Press Release
March 31, 2010

Transcript of Interview With Sen. Manny Villar
("Usapang de Kampanilya", DZMM)

Q: Hindi ka naman daw totoong mahirap, ginagamit mo lang daw yung mahihirap para sa iyong kampanya?

Villar: uulitin ko, ako ipinganak sa 500 moriones Street Santa Maria, lahat kami magkakapatid ay ipinanganak doon at kami doon ay isang banig, isang kulambo lang natutulog. At dun sa kabilang banig at kulambo, ang nanay at tatay ko. Yong bahay na yun hindi amin. Two years ago more or less ay binili namin yung lupa; squatter kami nung araw at ako'y nagtitinda ng hipon kasama ang nanay. Hindi kami wholesaler, hindi kami dealer, kami nagtitingi. Naglalakad kami pag gabi papuntang divisoria at doon eh bumibili kami ng ilang banyerang hipon, tinitinda naming. Natutulog ako sa bangkong maliit dun sa likod ng puwesto. Pag umaga dumarating na ang mga customer at dun na nagbebenta na kami. At yung lahat ng mga kinukwento ko noon, ito'y mga 50s, ipinanganak ako 1949, mga 50s yan. Lahat ng mga naranasan ko, yung naligo sa dagat ng basura, doon lahat yan.

Q: Naligo ba kayo talaga sa dagat ng basura?

Villar: Kasi alam mo kapag bumabagyo sa amin, naliligo kami sa kalye, kami lahat mga bata, naglalaro. May mga basura dun kaya nasabi yan- naliligo sa dagat ng basura. Lahat yan totoo yan at hinahamon ko si Noynoy, sasamahan ko siya riyan para makita niya ang bahay na iyun. Ipapakita ko rin ang dokumento na binili ko yung property two years ago lang. Nagpapatunay na squatter kami at hindi sa amin yung lupa.

Q: Pero yung dagat ng basura, pag ngayon meron na. dati daw wala namang dagat ng basura doon.

Villar: hindi yong Smokey Mountain yong ibig sabihin ng kanta. Noon kapag binaha ka nahahaluan na ng basura. Yung pangalawa naming tinirhan, meron talagang smokey Mountain.

Q: So paliwanag niyo yung sa Navotas.

Villar: Ngayon nililiwanag ko muna kasi ang isyu eh kami ba ay mahirap o mayaman.

So nililiwanag ko na talagang nung mga taon na iyon, dun kami ( Morones) isang banig, sampu kami, mahirap kami. Nagtitingi ang nanay ko ng hipon. Ngayon sa sikip naming, dahil sa sobrang sikip naming, ang tatay at nanay ko nag-uusap iyan. Umabante naman, siyempre umangat ang buhay. Umutang ang tatay ko sa GSIS. Ito'y niresearch, kasi nakalimutan ko na ang iba dito. Mga 11 ako o 12.

Q: So ipinanganak ka hanggang 12 masasabing mong mahirap ka?

Villar: Oo, very poor kami noon, pero nang makalipat kami sa navotas, poor na lang kami. Dahil ang buhay ng mahirap, kapag ikaw ay squatter at bibili ka ng bahay, sa unang bili mo ng bahay, ikaw ay maghuhulog, mamimilipit ka diyan.

Nabasa ko sa isang article ni Winnie Monsod na yun daw ay isang plush subdivision. Alam mo,yan ang tingin niya ngayon. Noong kami ay lumipat doon, yun eh di sementado ang kalye, wala pang aspalto, lupa lang ang kalye. Iyun eh malapit sa Smokey Mountain. Makalampas ng sunog-apog bridge, pag lampas mo ng sunog-apog bridge, nandun na iyun. Bumili kami ng lupa dun, ang mga bahay dun, siguro sa buong subdivision baka halos lima o sampu lamang kami.

Anchor: Para sa hindi nakasubaybay masyado, eto yung subdivision sa Navotas kung saan kayo lumipat, San Rafael village.

Villar: Ngayon maganda na iyun at ipapaliwanag ko mamaya kung bakit gumanda iyan. Pero noong lumipat kami diyan eh wala pa, kami pa lang ang bahay diyan, siguro mga sampu lang kami. Kilala ko nga mga kapitbahay namin at lupa iyan hindi yan sementado, aspaltado, walang guwardiya iyan at ang baho at tsaka most of the time, lubog tuwing baha. Hindi umaalis ang lubog kaya talagang pangit ang lugar.

Q: sinasabi ata nila kung ikaw mahirap, eh kasi kaya mong bumili ng lupa sa isang subdivision, yung isang mahirap daw hindi naman kayang bumili ng lupa.

Villar: Hindi naman, mali naman sila roon. Mga low-cost housing ko talagang mahihirap din, subalit inutang mo nga eh. Hindi ko naman kinash, inutang naman ng tatay ko yan. Sabi ko nga, ang pinag-uusapan natin dito eh kami very poor na naging poor; because malayo pa kami sa pagiging haciendero. Malayong-malayo. Nililiwanag ko yun. Ngayon siyempre hirap kami diyan dahil nagtatayo kami ng bahay; two bedrooms ang bahay. medyo malaki ng konti, malaki kumpara dun sa dati naming isangkwarto lang. 560 square meters. Sinasabi ko nga, lupa lang ang daan, at anyway, inambisyon ng tatay ko yun. Nangarap, so yun at dun na kami nagtayo. Unang lipat naming doon, eh two bedrooms din. Pareho din kaya lamang ay may bedrooms na pero two bedrooms. Siyempre nahirapan kami, dahil nagpupunta sa pagtayo ng bahay ang pera at tapos eh utang. Tapos, nangyari pa yung sa kapatid ko. Talagang hirap na hirap kami.

Noong nasa Tondo, pagkaka-alam ko eh may sakit na ang kapatid ko. Siyempre pag nagkakasakit kami dun lang kami nadadala sa tabi-tabi sa Tondo. Siyempre nung bandang huli na, medyo lumalala na ang kapatid ko. Namamatay Na, kaya dinala na namin sa FEU daw. Trinace ko dahil may pinsan ang tatay ko dun na nurse; at least makakatulong. Charity ward namin dinala. Marami kami sa kwarto, Namatay din ang kapatid ko.

Q: Kinamatay ay leukemia?

Villar: Yann ang sakit ng lahi naming. Pero nun panahon na iyun hindi mo naman alam kung ano ang leukemia. Basta lumalaki ang tiyan ng kapatid ko kaya awang-awa ako sa nanay ko nung panahon na iyun. Talaga namang namimilipit sa pera na halos wal ng pambili ng gamot. Ito'y nararamdaman ng mga mahihirap- yung saan ka kukuha ng pera pag nagkakasakit ka.

Ang problema pag namamatay na. Akala ng mayayaman kasi, yan ang problema sa mga hindi nakakaranas ng hirap, ang mga laki sa layaw, hindi nila nauuwaan kapag namamatay na ang kapatid mo, dadalhin mo rin sa ospital at tsaka ka na mag-iisip kung saan ka kukuha ng pambayad. Mangungutang ka na, isasanla mo kung ano ang masasanla mo pero hindi mo hahayaan mamamatay ang kapatid mo ng hindi mo man lang madadala sa ospital. Bahala na ang pambayad. Ang mahirap ganyan din ang ginagawa.

Nung mamamatay naman ang kapatid ko, eh siyempre funeraria paz. Exclusive daw ang FEU.

Q: Related text, sabi Jose Reyes hospital and San Lazaro nearest hospitals to the villars hindi daw FEU?

Villar: Teka muna, pero may pinsan nga kami doon; pinsan connection ang ginamit naming. At tsaka ward din naman eh; tsaka mamamatay na nga eh- ang ibig mong sabihin, eh kahit may kilala ka baka sakaling may maitulong eh, hindi mo gagamitin? Alam mo, ang mahirap kasi maski, sa patalim kumakapit pagka ganyan.

Q: Sagot ng pinsan?

Villar: hindi naman sagot, pero matutulungan; nakaka-discount, yun mga ganun at tsaka hindi naman namin alam na aabutin ng kung ilang araw. Akala namin mabilis lang, eh kasi hindi mo naman alam kung ano ang kalalabasan until matapos. Ngayon sa Funeraria Paz na issue- nandun na iyun. Parang pinapalabas na mahal daw iyun. Pero ang sabi ko, ang alam ko, ang kapatid ko binurol sa bahay namin. Tandang-tanda ko iyan- ibinurol sa bahay, hindi sa funeraria paz. Kung meron Funeraria Paz, siguro sila ang nag-ayos baka ahente nila nandun sa ospital nang mamamatay ang kapatid ko. Pero ang kapatid ko binurol sa bahay. Having said that, eh ako naman, nagtataka naman sa kanila. Yan ang problema talaga ng mayayaman: hindi nauunawaan yung buhay ng mahirap. Ano ang masama naman na ilaban mo iyang kapatid mo? Nangangahulugan ba na hindi ka nababahala na wala kang pambayad? Siyempre problema namin nung mamamatay ang kapatid ko. Siyempre, tsaka ka mamomoblema kung paano magbabayad ng mga utang mo. Iyun eh tipikal na nangyayari sa ating mga mahihirap na kapag mamamatay na ang mahal mo sa buhay , dadalhin sa ospital. Napakarami sa akin lumalapit, hindi nababayaran hindi malaman kung papano ilalabas yung bangkay sa ospital dahil walang pera. Eto ang sinasabi ko na pinipilit guluhin ang isyu na para bang mamahaling ospital, dinala sa first class, therefore hindi mahirap. Pinakamalayo yan sa katotohanan. Talagang kami naman ay may kilala lang doon at kahit sa patalim kumakapit na at mamamatay na nga ang kapatid ko. Yan ang unang pagkamatay sa pamilya kasi pagkatapos yan, dalawang kapatid ko pa ang namatay. Kaya sabi ko hindi namin alam na mamamatay nga. Alam ko nag-iiyakan kami nong mga kapatid ko. Ilang gabi kami umiiyak nun, nagrorosaryo pa kami gabi-gabi dahil nun malaman namin na parang terminal, ngayon ko lang naalala nung binibira nga ako. Pero yung papalabasin naman na hindi kami mahirap, sobra naman iyan.

Pabayaan mo, iimbitahin ko ngayon gabi si noynoy; anytime, sasamahan ko sa bahay namin sa Moriones. Ituturo ko sa kanya yung kung saan ako lumaki; ikukuwento ko sa kanya kung saan ako naglalaro, ang playground naming; kung saan yun puwesto namin sa palengke, kung saan kami nagtitinda, kung saan ako nag-aral. Ituturo ko sa kanya lahat yan para malaman niya ang buhay mahirap. Alam ko na hindi siya nakatikim niyan at sana naman ako'y samahan din sa hacienda luisita dahil gusto ko namang makita kung saan pinatay ang mga farmers doon. Ako naman eh willing akong samahan siya sa Tondo, samahan lang niya ako sa hacienda luisita pagkatapos, kasi naman ang mga pinatay na farmers doon eh nakakaawa naman. Gusto ko rin naman maunawaan iyan at palagay ko gusto ko rin naman maunawaan ng taong nakikinig ngayon na itong isyu ito sa kahirapan sasalubungin ko ito. At ako's sasamahan ko siya, ikukuwento ko sa kanya pati saan ako naglalaro, kung ano ang Katubusan theater doon, saan kami nagsasaranggola. Sasabihin ko sa kanya kung saan ako naliligo kapag bumabaha, sasabihin ko lahat sa kanya yan pero sasamahan lang niya ako sa hacienda luisita para naman makita ko rin.

Q: Baka naman liberal magreklamo nagsabi sila kanina na hindi galing sa kanila yung mga dokumento.

Villar: For the record, wala naman akong nakikitang masama sa mga documents. Hindi nirerefute ang dokumento; sa ward naman yon at may kilala naman ang tatay ko at ng mamamatay naman ang kapatid ko, ang tanong, alam ba nila kung nabayaran namin kaagad; alam ba nila kung inutang namin ang sinasabi dun na funeraria paz; nililiwanag ko na binurol ang kapatid ko sa bahay namin. Ano naman ang masama dun, kaya so far wala, na ang titulo sa amin, yes, meron daw kaming pag-aari sa balut, yes. Hindi ba kapag naiutang sa gobyerno, kapag bumili ka ng bahay, ilalagay mo sa pangalan mo iyan at iuutang mo. Pero yung una naming bahay sa moriones, hindi amin yun. At in fact pakikita ko rin sa kanya at may dokumento rin na kabibili ko lang noon two years ago.

Anchors: Ipinakita ito noong proclamation rally:

Villar: at doon kami sa third floor lahat ipinanganak. At ituturo ko lahat kung saan kami kami nagtinda.

Anchors: yung isa pang isyu na ibinabato nila sa inyo, dun ka naman daw nag-aral sa holy child catholic school na isang pribadong iskwelahan.

Villar: Ayan na naman. Alam mo na-master na nila yung technique ng pagbabaligtad ng information kamukha ng ginawa nila diyan sa C5,binalibaligtad nila. Alam mo nag-aaral ako sa Isabelo delos Reyes noong araw- grade 1. Ngayon naglakwatsa ako dahil tumutulong ako sa nanay ko. Tamad na ako mag-aral; eh nag-drop out ako, inaamin ko naman iyun.

Susunod na school year, dun sa kabila, ang tondo parochial school. Kasi ang mga pari doon nagtayo ng iskwelahan para sa mahihirap. Private yun para sa mahihirap. Nun mga panahon na iyon, mas mataas pa ang standard ng public school kaysa sa private. Ngayon pinalitan na ang pangalan ginawang Holy Child catholic school. Nung time naming, pangit pa yan; at saka hindi nga lang maganda ang standard tiulad ng isabelo delos reyes. Very convenient, kasi tumawid lang ang nanay ko sa kabila. Yun lang ang walking distance mula sa bahay namin na iskwelahan.

Ngayon ang sinasabi naman nila na exclusive school yon, certainly hindi Ateneo yan o La Salle . Malayong malayo naman iyon. Ang sa akin kasi, ginugulo ang isyu rito. Sabi ko nga ang pinagtatalunan natin dito, nililiwanag ko lang ay kung kami ay dirt poor or poor lang. Pero malayong-malayo po kami mga La Salle.

Kasi nakikita ko plush, gated subdivision, exclusive school, eh nililiwanag ko isabelo delos reyes ako galing kaya lamang nag-drop out lang ako dun kaya nga lumipat ako sa walking distance sa bahay namin at hindi ito ang standard, isabelo mas mataas pa kaysa doon.

Anchors: Yung isa current issue, survey, bumagsak po ang rating niyo sa survey, ano po ang gagawin ninyo?

Villar: well, unang-una 50 naman ang dipirensiya nung September survey. 50 ang hinabol namin at sabi ko 50, naging tabla. Ngayon naman naging napakaraming black propaganda lumabas sa akin pero okay naman din. Puwede na iyan, hindi naman puwede puro lahat ng balita maganda at sabi ko kung nakaabot kami ng 50 noon, eh ngayon nasa nuwebe happy na kami.

Anchors: Ano strategy?

Villar: hindi naman pupuwede sabihin pero ibig ko sabihin, alam naman namin ang nangyari na at kaya naman namin iyan at naniniwala kami habang palapit na eleksiyon sa delivery naman kayang-kaya namin ito at very confident pa rin kami. Hindi naman puwedeng, sabi ko nga kahit mataas ang rating, gumaganun ganun iyan. May mga ups and downs yan, so malungkot ba ako? Malungkot ako, pero worried hindi masyado.

Anchors: Text, do not let your believers down (texter)

Villar: Hindi po. Talagang yan ang aking pangarap ay ipaglalaban ko naman yan at hindi ko hahayaan yun mga ganito na maabala tayo. Puwede ring mangarap ang mahirap; hindi kailangan may minana ka.

Alvin : Nabanggit ni Linda ang salitang bilyonaryo, ang worry ng iba since ang gagastusin ninyo ay bilyun bilyon, or milyon-milyon, ang sinasabi baka bawiin ninyo pag nanalo presidente.

Villar: Anng sa akin, number 1, tanungin natin yung hindi niya pera ang ginagastos kung saan sila kumukuha ng pera dahil yun ang siguradong magbabawi. Babawiin ng mga nagdodonate yung kanilang dinonate. Pangalawa, sa akin naman, napakarami ko ng pangarap na natupad; natupad ko ang pangarap ko sa larangan ng negosyo; malaki na naman iyan, marami ang matitira, ibinigay ko na nga sa mga anak ko iyan. Natupad ko na ang pangarap ko maging speaker nung akoy maging congressman; naging senate president ako. Pero ang isang pangarap ko ngayon, ang pinakamalaki sa lahat, kung ako'y magiging pangulo, ay ang maiaahon ko itong ating kababayan mula sa kahirapan. Ito'y isang bagay na hindi mo mabibigyan ng halaga na palagay ko kapag nagawa ko yan, mapamamana ko sa anak ko ang pangalan ko. At yung kasiyahan na yung milyun-milyon Pilipino naiahon mo, ito'y isang bagay na hindi matutumbasan ng pera kaya hindi kailangan bawiin iyan, hinding-hindi ko babawiin iyan.

Alvin : Pero si noynoy, nagsasabing hindi siya magnanakaw, can you also say the same thing?

Villar: Definitely hinding hindi ako magnanakaw; hindi ako nagnakaw, hindi ako magnanakaw. Sinasabi ko yan dahil ako kasi, ginawa ko naman ang pera ko sa malinis na paraan. Kaya kong ipaliwanag kung saan ako kumita; kinita ko po iyan sa larangan ng pagnenegosyo- number 1 na akong pinakamalaking builder bago pa ako pumaasok sa larangan ng pulitika.

Linda: hindi naman isyu na mahirap noon, ang isyu ay ang personal niyang interest sa kanyang mga negosyo nakita na natin sa C5, paano siya pag nanalo, di lalo niyang poproteksiyunan ang kanyang negosyo.

Villar: Babalikan ko naman yang C5, mabuti na bring up niyo iyan. Alam naman natin na ang lahat ng nag-akusa sa akin diyan eh in the end ay tumakbo ng pagkapangulo. Pangalawa, naipaliwanag ko na lahat iyan- na wala namang double entry sapagkat ni hindi man lang narelease yung project na iyun papano naman magkaka double entry; dalawang proyekto yan; naipaliwanag ko na na walang realignment. Inuulit ulit ko ngayon nga nagsalita si Bro Mike siya ang nagpa-realign; sabi ko nga sa diyaryo, naheheadline ako sa C5 nung magsalita si Mike na siya ang nagpa-realign eh nasa page 10 ata. Sabi ko naman kawawa naman ako doon. Sinasabi ko na ito'y naging biktima ako dito sa C5, sa halip na pinigil nila ako, ngayon may maipagmalaki ko ang proyekto. Kasi bago yan C5 wala pa akong maski isang eskandalo at issue, hindi nainvolve pangalan ko sa anumang anomalya pero kinakailangan lagyan nila. Kaya ngayon, naipaliwanag ko naman iyan at itong proyektong ito ay nagbibigay benepisyo sa halos 10 milyon kababayan natin sa Cavite , Laguna, Paranaque , Las Pinas, Makati , Taguig, Pateros. Yan ang nakikinabang ngayon diyan, kaya inuuulit ko po wala akong kinita sa C5; ito'y isang proyektong ipinagmamalaki ko kaya ang sinasabing nakita na anomalya sa C5, wala pong nakita; wala po akong ginagawang masama diyan. Wala akong kinukuha diyan maski piso.

Linda: related question, bakit ang tagal na ng isyu ngayon lang nagsalita si Bro Mike?

Villar: Hindi nga pinatawag. Ako nga nagugulat dito at nagagalit ako ditto; mayroon palang na-mention dun sa senado na pangalan niya. Normally iniimbita iyan, hindi ko malaman bakit hindi inimbita si Bro Mike para makapagpaliwanag dito at palagay ko maliwanag na, na kaya lamang hindi inimbita iyan eh baka sabihin pa siya nagpa-realign, eh mawala sa akin yung focus, ma-exonerate ako.

Alvin : dati pang handing magsalita si Bro Mike

Villar: si Bro mike hindi nila pinatawag eh at nagtataka rin ako kung bakit hindi pinatawag. Ngayon ko nakikita itong conspiracy na talagang pinagkaisahan ako nitong makakalaban ko sa pulitika na pawang tumakbo lahat na presidente. Ang daming witness na maliliit na tao pinapatawag nila but the one witness that could have shed light hindi nila pinatawag dahil maliliwanagan na wala kong kasalanan dito sa C5.

Linda: I remember C5 hearing na mayroong lumabas na sulat kung saan nakapirma yung amber holdings ni bro mike, yung sm prime holdings at ang Adelfa properties ninyo. Tatlo nag-request.

Villar: Pero siya ang nag-initiate niyan, kami lamang kumuha ng taga suporta sa amin.

In fact hindi ko maidodrawing kung ano ginawa niya at niliko niya. To be fair with Bro Mike hindi bawal iyun. Yun realignment na iyun ay usually is a request granted normally dahil dadaanan ka naman at hindi puwede wawasakin ang property mo. Normal naman iyun hindi bawal yun pero ibig sabihin, siya iyan, hindi kami iyan kasi tatamaan yung shrine. This is a group effort - itong C5 project na ito kasama na mga congressmen, mga mayors diyan. Sama sama yung proyekto na iyan kaya lamang ako lang ang kandidato sa pagkapangulo kaya ako lamang napipinpoint o pinag-iinitan.

Anchors: Kayo daw ay supported ni Gloria. Hindi nyo daw kasi binabanatan.

 

Villar: Unang-una kami, lahat ng NP ang naghandle ng mga malalaking imbestigasyon sa pangulo. Ako ang nag-head ng imbestigation  sa jueteng; sa Garci si Gilbert Remulla, sa ZTE, si Sen. Alan Cayateno. Kaya NP lang ang nag-imbestiga.

 

Kung gusto kung ipagtanggol si presidente eh sana pinigil ko yan mga yan, pinatuloy ko. Pina-aresto ko si Joc Joc Bolante. Kinukwestyon ng senado ang lahat ng action ng pangulo noong ako ang Senate President, at kami actions speak louder than words. At simula ng tanggalin ako ng pangulo ng pagkapangulo ng Senado, eh di kami naguusap na dalawa at si FG. By the way, ako openly na napakaraming policy ng pangulo na nagprotesta kami.

 

Lumilipat daw sa akin ang mga Lakas. Yan si Zubiri...

Aang tanong ko naman, bakit naman noong lumipat si Belmonte, Recto at Echeverri, bakit naman di naman pinagbintangan Arroyo si Noynoy.  Bakit naman sa akin pag may lumipat, ako daw ay Arroyo. Bakit naman ganun? Nauna naman ang lipatan kasama nila ang former cabinet ng pangulo.

 

 Eh yung mga former cabinet members kasama ng pangulo dati, kung sinasabi natin na ang pangulo ay corrupt, ibig mong sabihin naging corrupt lang ang pangulo pag alis nila? Kung sinasabi mong corrupt ang pangulo baka noon pa yun eh di kasama din sila; the very same people that brought us where we are now, andun na tayo sa kinalalagyan natin ngayon, eh yan din ang kasama niya ( Noynoy) at marami pa siyang kamag-anak na kasama ng pangulo, di ba? Ako walang kamag-anak na kasama ng pangulo. Si Noynoy yata anim o lima, eh bakit ako ang dapat magpaliwanag, eh sila ang nag-imbento ng villaroyo, sila rin ay kailangan magpaliwanag.

 

Sa palagay ko nakakalimutan na ako’y dating speaker, ang misis ko ay president-elect ng lady legislators, so even then, the two of us ay nakikisama. Kami sa pakikisama namin, mga kaibigan din naman yan at kaya pag nagpilian, kami rin ang pipilian niyan, hindi dahil sa pangulo. Sa election nangyari yan kay Speaker Mitra, nangyari kay speaker De Venecia, kaya pag mahina ka iiwanan ka, walang kinalaman ang utos dito, utos doon. That’s the reality ng politika at yan ay....(inaudible) talagang pag ganyan ang score mo iiwanan ka. 

 

Anchor:di ka ba natatakot yung dalawang binanggit mo Speaker Mitra, de Venecia parehong sumabak sa pagkapangulo tapos di nanalo.

 

Villar: Kasi Hindi sila naging senate president. 

 

Anchor: Sabi ng isang texter ngangako ka daw ba na iiwanan mo ang mga negosyo mo pag nahalal kang presidente para maiwasan yung conflict of interest. 

 

Villar: Sa ngayon lahat ng aking mga negosyo ay sa mga anak ko na. 

 

Anchor: At hindi ka nakikialam. 

 

Villar: Ako kung ano ang batas susundin ko yan, wala akong iiexcept dyan, susundin ko yan. 

 

Anchor: beyond sa mga batikos at mga question, bigyan daan natin yung mga ganitong tanong. Sen you’ve been promoting entrepreneurship among the youth for many years; if you are our president, what is your specific program for entrepreneurship for the youth.

 

Villar: Marami yan, talagang gagawin kong pinamalaking component ng aking programa yung enterpreneurial revolution. Ang gusto ko  lalong-lalo na sa mindanao yung sa mga muslim nating kapatid dun na mayron mga enterprising na mga kasama. Dapat talaga mailagay sa isipan ng ating mga kabataan na puede tayong magsarili. Aalisin ko yun mentality na kailangan tayong maging empleyado. Yan buburahin ko yan, talagang ikakalat ko yan, paulit-ulit kong sasabihin yan na kaya natin maging enterpreneur, magsarili, kasi yun lang talaga ang makakalutas ng paglago ng ating ekonomiya.

 

Anchor: Sabi ni gigi, kung hindi kayo tumakbong presidente, sino kaya ang karapat-dapat na maging presidente sa mga kandidato ngayon.

 

Villar: Isa lang ang masasabi ko, ang pagkapangulo ay di biro; hindi ojt, walang probationary period ang pangulo at sino man maging pangulo  ay mahaharap sa napakalaking problema. Kinakailngan ipakita niya na mayroon na siyang malaking karanasan, kakayahan mamahala at liderato. Kinakailangan yan ay naipakita na niya, hindi pwedeng ipapakita lang niya ang mga bagay na yan pag siya’y pangulo na. Napakalaking bagay sa ating mahihirap na kababayan ang dapat maayos ang pangulo.

 

Anchor: Cris coloma, pro-komunista ka ba, bakit mo kasama si Satur, kalaban si satur ng mga sundalo at pulis.

 

Villar: Alam mo huwag ganyan. Sa atin pong lipunan mayroon kaliwa, may kanan. Napakahalaga po kung tayo po ay mabubuo bilang isang lipunan na tayo pong lahat ay magsamasama. Hindi po naman tino-tolerate at hindi po naman papayagan ang anumang labag sa ating constitution, yun mga pumapatay o nanggugulo, hindi po namin papayagan yan.  Amin po, kasama sila sa proseso, Napakahalaga po na lahat ng sektor ng ating lipunan ay represented para tayo’y mabuo ma-unite; hindi po ako komunista, hindi po ako naniniwala dyan; pero naniniwala ako, samasama po kami sa  paniniwala na dapat tapusin ang kahirapan at ito’y sobra-sobra na. Sinasabi kasi ng maraming tao na hindi pwedeng tapusin ang kahirapan. Yan po ay inilalagay sa ating isipan ng mga tao gustong magjustify na hindi nila napamahalaan ang maayos ang ating bansa. Ang totoo niyan tayo na lang ang naiiwang bansa sa Asya. Ang Japan, Korea, Thailand, Malaysia, India China, ay nakatapos na sa kahirapan. O patapos na, tayo ay naiiwan. Kaya ang sagot ko dyan, kayang tapusin ang kahirapan, in fact tayo na lang ang nahuhuli. 

 

Anchor: It’s not a question of poor or wealthy, but rather it is a question whether Villar will steal and further enrich himself or his cohorts in power.  Let Villar explain the bussiness deal he has with the R2 builders. 

 

Villar: Wala akong business deal with R2 builders. 

 

Anchor: Pinofloat daw ng mga R2 builders personality na mayroon silang business deal .

 

Villar: Si Reghis Romero ay kaibigan ko naman. Inaamin ko naman tumutulong sa akin yan, meron silang group na MOVE, pero wala kaming business deals. 

 

Anchor: Ang ganda naman ng ad ni Col. Ariel Querubin. Nakakaiyak. Ang swerte nyo at nakasama ninyo ang magiting na sundalo. Tiyak na makukuha ninyo ang boto namin. 

 

Villar: Salamat naman 

 

Anchor: Gusto namin dito si sen Villar sabi ni cris ng valenzuela, kakwentuhan po ng nanay ko yung isang tindera na kasabayan ni sen. Villar sa palengke at  nakita daw po talagang nagtitinda si Sen villar. 

 

Anchor: How was your mother taking all of this... 

 

Villar: Ang  nanay ko ngayon ay bulag na. Anyway kinikwento ko nga yan, naiiyak nanay ko. Sabi ko nga, Nay, kinukwenstyon na kayo’y raw nagtitinda ng hipon. Ang sabi niya, buong buhay ko nagtitinda ako ng hipon. Buong buhay ng nanay ko nagtitinda yan, naging malaki yan ng konti nung matagal na. Nung kami  bata pa, tingi-tingi lang yan. Pero noon dati napapa-interview ko yan; napalabas nga sa ch-2 ang storya niyan-- Maalala Mo Kaya. Marami na akong napa-interview sa kanya, alam nila ang buhay ng nanay ko. 

 

Anchor: Binanggit niyo na bulag na ang nanay nyo baka kalkalin nila yung medical records ni ano, ni nanay coring. 

 

Villar: Papuntahan na lang nila, papakita ko na lang. pero kakalkalin din yan, ang galing nila mag research. 

 

Anchor: —Tinulungan na ba ang mga hinimatay sa miting de avance

 

Villar: Ako’y nagugulat dyan. Na may isang bata daw na gusto akong makausap na nakita ng isang reporter. Hindi ko nalaman yun. Tapos pinapalabas ng reporter na nakausap naman yun bata na hindi nakahingi ng tulong sa akin. Pero ang nangyari, pinahanap ko yan at sabi ko kailangan matulungan nyan. Kaya tutulungan namin ngayon yan bata na yan at ipapa-opera namin at least kahit papaano makatulong kami sa kanya. 

 

Anchor: Baka maisyuhan kayo ng vote-buying nyan.

 

Villar: Sabi ko kung maisyuhan, di bale na lang makatulong lang kawawa naman talaga yung bata.

Anchor: Ano ang stand mo sa jueteng? Ihihinto mo ba ito?

Villar: Ang sa akin, lahat ng bawal ay bawal. Wala kang magagawa dyan.

Anchor: May isang personalidad kasi na nauugnay sa jueteng na ngayon ay nasa kampo niyo, ito ay si Governor Sanchez at Chavit Singson.

Villar: Unang-una ang pagkakakilala ko kay Chavit ay siya ay isang gobernador. Kung siya’y may ginagawang hindi maganda, labag sa batas, wala akong alam dun. Pangalawa, si Arman Sanchez dati naman ding gobernador, Liberal Party member nga siya. Alam mo naman na iniwan tayo ni Ralph Recto kaya naman siya ang ating kalaban.

Anchor: Sana naman daw wag gamitin ang mga bata sa inyong mga commercial. Is that your strategy na gamitin ang mga bata?

Villar: Para sa akin, sila ang kinabukasan. Ang lahat nang ginagawa natin ay para sa kanila. Symbolism yan. Hindi naman pwedeng puro retirable ang gagamitin mo. Syempre ang mga bata ang ating kukunin. Para makita, mahanda at maayos natin ang buhay nila. Sila’y humihingi ng tulong, tapusin ang kahirapan para paglaki nila meron silang magandang kinabukasan.

Anchor: Sino ba ang gumawa ng ads nyo? Kahit anong sabihin mo may dating yung ads, the song, yung paggamit ng mga videos.

Villar: Si Merly yon.

Anchor: Binigyan mo na ba ng bonus?

Villar: Ang awitin na yon kaya pumatok, ay iyon ang tunay na nagsasalarawan ng kalagayan ng mahihirap sa ating bansa, kaya yon nag click sa lahat. Talagang iyon ang buhay ng mahirap.

News Latest News Feed