Press Release
March 6, 2011

OFWs sa ibang panig ng mundo na nangangailangan din
ng tulong, 'wag kalimutan - Villar

Habang nagkukumahog sa paglikas ng mga Pilipinong naipit sa kaguluhan sa Libya, nanawagan si Senador Manny Villar sa pamahalaan na huwag kalimutan ang iba pang kababayan na nagigipit at nangangailangan din ng tulong sa iba't ibang bahagi ng mundo, gaya sa Saudi Arabia.

Ginawa ni Villar ang panawagan bunga na rin ng patuloy na pagdami ng mga distressed overseas Filipino workers (OFWs) sa KSA na gusto nang umuwi sa Pilipinas.

Ang daan-daang OFWs ay namamalagi sa gilid ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, ilalim ng tulay sa Khandara at maging sa Hajj Seaport Terminal.

"Bagaman batid natin na kailangan naman talagang bigyan ng prayoridad ang mga kababayan natin na nasa panganib sa Libya, sana lang asikasuhin din natin ang iba pang kababayan natin naghihirap sa ibang bansa at nais umuwi na sa Pilipinas," pakiusap ni Villar.

Noong nakaraang Martes ay dumulog kay Villar ang 18 OFW mula sa Jeddah kasama ang apat na bata . Sila ay pinauwi ng Department of Foreign Affairs noong Pebrero. Sa pamamagitan ng Sagip OFW na itinayo ni Villar para matulungan ang nagigipit na OFWs, nabigyan ng pamasahe ang mga ito pauwi sa Mindanao. Ang mga bata ay nabigyan din ng gatas, laruan, diaper at vitamins.

Ang mga nakauwing OFWs ay kabilang sa mga Pinoy na nagtiis manirahan sa ilalim ng tulay sa Khandara, na kabilang sa mga lugar na nalubog sa baha sa Jeddah noong nakaraang buwan.

Maraming distressed OFWs - pati na rin ang ibang lahi - ang sinasadyang tumira sa ilalim ng tulay ng Khandara sa pag-asahang huhulihin sila ng Saudi police, at dadalhin sa deportation center upang tuluyan silang pabalikin sa kanilang mga bansa.

Noong nakaraang buwan ay pinaalis ang Saudi authorities ang mga naninirahan sa ilalim ng tulay at napilitan ang mga OFWs na lumipat sa gilid ng konsulado sa Jeddah at doon naman sila nagtayo ng mga tent na kanilang pansamantalang tirahan.

Tinatayang mahigit 500 iba pang OFWs ang nanunuluyan naman sa deportation area sa Hajj seaport terminal, at naghihintay na mapabalik sa Pilipinas.

Ayon kay Villar, dapat maging handa ang pamahalaan sa mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo dahil ang ito ang kapalit ng malaking dollar remittance na bumubuhay sa ekonomiya ng bansa.

Bukod sa pag-evacuate ng mga Pinoy sa Libya, mga distressed OFWs sa Middle East, malaking problema rin ang nakaamba sa mga Pinoy sa Taiwan, lumalalang problema ng mga Pinoy drug, at pati na ang mga Pinoy sa paglindol sa New Zealand.

"Marami tayong kababayan na nakakalat sa buong mundo, kaya dapat talaga may master plan ang gobyerno sa mabilis na pagkilos kapag may problema sa bansang kinaroroonan nila. It is frustrating kapag naririnig natin ang reklamo ng mga kamag-anak ng mga OFW na nagsasabing mabagal ang pagkilos ng gobyerno para tulungan sila," pahayag ni Villar.

Kapag natapos na ang paglilikas sa mga Pinoy sa Libya, nais ng senador na magkaroon ng imbestigasyon para mapahusay ang kahandaan ng pamahalaan sa pagtugon sa problema ng mga Pinoy sa iba't ibang bahagi ng mundo.

Una rito ay pinuna ni Villar na ang malaking pagtapyas sa pondo ng Department of Foreign Affairs na nakalaan para sa Assistance to Nationals ang isa sa mga dahilan kaya naging mabagal ang pagkilos ng pamahalaan sa paglikas ng mga Pinoy sa Libya.

Iniulat na may pagkakataon na nasusulot ng ibang bansa ang mga barko na kinontrata ng Pilipinas na gagamitin sa paglikas sa mga Pinoy dahil mas malaki ang kayang ibayad ng ibang bansa.

News Latest News Feed