Press Release
October 17, 2013

Interview with Senator Grace Poe Sa Ganang Mamamayan at Net 25

Cong Dante: Magandang umaga po, Sen. Grace. Alam po namin na kayo ang pangunahing nagsusulong sa FOI at alam naman natin na walang masamang tinapay dyan sapagkat yan po ay nakasaad sa ating Saligang Batas. Ang inaalala lang po natin ay kung minsan po ang impormasyon ay hindi kumpletong naihayag ng isang peryodista na kung minsan kapag tinanggap ng publiko, kalahati lamang po iyon. Ang gusto sana ng iba, yung kalahati mailahad din sa pamamagitan ng right of reply.

Sen. Poe: Naiintindihan ko po ang ating pag-aalala tungkol dyan. Lalo na po ngayon na hindi naman lahat responsable. Subalit sa totoo lang po, sa dinami-dami ng mga resource person namin, wala po talagang nag-advocate ng right of reply kahit po ang Makati Business Club. Sa aming Committee report po, wala pong right of reply. Naniniwala din po ako bilang dating taga-MTRCB, naniniwala din po ako na isa yun sa paraan ng pagdidikta kung paano gagawin ang trabaho ng isang propesyon. Subalit hindi pa po tapos yan, lalo na may nakausap ako na ilang kongresista na dapat magkaroon nyan. Personally hindi ko po iyan sinasang-ayunan, subalit kaya tayo may pagdinig para lumabas kung ano ba talagang klaseng merito ang mga probisyon na ganyan.

Cong Dante: Senator ano po yung hindi niyo sinasang-ayunan na maaaring magkaroon ng right of reply?

Sen. Poe: Hindi ko po sinasang-ayunan. Ito po ay aking opinyon at opinyon din ng halos 20 resource person natin na ang right of reply ay isang pagdidikta kung papano mo dapat ginagawa ang trabaho mo. Mas naniniwala po kasi ako sa self-regulation. Sa Senado po, lahat ng senators na nag-sponsor, hindi po namin nilagay ang right of reply.

Cong. Dante: Baka naman po ang environment ng pagsusulong ng FOI ay may undue influence at hindi naman sinasadya ay maaring nagkaroon ng takot ang senado kaya napabilis ang pagsusulong nito.

Sen. Poe: Noong kampanya, talagang gusto ko na magkaroon ng FOI. Ako personal, masaya, bilang chairman ng Public Information, kung ano man ang kadahilanan ng nasasangkot dyan at napre-pressure sila at inaprubahan ang FOI, ay okey naman para sa sambayanan. Ngayon po ang media sa totoo lang, may obligasyon sila na ireport ang katotohanan, at kabuhayan nila yan na gumawa ng istorya that will interest the public. Sila po ay salamin ng nangyayari sa ating kapaligiran kaya pag nasusulat nila ang isang bagay, yan ang nilalaman ng isipan at damdamin ng marami nating kababayan. Dapat rin naman na pakinggan ng ating lehislatura.

News Latest News Feed