Press Release
May 6, 2014

Transcript of DZRH Interview of Senate President Franklin Drilon
with Neil Ocampo

Q: Pagusapan po natin ang mga naipasang batas kahapon. Ano po ba itong mga batas na ito?

SPFMD: Ito yung batas na naguutos sa mga telecommunication companies tulad ng Smart, Globe and Sun na magpadala ng alerto o warning sa pamamagitan ng text na walang dagdag na bayad duon sa mga subscribers, sa mga area na magkakaroon ng weather disturbance tulad noong typhoon Yolanda. Noon po ay marami ang naapektuhan, dahil hindi nila alam, hindi sila nakapaghanda. Kaya ngayon itong batas, irerequire yung mga telecommunication companies na magbigay ng warning duon sa mga areas to be affected by storms and other disasters.

Q: Parating pa lang ang bagyo, makikita na sa cellphone ng mga cellphone holders kung saan patungo, gaano kalakas, anong lugar ang mga tatamaan, at kung hanggang saan ang bagyo.

SPMFD: Tama po iyan. Yang nga po ang mga impormasyon na ipapadala.

Q: Paano naman po ang mga anukalang batas na pinaprioritze na ipasa diyan sa Senado?

SPFMD: Kahapon po nong Monday ay kami ay nakipagpulong sa House leadership, kasama sina Speaker Belmonte. Mayroon kaming 16 na batas na aming nagpakasunduan na ipapasa sa susunod na anim na linggo. Anim diyan ay tungkol sa edukasyon.

Nangunguna diyan ang Iskolar ng Bayan Act, kung saan ang lahat ng state colleges and universities sa bansa, they will have to admit and grant scholarships to the top ten students of their graduating glass. Ibig sabihin niyan, kung ang isang highschool student ay kasama sa sampung pinakamataas na grado, mandato ng mga SUC kung saan sila magaaral na bigyan sila ng scholarship.

Para po ito sa ating mga kabataan na di kaya pumasok sa kolehiyo, para mabigyan sila ng scholarship sa mga SUC na kung saan nais nila pumasok. Isa po iyan sa anim na batas tungkol sa edukasyon ang aming ipapasa.

Mayroon din kaming batas na ipapasa para sa mga senior citizens. Lahat ng senior citizens ay dapat magkaroon ng Philhealth cards at coverage. May obligasyon kasi tayo sa ating mga senior citizen na tulungan sila. Kaya naman kailangan na bigyan natin ng Philhealth card ang bawat senior citizen.

Sa ating pagtulong sa anti-graft drive, ay ating ipapasa ang amendments sa Sandiganbayan law, para matulungan at mapabilis ang paglilitis ng mga kaso. Ngayon po kasi ay mayroon mga tatlong libong kaso na nakabinbin na kadalasan ay limang taon pa bago po madesisyunan.

Q: Kailangan nga po iyan, dahil sa dami ng mga kaso sa ating hukuman. Ang mga kulungan natin ay siksikan na ang mga bilanggo.

SPMFD: Tama po iyan. Kailangan nga na mapabilis natin, para po magkaroon ng deterrent sa mga ibig gumawa ng krimen. Eto nga po ang kaso sa Sandiganbayan, limang taon pa bago madesisyunan. Kaya po hindi na natatakot ang mga merong masamang intensyon na gumawa ng kalokohan.

Q: Mr. Senate President, sigaw ng mga manggagawa sa gobyerno, taasan ang kanilang sweldo. Eh paano ang mga nasa pribadong sector?

SPFMD: Iyan po ay nasa pribadong sector pa rin. Sa amin sa Senado, isa sa aming mga panukalang batas ay itaas sa exemption sa 13th month pay. Yun po ay aming itataas dahil 20 taon na ata ang nakalipas, ganon pa rin kataas ang buwis. Alam mo Neil, medyo maselan ito, ang BIR nagrereklamo, pero sa aming tingin, kailangan natin tingnan ang kapakanan ng ating mga manggagawa, lalo na yung mga nasa private sector.

Pero para po sa ating mga pampublikong mangagawa, hinihiling po natin sa DBM na pagaralan ang Salary Standardization Law. Hininiling ko sa kanila, kung maari next year magkaroon ng pagtaas ng sahod sa ating mga kawani ng pamahalaan.

Sa ating mga sundalo at pulis, plano natin itaas ang kanilang subsistence allowance, dahil hanggang ngayon, P 90 lang ang kanilang subsistence allowance. Kailangan natin itaas yan to help them cope with inflation.

Q: Pano daw po maicocompel ng Senado ng Blue Ribbon Committee na ipagwagwagan na yung listahan ni Napoles na nasa Department of Justice

SPFMD: Nasa sa Blue Ribbon Committee po iyan kung ito ay mapagdesisyunan nila. Nasa kapangyarihan po ng Blue Ribbon Committee to compel their resource person, in this case Sec. De Lima, na humarap at kung kailangan ilabas ang ano mang dokumento na kabilang sa kanilang imbestigasyon. Ito po ay nasa kapangyarihan ng Senado at ng mga komite na kailangan upang makagawa sila ng maayos na panukalang batas. Sa aming oversight function, kaya po nila iyan gawin. Kaya po ng Blue Ribbon Committee na ipilit ipalabas ang affidavit sa DOJ.

News Latest News Feed