Press Release
March 6, 2013

Speech of Sen. Chiz at Team PNoy rally at Rizal Park in Davao City

Maayong hapon sa inyong tanan, good afternoon. Karangalan kong tumayo dito ngayon kasama ang mga myembro ng Team PNoy para ikampanya ang plataporma ng pagbabago, plataporma ng tuwid na daan, plataporma kung saan kayo ang boss namin, at plataporma kung saan bawal at hindi na pwede ang wangwang. Dala po namin dito sa pagsalita sa inyo ang pagsabi na ang Pilipinas ay hindi Metro Manila at Luzon lamang. Ang Pilipinas ay importanteng bahagi ang Visayas, lalung-lalo na ang Mindanao. Dalangin namin na sana sa pamamagitan ng pagkakahalal ng bawat isa sa amin sa Team PNoy ay tunay na mailahad at maipagpatuloy ang tunay na pagbabago na sinimulan ni Pangulong Aquino mula nang siya ay maluklok sa pwesto noong 2010.

Sa pagharap po namin sa dambana ng balota sa eleksyong darating, muli naming hinihiling ang inyong tulong at suporta, ang inyong paniniwala at pagtitiwala upang muling maibigay sa aming lahat ang karangalan na pagsilbihan kayo bilang myembro ng Senado, karangalan na maging tagapaghatid ng boses at boto ninyo sa Senado upang sa gayon ay matutukan ang mga issue na may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, gayundin sa kawalan ng inprastraktura lalo na dito sa Mindanao. Issue na may kinalaman sa presyo, sweldo at trabaho na dapat sana ay abot kaya at dapat sana ay sapat, dapat sana ay meron hindi lamang sa ibang bansa pero lalo na dito mismo sa Pilipinas. Dalangin po namin na sana ay hindi ninyo kami biguin. Dalangin namin na sa tulong ng mga lokal na opisyal ninyong haharap rin sa dambana ng balota, hiling po namin ang suporta at hiling namin na makita yan sa darating na Mayo pagdating po ng araw ng halalan. Sa muli po isang malaking karangalan sa akin ang tumayo sa harap ninyo, makausap at makapiling kayo at dalhin ang plataporma ng Team PNoy dito sa Davao City. Sa muli, pagbati na lamang po. Daghang salamat at maayong hapon. Sa muli, maraming salamat at magandang hapon po sa inyong lahat.

News Latest News Feed