Press Release
April 27, 2010

Transcript of Interview in DZRH with Joe Taruc with Sen. Manny Villar

Q: Marami ang nabigla sa paglabas ng inyong inang si Aling Curing kahapon sa mga kagawad ng media, ito po ba ay napag-usapan sa inyong pamilya bago ginawa nya ang naturang pagsasalita?

Villar: Alam mo, kasi kami ay hiwa-hiwalay ang ginagawa, ni hindi ko alam na sya pala ay mai-interview. Kahapon ko lang nalaman yan ng ako ay tanungin ng media kung ano ang reaction ko dun. Nakakaawa rin naman ang aking nanay talaga dahil nararamdaman nya yan. Bagamat itinatago na lang namin sa mga sarili namin kasi kapag weekend ay dumadalaw ako dun at nagkukwentuhan kaming magkakapatid saka ang nanay ko. Ang nanay ko kasi ay hindi na nakakakita ngayon. Nabulag na last year. Sa TV, naririnig lang nya ang mga sounds pati sa radyo. Kaya pag sobra naman ang daming batikos, alam naman nya na hindi mga totoo. Syempre bilang ina ay naiiyak sya.

Q: Mukhang labis na nasaktan ang inyong ina kaugnay sa mga pagbatikos na ginagawa ng inyong mga kalaban sa pulitika, Senator Villar?

Villar: Alam mo, nag-iimbento na kasi. Alam naman natin, ang problema naman, napakarami natin accomplishments na nagawa sa buhay. Pitong taong gulang pa lang ay nagta-trabaho na ako. Madami ang aking nagawa. Ang ginagawa naman ng mga kalaban natin ay pipili ng isa o dalawa at babaligtarin yun mga isyu. Pagkatapos yun magaganda kong nagawa ay pilit na pinapapangit. Pinagtatakpan kasi nila na wala silang nagagawa.

Sa tingin ko, mahalaga rin na tingnan natin na wala naman silang nagawa, ako napakadami. Meron silang pinapakita na isa, dalawa, tatlo. Pero parang ang impression, yung isa, dalawa, tatlo na ginagawa ko, maaaring isang daan yun. Pero tingnan natin ang kabila naman, ano ba ang kanilang nagawa? Halimbawa kalye. May nagawa ba silang mga kalye?

Halimbawa ang isyu na ni-raise nila tungkol sa Vista Land. Ang Vista Land ay dapat papurihan dahil nakapagpasok ng foreign investments. Yun mga kumpanya na nakakapagpasok ng foreign investments sa atin ay pinapapurihan, pero ano ang ginawa nila? Siniraan pa kami. Sa akin naman, kapag may ginagawa kami na ganito na parang bihira lang naman ang nakakagawa sa ganitong bagay na dapat ipagmalaki ninuman. Naging entrepreneur naman talaga ako sa simula...Ano na ba ang nagawa ng ibang kandidato. Halimbawa kapag sinabi ng isang kandidato, "babaguhin ko ang lipunan". May nabago na ba sya? May nabago na ba sya sa buong buhay nya? Dahil kung wala pa, malamang di sya makapagbago sa ating lipunan. Pangalawa, kung sasabihin nya na aayusin nya ang kabuhayan, may naayos na ba sya sa kabuhayan o kahit sa kabuhayan nyang sarili. Kung hindi pa, di naman din nya maaayos ang kabuhayan ng bansa.

Hindi naman pwede na dahil negatibo ang usapan sa pulitika, dapat takpan ang kawalan ng karanasan at kakayahan at walang track record nung mga ibang kandidato. Parang nagmumukhang napakagaling dahil wala naman pag-uusapan. Wala kasing nagawa. Halimbawa, kung ikaw ang basehan mo sa pagiging lider ay naging legilator--senador o congressman, siguro magandang tingnan natin ang record na ilan ba ang napasa mong bill? Ilan ang na-file mo? Kung wala pa, di yan ang magiging basehan ng magiging performance nya kapag sya ay naging pangulo. Ako naman ay nagmamalaki dahil napakarami kong napasang bills sa Senado, pangalawang pinakamataas ako sa dami ng naipasang bills. Ang daming naaprubahan. Maganda ang record natin sa Senado at sa Mababang Kapulungan at sa private sector. Ang pagkawala ng performance, sa tingin ko, ay isang mas malaking isyu ngayon sa election kesa mga maliliit na black propaganda naman. Mahalagang pag-usapan din. Nagkakaroon ng maling image ang mga tao, akala nila napakagaling ng isang kandidato dahil walang nasasabing mali, yun pala dahil wala pang nagagawa.

Q: Sa madaling salita, track record ng isang kandidato ang dapat gamitin na batayan sa pagpili ng ating iboboto?

Villar: Lahat ng plano pare-pareho kami ng sasabihin--babaguhin ang lipunan, tatapusin ang corruption, aayusing ang ekonomiya--subalit ang tanong, sino ba ang kayang gawin yan? Sino ang may kayang gawin ang sinasabi nyang plataporma? Ang baseha lang yan, ang pwede lang basehan kung papaniwalaan o hindi ay ang aming mga nagawa noong nakaraan. Kung ang track record namin ay track record na may nagagawa; track record na magaling ang trabaho; track record na maganda ang performance bawat may gagawin. Yun, malaki ang posibilidad na magagawa nya ang sinasabi nya. Pero kung ang track record ay walang nagagawa, walang nagagawang magaling, paano naman natin sasabihin na magagawa nya ang plataporma nya?

Q: Naging isyu rin kahapon, sa hiwalay na pagkakataon, yun ginawa raw pagdalaw ni Congressman Gilbert Remulla kay Andal Ampatuan Sr. habang ito ay nasa isang military hospital sa Mindanao. Bago maging ugat ng dagdag na kontrobersya laban sa inyo, ito ho bang pagdalaw ni Cong. Gilbert sa pamilya Ampatuan ay paninindigan ng partido?

Villar: Hindi naman. Nililiwanag ko na hindi ko alam yan at kakausapin ko nga si Gilbert mamaya kung ano ang nangyari na yan at kung ano ang usapan na yan. Ang pagkakaintindi ko kahapon, binalita nga sa akin, yun kanilang usapan ni Adel (Tamano). Nais ko silang kausapin at liwanagin kung ano itong isyu na ito.

Q: Alam ba ninyo na ilan sa nagmamalasakit na tao ang nagmumungkahi na kung minsan na hindi naman bawat batikos sa inyo ay kailangan sagutin, na kailangan iprisinta sa tao ang inyong plataporma bago raw maubos ang inyong panahon sa kakasagot sa banat ng inyong mga kritiko. Ano pong reaksyon ninyo tungkol dito sa naturang mga mungkahi.

Villar: Yun nga ang gusto ko sana gawin, kasi ang ginagawa ng ating mga kalaban kaya minsan hindi tayo tumataas (sa survey) ay inuubos yung aking oras sa pagsagot sa mga isyu na alam naman natin na balang araw ay maipapaliwanag naman at kapag naipaliwanag naman ay hindi naman hihingi ng dispensa. Pero ngayon ay halalan, pumipili ang tao ngayon ng gagawin nilang pangulo na mamumuno sa kanila sa darating na anim na taon. Dito magkakaroon ng kaliwanagan kung ang milyon-milyon nating kababayan ay magkakaroon ng pag-asa. Yung mga nagugutom ay makakain; yung mga walang bahay ay magkabahay; yun walang pampagamot ay magkaroon ng pampagamot. Kung yan ay magagawa o hindi. Napakahalaga na hindi sila magkamali sa pagpili sa magiging leader nila. Kapag tumama sila, aangat tayo. Kamukha ng nangyari sa ating mga karatig-bansa, tumama sila sa pagpili ng leader, umangat sila. Tayo, hindi pa tumatama sa pagpili ng leader. Eto na naman tayo, ayaw na naman natin tingnan ang mga track record ng mga kandidato. Ang ginagawa natin ay puro isyu-isyu. Kapag ganito po ang usapan, lamang na lamang yun wala pang nagagawa. Kabaligtaran. Yun mga walang nagagawa, lamang na lamang. Sapagkat wala naman silang dapat ipaliwanag dahil wala pa silang nagagawa. Kaya walang tanong. Wala silang kailangan ipaliwanag sa kanilang naipundar dahil minana naman nila yun. Sa halip na papurihan natin ang isang taong kagaya ko, pitong taong gulang pa lang ako ay nagtatrabaho na ako. Buong buhay ko, nagtatrabaho ako. Hindi ba dapat naman na bigyan ng konting konsiderasyon yan? Meron mga kandidato na buong buhay nila ay hindi pa nagtatrabaho, bakit naman magiging pareho ang pagtingin sa dalawang kandidato na yun? Bigyan naman natin ng kalagayan ang isang kandidato na buong buhay nya nagtatrabaho sya ng masipag. Eh yun isa naman ay hindi nagtatrabaho. Hindi naman napapag-usapang yung isyu na yan.

Q: Marami nagsasabi na talagang inuubos ng inyong kalaban sa pulitika ang inyong panahon sa pagsagot sa naturang isyu at mga banat at ang inyong pangangampanya ay lubhang naapetuhan?

Villar: Ako nga ay nagtataka bakit ako pinagtutulungan ng number one, number three, number four, number five. Ang sinasabi ko nga, ako naman ay hindi nakikipag-away at hindi nagsisimula ng away. Hindi ako bumibira nga. Ang sabi nga ng mga kasamahan ko, bakit ayaw mo bumira? Ang gusto kong pag-usapan ika ko, ay yung aking mga nagawa. Kaya lang, ang mga kalaban ko, gigil na gigil na marami akong nagawa at sila wala. Kaya parang ayaw nilang masabi ko na marami akong nagawa, sila wala, kaya pinupulaan nila. Pero napuna mo? Pinagtutulungan ako. Hindi pa nga ako nagna-number one eh, pati number three ako ang hinihila. Pati number one, ako ang binibira. Pati number five and six. May mga kandidato pa na tumakbo para birahin lang ako. Maski kelan, hindi ako nagsisimula, alam nyo yan sa media. Never ako nagsimula na ako ang bibira sa kanila. In fact, karamihan ng pagkakataon, hindi na lang ako sumasagot para wag na lang lumala. Iyan ang hindi ko maunawaan, bakit ako pinagtutulungan?

Q: Pati si Erap at Enrile nagtulong na rin sa pagbanat sa inyo senador?

Villar: Nagtataka nga ako bakit ganyan. Unang-una, silang dalawa rin naman ay napakaraming dapat ipaliwanag noong mga nakaraan na panahon. Kung uungkatin ang lahat ng mga iyon, palagay ko, hindi rin sa kanila fair dahil mauubos din ang oras nila kakasagot dun. Samantalang sila rin naman ay kandidato at mas magandang pag-usapan din ang kanilang kakayahan. Siguro ako, nakikita ko na hindi rin naman tama na paliwanag silang ng paliwanag sa mga ginawa nila sa mga nakakaraang panahon. Maganda siguro pag-usapan ang kakayahan nila.

Q: Dalawang linggo bago magkaroon ng halalan at ganito ang result ng mga surveys, ano po ang assessment tungkol dito? Meron pa kayang pagkakataon para makahabol tayo sa naturang survey ratings na pinakikita na ang inyong kalaban ay nakakaabante ng husto?

Villar: Liliwanagin ko lang na ang survey ay mahalaga, subalit ang mga surveys ay isa lamang indikasyon ng kung sino ang mananalo. Syempre, sa ultimo ora, ang suporta ng mga local officials ay mahalaga rin. Ang suporta ng malalaking grupo ay mahalaga rin. Ang organisasyon mo sa delivery ng boboto ay mahalaga rin. Kapag eleksyon na, marami ng factors o konsiderasyon ang dapat isipin, hindi lamang ang survey. Tandaan natin na pinakahuling survey na kinuha two weeks before election, kaya yung tatlong linggong darating ay hindi na makikita sa survey. Hindi mo na alam kung ano ang mangyayari two weeks before the election. Yan sa bagay na yan, napakaraming nangyayari. Sa totoo nyan, tatlo sa apat na naging pangulo natin, itong last four presidents, came from behind ang panalo.

Q: Mensahe para sa mga taga-pakinig.

Villar: Sa atin pong mga kababayan, dalawang linggo na lang po ang nalalabi. Napakahalaga po na isipin natin ang programa ng ating mga kandidato at yung mga nagawa nila para malaman natin kung meron silang kakayahan na gawin talaga ang kanilang sinasabing plataporma. Inuulit ko po yun pong pagtapos ng kahirapan ay detalyado po ang aking plataporma dyan. Yun pagtataas ng sweldo ng mga minimum wage earners; yun paggawa ng higit na maraming trabaho; pagtaas ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda. Mahalaga po na makita po natin yan sa araw ng halalan dahil dito po natin malalaman kung tayo ay maiiwan ng tuluyan ng ating mga karatig-bansa o tayo ay hahabol na o uunahan natin sila. Mahalaga po na sa leader natin sa 2010, makahabol lang tayo para po makaangat na po ang milyon-milyon nating kababayan na hanggang ngayon ay umaasa pa na magkakaroon tayo ng isang leader na magbabago ng direksyon ng ating bansa.

News Latest News Feed