Press Release
March 15, 2010

Transcript of DZXL interview with NP Standard-Bearer Sen. Manny Villar

Q: Nanalo po ang ating pambansang kamao na si Manny Pacquiao na kapanalig po ninyo, ano po ang masasabi nyo?

MBV: Bilang isang miyembro ng partido at bilang isang Pilipino, isang malaking karangalan sa amin na manalo si Manny at magpatuloy sa pagiging pinakadakilang Pilipino. At wala pa akong nakikita o naaalala na Pilipino na nakapagdulot ng ganong kalaking karangalan sa atin. Ang buong mundo ay nanonood. Buong mundo ay pinag-uusapan sya. Ang mga sikat na magazines ay nilalagay si Manny Pacquiao. At wala pa akong Pilipino na nakikita o naaalalang nagkaroon ng ganoong publisidad at karangalan para sa atin. Kaya talagang buong tunay na maipagmamalaki natin yan, hindi lamang bilang ka-partido namin, kundi bilang Pilipino. Syempre hangarin natin na sya ay manalo at hindi lamang sa boxing kundi sa darating na halalan at tutulungan namin sya dyan.

Q: Si Manny Pacquiao ho ay kumakandito sa Partido Nacionalista para sa congressman?

MBV: Congressman ang kanyang tinatakbuhan sa Sarangani at pagbalik na pagbalik nya rito ay kami ay magkakampanya at magtutulungan kaming dalawa. Nag-usap na kami ng dapat gawin. Tinawagan nya ako kasi pagkatapos na pagkatapos ng kanyang laban at sinasabi nya na sa lalong madaling panahon ay siya ay uuwi rito para makapag-kampanya na.

Q: Pag-uwi po ba ni Manny Pacquiao mula sa Amerika, kayo po ba ay sasalubong sa kanya at magkakaroon po ba ng isang engrandeng pagsalubong sa kanya? Ipaparada po ba natin sya?

MBV: Hindi ko alam kung ano ang gagawin subalit bibigyan namin sya ng isang malaking pagsalubong. Hindi namin alam kung sasabay na kami sa marami o bibigyan namin sya ng separate. Pero pagkadating nya dito ay tutulungan na namin sya magkampanya dun sa Sarangani at ganon din naman sya sa akin.

Q: Ito pong CBCP ay mayroon hong panawagan sa mga botante na huwag daw po tangkilikin itong mga kandidatong magarbo sa pangangampanya o yun daw hong malakas gumastos sa pangangampanya. Ano ho ang masasabi nyo dito senador?

MBV: Ang CBCP naman ay entitled sa kanilang opinion. Pwede nila sabihin kung ano anga kanilang gusto at mga Pilipino din naman sila. Sumasang-ayon din naman ako. At talagang mayroon tayong mga batas sa pag-gastos at talaga namang dapat sundin yan. Ako'y sumasang-ayon dyan. Wala sinumang kandidato ang dapat lalabag sa batas sa pag-gastos.

Q: Sapagka't meron din tayong mga limitasyon at alam po natin yan, lalo na po kayo syempre, alam na alam nyo ang limitasyon dyan...?

MBV: Oo at mahalaga din naman yan. Ang mga limitasyon dyan ay nagsimula ng araw ng kampanya. Yan naman ay nagga-guide sa atin at yan ang ating sinusunod na panuntunan. At sinisiguro po natin na hindi tayo lalabag dyan sapagkat maliwanag na hindi dapat labagin yan. Sa lahat naman ng partido, yan ang aming sinasabing alituntunin.

Q: Habang palapit po ng palapit ang halalan sa May 10, 2010 ay kayo po ay papalapit din ng papalapit dito sa mga survey kumpara po sa pambato ng Liberal na si Noynoy Aquino at halos nagpapantay na po kayo sa ngayon sa mga surveys. Ano po sa tingin nyo ang nagiging dahilan para ika nga ay umangat at makapantay kayo o baka maungusan pa nga ninyo ang survey na ito?

MBV: Itong huling survey ay talagang tabla na naman at within the margin of error ika nga. Yan naman ay nagpapatunay lamang na ang mga tao ay naiintindihan nila, lalong lalo na ang mga mahihirap, na 90 porsyento ng ating populasyon. Talaga namang pag inisip mo, marami ang ating mga kababayan na hindi makapag-aral ang mga anak. Hindi makapagpagamot ng mahal sa buhay. Walang sariling bahay. Isa sa bawat apat na pamilya ay nagugutom. Kapag inisip mo talaga, kahirapan ang pinakamalaking problema natin. 92 porsyento ng ating mga kababayan ay nakakaranas ng kahirapan. Kaya ito dapat ang pagtuunan ng pansin ng sinumang mamumuno sa ating bansa. At ito ang nakikita nila habang lumalapit ang araw ng eleksyon. Nakikita nila ang kakayahan ng mga kandidato. Syempre lahat naman ng kandidato ay pare-pareho ang sasabihin din. Subalit habang umiikot kami ay nakikita nila ang kadahilanan, ang mga nagawa, yun kakayahan na gawin yun aming sinasabi. Napakahalaga kasi ng kakayahan. Madali magsabi kung ano ang gagawin mo. Pwede ipagawa mo lamang yan sa speech writer mo, pero yung kaya mo, yun ang dapat tingnan at nakikita nila kami naman, batay sa mga nagawa namin nung nakaraang mga panahon ay kaya namin.

Q: Syempre umaasa po kayo na habang papalapit ang eleksyon ay hindi lamang magtatabla kundi maaangatan nyo pa ito?

MBV: Alam mo, painit ng painit ang pagtanggap sa amin. Kagabi lang ay nandun kami sa Nueva Ecija, sa Cabanatuan, at naku talagang pinakamalaking crowd yun na dumating sa isang rally or concert. At doon ay pinaliwanag namin ang mga isyu. Ang sinasabi ko lang, habang tumatagal, record ng record ang taong dumarating sa mga rallies. Maski yun pag-ikot ikot namin sa mga palengke, sa mga eskwelahan ay napakainit ng pagtanggap sa amin saan man kami dumako. Nabubuo ang grupo. Nabubuo ang aming layunin. Palagay ko palakas kami ng palakas habang lumalapit ang araw ng halalan.

Q: Mensaheng gustong ipahatid sa ating mga kababayan?

MBV: Unang-una, nais kong batiin ang ating matalik na kaibigan na si Manny Pacquiao. At talagang isang malaking karangalan bilang isang kaibigan, bilang isang Pilipino, bilang isang Nacionalista na siya ay manalo at magwagi. Sana po ay patuloy sya na magtagumpay, hindi lamang sa larangan ng boksing, kundi sa lahat ng kanyang mga adhikain sa buhay.

News Latest News Feed