Press Release
January 29, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's Radyo5 interview on FOI
Punto Asintado hosted by Mr. Erwin Tulfo and Mr. Martin Andanar

Sen. Grace Poe: Magandang umaga Erwin, magandang umaga Martin, at sa lahat po ng mga nakikikinig.

Q: Ma'am, update lang po sa Freedom of Information bill, nasaan na po ito, Ma'am? Kumusta na po?

Poe: Yun Freedom of Information, nasa plenaryo na po yun debate, kaya nagkakaroon ng pagkakataon ang ibang senador na magtanong tungkol dito sa ating panukala. Sa ngayon naman po ay wala naman akong kaba na maipapasa po natin ito sa Senado. Ang problema naman talaga ay yung bicam, na sana mapabilis na rin po sa Kongreso.

Q: Yesterday, may sinasabi po si Senadora Miriam, lumalabas na mukhang maganda po talaga itong Freedom of Information, kasi marami po tayong information na malalaman pati po ang sweldo ng mga pulitiko natin, mga government officials, eh mailalagay po diyan. At isa po sa punto namin, halimbawa po itong sa Pagadian City, yun housing project na substandard pala at mukhang may nangyayaring hokus-pokus dun Ma'am, so madali po ito ma-access ng mga kababayan po natin, di po ba Madam Senator?

Poe: Opo Erwin, tama ka diyan. Katulad ng sinabi ni Senator Miriam, at noong nag-usap kami, sabi ko (kay Senate President Drilon), Mr. President, pagkakataon ko na dahil nandiyan si Senator Miriam, kasi sa panukala namin nakalagay na dapat automatic upload ng SALN. Kunyari, President, Vice-President, members of Congress, Senate, judiciary, sabi ko, hindi ba dapat isama na rin pati local government? Dun sa puntong 'yon, sabi ni Sen. Miriam, oo, sa tingin daw niya dapat kasama pati mayor and governor, at sinabi din niya na dapat pati yun mga sweldo namin at ibang allowances pa. Kaya nga nung binanggit niya 'yon, mas ikinatuwa rin namin na nagtutulak nitong FOI, na dapat talaga mailathala lahat yan para wala nang magduda sa amin dahil hindi rin naman po fair sa amin na katulad niyan kung ano ba talaga ang tinatanggap namin. Pangalawa, yun sinasabi ninyo dito sa Pagadian, kasi po kung may proyekto ang isang private contractor sa gobyerno, kailangan din po na ibigay nila ang mga impormasyon ng kanilang mga suppliers at kung ano ang mga binabayad nila sa mga materyales na ino-order nila para walang magkaroon ng duda tungkol sa kalidad ng kanilang ginagamit. So, para sa akin at sa marami na rin, napapanahon na talaga na maipasa na ito dahil hindi rin naman kasi patas para sa mga nanunungkulan ng tapat na pagdudahan dahil hindi available ang impormasyon para sa ating mga kababayan.

Q: Wala po bang ika nga, resistance Ma'am, doon sa Kongreso, dahil ito ay matagal na nilang inihain pero hindi na umusad-usad unlike diyan sa Senate, lalo na pag-upo po ninyo, ay mukhang pinag-uusapan na po ito ngayon at mukhang maganda po ang balita. Pero doon po sa kongreso, tila standstill ito, tila hindi pa nakakalabas ito sa committee itong Freedom of Information Bill na ito madam?

Poe: Oo nga po eh. Yung kaba ko sa kongreso hindi na rin tayo sigurado. Siyempre, iba naman kasi ang kongreso, ang dami kasi nila. Dito naman sa Senado, 24 lang kami. Para sa akin naman, nakausap ko si Speaker Belmonte nung isang pagtitipon at sinabi niya po, "Habang sa term ko, maipapasa ang FOI." Umaasa tayo. Basta sabi ko nga rin sa media at sa ating mga kababayan, i-lobby natin sa Kongreso na maipasa ito. Wala naman sigurong dapat ikatakot kung wala naman talagang tinatago. Pero siyempre, hindi naman ito certified as urgent. Ang Kongreso ngayon, ang kanilang prayoridad ay ang economic provisions ng ating Constitution. So baka nga po hindi kasing bilis ng nais natin mangyari.

Q: Diyan po sa version ninyo, Senator Grace Poe, meron po bang nakasingit diyan na right to reply, etc.?

Poe: Sa amin po sa Senado, sa 15th congress last year at sa amin ngayon, wala pong right of reply. Meron rin sa aming naniniwala na hindi po natin pwedeng diktahan ang pwedeng isulat dahil parang form of censorship na rin iyon. Parang may nagsabi na, "Ito dapat ang i-print ninyo." At kunwari, meron na rin isang partido na kailangan i-interview, pero nagtatago naman, ano, hindi mo pwede ilabas artikulo mo? Sabi ko naman, media also has the capability to correct itself. Kapag meron naman kasi ng libelous na bagay-bagay, ibang batas iyon. Dapat hindi iyon isama sa FOI.

Q: Ma'am ito po gusto ko pong malaman, I understand kayo po ay miyembro ng Liberal Party?

Poe: Hindi po.

Q: Ay, so kasama kayo sa koalisyon. But would you know kung ano ang party stand ng Liberal Party?

Poe: Hindi ko po alam yung party stand nila, pero ang lahat ng Liberal sa Senado ay sumasangayon sa FOI. Hanggang doon lang po alam ko. Wala naman akong kilala sa Senado na against sa FOI. Sa Lower House, hindi rin ako sigurado kung lahat ng Liberal Party doon ay pareho din ang posisyon.

Q: Huli na lamang Senador Grace. Do you really believe na itong Freedom of Information bill, mailulunsad at maisasabatas bago bumaba ang Pangulo?

Poe: Umaasa ako na bago siya (Pangulo) bumaba. Baka bago matapos ang 16th Congress, gawin nilang photo finish yung pag-apruba ng bicam. Ako naman, ang iniisip ko, ang ating Pangulo ngayon, bagamat ang iba ay maraming sinasabing kailangang gawin, ikumpara naman natin sa marami at siya mismo, ay isang tapat naman na indibidwal. Kaya lamang hindi natin masisiguro sa mga darating na panahon, at ang FOI ay sandata natin. Kunwari, magkaroon tayo ng hindi kaswertehan at magkaroon tayo ng isang hindi tapat na namumuno, hindi lamang sa executive kundi kahit sa local government, at least meron talaga tayong proteksyon sa batas na makita ang mga transaksyon ng gobyerno.

Q: Pahabol na lang Ma'am na katanungan. Kung nais po talaga ng pangulo, bakit daw po hindi cine-certify ng Pangulo na urgent itong bill na ito?

Poe: Alam mo, ito lang ang aking sariling spekulasyon: Kapag ikaw ay nanunungkulan o ikaw ang pinaka-nanunungkulan sa lahat, nakakanerbyos talaga itong FOI lalong-lalo na kapag binabalanse mo ang karapatan ng mga tao na malaman ang transaksyon ng gobyerno at ang ibang mga bagay tulad ng national security, investigation of a criminal activity or diplomatic relations. Maraming mga impormasyon na talagang delikado ring basta-bastang mailathala. Kaya nga siguro gusto nilang makita ang version namin para makita kung meron bang proteksyon rin ang gobyerno.

Meron naman ng lehitimong mga bagay na hindi dapat ilabas. Halimbawa, sabihin na natin yung pag-uusap usap ng Presidente o ng mga miyembro ng Senado na frank discussion na no-holds barred. May mga executive session na makakasama, halimbawa, sa imahe. Pero importante rin naman na mailabas rin ng mga sumasama doon sa diskusyon para magkaroon ng balanseng diskusyon.

Ngayon dito sa FOI, meron ng period of declassification. Meron ng remedial measures. Halimbawa, sabihin ng President "iyan ay confidential, hindi iyan pwede," you may challenge in either the appropriate court para magkaroon ng petition for mandamus. Or, pwede ka rin pumunta sa ombudsman para magkaroon ng administrative liability iyong government official na iyon. So may remedial measures tayo. Pero mahirap talaga sa isang sistema na nasanay na hindi ganoon ka-transparent.

Q: Alright, Senadora Grace Poe, maraming salamat po, Ma'am. Magandang umaga po sa inyo at mabuhay po kayo.

Poe: Salamat din, Erwin at Martin, at sa lahat ng nakikinig.

News Latest News Feed