Press Release
February 21, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's dzRH interview
Hosted by Joe Taruc and Milky Rigonan

Joe Taruc: Welcome po, Senator Grace Poe. Magandang umaga po.

Senator Grace Poe: Magandang umaga po Manong Joe at Ms. Milky at sa lahat ng nakikinig.

On FOI's passage at the Senate

Taruc: Alam po ninyo ngayong mga araw na ito ay aligaga ang mga kagawad ng kamara de representante dahil sa napakaraming mga issues. Una na dito ay yung cha-cha. Siguro kahit papano ay maisasantabi na naman yung pagtalakay na gagawin o yung pagdinig na gagawin tungkol dito sa equivalent na panukalang batas ng FOI.

Poe: Tama po kayo dyan. Gayunpaman, sa dami ng problema na kinakaharap ngayon ng Senado at sa dami rin ng hamon sa ating institusyon, at least yung magandang balita naman, sa Senado at least, ay matatapos na ang ating pagdebate at sana ay maaprubahan na itong freedom of information or itong karapatan natin na malaman kung ano ang nangyayari sa ating gobyerno. Para sa akin po, isa pong malaking tagumpay po ito sapagkat kahit na sabihin natin sa Senado lamang ito, ito'y natapos ng wala pang isang taon at siguro naman ngayon ay pwede na nating sabihin sa Lower House na kayo na lang ang hinihintay.

Taruc: Kung sabagay, yung naturang panukala, kung ilang kongreso na ang tumalakay dito at there was a point na napagtibay na ito. Matter of minutes sana ay naaprubahan na yung naturang panukala hindi po ba.

Poe: Tama po, doon nga po sa Lower House ay maaprubahan na, siguro sa third reading na ito pero ang problema lamang po ay syempre nagkaroon na ng eleksyon so lahat at naging abala na doon. Subalit sa ating 16th Congress, nandito pa lang tayo sa unang taon ng 16th congress so marami pang taon para ipaalala sa kanila.

Taruc: Ma'am na-review na po ba ninyo yung FOI bill version ng palasyo ng Malacanang na ifinorward sa kamara de representante? Nagkaroon po ba kayo ng kopya ng naturang panukala?

Poe: Opo meron po tayo niyan, at sa totoo po, yun din ang basehan natin bagamat meron tayong mga idinagdag doon na sa akala natin ay mas makakatulong. Sa kaalaman po ng ating mga nakikinig, ano ba itong FOI na ito? Ito po ay batas para mayroon tayong kapangyarihan at karapatan na malaman kung ano ang nangyayari sa ating gobyerno, makikita natin ang kanilang mga dokumento, transaksyon, kung ano ang kanilang mga pinag-usapan. Parang hinahalintulad natin iyan sa isang dokumento o bagay na nakatago sa iyong cabinet. Pag hindi naarawan, iyan ay madaling tubuan ng mikrobyo. Ganoon din po ang mga transaksyon sa gobyerno, kapag hindi natin nakikita, mas lalo tayong nagkakaroon ng duda. At iyan na nga po ang nangyari sa PDAF Scam, itong mga kontratang ito, hindi natin nakikita so sa ating mga ordinaryong mamamayan, lahat po tayo-- kahit po sa mga probinsya, mga magsasaka, kahit po sa mga barangay-- kung meron tayong tanong, patingin nga ng kontrata ninyo sa sinasabi ninyong kalsada na gagawin, kahit po sino ay pwede pong masilip ang mga kontrata na iyan. Kaya po napakahalaga na maipasa po natin itong Freedom of Information.

FOI as the public's defense against corruption

Taruc: Alam ho ninyo, bibigyang pansin ko lang ang ilang mga tumatawag dito, senator. Kasi yung iba nating mga pangkaraniwang mamamayan ay hindi po nila nababatid o hindi gaanong nauunawaan yung kahalagahan nitong naturang panukala. Sabi nila, o ano ba yang FOI bill na iyan, mukhang pinag-uusapan na naman or maaaring maisantabi na naman at hindi na naman matalakay. Siguro iyon ang dapat kilkilin natin sa isipan ng pangkaraniwang mamamayan.

Poe: Manong Joe salamat din po sa pagkakataon dahil alam ko pong maraming nakikinig dito. Parang ganito lang po, kung ang isang tao alam niya na merong nakakapanood sa kanila. Kunwari ikaw ay nasa harapan ng camera, syempre ang pagkilos mo ay mas maayos hindi po ba? So ngayon, kapag napasa itong freedom of information or karapatang malaman ang mga impormasyon sa gobyerno, syempre kahit papano ang mga kawani ng gobyerno-- kasama na kami diyan-- alam naming lahat ng mga transaksyon namin kahit na kelan ay pwedeng humingi ng kopya ang ating mga kababayan, mga kontrata na papasukan, mga ginagastos namin. Gusto natin na tama ang iyong makita. Mas matatakot tayo na gumawa ng kasalbahihan kasi mas madaling mabuko. Ngayon, sinasabi ba natin na perpekto ang sistema? Marami siguro ang magsasabi na sigurado meron pa ding mangungurakot, meron pa ding mga magtatago. Meron po yan, pero sa FOI kapag may nagreklamo sa iyo na hindi na nagsasabi ng totoo, may kinukubli kang impormasyon, pwede kang patungan ng kaso at pwede kang makulong. Hindi katulad dun sa dating version ng FOI na walang kulong na kasama. Yung sinasabi po ninyo na version ng Malacanang at yung version namin, yun sa amin po, mas matindi ang parusa, ang fines, ang pagbabayad at kulong.

On reasonable exceptions

Milky Rigonan: Pero po, isa sa mga kontrobersyal na provision ng FOI bill ay yung "of national interest," papaano po ang magiging saklaw nito kasi sinasabi po ng ilan na baka ito po ang gamiting probisyon ng gobyerno para hindi lahat ma-detalye yung gustong malaman ng taong bayan. Sa clause ng national security?

Poe: Yung sa national security, pag sinabing "of national interest," usually kung merong imbestigasyong criminal, hindi naman natin pwedeng ibunyag yung operasyon natin. Ngayon pag sinabi naman natin pagdating sa defense, external defense, siyempre yung mga relasyon natin sa ibang bansa, pag nagkakaroon ng konting diskusyon diyan, siyempre, di naman kailangang ilabas agad yan. So pag sinabi nating may mga bagay na ganun na medyo delikado o peligro ang pinag-uusapan, ang nangyayari naman po diyan dito sa Freedom of Information, meron na tayong recourse o pagkakataon na kwestyunin yan at sabihing hindi pwede. Pwede kang mag-apila sa susunod na mas mataas ang ranggo at pag ikaw ay na-deny pa rin diyan, pwede mo na silang sampahan ng kaso sa isang korte. Tapos kung hindi naman sa korte, pwede kang pumunta sa Ombudsman. Halimbawa para magkaroon sila ng kasong administratibo. So ngayon, ginagamit na nila yang national interest na iyan, subalit sa ngayon mahirap silang pilitin kasi wala ngang batas na tunay na nagsasaad ng karapatan natin na malaman ang impomasyon. Ito po ay nasa Constitution na natin kaya lamang po hindi po naka-detalye ang mga pwede nating gawing remedyo kung saka-sakali na hindi tayo mabigyan ng karapatang malaman ang mga nalalaman sa gobyerno. Katulad niyan, pag iniisip po ninyo, paano yan, ako ay isang simpleng magsasaka lamang, o ako'y simpleng manggagawa, ano ba ang pakialam ko sa FOI bill? Ito na lang po ang isipin natin, kung nagkaroon tayo ng FOI bill, hindi po hahantong sa puntong ito yung mga nangyayari sa PDAF at malaking pera po ang nagastusan sa mga tamang proyekto, sa mga ipapautang sa ating mga mangingisda at magsasaka, imbes napunta sa bulsa ng iilan.

Taruc: Sana nagkaroon ng pagkakataon na mabantayan ang mga proyekto na yan at kahit papaano alam ng taumbayan at magtatlong isip ang gagawa ng katiwalian.

Rigonan: Senator Poe, pero hindi pa rin ito priority bill ng Pangulong Noynoy Aquino? Hindi ba maganda na i-certify niya ito as urgent?

Poe: Siyempre po, nangangarap ako at umaasa na sana nga i-certify. Subalit sa tingin ko naman, bago siya matapos ng kanyang termino sa 2016, marami pa namang pwedeng mangyari at sa tingin ko kahit hindi ma-certify ng ating pangulo, sa Senado ay mabilis ito sa tulong din ng ating mga kababayan, mga netizens, kayo rin po sa media. Sa tingin ko, makikita din nila sa Lower House na ito'y talagang napakahalaga na rin. Ito po kasi iyon ngayon, siyempre ang ating pangulo, bagama't maraming sinasabi ang iba-- may kanya-kanya tayo ng opinion-- sa tingin ko, walang makapagsasabi na hindi siya tapat, siya talaga ay sincere. Kaya lamang po nagkaroon na tayo ng mga masasamang karanasan sa mga dating namuno sa ating bayan. Papaano ngayon sa 2016 kung tayo ay hindi suwertehin at magkaroon tayo ng mga iba't ibang namumuno, hindi lang sa executive kung hindi sa iba't ibang pwesto, napaka-halaga na meron tayong FOI na pwede nating gamitin para mabantayan sila. Hindi naman ito para sa mag-espiya lamang ng iilang tao pero para ang institusyon natin ay hindi mababoy.

On the creation of FOI desks in gov't agencies

Taruc: Meron pong nagsasabi Senator na maganda sanang may kaakibat na probisyon itong panukala sa creation ng isang particular na body or government agency upang sa ganun ay umalalay sa mga pangkaraniwang mamamayan na may mga reklamo tungkol sa violation ng naturang panukala. Halimbawa isang pangkaraniwang laborer, o magsasaka ay may reklamo sa ganitong opisyal dahil sa hindi pagbibigay ng records na gustong malaman. Pag ito'y nagreklamo, alam naman natin na pag walang particular agency na itatatag yung ating bill tungkol dito, eh baka mahirapan din mag-progress yun reklamo.

Poe: Kapag ito pong FOI version natin ay maipasa, bawat ahensya ng gobyerno ay magkakaroon ng FOI desk. Kung sa barangay naman, maliliit naman sila at syempre kaya na nila yung mga simpleng tanong sa kanilang lugar o sa munisipyo nila ipapadala. Ngayon, doon po sa sinasabi ninyo, ang Ombudsman, doon sa aming version ay magtatalaga ng isang FOI desk. Ang Ombudsman ang dami pong problema diba? Pero lahat po ng reklamo na nakatuon lamang sa FOI ay mayroon pong isang tanggapan sa Ombudsman na yun din lamang ang trabaho. Ngayon kung kailangan na per region ay mayroong branch sila para makatanggap ng reklamong ganyan, iyan po ay magandang tingnan sapagkat tama po kayo, baka naman hindi sila makapagreklamo ng tama dahil nga kulang ang ating mga tanggapan sa pamahalaan.

Taruc: Oo, baka kasi yung mga complaints na kanilang dadamhin ay matulog lang sa tanggapan ng mga lugar kung saan ito ay i-fa-file.

Poe: Tama po kayo diyan, opo.

On intensified campaign against illegal drugs and strengthening of the PNP

Taruc: Ma'am kayo kasi ay masyadong identified sa FOI bill, pero marami din ang hindi nakababatid na kayo rin ang chairperson ng Senate committee on illegal drugs.

Poe: Tama ako nga po iyon.

Taruc: Alam po ninyo medyo nakababahala na dito sa ating bansa ay may pumapasok nang international drug cartel. At kung makakumpiska at makakahuli yung mga awtoridad natin, itong mga anti-drug agencies aba'y talagang napakalaki ng kantidad ng mga illegal drugs.

Poe: Yung unang-unang masasabi ko doon sa ating PDEA kapag nakikita natin yung mga nangyayari na nahuhuli nila, syempre tayo ay nababahala pero sa isang banda, nagpapasalamt din tayo sa PDEA na talagang puspusan yung kanilang trabaho. Alam ninyo po, ako ay sumali sa isang convention kung saan ang mga iba't ibang mga mambabatas sa iba't ibang bansa sa Asya ay lumahok. Ngayon po ang pinag-usapan namin doon, yung problema ng droga na sa Mexico pa nga mismo yung convention na iyon. At ito na nga ang nangyayari sa ating bayan ay pumapasok na yung mga drug cartel pero naagapan din natin kahit papano. Sa tingin ko naman, sana ay hindi lumala ang sitwasyon at patuloy nating maagapan pero lahat ng mga bansa na nagiging progresibo o sabihin na natin na umaangat ang kanilang ekonomiya ay nagiging problema din ang droga kahit sa Australia. Yung sa Mexico nga din po, sa Russia ay lahat po iyan binanggit nila ang problema. Sa China rin ang problema na iyan, nangagaling diyan yung mga raw materials o yung mga tapos na na mga droga dinadala dito at minsan ay ine-export naman papuntang Japan dahil sa Japan mas mahal per gramo ang droga pero mataas pa din ang problema ng droga. So ang sinasabi ko po sa ating mga kababayan, dahil mas malaki na ang populasyon natin, lumalaki ang ekonomiya natin kasabay na nagiging problema ito kaya isa sa ating panukala ay dapat payagan ang wire tapping kapag mayroon tayong hinihinalaang mga drug transactions. Kasi sa ngayon po, bawal ang pakikinig sa pakikipag-usap sa cellphone o sa pribadong linya ng telepono kung ito po ay hindi konektado sa terorismo o sa kidnapping. So ngayon po, gusto po nating palawakin iyan. Syempre gusto rin natin madagdagan ang ating mga pulis at magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga magiging bagong graduate ng K-12. Pinapanukala ko na pag nag-graduate ka ng K-12, pwede ka nang magkaroon ng clerical position sa ating PNP sapagkat hindi naman kailangan na maging college graduate para mapuno po natin ang mga posisyon sa Philippine National Police. So isa lang po iyan sa mga hakbang natin pero gusto ko rin pong taasan ang reward money doon sa mga nagsusumbong sa mga operatiba ng PDEA o ng pulis na makakahuli o magbibigay ng tip. Kasi alam ninyo po Manong Joe, pag nakita mong milyon-milyong halaga ng droga ang nasa harapan mo at ikaw ay isang simpleng mangagawa o simpleng pulis, syempre napakahirap din ng temptasyon na iyan. Parang yun pong nangyayari na andiyan na nga lahat-- ito ba ay ibibigay sa gobyerno o magagamit ko sa sarili ko lalo na kapag kasama yung pera doon sa mga drug bust. Kaya nga po yung porsyento ng reward, isa pa po iyan sa aking gustong pataasin para sa ating mga pulis.

Taruc: Alam ho ninyo ma'am, sa madaling salita, ang maari nating gawin ay yung pagpapalakas sa mga anti-drug agencies ng gobyerno ano po? Kasi hindi lang milyon-milyon kundi bilyon-bilyon na po yung mga nakukumpiska ng PDEA at tsaka ng aides po ng PNP.

Poe: Tama po kayo diyan, talagang ang daming problema sa peace and order ng ating bansa at nakikita natin na malaki ang tulong ng pagrerepaso ng ating mga batas para naman maging sang-ayon sa panahon. Nalaman nga natin ang datos na sa araw-araw halos labing-dalawang bata ang napagsasamantalahan, so ang mga problema na ito ay hindi natin puwedeng pabayaang magpatong-patong. Balewala naman ang pagtaas ng ating ekonomiya na sinasabi nila kung hindi natin mapapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating bayan. Kaya malaking hamon ito Manong Joe pero sa tingin ko hindi lamang po ito sa law enforcement, ito rin po ay sa ating hustisya kasi alam ninyo po kahit huli nang huli ang mga pulis pero pag nakita naman nila na ang bilis nakakawala o ang antagal-tagal bago mahatulan sa korte ay walang natatakot lalo na kapag may kaya. Bunga ng mas magaling na abogado at mabagal na proseso, mas lalong lumalakas ang loob ng mga salbahe sa ating lipunan, kaya nga po kasama niyan dapat din magkaroon ng reporma sa ating judicial system o sistema ng hustisya. Kahit sabihin nilang ibalik ang death penalty, pag-aralan natin iyan pero tandaan natin ang mas nagiging biktima ng maling sistema ay ang mga mahihirap, so kahit na ako po ay sang-ayaon na dapat ay talagang maging seryoso tayo at maging mas malala ang ating parusa sa mga nagkakasala, isipin natin na pag mayroon death penalty at may isang mahirap na hindi nakakuha ng magaling na abogado ay baka mas madaling masentensyahan sa kamatayan. Kaya po talagang ang dami nating kailangang pag-aralan sa Senado at pagdebatihan kasama na din yung mga ibang bagay para naman mabalik ang tiwala ng ating mga kababayan sa institusyon.

News Latest News Feed