Press Release
May 14, 2014

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin Drilon
by Neil Ocampo

Q: Ano po ang reaksyon niyo dito sa sweeping na ito sa Senado? Mukhang ubos lahat.

SPFMD: Alam mo Neil, katulad noong sinasabi ko noon pa, tayo naman ay pabor na ilabas ang listahan kung meron pruweba o testigo na makapag substantiate ng alegasyon. Magingat tayo sa mga listahan na walang detalye, dahil ang reputasyon ng mga tao ang nakasalalay diyan.

Tinatanong po kami, ano ang gagawin ng Senado ngayon ang daming senador na nababanggit? Sa akin po, ipagpatuloy natin ang mga reporma na ginagawa natin at naumpisahan noong nakaraang taon. Ako po nanguna sa Senado na nagasabi, "Wala nang PDAF, dahil ito ang pinagsimulan ng lahat ng mga alegasyon na ito." Sa kasalukuyang 2014 budget, wala nang PDAF.

Bantayan po natin, sa paguusap namin sa 2015 budget dapat po tingnan ng taumbayan, lalo na ng kabataan, para masiguro natin na walang PDAF na maiisisingit. Doon sa mga kaso, sinusuportahan natin iyan. Sampahan natin ng kaso yung mga tao kapag may ebidensiya, at ikulong yung mapapatunayan na nagkasala. Sa aking palagay po, ito ay isang proseso ng paglilinis sa ating pamahalaan, kaya lalong titibay ang Senado pagkatapos nito bilang isang institusyon.

Ito naman po ay dahil na rin sa transparency na sinusunod ng Pangulong Noynoy. Kung sa ibang nakaraang administrasyon ito, hindi ito lalabas dahil itatago iyan. Hinahayaan ng ating Pangulo na lumabas lahat ito, at kasama ito sa cleansing process ng gobyerno para na rin sa buong sambayanan.

Q: Duon po sa listahan ni Ping Lacson, wala duon ang pangalan ninyo. Pero duon sa listahan ni Benhur Luy, nanduon ang pangalan ninyo.

SPFMD: Basahin muna natin ng husto yung kay Benhur Luy. Malinaw na wala siyang sinsasabi na ako ay tumanggap ng kahit na ano. Ang sabi niya, may alokasyon ako, at yung implementing agency daw ay yung Commission on Appointments noon 2005. Eh paano mangyayari iyan kung walang alokasyon sa Commission on Appointments. At hindi naman siguro nagpapaconfirm nuon si Gng. Napoles o si Luy para sila lumapit, dahil hindi naman sila government officials. Ito po ay illogical, at walang basehan.

Balikan natin, alokasyon daw yun sa akin bilang CA Chairman. At CA daw ay naging implementing agency. Ang CA po ay hinde kahit kaIlan na implementing agency at walang PDAF, kaya naman napakaimposible naman iyang alegasyon na iyan.

Q: So kaya po ninyo panindigan iyan?

SPFMD: Hindi nila sinasabi na tumanggap ako. Ang sabi nila may alokasyon, pero hinde nila sinasabi na tumanggap ako. Ni isang SARO o kahit anong kapirasong papel, wala silang maipapakita. Sinabi mismo ni Luy, meron daw silang ginawang sulat, pero hindi ko alam kung sino ang nagdraft o nagsulat, but no transaction took place. Ibig sabihin, walang kahit anong transaction, at lalong wala akong tinanggap na pera.

Q: Sa listahan na ipinawagwagan ni Sen. Ping Lacson, kasama daw po sa original affidavit ni Mrs. Napoles yung mga joint affidavit sa bawat isa. ANo ang plano dito, muling bubuksan ang Blue Ribbon Committee kaugnay dito sa napakaraming pangalan na nabanggit dito?

SPFMD: Ang sabi po ni Sen. Guingona na Chair ng Blue Ribbon Committee, kanya pong pinagaaralan itong affidavit na pinasa ni Sen. Lacson. Ayaw ko pong pangunahan si Sen. Guingona, kaya bibigyan namin siya ng panahon pagaaralan.

Ngunit ang sabi ni Sen. Lacson, wala daw ako duon sa listahan na pinasa niya sa Blue Ribbon Committee. Ganun din po sa isang television show, yun din ang kanyang sinabi.

Q: Sa dinami-dami ng mga pangalan na kasama dito, sa tingin niyo ho paninindigan ni Napoles lahat iyan?

SPFMD: Hindi ko po alam yan. Sa dami ng listahan at pangalan na lumalabas nakakahilo na. Hindi kami magtataka kung ito ay haluan ng pakulo. Alam mo, malapit na ang 2016, marami na kakalat na kung ano-anong balita. Kaya magingat po tayo, lalo na sa mga listahan na ganito na wala naman basehan.

Q: Kailan po haharap diyan sa Senado matapos isya ay macompel si Sec. De Lima at si Napoles?

SPFMD: Pinag aaralan na po ni Sen. TG.

Q: Ihahayag naman po iyan sa sambayanang Pilipino?

SPFMD: Kapag ito po ay natanggap namin, ibibigay po iyan sa Blue Ribbon chair at siya ang mapapasiya kung dapat ilabas. Pero sa palagay ko naman, ilalabas ito dahilan sa hinihiling ito ng taumbayan. Ito naman ay public document, kaya dapat ilabas na iyan ng may basehan.

Q: At ang basehan niyan ay yung paglabas ulit ni Napoles?

SPFMD: May affidavit na kasama daw yung ginagawa ni Mrs. Napoles.

Q: Si Napoles po ba pahaharapin pa ulit sa Senado?

SPFMD: Yaan po ay pinagaaralan pa ng aming Blue Ribbon Committee chair.

Q: Sa kabila ng isyu diyan sa pork barrel scam, ang tanong, nagagampanan pa ba ng Senado ang paggawa ng batas?

SPFMD: Natutunghayan na natin iyan, ang pagpasa namin sa mga panukalang batas. Noong Lunes ay aming pong ipinasa on second reading yung batas para mapabilis ang paglilitis ng mga kaso sa Sandiganbayan, bilang parte na rin ng ating anti-corruption drive.

Q: Ano po ba ang konsepto niyang Sandiganbayan Law para pabilisin ang kaso?

SPFMD: Sa kasalukuyan Neil, kapag vista, ay dapat tatlong huwes ang nakaupo duon at hindi pwede ituloy kapag wala kahit isa. Kaya lalo pong tumatagal nang tumatagal yung kaso. Kapag wala ang isang huwes, walang mangyayari. Ang aming pong reporma, kahit isang huwes lang, pwedeng tumanggap ng ebidensiya, ngunit sa pagdesisyon ay dapat tatlong huwes pa rin ang sasangayon. Sa pamamagitan niyan, mapapabilis natin ang pagtanggap ng ebidensiya, which is the most important part of the judicial process.

Q: Bukod po diyan sa Sandiganbayan Law, ano pa po ba?

SPFMD: Ipapasa na din namin ang Graphic Health Warning Bill sa mga sigarilyo. Ibig sabihin, ilalabas natin sa mga pakete ng sigarilyo yung mga nasisirang baga at ipin, at sakit tulad ng kanser na nakukuha sa paninigarilyo. Yaan po ay ilalagay natin sa mga kaha at yaan ang aming tinatalakay natin ngayon.

Q: Any additional points to discuss, Mr. Senate President?

SPFMD: Ako po ay nanawagan sa ating mga kababayan, na bantayan nyo po ang Senado. Bantayan niyo ang mga public officials natin. Pero dapat we should be discerning. Tingnan natin kung alin ang propaganda lang, at tingnan natin kung alin ang alegasyong may tunay na basehan. Pinapangako po namin, sinusuportahan po namin ang imbestigasyon. Ang mga may sala, ipapakulong natin.

News Latest News Feed