Press Release
August 22, 2011

Opening Statement- 4th hearing on PNP Helicopter Purchase Probe

Uumpisahan ko ang hearing na ito sa isang pasasalamat.

Gusto ko pong magpasalamat kay Ginoong Mike Arroyo.

Marahil magtataka kayo kung bakit ako nagpapasalamat sa kanya. Ito po ang dahilan. Nitong nagdaang weekend, nabasa ko ang isang kopya ng affidavit na kanyang pinirmahan kaugnay ng demanda niya sa isang resource ng Senate Blue Ribbon Committee. Ito ang demanda na perjury ni Ginoong Arroyo laban kay Ginoong Archie Po.

Natutuwa po ako dahil nakita ko na madaming bahagi ang affidavit ni Ginoong Arroyo na excerpts galing sa transcripts ng pagdinig ng ating Senate Blue Ribbon Committee.

Natutuwa po ako. Ibig kasing sabihin, naniniwala si Ginoong Arroyo sa Committee na ito. Naniniwala siya kaya nais niyang gamitin ang mga pinag-uusapan dito para sa demanda niya. Sampalataya siya na paniniwalaan ng korte ang mga transcripts mula sa Committee na ito.

Ganun pala. Kung para sa sarili niyang agenda at pakinabang, sampalataya si Ginoong Arroyo sa mga proseso ng Senate Blue Ribbon Committee.

Pero nagtataka pa din ako. Bakit hindi pumunta dito si Mr. Arroyo para magpaliwanag sa mga akusasyon laban sa kanya ng mga testigo ng Senado?

Uulitin ko. Kung pupunta dito si Mr. Arroyo, malaya niyang masasagot ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanya. Sinisiguro ng komiteng ito ang patas na trato para kay Mr. Arroyo.

Ganun din ang gusto nating iparating sa kanyang kapatid, si Congressman Iggy Arroyo.

Sana, maintindihan ng kagalang-galang na kongresista na kailangang ipaliwanag niya sa publiko at patunayan sa taumbayan ang binitiwan niyang salita nuong nagdaang linggo.

At dito sa Senado pinakamagandang gawin ang pagpapaliwanag.

Sana, maintindihan ni Congressman Iggy Arroyo na hindi naman maaari na basta na lamang magbibitiw ng mga salita ang isang halal na kasapi ng kongreso at pagkatapos ay hindi na siya papayag na linawin ang sinabi niya sa ating mga kababayan. At ang masakit dito, magiging hadlang pa ang courtesy sa pagitan ng senado at kongreso sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng mga binitiwang salita ni Congressman Iggy Arroyo.

Sana, maintindihan ng mga Arroyo na ang mga dahilan, excuse at rason na ginagamit nila ay halos hindi na pinaniniwalaan ng ating mga kababayan.

At sa tuwing gagamit sila ng dahilan, lalo lang silang nababaon sa malaking pagdududa ng sambayanan.

Hindi pa huli ang lahat.

Naghihintay pa rin ang komiteng ito ng Senado sa kanilang pagdalo. Bukas pa din ang aming imbitasyon.

At naghihintay pa din ang taumbayan ng katotohanan.

News Latest News Feed