Press Release
March 30, 2010

AMPATUAN CASE, BANTAYANG MABUTI
HUSTISYA SA BIKTIMA NG MASAKER SIGURUHIN

Dahil sa pangamba na mabalewala ang kaso laban sa mga miyembro ng Ampatuan clan na sangkot sa Maguindanao massacre, nanawagan ngayon sa gobyerno sina Liberal Party standard bearers Senador Benigno S. Aquino III at Senador Mar Roxas na gamitin ang lahat na legal na paraan upang masiguro na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima sa kaso.

Ginawa ni Roxas ang apela sa pamahalaan matapos maalarma sa pagkaka-dismis sa kasong rebelyon na isinampa laban sa mga miyembro ng Ampatuan clan at iba pang sangkot sa massacre.

Matatandaan na noong Lunes ay iniutos ni Judge Vivencio Baclig ng Quezon City Regional Trial Court na ibasura ang kasong rebelyon na isinampa laban kay Andal Ampatuan Sr., anak na si Zaldy, Akmad Ampatuan, Anwar Ampatuan at Sajid Islam Uy Ampatuan dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiyang magdidiin sa kanila sa nasabing kaso.

Tiniyak ni Roxas na binabantayan nilang mabuti ang mga kaso kunektado sa masaker upang matiyak na ang mga suspek sa karumal-dumal na pagpaslang sa mga inosenteng sibilyan at mga miyembro ng media noong Nobyembre 23, 2009 ay mabibigyan ng hustisya sa lalong madaling panahon.

Kung manalo sila ni Aquino sa Mayo 10, ang pag-sentensya at pagkulong sa lahat ng sangkot sa masaker ang isa sa mga prayoridad ng pagpapatupad ng tunay na hustisya sa ilalim ng isang Aquino-Roxas administration, ayon sa LP vice-presidential candidate.

Umapela din si Roxas sa pamilya at kaanak ng mga biktima na panatilihin ang kanilang pananampalataya na makakamit pa rin nila ang hustisya ngunit kailangan maging alerto at bantayang maigi ang kaso.

Dinagdag pa niya na silang dalawa ni Aquino ay may inilatag na programa at panukalang batas upang epektibong mapatupad ang pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao.

Kasama dito ang pagtuldok sa paglaganap ng karahasan at pagsusulong ng usapang pang-kapayapaan sa ilalim ng demokrasya at progreso hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa, ayon kay Roxas..

News Latest News Feed