Press Release
April 23, 2010

Noynoy: Hindi kabado si Mar kay Binay

Sa kabila ng paglabas ng suporta ng ilang mga pulitiko at grupo para sa isang tambalan ni Sen. Noynoy Aquino at Makati Mayor Jejomar Binay bilang Presidente at Bise-presidente, kampante si Sen. Aquino na ang tambalang Liberal Party nila ni Sen Mar Roxas ang magwawagi at magsusulong ng tunay na pagbabago sa bansa.

"Ang numbers ng aking partner consistent," sabi ni Sen. Aquino sa isang ambush interview habang nakamotorcade mula Solano hanggang Bayombong sa Nueva Vizcaya noong Biyernes. "Malaki ang lamang niya; at lalaki pa ang lamang niya sa mga darating na araw." Kasama ni Sen. Aquino sa pangangampanya sa Nueva Vizcaya, Isabela, at Cagayan ang kanyang katambal na si Sen. Roxas at ang kanilang mga kapartido na tumatakbo sa pagkasenador.

Sa mga nakaraang araw, naglabas ng suporta si Sen. Chiz Escudero at ang Partylist group na Ang Ladlad para kay Sen. Aquino pero hindi kay Sen. Roxas, ngunit hindi nabahala ang huli. Aniya mas importante ang suporta ng taumbayan kesa sa suporta ng sino mang pulitiko.

Ani Sen. Aquino, ang labanan ng mga katunggali ni Sen. Roxas ay para na lamang sa number-two position sa Vice-presidential race.

Sa mga huling pre-election survey, malaki ang lamang ng tambalang Aquino-Roxas. Sa Manila Broadcasting Company survey na ginanap noong Abril 16 sa 6,900 na katao, 38.6% ang nakuha ni Sen Aquino at 41.4% ang nakuha ni Sen Roxas. Ang mga pumapangalawa sa kanila ay sina Manny Villar (22.8%) sa pagkapresidente, at si Jejomar Binay (27.3%) sa pagkabise-presidente.

Sa survey naman na isinagawa ng Makati Business Club noong Abril sa kanilang mga miyembro, nakakuha si Aquino ng 61%, habang pumapangalawa sa kanya si Lakas-Kampi-CMD bet, Gibo Teodoro, na nakakuha ng 14%. Samantala, 7% ang nakuha ni Manny Villar.

Si Roxas naman ay nakakuha ng 79%. Pumangalawa sa kanya si Binay, na nakakuha ng kapiranggot na 12%.

News Latest News Feed