Press Release
February 28, 2013

UKOL SA ISYU NG "BOGUS NGO"

Binalikan ko na ang records namin sa opisina kaugnay ng lumabas na balita ukol sa Commission on Audit report na tumutukoy sa sinasabi nilang "bogus NGO" na napagkalooban ng pondo mula sa aking opisina.

Hindi naman tayo nagtataka kung may appropriation tayo sa Basilan dahil bahagi naman talaga ng ating mandato na tulungan ang lahat ng mga kababayan natin sa kasulok-sulukan ng ating bansa sa pamamagitan ng pondo ng bayan na ipinagkakatiwala sa atin ng batas.

Sinisiguro natin taun-taon ang pantay-pantay na distribusyon ng pondo sa kanayunan sa buong bansa. Lalo pa diyan sa lugar ng Basilan kung saan grabe ang kahirapan ng ating mga kababayan dahil sa gulo at digmaan. Alam nating lubos silang nangangailangan ng pondo na magagamit na pang-umpisa ng kabuhayan at pagkakakitaan.

Alam natin ang sitwasyon sa Basilan at sa maraming lugar sa ating bayan kaya nang humingi ng tulong sa atin ang NGO para mabigyan ng kabuhayan ang mga kababayan natin na palaging naiipit sa gitna ng gulo sa Mindanao, hindi tayo nagdalawang isip na maglaan ng pondo para sa kanila, lalo na't ang Department of Agriculture ang magpapatupad ng proyekto.

Sa paglabas ng mga balita na peke o bogus ang NGO, dapat lamang na magpaliwanag ang DA at ang mismong NGO na tumanggap ng pondo upang maliwanagan ng publiko kung saan talaga napunta ang inilaan na pondo ng opisina natin senado para sa mga mahihirap nating kababayan sa Basilan.

Naniniwala tayong hindi dapat ipagwalang-bahala ng DA at ng NGO ang isyung ito. Kailangang managot kung sino man ang may kinalaman sa paglapastangan sa pondo ng publiko.

News Latest News Feed