Press Release
January 19, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's dzBB interview hosted by Nimfa Ravelo

ON FOI

Nimfa Ravelo: Sa FOI, heto pong nakaraang linggo, lumabas ang report na bagsak ang kredibilidad ng Senado, at kinakailangan daw pong bumawi. At ang sabi ni SP Drilon, isa daw po sa magiging pambawi ang pagpapatibay ng FOI bill...Ano po ang status ng FOI bill...?

Sen. Grace Poe: Maganda namang mismong ang Pangulo ng Senado ang nagsabi na ito'y prioridad. Tuluy-tuloy pa po ang nagiging debate natin sa plenaryo, mag-uumpisa uli ang plenary debates, ibig sabihin ang pagtatalakay diyan sa 27th. Sa 27th ng buwan na ito, hopefully, bago matapos ang 1st quarter, bago matapos ang Marso, ay maipasa natin 'yan sa Senado.

Ravelo: Ma'am, bakit po sa 27 pa, di ba po mag-re-resume na kayo ng session tomorrow?

Poe: Mayroon pang mga ibang, katulad niyan, mag-pi-privilege speech pa si Sen. Revilla, tapos humiling na ako ng pakiusap sa ibang mga kasamahang senador na ihanda na nila ang mga tanong nila kasi ang nangyayari, parang ampaw* ang mga tanong - may mga magtatanong this week, tapos next week na naman ipapagpatuloy, na-di-delay. Sabi ko, kung may mga gustong magtanong, ginawa na nating next week, hindi itong week na ito, na sana magpalista na ang mga gustong magtanong para matapos na agad. Kasi mahirap kung bitin pa, tapos sa mga susunod na linggo - hindi natin maipapasa agad yan.

Ravelo: Ma'am napansin din naming kahit nung December, na paudlut-udlot lang ang interpellation sa inyo samantalang available naman kayo.

Poe:... Nagkakaroon na yung mga iba, hindi pa handa, gusto naman ng iba, so para tuluy-tuloy na - kasi ang hirap na lagi kang nagbibigay ng notice, tapos sasabihin ng isa, ako hindi pa nagtatanong - so nakiusap na kami, ipinadala na ng staff namin sa mga iba't ibang tanggapan ng mga senador, na kung sana ay handa na sila sa 27th para bigyan na natin sila ng heads up o konting busina na mag-uumpisa na tayo nun.

Ravelo: Kasi po ang sabi ni Senator Drilon ang inyong commitment ay pagtibayin ang FOI bill sa first quarter ng taon.

Poe: Tama. Tama. May oras pa hanggang end ng March.

Ravelo: Sa ngayon, Ma'am, nagtatagal lang dahil mayroong delays sa pagtatanong pero walang problema, Ma'am, yung commitment to have it passed, nandun po?

Poe: Totoo naman. Siyempre may kanya-kanyang suhestiyon tungkol sa mga probisyon ng FOI, pero lahat naman ng nakakausap ko, malaking mayorya ay sumusuporta naman dito kaya sa tingin ko naman hindi problema. Kaya lang importante, magpasa talaga tayo ng FOI na ikararangal nating lahat, na tunay na kapaki-pakinabang. Kasi hindi naman pwedeng basta lang magpasa para masabing naipasa lang ito, pero palpak naman.

Ravelo: Dito sa FOI may ilang concerns, natatandaan ko gaya ni Senator Enrile, dating Defense Secretary, ang kanyang concern ay national security issues. Paano po yun ia-address?

Poe: Hindi ko alam kung bakit nagiging problema yung national security. Ang punto nga niya dyan, baka daw masyadong maging restrictive ang FOI dahil hindi natin binibigyan ng all access kaagad pag dini-discuss natin ang national security. Napakahalaga kasi na 'pag may deliberasyon, lalong lalo na pagdating sa imbestigasyon ng mga kriminal na aktibidad, o kaya mayroon tayong mga minamasid na mga suspects, hindi naman pwedeng malaman ang mga aktibidad, kasi baka naman maudlot ang mga imbestigasyon... Kaya importante ring pangalagaan natin ang national security.

Ravelo: Hindi naman po kaya ma-paralyze ang mga government agencies kasi everytime may takot na makasuhan, hindi na makakilos...

Poe: Alam mo siyempre yan ang ating iniiwasan, pero sa totoo, Nimfa, kailangan naman talaga na kung ikaw ay gagawa ng isang transaksyon sa gobyerno, ay malaman ng taumbayan kung ano ba talaga ang pinapasukan ng iyong gobyerno. Sabihin na natin na kung ikaw ay isang negosyante, maghanda ka na, na 'pag ikaw ay gagawa ng isang negosyo sa gobyerno, malinis ang libro mo, at madali itong makita, kasi diyan nag-uumpisa ang nakawan, pag hindi nakikita ang dokumento, pag hindi natin talaga alam ang kontrata, so kung wala ka namang itinatago, wala ka namang dapat katakutan.

Ravelo: Ma'am yung sinabi niyong ampaw, may nag-text, ano daw po ang ibig sabihin nito? Ito po ba daw ay pautay-utay na pagtatanong o walang laman ang tanong? (laughs)

Poe: (laughs)...*Pautay-utay. Ganun naman talaga, minsan siyempre hindi naman sabay-sabay ang mga tanong. Dapat mas maging organisado, kasi pag papasok ka isang debateng ganyan, hindi ko minamaliit ang mga debateng ganyan, napakaimportante na pinapag-aralan ko talaga yan, kaya ayaw ko yung para bang ngayon, handaing handa na ako, tapos wala namang magtatanong. Tapos next week, kung saan lahat ng materyales mo ay handa na, kunwari hindi nadala dahil wala naman sa agenda, biglang magtatanong. Kailangan parang pumapasok sa examination nyan, parang mag-di-defend ka ng thesis mo. Kailangan naman may schedule - hindi naman laro ito. Seryosong trabaho ito, at siniseryoso ko ang trabaho ko...

News Latest News Feed