Press Release
August 8, 2014

Transcript of DZRH Interview of Senate President Franklin M. Drilon

Q: 2015 budget - na P 2.6 trillion, ang laki - sinimulan na talakayin sa Kongreso. Kelan po ba sisimulan yan himayin sa Senado?

SPFMD: Sisimulan namin sa August 19 ang pagtalakay sa budget. Pero ngayon pa lang meron na kaming kopya ng General Appropriations Bill na programa ng gobyerno, at ang napansin ko dito, ang pinakamalaking budget ay para sa social services. Ibig sabihin, yung sa Department of Education at Department of Health, Philhealth at DSWD, yaan po ay umaabot halos kalahati ng budget natin - nasa malapit sa P 1 trillion. Yan po ang maganda sa budget na ito, na para talaga ito sa mga nangangailangan sa tulong ng ating pamahalaan ngayon.

Q: Maganda po iyan , lalo na sa Department of Education, para maging marunong at maalam ang ating mga kabataan, pero dapat din siguro pagpunta nila sa eskwela ay malusog sila. Dapat din sa Department of Health, pangalagaan ang health conditions ng mga kabataan, at DSWD para sa serbisyo sa iba't ibang panig ng ating bayan.

SPFMD: Tama po iyan. Ang DepEd, P365 billion ang nakalaan na budget. Ito po ay para sa mga gagawin at itatayong 33, 000 silid aralan sa bansa, at sa pagaayos ng 9,000 silid aralan kabilang na yung mga nasira sa bagyo, mga armchairs- lahat yan kasama sa budget ng DepEd.

Q: Sa Department of Health po?

SPFMD: Sa Department of Health ay P102 billion, na tumaas mula sa ngayong taon na budget na P 91 billion, kaya mahigit sa P11 billion ang itinaas at ito po ay para ayusin ang 1, 200 health stations at health centers, at public hospitals. Ganun din sa Philhealth na binigyan ng P35 billion para ienroll ang 15 million nating mga mahihirap na kababayang Pilipino, para matulungan sila at malibre sila sa mga public hospitals at health centers.

Q: How about sa DSWD?

SPFMD: Sa DSWD, patuloy po ang ating Pantawid Pamilyang Pilipino program na kung saan P109 billion ang nakalaan sa susunod na taon. Sa kasalukuyan, ang budget natin diyan sa Conditional Cash Transfer program ay P83 billion, kaya tumaas ito ng P 25 billion.Para ito mapondohan ang pagtulong sa 4.4 na mahirap na Pilipino, kaya sa susunod na taon, 4.4 million na mahihirap na Pilipino ang maaring matulungan sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino program. Kaya naman, ito ay social services budget, ay para po talaga sa mga mahihirap na Pilipino.

Q: Paano naman po yung panukalang batas na magdadagdag o maguumento ng sahod ng mga sundalo at kapulisan? Ano na po ang sitwasyon nito?

SPFMD: Atin pa pong pinagdedebatehan itong batas na ito sa Senado. Nasa period of amendments na po iyan. Amin po iyang tatalakayin ulit sa Lunes, yang pagtataas ng subsistence allowance ng ating mga sundalo at pulis. Yaan po ay dahil sa tinitingnan po namin ang kabuuan nitong programa na ito sa ating national budget.

Q: Yung Fair Competition Act, na isa sa mga batas na prayoridad ng Pangulo, kamusta na po ang status nyan?

SPFMD: Naisponsor na po ang panukalang batas na iyan. Ito ay naglalayon na maging patas ang kompetitsyon sa mga negosyo sa bansa, maliit ka man, o malaki, established man o nagsisimula pa lamang. Ito po ay itinutulak upang mapalawak po ang hanay ng nagnenegosyo sa bansa, dahilan sa ngayon iilan lang kompanya ang may monopolya sa maraming sektor. Ang monopoly ay masama sa ating ekonomiya, at kapag sinigurado natin na ang merkado ay hindi hawak ng illan lang, tataas ang kompetitsyon sa merkado, kaya bababa ang presyo ng bilihin at tataas ang kalidad ng mga produkto dito sa ating bansa.

Ito po ay matagal nang panukalang batas, at ito ay isang reporma na isinusulong ng ating Pangulong Noynoy Aquino, upang matulungan ang kapakanan ng ating kababayan.

Q: Short questions lang po , Mr.Senate President - Pangulong Noynoy, term extension?

SPFMD: Wala pong ganyan sa Senado. Kailangan po niyan ng pag-amyenda sa konstitusyon, at wala pong pinaguusapan sa Senado na ganyang pagamyenda.

Q: Vice President Binay, Malabo ba talagang iendorso ng Pangulo?

SPFMD: Hindi po namin pinaguusapan pa sa partido yan. Yung pageendorso ng Pangulo, nasa sa kanya naman po iyan.

Q: Ang Pulse Asia's survey na nagsasabi na bumaba ang trust rating sa Senado at sa inyo. Ito po ba ay nakakabahala sa inyo? Paano kayo makakabawi?

SPFMD: Inaacknowledge namin na ang mga kontrobersiya sa DAP at PDAF ay nagkaroon ng impact sa pagtingin ng tao sa Senado. Sa aking tingin, kailangan namin magsipag ng Senado. Kaya naman po hinihikayat ko ang tao na bantayan na wala nang PDAF sa 2015 budget, wala na pong DAP. Sinusuportahan po ng Senado ang transparency sa paglilitis ng mga kaso regarding sa pork barrel scam, at kami po ay magtatrabaho para maipakita natin na may kabuluhan ang Senado sa kanilang buhay.

News Latest News Feed