Press Release
February 26, 2014

Transcript of DZRH Interview of Senate President Franklin Drilon

Q: Mukhang hindi pa po natatapos yang imbestigasyon ng Senado sa pork barrel scam, at habang tumatagal ay mukhang lumalalim ng lumalalim yung istorya at lalong lumalawak yung dapat magbigay ng testimonya.

SPFMD: Nasa Blue Ribbon Chairman Sen. Guingona kung sa tingin niya ay may sapat na ang mga resource persons, at kung pwede na ba silang gumawa ng report, at gumawa ng rekomendasyon sa Senado at sa anumang mga ahensya ang sa kanyang tingin ay dapat mabigyan ng kopya nung report.Ang pagkaalam ko, mayroon pang isang hearing, siguro sa March 6. Sa palagay ko malapit nang matapos iyan.

Q: Eto pong si Dennis Cunanan na dating head ng TRC ay ipapatawag din ba?

SPFMD: Sa pagkakaalam ko, ipapatawag din siya, dahilan po sa kanyang mga deklarasyon nuong mga nakaraang linggo.

Q: Sa napakaraming kaso at issue na iniimbestigahan ng Senado, kapag eto po ay dinala sa Ombudsman, ang tanong ng ating mga kababayan - especially pagdating sa mga kaso ng graft and corruption, plunder cases etc. - ay ang usad ng paglilitis ay parang mala pagong. Meron bang panukalang batas sa Senado para mapabilis ang proseso ng paglilitis sa bansa?

SPFMD: Tama po iyan. Talagang parang usad pagong ang proseso ng hustisya sa bansa. Alam mo, magugulat ka na ayon sa aming pagaaral, inaabot ng siguro mga pitong taon bago matapos ang paglilitis ng isang kaso sa Sandiganbayan. Ngayon po ay mayroong mahigit na 3,000 kaso na nakabinbin sa Sandiganbayan. Lilimang huwes ang nandiyan.

Kaya isa po sa mga ating gagawin para mabilis iyan ay ganito - meron pong panukalang batas na ating ihahahain mamayang hapon -iisponsor po natin sa Senado - na siyang magbibigay ng kapangyarihan sa kahit isang mahistrado lang na magreceive ng ebidensya. Ang kasalukuyang patakaran kasi, ang isang division ay may tatlong mahistrado. Kapag absent ang isa, hindi pa matutuloy yung pagdinig sa kaso. Kaya talaga umaabot ng pitong taon yung pagusad ng kaso. Kaya sa aming panukalang batas, na nasa calendar mamaya, kahit isang mahistrado ay maaring maglitis ng kaso, ngunit pagdating sa desisyon ay tatlo parin sila.

Yun naman po kasi ang mahalaga, without additional expenses sa pamahalaan. Hindi po dadami ang kawani ng pamahalaan, pero mapaparami natin ang husgado sa Sandiganbayan. In effect, magiging labing lima ang mga huwes na maaring duminig ngayon ng kaso sa Sandiganbayan.

Q: Maari po ba nating lagyan ng timeframe yang pagdinig ng mga kaso sa Sandiganbayan, para alam ng tao within three years or four years ay may desisyon na?

SPFMD: Hindi ko yan pa tuluyang napagaaralan iyan, pero meron tayong mag sinasabi na "continuous trial system." Kasi mahirap lagyan ng takda, kasi paano ang gagawin kapag hindi natapos talaga ang pagdinig? Sabihin natin, kailangang tapusin sa dalawang taon, at hindi natapos dahilan sa madaming testigo na lumabas - at kailangan dinggin ang bawat testigo- ano na ang susunod nating gagawin? Ibig sabihin ba babaliwalain na ang kaso? Kaya eto po ay kailangang pagaaralan pa natin, hindi pa po ako handa sumagot ng pinal diyan sa issue na yan.

Q: Kung titingnan natin sa China o sa Saudi Arabia, mabilis ang paghataw ng hustisya. Bakit po kaya?

SPFMD: Hindi ko po masasabi. Pero dito, alam natin kung bakit mabagal ang usad ng kaso. Alam mo, yung lahat ng order sa lower court, dinadala sa Korte Suprema. Ang Korte Suprema naman, ineentertain ang mga mga karamihan na delaying tactics lang. Yung ibang mga kasama ko sa proposeyon na abogado, they do everything to protect their clients, and minsan they are overdoing it. Minsan nakakalimutan na ang hinahabol natin ay hustisya.

Hindi po madali itong problema na ito, at ginagawa natin ang lahat. Kaya tulad nga nito, kailangan para mapabilis ang kaso, hayaan na isa lang huwes ang tumanggap ng ebidensiya. At yung mga maliliit na kaso, ay huwag na Sandiganbayan, duon na lang sa mga RTC.

Q: Sana po itong Sandiganbayan bill ay makatulong sa mga biktima ng injustice.

SPFMD: Tama po iyan. Kasi ito, kapag walang nakikitang parusa ang taong bayan sa pamamagitan ng paglilitis ng kaso, ay hindi po epektibo ang ating mga batas. Wala pong deterrent, kaya ang katiwalian patuloy. Dahilan kasi yung may mga masamang balak, ang sinasabi nila, "Ay, wala namang mangyayari sa mga husgado natin." Kaya wala talagang deterrent, sa pamamagitan ng parusa, dahil napakatagal bago matapos ang isang kaso sa ating mga husagdo.

Q: Sana naman po ay mayroon itong counterpart bill sa Kongreso, ay suportahan itong panukalang batas na ito.

SPFMD: Ay opo, nakausap ko na ho ang Chairman ng Committee on Justice sa House at siya po ay magfifile ng counterpart bill. Kung sa loob ng linggong ito ay hindi pa maifile, ay siguro sa susunod na linggo, ififile na po iyan.

Maguusap din kami ni Speaker Belmonte sa Lunes, sa aming legislative agenda sa Senado at Kongreso, at isa po ito sa aming mga napagkasunduan na ipapasa, bago po matapos itong Kongreso na ito. Bago po magHunyo, ay batas na ito.

Q: May isa pa pong panukalang batas na requiring telecommunication companies to send SMS alerts during times of disasters.

Sa ngalan ng ating mga kababayan, ano ho ang pakinabang dito at kalian ito matatapos?

SPFMD: Alam mo, halimbawa nuong nakaraang Yolanda, marami po ang hindi nakaalam duon sa storm surge na sinasabi. Ngayon mayroong panukalang batas galing sa Kamara de Representates na aming sinusuportahan na nagrerequire sa mga telecommunication companies na magbigay ng libre warning -walang bayad po - kapag may dumadating na sakuna.

Obligasyon ng mga telecommunication companies na magbigay ng early warning sa mga disaster, at ito ay kailangan natin para mabigyan ng sapat na babala ang ating mga kababayan sa parating na bagyo o kung ano pa man, para makapaghanda sila.

Ito po ay walang bayad, no additional charges po ito, at ito ay magiging required additional service ng mga telecommunication companies. Maganda po itong panukalang batas na ito, matutulungan makapaghanda ang ating mga kababayan.

Q: Mr. Senate President, March 12, matatapos na ang sesyon ng Senado. Aaabot pa kayang maipasa ito?

SPFMD: Aabot siguro. Iisponsor na ito next week, at hinihintay na lang namin ang version ng House. Ako ay naniniwala na matatapos ito.

Q: Good luck, Senate President. Maraming salamat po.

News Latest News Feed