Press Release
November 9, 2012

Transcript of Unang Hirit (GMA 7) and Kape at Balita (GMANews TV) Interviews of Senator Franklin M. Drilon on the Sin Tax Reform Bill

Unang Hirit (UH)

UH: Unang-una, ano po ba ang pangunahing pagkakaiba ng isinusulong ninyong Sin Tax bill sa pinalitan ninyo mula kay Senator Recto?

Drilon: Ang pagkakaiba ay mas marami ang mapipigil natin mula sa pagsisigarilyo dito sa ating version. Mas maraming kabataan ang mapipigilan natin na pumasok sa bisyo ng pagsisigarilyo. Sa ngayon, 17 milyon ng ating kabataan ay naninigarilyo. Mahigit sa 80,000 kababayan nating Pilipino ay namamatay dahil sa paninigarilyo bawat taon. Ano ang ating ginawa? Tinaasan natin ang buwis dahil masyadong mababa, pinakamababa sa buong Asya. Dinagdagan natin yung malilikom na buwis sa ating version dahil sa aking tingin kailangan natin itong mas mataas upang sa ganon ay masolusyunan natin ang problema natin sa kalusugan dahilan sa marami ang naninigarilyo. Saan mapupunta itong ating malilikom? Sa Philhealth po, P12 billion ang mapupunta sa Philhealth para maipasok sa Philhealth ang limang milyong Pilipino.

UH: Sa version ninyo magkano ang malilikom?

Drilon: Sa version ko po P40 billion, sa version ni Senator Recto, mga P15 billion.

UH: Magkano lalabas ang presyo ng sigarilyo at alak?

Drilon: Sa sigarilyo po, yung mababa, ang itataas sa bawat tingi ay nasa piso. Bawat isang sigarilyo ay madadagdagan ng piso. Sa alak, mahirap i-describe dahil iba-iba, maraming brand.

UH: Paano po kayo makaseseguro na sa executive branch susuportahan po ito?

Drilon: Susuportahan ito ng Malakanyang. Nagpahayag na si Secretary Purisima at ang Pangulo na at least P40 billion ang ating malilikom na buwis mula sa paninigarilyo at alak. Ang mga health advocates po, sila ay naniniwala na mas maraming kababayang Pilipino kung itataas natin sa ganitong antas ang presyo ng sigarilyo.

UH: Kung tataas po, ang laging fear ay yung mga smuggled. Maraming nagpupuslit para ibenta nila ng mas mababa.

Drilon: Ang smuggling po ay walang relasyon sa presyo. Kung meron man, kakaunti. Ang smuggling ay law enforcement. Kung masigasig tayong magpatupad ng batas, iyan po ay mapipigilan natin. Maliit po o kakaunti ang relasyon ng mataas na presyo sa smuggling. Pangalawa, kahit itaas natin ito, ang ating presyo ay mababa pa rin kumpara sa ibang bansa kaya walang rason na mag-smuggle mula sa ibang bansa kasi mahal doon bakit mo naman dadalhin dito. Pangatlo, ang sigarilyo ay dapat may network ang smuggler. Kung tingi-tingi ang bentahan, how will you become effective sa smuggling kung wala ka namang network of distributor. Kaya ang pananakot na tataas ang smuggling ay walang basehan dahilan sa mga ganitong circumstances.

UH: This will become a priority come 2013?

Drilon: Priority po ito dahil sa susunod na taon kulang po ng P23 billion ang budget natin sa health. By the way, P6 billion po sa ating panukalang batas ay pupunta sa mga magsasaka sa Northern Luzon. Sa ngayon po ang nakukuha nila ay P4 billion; iyan po ay magiging P10 billion dahil sa panukalang batas na ito.

Kape at Balita (KB)

Also with Health Secretary Enrique Ona and BIR Commissioner Kim Henares

KB: Magkano po ba dapat ang ipataw na buwis sa alak at sigarilyo?

Drilon: Sa aking version, yung mababang presyo ng sigarilyo, P14.00; sa mahal, P28.50. Pagdating ng 2016, ang presyo ay magiging isa na lang, P30.00 regardless kung mababa o mataas. Dahil mababa man o mataas, anumang klase, ganoon pa rin ang kahirapan na madudulot nito sa ating kalusugan.

KB: Kumpara sa Recto version, ano ang pagkakaiba nito?

Drilon: Kasi maraming tier or antas yung kaniyang schedule. Ngunit sa kabuuan, ang bill ni Senator Ralph, aabot ang buwis sa P15 billion; ang sa akin ay P40 billion.

KB: Si Secretary Ona, Masaya na po ba kayo?

Ona: Yes. Amin pong sinusuportahan iyon dahil tinitingnan natin ang epekto nito sa gaano karaming bata at mga nasa edad na rin ay hopefully ay mababaan nila ang kanilang paninigarilyo o mas mabuti pa nga ay talagang huminto na. Kasi ang medical effect nito ay as of today around 10 Filipinos ang namamatay oras-oras dahil sa tinatawag nating cigarette smoking related deaths. Ang sabi ko, gagawa tayo ng data collection na ipapaalam natin, hindi katulad ng dengue na pinapapaalam natin kung ilan ang namamatay. Gagawin natin iyon para malaman ang laki ng problemang ito. Kaming mga manggagamot, matagal na naming alam ito. Ngayon na lamang namin lubusang ipinaglalaban ito dahil noong mga nakaraang taon, hindi nailusot ang batas na ito. Mabuti po ngayon na meron tayong champion.

Drilon: Mababang klase man o mataas, pareho ang epekto sa atin kaya sinasabi natin na dapat iisang rate lamang. Ang sinasabi nga ni Secretay Ona, dapat talagang mabawasan ang mga naninigarilyo dahil habang nag-uusap tayo, limang Pilipino ang namamatay mula sa paninigarilyo. Kung ang buwis sa mababang sigarilyo ay mababa kumpara doon sa mataas ang presyo, ang gagawin ng ating mga kababayan kung nahihirapan na sa maatas na presyo, pupunta na sila doon sa mababang presyo.

Hindi totoo na mawawalan ng hanapbuhay. Sa experience ng ibang bansa na pagdating ng panahon dahilan sa pagtaas ng populasyon, bumabalik din doon sa antas at bilang ng mga naninigarilyo. Hindi po mapeperwisyo ang ating mga kababayan na gumagawa ng sigarilyo. Asahan ninyo na ang portion ng sin tax na ito ay ating ilalaan para sa kapakanan ng mga magsasaka.

KB: Is that good enough yung kay Senator Drilon?

Henares: Yeah. When we proposed, we started with what we think is ideal. But we understand the legislative process. So we can't tell them na makukuha namin lahat ng gusto namin. Nang tinanong kami, kung hindi pwedeng P60 billion, ano yung pwedeng tanggapin namin? Sabi namin, at least hindi bababa sa P40 billion. Yung P60 billion, realistic din iyon. Yung P40 billion, syempre po may kaniya-kaniyang pananaw , ang sinasabi po namin hindi pwedeng bumaba ng P40 billion. Kasi ang hinahabol namin yung shelf effect, para yung presyo is high enough at ma-a-achieved natin yung purpose na yung mga taong hindi pa naninigarilyo, huwag nang mag-umpisa.

KB: Marami po ba ang namamatay sa paninigarilyo kaysa sa pag-inom ng alak?

Ona: Ganito po. Yung paninigarilyo kasi is addiction. But of course, drinking also is an addiction. Pero wala tayong makukuhang kahit anong kabutihan sa paninigarilyo except of course yung feeling ng mga naninigarilyo katulad yung pagiging relax dahil sa paghiihit ng sigarilyo. Sa Science ng medicine ngayon, we can predict kung ilan ang buhay o ilan ang porsyento ang maibaba depending sa presyo ng itataas. Kaya po part iyan ng computation na gusto natin ng P40 billion at more pa nga. Kung ako ang tatanunging, more pa nga.

KB: Kaya pa ba Senador? Napapangiti na lang si Senador.

Drilon: Maganda po sa ating health sector, ngunit sa palagay ko mahihirapan ako sa Senado. Baka ako ang mamamatay (laughs).

KB: Inequitable daw yung pagpapasa ng buwis sa alak at sigarilyo?

Drilon: Walang masama sa moderate drinking, but there is no such thing as moderate smoking. Kahit moderate smoking, cancer pa rin ang aabutan mo ron. Sa katunayan, my first wife died of smoking at 52. Nagkaroon po ng lung cancer dahil sa paninigarilyo ng isang brand ng sigarilyo na paborito niya noon pa. Dahil sa lakas niyang manigarilyo, she died of lung cancer.

KB: Bakit hindi na lang ipagbawal?

Drilon: Bisyo po iyan. Hindi pwede ipagbawal. Hindi realistic. Siguro doon sa langit pwede (laughs).

KB: Sapat na ba ang malilikom na buwis dito para sa mga programang pangkalusugan?

Ona: Yung panukalang ito, kung titingnan mo, 7% ng mga naninigarilyo sa ating bansa ay tingi-tingi. Ang epekto nito, yung pinakamababa, yung P1.30 magiging P2.30; in short, piso ang itataas. Sa ating pagsusuri, ang karamihan sa mga ninigarilyo lalo na nitong pinakamababa ay yung mga kabataan. Karamihan pa ho, yung majority, ang mga naninigarilyo ay yung mga mahihirap. Meron din pong ebidensya na napakahirap huminto kapang nagsimula ka nang manigarilyo below 18 years old. Mas marami ang nakakaalis manigarilyo sa mga those who start beyond 18. Yung tinatamaan po natin sa sin tax bill ay yung young and the poor. Yung mga kababayan natin na talagang hirap na hirap na pero naninigarilyo pa. Ang epekto nito ay long term�

KB: We're trying to regulate smoking via cost, why? Do you think we will achieve this goal?

Henares: Yes sir. Despite the decrease in volume on consumption and burley collection, we will achieve both aim, base sa study namin, kumokonsumo po tayo ng 4.5 billion packs. With the price increase because of the sin tax, bababa po ito ng 3 billion packs. Iyon po ang epekto ng pagbaba ng konsumo. Despite sa decrease to 3 billion, meron pa rin po tayong makokolekta P26 billion na dagdag na buwis.

Ona: I don't think magiging malaking epekto sa ating manggagawa. May papasok pa ngang malaking kumpanya kung itong ating taxation ay maayos yung both yung bago at lumang sigarilyo. Magkakaroon pa nga ng competition. Ang nangyari pa nga ngayon, wala tayong competition sa sigarilyo.

KB: Between P40 to P45 billion, can we compromise further?

Drilon: Hindi na po. Pinakamababa na itong P40 billion. Dahil po sa ating 2013 budget na aaprubahan po natin bago matapos ang taon, nangangailangan po ang ating health sector ng karagdagang P23 billion lalo na doon sa enrolment sa Philhealth. Kung maipapasa natin ito, madadagdagan ng 5 milyon pamilyang Pilipino ang maipapasok sa Philhealth, bukod sa kasalukuyang 5 milyon din. Mahigit sa 10 milyon ang maipapasok natin sa Philhealth. Kung wala ito, hindi po nating makukuha ang pangkalahatang proteksyon sa ating mga kababayan. Pangalawa, yung ating mga ospital ay mabibigyan ng sapat na pondo para maayos ang mga operating room dahil ang mga mahihirap ang pangunahing pumupunta sa ating mga ospital at ang mga mahihirap ang naaapektuhan ng paninigarilyo. Kailangang-kailangan natin ito at hindi pwedeng ibaba sa P40 billion.

Drilon: Kung maipasa natin ito, mayroon karagdagang P6 billion ang ating mga magsasaka dahil sa Republic Act 7171. May bahagi silang 15% sa malilikom na buwis para maitaas natin ang quality ng tobacco leaf. Itong isang kumpanya na may monopoly po rito sa atin ng sigarilyo, 15% lang ng kanilang pangangailangan ang binibili nila sa ating mga farmers. Yung 85% po ay ini-import pa sa mas mataas na presyo.

Henares: Kailangan po talagang mareporma ang sin tax. Ito po 15 years na po in the making. Kailangan po pantay-pantay ang buwis whether kung anuman ang produkto at kailan man po in-introduced. Kailangan pong i-index to inflation, o kung tumataas man po ang presyo ng lahat ng bagay, kailangan din pong tumataas ang buwis. Sa totoo lang, itong measure na ito tungkol sa amount is really more kasi ito po ay health aspect para mapigilan ang mga tao na hindi pa po nagsisimulang manigarilyo.

Ona: Binabalanse natin. Alamn natin kung ano ang kasamaan na nangyayari dito sa ating kalusugan. Hinahanap natin kung ano yung balanseng iyon. Nakikita natin ang pekto nito sa ating kalusugan. Binabalanse ito ng paningin ni Senator Drilon at ng ating mga kasamahan kung anong tulong ang maipagkakaloob sa ating mga kasamahang magsasaka.

Drilon: Hindi po madali ang reporma. Ang pagbabago ay hindi madali. Sabi nga ni Commissioner Henares, 15 taon na nating sinusubukang baguhin ito. Panahon na po ngayon dahil si Pangulong Noynoy ay seryoso po sa matuwid na daan. Ito po ay pagkakataon natin upang maituwid ang ating system na hindi tama. 17 milyon sa ating mga kababayan ang naninigarilyo, 80,000 ang namamatay dahilan po sa maling polisiya noong mga nakakaraan. Ito po na po ating pagkakataon upang magkaroon ng reporma at baguhin sa pamamagitan ni Pangulong Noynoy ang ating sistema kaya suportahan po nating itong ating panukala.

News Latest News Feed