Press Release
June 14, 2011

TRANSCRIPT OF RADIO INTERVIEW WITH SEN. FRANKLIN DRILON
Radio dzRH with Joe Taruc

Q: On Spratlys

Dapat mahinahon ang lahat hindi naman pwedeng pabigla-bigla tayong buka ng bibig na kung anu-ano na lang. Ito po ay isang sensitibong bagay. Dapat pangalagaan natin ang ating sovereignty ngunit dapat mahinahon tayo sa ating bibitiwan na salita.

Q: Hindi dapat na kahit na sino ang nagsasalita.

Pabayaan natin siguro sa ating Department of Foreign Affairs. Lalo na yung military, hindi po dapat nila gampanan ang tungkol sa polisiya ng foreign relations dahil yan ay nasa Department of Foreign Affairs. Ito ay sensitibong bagay dahil ang relasyon natin sa Tsina ay isang importanteng relasyon na hindi natin pwedeng balewalain. Ang Tsina ay isang malakas na bansa. Sigurado akong rerespetuhin nila tayo. Hindi naman pwedeng yurakan ang ating sovereignty, ang ating pagkatao bilang isang Pilipino, ngunit ito ay isang bagay na dapat pag-aralan natin nang maigi. Huwag nating bitiwan ang ating mga interes at kung anuman ang ating claim sa Spratly pairalin natin. Siguro ang mabuti dito ay dalhin natin sa International Court of Justice at sa United Nations...

Q: At sa ASEAN.

Sa ASEAN, dapat magbuo ang ASEAN at humarap sa Tsina. Hindi pupwede itong bilateral o one-on-one. Masyadong malaki ang Tsina. Dapat ang pag-uusap diyan ay multilateral, ibig sabihin may mga claimants sa ASEAN, bumuo ng isang body at yan po ang haharap sa Tsina.

Q: Ang sabi nga nila maaaring ang APEC ay konsultahin natin dito upang kahit papano ay mayroon tayong katulong sa pagpapaliwanag ng ating claim.

Tama po yan dahil hindi natin maiwasan na ang isang makapangyarihang bansa tulad ng Tsina. Sa APEC yan po ang purpose, to provide an avenue for discussion. Ganun din po sa ASEAN. Kunin natin sa dialogue, hindi sa mga salitang medyo maanghang na binibitiwan ng ating mga opisyales lalo na po sa Armed Forces.

Q: May mga nagmungkahi ng boycott ng China goods.

Kalokohan yan para sa akin. Wala pong mga ganung klaseng salita. Magaling sa diyaryo yan at sa mga radio. In reality, walang kahahantungang maayos yan.

Q: Siguro dapat imulat natin ang ating mga mata kung nasaan tayo at paano malulutas ang problema sa pamamagitan ng diplomasya.

Tama. Sa katunayan sinabi ko noong nakaraang linggo na yung headline na mamimili tayo ng armas sa Amerika para maghanda sa Tsina, mali yun e. Sa akin hindi pupwede yung makipag-contest tayo sa Tsina in terms of sa sandatahan.

Q: Lalo na kung ngayon pa lang tayo mamimili.

Wala po tayong kalaban-laban diyan. Palakasin natin ang ating ekonomiya at harapin natin ang Tsina through multilateral avenues. Ibig sabihin maraming mga bansa ang dapat magkaisa. Yung mga claim kagaya ng Malaysia, Vietnam humarap sa Tsina bilang isang grupo at pag-uusapan. Hindi isa-isa. Hindi kaya.

Q: Kayo po ay chairman ng finance committee meron po bang pondo para sa modernization ng Armed Forces?

Matagal na yan. Kung ating maalala, yung BCDA...

Q: Nakita na po ba yung P10 billion?

Hindi po P10 billion, P50 billion po yan. Dapat po may trust fund yan. Eh hindi makita dahil nung nakaraang administrasyon, ito ay nahalo sa General Fund. Hindi bumuo ng trust fund kaya hindi naipagtabi para sa modernization. Dito sa kasalukuyang budget ng AFP ay talagang imposibleng magkaroon ng modernization fund. P105 billion ang budget ng AFP, dun sa P105 billion, P85 billion ang pang sweldo sa ating active service at sa mga beterano. Yung mga beterano P36 billion ang nakalaan para sa pension at ang remaining ay para sa sahod ng active servicemen. Tapos mga P20 billion o P15 billion for MOOE ay mga P5 billion na lang sa modernization. Kaya imposible na mapondohan natin sa budget yung modernization. Kaya tayo po... yan po ang katotohanan nanlilimos po tayo.

Q: Mabuti na nililinaw nating mabuti yan para nalalaman ng ating mamamayan para medyo nauunawaan nila at nakikita kung ano talaga ang dapat gawin.

Tama yan. Hindi natin kaya ang sinasabing modernization. First, kailangan nating palakasin ang ating ekonomiya. Pangalawa, ang priorities natin dahil marami tayong problema ay nauuna yung conditional cash transfer, P22 billion ang allocation dahil maraming mahirap. Kaya yung modernization natin naiiwanan.

Q: Sa kasalukuyan sabi nga natin walang gaanong pondong nakalaan para sa AFP modernization, hindi yung walang gaanong pondo, talagang walang pondo ano ho?

Yan po ang katotohanan.

Q: Kaugnay ng bagay na ito, yung problema sa Spratlys ay talagang dapat tignan ang lahat ng avenues upang sa ganon malulutas yan na hindi natin kinakailangang mangamaba o sumandal sa ibang mga bansa.

Ako rin nag-aapela sa Tsina na unawain din nila ang posisyon ng ating bansa. Hindi naman pwedeng itulak tayo nang itulak. Ako po'y nakikiusap sa People's Republic of China na unawain at tignan din nang husto...

Q: Pero hindi po pwede na magwalang kibo na lang tayo.

Hindi pupwede. Ngunit ang sinasabi ko sa diplomasya idaan hindi sa marahas na pagsasalita. Pangalawa, yung dapat magsalita lamang yung Department of Foreign Affairs.

Q: Ibig sabihin maging yung mga tagapagsalita sa Malacanang medyo tameme muna.

Yes. Kung may mga tanong sa Tsina, ang pinakamabuti ipasa nila sa DFA. Magagaling yung DFA sumagot at may mga diplomatic language na ginagamit.

Q: At saka expertise nila yun e.

Opo, expertise nila yon kaya sila dapat sumagot at hindi natin maiwasan ang media na magtanong.

Q: Kamusta po yung mga foreign policy ng Pangulong Aquino would you know?

Ang pagkaalam ko ang lahat ng tungkol sa foreign affairs ay si Sec. Albert del Rosario ang sumasagot. Wala po akong alam na foreign policy group sa Malacanang.

Q: Dapat bang rebyuhin din ng inyong komite sa Senado ang pagbili ng military equipment?

Wala po akong primary jurisdiction. Ang may primary jurisdiction ay ang committee on national defense. Yung sa akin lang po kung tama ang paggamit ng pondo.

Q: Pero ang pag-uusapan yung Spratly, hindi natin dapat itali yan sa pag-uusap sa modernization.

Hindi. We have pursued the issue of Spratlys independently of the modernization. Pinasa na ang UNCLOS o yung gumagawa ng boundaries natin sa ating bansa. Yung 200-mile economic zone, yan po ay na-define na. Wala pong relasyon sa ating modernization ang ating Armed Forces.

Q: Ang gamit na ngayon sa South China Sea ay West Philippine Sea.

It's our right to name kung ano ang ipangalan natin dun sa mga parte ng ating bansa kung saan tayo may sovereignty. Karapatan natin yan bilang isang bansa. Walang makakapagsabi na hindi natin pwedeng tawaging West Philippine Sea yan.

Q: Ang hirap naman na makasanayan na ang tawag ay South China Sea kaya inaangkin na nila.

Yes. Tama yan. Nakasanayan na South China Sea.

Q: Sa kasalukuyan ilan po ba ang claimants sa Spratlys?

Hindi ko maalala pero China, Philippines, Malaysia, Vietnam yan po ang pagkaalam ko.

Q: Brunei nababanggit kahit pagkalayo-layo ng Brunei.

Kaya pinagkakaguluhan yan dahil ang mga bansa inaakala na merong potential for oil.

Q: Ito po ay matagal na. Bakit over the years walang gumawa ng paraan sa atin na i-develop agad kung ano ang oil mines diyan sa lugar?

We encourage joint seismic survey kung meron talagang deposit.

Q: Kahit joint ventures sa foreign nationals i-tie up natin.

Kung ang kasosyo natin yung mga bansang may claim din, baka mapag usapan ngunit hindi naman pwede na tayo lang at sasabihin na mag joint venture tayo at sasabihin ng ibang bansa may claim din sila diyan kaya hindi ganon kasimple yon.

Q: Baka yung claimant na iba ay makikisama?

Tama po yan.

Q: On deferment of ARMM polls.

Medyo nahirapan ako dahil sa kalahati ng Senado nag-interpellate. Ganito po ang nangyari: dun sa komite ni Sen. Marcos, ang desisyon ng kanyang komite ay hindi sang ayon sa aking panukalang batas na ipagpaliban ang halalan sa Mayo 2013. Kaya sa aming patakaran pag hindi favorable ang opinyon ng komite, yan po ay ina-archive. Ngunit sa aming patakaran, meron ding probisyon na kung may limang senador na hihiling sa plenaryo na pag-usapan at pagdebatehan ang panukalang batas na in-archive ng komite, yan po ay pwedeng dalhin sa plenary.

Q: Yan ang dahilan kaya nabuhay ang panukalang batas.

Opo. Ako po ang nagdepensa dahil ako po ang nag-file. Ang interpellation ay napunta sa akin bilang principal sponsor ng panukalang batas.

Q: Una, yun hong hindi pagkandidato ng mga ihihirang na OICs. Nanatili ho ba yan sa panukalang batas o natanggal?

Natanggal po. Sa aking opinyon, bilang isang abugado, hindi po natin pwedeng dagdagan ang qualification at disqualification na nakalagay na umiiral ngayon sa Organic Act.

Q: Ibig sabihin kapag nahirang kang OIC pwede kang kumadidato ulit?

Pwede kang kumandidato ulit kung wala kang disqualification sa ilalim ng Organic Act. Hindi natin pwedeng dagdagan kung ano ang disqualification sa Organic Act sa pangkaraniwang batas.

Q: Yung panukalang batas ng pinagtibay ng Senado ay kapareho na ng sa Kamara.

Ang nangyari, yung version na pinasa ng Senado ay in-adopt ng House kaya hindi na nangailangan ng bicameral conference committee. Ngayon piniprint na yung enrolled copy ng bill para ipadala sa Pangulo at kanyang pipirmahan. Ang importante na ipaliwanag natin sa ating mga kababayan lalo na sa taga Mindanao na ang halalan sa August 8, 2011 yung original schedule, ayon sa Korte Suprema ay hindi pwede at taliwas sa ating Saligang Batas. Sa kaso ni Lito Osmena vs. Comelec, dapat ang halalan ay synchronized, ang ibig sabihin isabay at minsan lamang sa bawat 3 taon ang local at national election. Yan po ang sabi ng Korte Suprema. Ang nangyari dito hindi po napansin ng mga nakaraang Kongreso ang desisyon ng Korte Suprema at ating Saligang Batas kaya lahat ng halalan ay taliwas sa Saligang Batas. Maliwanag ang sabi ng Korte Suprema: "a desynchronized election is contrary to the Constitution." Pag tinuloy natin ang August 8, 2011 election, yan po ay desynchronized election sa national at local. Ang national at local every 3 years, ang susunod na election ay May 2013. We just aligned yung halalan sa ARMM sa halalan sa national at local.

Q: Ang balita namin marami ang dudulog sa Korte Suprema upang linawing mabuti kung ano ang legality ng panukalang batas na ito.

Sa katunayan, hindi ito ang first time na pinostpone ang halalan. Pang anim na beses na. Ang tumututol ngayon sa pagpapaliban ng halalan ay sumang ayon noon. Sila pa ang mga sponsor nun e... sa Kongreso. Lahat po na tumututol ngayon sila ang sumuporta ng postponement noon. Noon hindi sinasabi na unconstitutional ang postponement...

Q: Siguro dapat bigyan natin ng emphasis at para din sa kaalaman ng mga taga Mindanao, ano ang pangunahing layunin nito?

Ang una nating layunin ay sundin ang ating Saligang Batas sa synchronization. Yan ang principal purpose: to comply with our Constitution. Dahil magkakaroon ng hiatus ng mga 21 months, pagkakataon nating linisin ang ARMM. Kailangan meron tayong malinis na registered voters. Yan po ang isang problema diyan. Nakakalungkot na ang 'Garci' boys ay nandun sa ARMM. Mabuti na hindi matuloy ang halalan dahil kung matuloy, ang layunin nating malinis ang voters list ay mabalewala.

Q: Marami ang nagtataas ng kilay kung bakit ganyan ang sitwasyo. Ano ang dahilan bakit hindi maalis-alis yung mga tao na very obviously ay sinasabing may kinalaman sa Garci operations?

Nakakalungkot. Si Sen. Alan Cayetano ibinulgar ito sa confirmation ni Boy Brillantes. As long as may problemang ganyan, yung mga assignment ng mga Garci boys, yan po ay isang hadlang sa confirmation ni Chairman Brillantes.

Q: Hindi lang po si Sen. Alan ang tutol dito, kayo po ay sasama sa opposition nay an pag hindi maalis ang Garci boys?

Tama po yan dahilan sa hindi na kailangang i-convict ang mga taong ito. Nung panahong yon talagang hindi mo maintindihan talagang wala mang kaso...

Q: Napaka-untouchable ano ho?

Nililipat lipat pa e. What gave them authority na ilipat-lipat for example yung mga regional directors?

Q: It means hindi talaga magalaw?

Baka malakas. Bakit malakas? Hindi natin alam. Ngunit balikan natin sa ARMM. Meron tayong 20 buwan para linisin nang husto ang voters list.

Q: Kasama na siguro dito yung pagbuwag ng private armies.

Pangalawa po yan yung peace and order. Dun sa findings ng komite na binuo nung nakaraang administrasyon, merong 41 private armies in ARMM. DILG confirms it. Hindi pwedeng magkaroon ng free elections kung merong private armies.

Q: Di lalo na kung ang halalan ay gagawin mo sa loob ng kampo ng military.

Kaya nga ang salubong sa akin nung interpellation ay yung halalan kasama sa demokrasya yan. Aba e demokrasya ba yung babarilin mo yung 57 mamamahayag at mga kamag-anak ng kandidato na magpa-file ng certificate of candidacy? Is that democracy? Yung mga private armies dapat buwagin. Yun paggamit ng pondo. May findings ang CoA na mahigit sa P1 billion ay binulsa nang diretso, walang records. P1 billion pinapasauli sa Office of the Regional Governor.

Q: Sumobra yung autonomy.

Iba yung pagtingin nila sa public funds e dahil kasama sila siguro sa publiko kaya binubulsa nila nang diretso.

Q: Masentro naman ang atensyon yung pagpili ng OIC. Meron po ba kayong pinopropose na criteria para Malacanang sa pagpili?

Kahapon po merong column si Fr. Bernas kung saan kanyang pinanukala kailangan may proseso, malinaw ang criteria at malinaw ang proseso para ang lahat po nalalaman... as wide participation as possible.

Q: Para hindi po napagdududahan.

Tama po kaya akin pong pinag-aaralan yung sinasabi ni Fr. Bernas at aking irerekomenda kay Pangulong Aquino that we adopt this in the form of an executive order... dahilan po sa ating batas nilagay natin that a selection committee shall be formed who shall make a recommendation to the President. At nakalagay din sa batas na kailangan konsultahin ang Pangulo ng Senado at House Speaker. Ito po ang ating irerekomenda sa ating Pangulo at pag-aaaralan ko po nang husto yung sinabi ni Fr. Bernas.

Q: Maganda yon para hindi napagdududahan.

Tama. May selection process talaga.

Q: Yung iba tinututulan ang deferment ng election kasi sabi nila maglalagay ng OIC diyan na ihahanda para sa 2013.

Sa basehang legal, yang pag appoint ng OIC ay isang kapangyarihan ng Pangulo. Lalo na sa sitwasyon ito na ang end ng term ay hindi synchronized dahil ang end ng term ng kasalukuyang officials ay September 30, 2011.

Q: Holdover...

Sa Osmena vs Comelec, illegal ang holdover. Pinapahaba natin ang termino ng mga nakaupo. Ang sabi ng Korte Suprema na sabi sa Saligang Batas, 3 taon lamang ang termino ng isang local official. Hindi ka pwedeng pumasa ng batas na pahabain ang termino ibig sabihin yung tinatawag na holdover ay bawal dahil sabi ng Korte Suprema hindi mo pwedeng pahabain ang termino.

Q: Akalain nyo hindi napansin yon e 6 na beses nagpaliban.

I was confronted. Yung last law, RA 9333, ako ang Pangulo ng Senado ako ang pumirma ng batas e. sabi ko, nobody brought to my attention the fact na in the case of Osmena vs Comelec sinabi ng Korte Suprema na dapat synchronized ang halalan, synchronized ang termino ng opisina ng lahat ng local officials, maliban lamang sa barangay.

Q: Baka daw 'KKK' ang italaga na OIC sa ARMM?

Alam nyo po ang kapangyarihang mag-appoint ay nasa Pangulo. Ang mananagot sa taumbayan ang Pangulo, wala pong iba dahil sya ang halal. Kung ikaw ang may hawak ng maghalal ng isang opisyal, ikaw ang mananagot sa taumbayan.

Q: Dahil ikaw din ang may kapangyarihang magtanggal.

Tama po yan. Kaya dito sa ARMM, tinanong ako in the course of the interpellation na baka naman partido Liberal na naman ang ilagay. Unang una kako dapat yung qualified regardless of the political party. Pangalawa, pag naglagay kayo diyan ng hindi qualified, siya na po ang mananagot sa taumbayan.

Q: At bukod pa rito yung pinapanukala niyong transparent process na kinakailangan ng pagsang ayon ng Kamara at Senado.

At least it will minimize the danger na hindi qualified yung papasok ng OIC.

Q: Pag usapan natin yung Cabinet officials ni Pangulong Noynoy, kung ibabase po yung pagpili nya sa pagpili ng OIC, diyan po umuusbong yung issue ng KKK. Baka yan din po mangyari sa ARMM.

Unang una hindi naman Cabinet level, yung mga sub Cabinet level. Dun po sa mga nagiging issue ang KKK, lalo na si Virginia Torres ng LTO. Unang una ang LTO hindi naman kritikal na opisina. Importante ngunit hindi ganon ka kritikal. Ako ay nakikiusap kay Virginia Torres, tulungan niya ang kanyang kaibigang si Presidente Aquino dahilan sa dito, kahit wala siyang kasalanan, hindi ko sinasabing may kasalanan siya, ngunit sa ating pamumuno, perception is very critical. Ang tingin ng taumbayan ay yan po ay nakakaapekto sa pamumuno ng Pangulong Noynoy.

Q: Marami nang gumawa niyan... yung BuCor Director.

Yan po ay hindi dahilan na sila ay nagkasala ngunit dahilan sa hindi lamang na ikaw ay maayos ngunit ang tingin ng taumbayan ay maayos ka. Like Ceasar's wife... not only must be clean but also must be perceived to be clean. Itong kaso ni Torres ay talagang marami na pong criticisms, pagpuna e ang Pangulo ang naaapektuhan. Sana po, uulitin ko, without passing judgment on the guilt or innocence...

Q: Bakit hindi natin baliktarin ang sitwasyon, bakit parang hindi magalaw ng Pangulo?

Ngunit dahil nandiyan tayo para tumulong sa Pangulo, tayo na rin ang tumulong at siguro magbitiw na rin tayo n gating tungkulin kung sa tingin ng taumbayan tayo po ay nakakabigat. Hindi dahil sa tayo ay nagkasala.

Q: In other words, kung inaakala nilang hindi sila nakakatulong ay wag naman silang pabigat.

Tama po yan.

Q: GOCC Governance Act.

Pinirmahan ito ng Pangulo nung nakaraang lingo. Ayon sa mga pahayagan ngayon ay nai-publish na in compliance with the requirement/

Q: Ano po ang malaking pagbabago sa GOCCs?

Unang una yung KKK hindi mangyayari dahil may nilagay tayong fit and proper rule. Hindi ka pwedeng italaga sa GOCC kung wala kang qualification. Halimbawa, kung ikaw ay itatalaga sa Pag-Ibig Fund, hindi pwedeng isang beautician o manikurista. Yun pong pag abuso sa pagbigay ng bonus sa kanilang sarili, sa board of directors, hindi nap o pwede yon dahil magkakaroon ng salary standardization for GOCCs. Ito ay gagawin ng Governance Council for GOCCs. Itong batas na ito ay applicable lamang sa board of directors at chief executive officer or general manager. Hindi po applicable sa karaniwang empleyado. Hindi na pwedeng 36 na sahod para sa 12 na board meetings.

Q: Sa GSIS, may president, chairman, executive vice president ay 17, 35 ang vice president...

Liwanagin natin, sa GSIS ang affected ng batas na ito yung affected lang ay board of trustees at general manager.

Q: Sabi ng iba ang GSIS masyado yatang top heavy. Biruin mo vice president pa lang umaabot na ng mahigit 50.

That's their own judgment. Hindi sakop ng batas kung ilang vice president sa GOCC, yung board nila ang bahala dun.

Q: At yung board nila ang may pananagutan dito?

Tama po yan. At ang board po ay elected every year.

Q: Unlike before na merong 6 years, 5 years...

One year na lang.

Q: Di ibig sabihin every year mare review ang kanilang performance?

Tama yan. Yan po ang purpose natin na every year i-review ang performance nila. Sa private sector, ang board of directors ay isang taon lamang. Every year may stockholders meeting, ine-elect muli ang members of the board. Ganun din dapat sa GOCCs, ang stockholders ang taumbayan, ang kinatawan ng taumbayan ang Pangulo, kaya ang Pangulo bawat taon siya po rerebyuhin ang performance ng bawat board member at merong performance standards para tignan kung karapat dapat bang i-reappoint sila.

Q: Kaya kung may abuso, hindi na tatagal ng 2 taon yan.

Hindi na ma re elect. Yung sinasabi nilang violation ito ng security of tenure, hindi po dahil ito ay applicable lamang sa board of directors, hindi sa pangkaraniwang empleyado dahil yung pangkaraniwang empleyado, protected by civil service. Itong board of directors ay hindi protected ng civil service. May isang provision na lahat ng GOCCs ay rerebyuhin ang kanilang justification for continued existence dahilan po marami diyan na patuloy pa rin ang kanilang existence, sweldo pa rin tayo nang sweldo sa kanila.

Q: In other words nagiging milking cow?

Tama po yan. Yan po ay trabaho ng GOCC Governance Council at yan po ay titignan ang bawat GOCC kung tapos na ang kanilang mandate. Halimbawa, in the course of the hearings in the Senate, meron kaming napapansin na merong binuo na korporasyon sa Mindanao ng Southern Philippines Development Authority, binuo nung panahon ng MNLF... meron silang ice plant, rubber plantation, fish pond. Ano ang ginagawa nyo dito? San napupunta yung kinikita nyo? Yung mga ganung klaseng sitwasyon ay maraming nagpupunta kaya nagbuo tayo ng GOCC Governance Council composed of 5 members--3 full time members at 2 ex-officio.

Q: Hindi na kailangan ang Office of the President na magmonitor dito dahil meron nang Governance Council?

Alam naman natin na maraming trabaho sa Office of the Executive Secretary hindi na po mapapansin ang mga GOCCs kaya nagsasarili na sila. Halimbawa, yung Clark Development Corp., napansin naming na meron silang intelligence funds na P10 million. May isa pa, kung hindi nila ireremit sa national government yung 50% ng kinita nila, nasa batas po yan, hindi sila pwede ni singkong bonus. Kailangang bayaran muna lahat ng taxes sa gobyerno. Pangalawa, yung nakaupo sa mga corporations dahilan sa investment ng kumpanya, halimbawa SSS, meron sa Philex at Security Bank, aba milyun-milyon ang kinikita ng director doon. Dati binubulsa nila, ngayon hindi na pupwede.

Q: Pero dati nang merong ceiling o cap yung mga natatanggap ng kinatawan ng gobyerno.

Hindi nasusunod. Unang una yan po ay executive order lamang at yung DBP nabibigyan ng exemption. Pangalawa, walang parusa. Dito sa batas na ito, pag hindi nila binigay, ang penalty ay 3 times the amount that they received.

Q: What will happen dun sa mga excessive bonuses na binigay sa mga director nung nakalipas na panahon? Ito po ba ay wala nang pagkakataon na mabawi?

Pwede pa rin pong bawiin dahilan sa prinsipyong sila po ay naupo lamang dun, meron silang fiduciary duty. Ibig sabihin sila ay pinagkatiwalaan ng mga miyembro halimbawa ng SSS. Ang prinsipyo sa batas kung ikaw ay pinagkatiwalaan ng isang principal ay dapat gampanan mo nang husto ang iyong obligasyon. Dito sa aking tingin, wala pang batas noon, yung pagbulsa nila ng mga bonuses na limpak limpak ay paglabag sa kanilang obligasyon.

Q: Magiging pare-pareho na lang ang mga sahod sa GOCCs?

Hindi po dahil depende sa laki ng GOCC at operations. Halimbawa sa DBP at Landbank, as much as possible ay dapat ipantay sa private sector performing banking functions. Hindi naman pwedeng ipantay sa maliit na korporasyon. Merong distinctions yan. Bago itong batas na ito, 57 corporations ng pamahalaan ay exempted sa salary standardization law. Sila mismo ang gumagawa ng kanilang salary schedule.

Q: On charter change. Kayo po ba ay meron nang ideya tungkol dito?

Wala pa, wala pang napag usapan.

Q: Palipad hangin lang muna yan?

Hindi ko malaman kung palipad hangin ngunit kung ang tanong ay napag usapan na ba ito ay hindi pa. Aalamin ko kung ano ba talaga ang panukalang ito.

Q: Wala pang nagbubukas nito sa session hall?

Wala pa po.

News Latest News Feed