kami, ay maaasahan po na kusa, wagas, all-out, ang pag-implement po nitong batas na ito.

(Printing of Ballots)

Q: Sinasabi po nila, ang kinakabahala ngayon baka kapusin ng oras ang printing ng ballots, pagdating ng mga makina?

MAR: Dapat mag-25 hours a day ang Comelec. Matagal na nilang alam ang mga deadline nito. Nandiyan naman tayo para tulungan sila, gawin na lang nila kung ano ang tama. Halimbawa, sa pag-imprenta nila ng balota, ang Comelec mismo ang humusga na diskwalipikado itong si Acosta. Bakit pa nila ipini-print? Kabahagi ba ito ng madilim na balakin na dayain o pahirapan si Senador Noynoy Aquino? Bakit nila pinipilit na ang "Acosta" ay i-imprenta sa balota e di naman kasama ito sa authorized na listahan ng mga kandidato? Isipin ninyo ito, kung wala yung "Acosta" riyan ang unang pangalan sa balota ay si Aquino. So, kabahagi ba ito, impluwensiya ba ito ng Malakanyang, na alam naman nila na si Senador Noynoy ay matuwid na tao iyan. Hindi papayag sa mga cover-up. Di papayag sa mga whitewash. E kabahagi ba ito sa kanilang madilim na balakin para pahirapan si Senador Noynoy? Isipin natin ito ha. Sa ngayon, kung titingnan natin yung sa Comelec na configuration, dahil nandiyan yung Acosta, na diskwalipikado na, si Senador Noynoy nasa gitna. Samantala, yung Senador Villar ay nag-iisa, walang katabi, litaw na litaw ang pangalan. Tama ba naman iyon na ang isang diskwalipikado ay patuloy nilang isasama sa balota na hindi naman tama? Pero kung tanggalin natin yung pangalan na Acosta, uurong na ngayon ang pangalan ni Senador Noynoy sa taas. Yung Senador Villar di na solo. Siya rin ang panghuli. E di mamili ang mga kababayan natin, sino ba ang gusto nila? Yung nasa una o yung nasa huli? O mamili rin ang mga kababayan natin, yung nakadapa o yung nakatayo?

(On AFP and Bangit)

MAR: Nasa Marso pa lang tayo, huwag na nating isipin yung mga August-August na iyan. Importante na ang halalang ito ay matuwid, matapat, malinis, credible. Dahil ang mamamayang Pilipino, alam nila na ninakaw na ang kanilang pera. Ninakaw na ang magandang kabuhayan nila sa kasalukuyan. Ito ang pag-asa nila. Pero kung nakawin pa rin iyan, kung nakawin pa ang kinabukasan nila, magagalit at magagalit ang tao.

(On Pangasinan sortie)

MAR: Nagpapasalamat ako rito, lalo na kay Mayor Al Fernandez, kay Vice Mayor Belen, na sila naman ang nagpakilala sa akin sa ating mga kababayan dito. Matagal ko nang mga ka-partner sa ating mga programa dito sa Dagupan.

Q: Nagpunta po kayo kanina sa San Roque Multi-Purpose Dam. At yung mga hinaing ng mga magsasaka sa inyo... ano po ang mga ito at ano ang gagawin natin?

MAR: Para sa ating mga magsasaka, gusto nilang siguraduhin na sapat ang kantidad ng tubig na darating sa kanila. Dahil nag-aalangan sila, lalo na ngayon na panahon ng pag-ani ng kanilang sinasakang palay, gusto nila na makaabot sa tamang panahon at di makukulangan ng tubig. Pumunta nga po ako sa San Roque para makasiguro tayo. Ang problema ay nasa kritikal na ang level ng tubig kaya sinisiguro natin na kung anuman ang tubig na nandiyan na naiiwan pa ay mapunta sa tama na pangangailangan at di basta-basta aaksayahin lamang.

Q: Nakita po natin at napakagaling po ninyong, Senator Mar, with regards po sa inyong ipinasang batas sa pagbaba po ng presyo ng mga gamot. Kamusta po ito, Senator Mar?

MAR: Mabuti naman po at nakikita natin na simula na ang pagbaba ng presyo ng gamot sa ating bansa at ito'y pasimula pa lamang. Matagal na nating isinulong ito, matagal na nating nilabanan ang mga dambuhalang pharmaceutical companies na ang interes lamang ay ang kanilang napakalaking kinikita dito sa atin. Hindi ko sila aatrasan. Ngayon may batas na tayo, naisabatas na ito. Nagsimula na ang pagbaba ng presyo ng mga gamot na ito at maaasahan po natin sakaling palarin po sina Senador Noynoy at Senador Mar, partner po tayong lahat para maibaba po natin ang presyo ng gamot.

News Latest News Feed