Press Release
May 14, 2014

Transcript of DZMM Interview with Senate President Franklin Drilon
by Kabayan Noli De Castro

Q: Ano po ang gagawin natin sa lumabas na listahan, si Sen. Chiz umangal na siya ay nasa listahan. Yung sa iba wala.

SPFMD: Alam mo, dati ko nang sinasabi na tayo ay pabor na ilabas ang listahan, ngunit dapat ay sana may pruweba mula sa isang testigo, at hindi allegation lang. Yung listahan ay puro pangalan, walang malinaw na dokumento. Hindi naman yata tama na ilabas yang mga pangalan na walang basehan, dahil ang reputasyon ng isang tao ang nakasalalay.

Katulad nga ng sinasabi ni Sen. Chiz, nasa listahan siya ng isa, pero wala siya sa iba. Ipinasa na ni Sen. Lacson sa Blue Ribbon Committee ung affidavit daw ni Napoles, pero meron pang ibang listahan. Kaya po iyan ay uulitin ko lang, kailangan may pruweba ang listahan.

Q: Pabor ba kayo na ipatawag pa ulit ng Senado si Janet Lim Napoles para diyan sa listahan?

SPFMD: Ayan po ay nasa ating Blue Ribbon Committee Chairman. Hawak na ni Sen. Guingona yung affidavit na ipinasa ni Sen. Lacson. Ayaw ko po pangunahan ang chairman ng aming Blue Ribbon Committee.

Q: Kung kayo po ang tatanungin?

SPFMD: Ay kung ako ang tatanungin, ilabas na nila ang lahat ng dapat ilabas. Sa akin po, kung sino ang nagkasala ay dapat humarap sa husgado at harapin ang mga ebidensiya laban sa kanila, para mapatunayan ang kung ano talaga ang nangyari.

Q: Sa nangyayari po ngayon, hindi maiiwasan na magduda ang taong bayan sa mga miyembro ng Kongreso past and at the present po. Anong hakbang ang maaring gawin ng pamunuan ng Senado ukol diyan?

SPFMD: Unang una, dapat namin ipagpatuloy yung mga reporma na aming nasimulan na. Kung inyo pong maalala, nuong nakaraang taon, pinangunahan ko po ang iba pang 15 na senador na bumuwag at nagbura sa PDAF sa budget. Wala po kaming PDAF sa budget, sa 2014 General Appropriations Act, at sa 2015 national budget ay hinding hindi po ako papayag na bumalik ang PDAF.

Isa ito sa mga reporma na dapat namin gawin, at kami po ay sumusuporta sa imbestigasyon ng Ombudsman. Yung nagkasala, dapat sampahan ng kaso, kung may pruweba dapat ipakulong.

Dapat sundin natin ang sistema na kung saan may ebidensiya, and yun ang dapat sundan. Kung may nagkasala, dapat ipakulong.

Q: Ngayon pong 2015 ay wala na ang PDAF. Pero meron pa bang balak na iinstitutionalize ang pagalis ng PDAF sa mga mambabatas?

SPFMD: Sa akin po, bantayan natin ang budget dahil sa budget maaring lumabas iyan. Punahin natin. Ang taunang General Appropriations Act ay batas, kaya humihiling po ako sa media, sa ating mga kababayan lalo na sa mga kabataan, na maging aktibo sa gawain ng pamahalaan, na tingnan ninyo po kami, kung ano ang aming ginagawa.

Sabi mo nga Kabayan, "to institutionalize." Wala po akong maisip na ibang paraan na mainstitutionalize iyan, dahil sa amin ang institutionalization, ay ang paraan ng pagpasa ng batas. Ang General Appropriations Act, yan ay isang batas. Bantayan at tingnan natin ang bawat senador ang kanilang ginagawa sa budget.

Q: Ang pinapangambahan ng taumbayan, ang susunod na president o yung susunod na magiging pangulo ng Senado, baka magkaroon ng dahilan para ibalik yang PDAF.

SPFMD: Ay kung ganyan dapat banatan ng media. Bantayan natin ang budget. Batas po ang GAA, ang institutionalization ay yung pagpasa ng budget. Ang problema lang, bawat taon, may bagong budget. Kaya mahalaga po na ang mamamayan lalo na ang mga kabataan ay involved at may awareness sa mga mahahalagang ginagawa ng pamahalaan.

Q: Yung CIDG, nakipagmeeting na daw sa inyo ukol sa pagaresto kina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.

SPFMD: Hindi po kami nagpulong. In fact, sinabi nga ni Magalong sa pahayagan ngayon, na hindi siya nakipagpulong sa akin.

Q: Eh ano po yung sinabi ng CIDG na handa na sila? Meron ba silang parating sa inyo?

SPFMD: Wala po akong kauutusan, at wala silang ipinarating sa akin.

Q: Eh paano po pag isisilbi na yung warrant of arrest duon sa tatlo?

SPFMD: Yaan po ay susundin namin ang utos ng husgado. Definitely, we won't stand in the way. We will allow the arrests, and we will follow the orders of the Sandiganbayan.

Q: Wala na pong yung mga custody-custody?

SPFMD: Ay yung custody, hinde po yan pwede. Dahil sa Rules of Court, yung custody ay yung pwede lang for bailable offenses, yung pwede ka magpiyansa. Yun yung sinasabing hindi mo na kailangan magpiyansa, ilalagay ka lang sa custody ng isang mamamayan. Hindi po iyan pwede sa mga non-bailable offenses tulad ng plunder.

News Latest News Feed