Press Release
January 29, 2015

Transcript of Sen. Grace Poe's dzMM Interview with Mr. Ted Failon

Ted Failon: Bago po ang lahat, ano po ang inyong take sa mensahe ng Pangulo?

Senator Grace Poe: Well, napanood ko rin ang kanyang mensahe, at para sa akin, sinabi naman niya na magbubuo ng isang board of inquiry--at tama kayo doon, hindi naman natitigilan ang iba't-ibang mga sangay ng gobyerno na gumawa ng sarili nilang imbestigasyon. May mga katanungan pa akong nais sanang masagot, subalit, ito naman po ay matatanong ko sa hearing namin--magkakaroon po kami sa Senado. Alam ninyo po, talagang nakakagalit eh, talagang yung emosyon ng mga tao, pati ako--nakakagalit, nakakapanlumo, at dapat lang talaga magalit tayo, sapagkat hindi talaga dapat nangyayari iyan sa ating mga kapulisan, kahit na sa ating mga kababayan. Pero, pag mataas kasi ang emosyon, mas lalong mahirap gumawa ng desisyon agad-agad, tungkol sa mga bagay-bagay. Kaya nga po, trabaho ko rin, trabaho rin namin na siguruduhin na mabusisi ang katotohanan at malaman natin kung papaano po ito. Pero, marami din sa mga sinabi ng iba't-ibang grupo na hindi ako naniniwala kasi na ang responsibilidad ay nandun sa isang tao lamang na gumawa ng desisyon noon. Yun po ang isa sa ating dapat tingnan--yung chain of command at kung papaano sila gumalaw.

Failon: Doon nga po kasi sa mensahe ng pangulo kagabi, ano, yun ngang pagdiin na there was minimum compliance na tila ba ang tuon po ng--may I just use the word na--kung sisi man yan, kung blame man yan, 'yung responsibility, ay doon lamang po sa hepe ng PNP SAF. Tapos, yung taga SAF ngayon, sinasabi na "Ako na lang lahat!" Sabi niya ano? Ngayon po, iyan ang pinakahuling balita eh--na inaako niya ang full responsibility. Kung baga, judgment call daw ho ang ginawa niya na iyon. Na hindi makipag-coordinate sa lahat, na sinolo ho ang information, etcetera. Ngayon, eh, ano ba ang iimbestigahan ng PNP Board of Inquiry na ito nga, kung ito na sinasabi ng Commander in Chief, ito ang sinasabi ng kasamahan nilang pulis--parang lumalabas ano pa ang iimbestigahan ninyo? So, kung doon po sa BOI may duda po ang iba, sa inyo ho, sa Senado, ano ho ang assurance namin na kayo naman diyan ay hindi maiimpluwensyahan ng Partido Liberal?

Poe: Alam ninyo, unang-una po, kahit na inako na ng isang tao--ni SAF Commander Napeñas--ang hustisya hindi lamang para sa kanya. Ang hustisya, ay para sa lahat ng naging biktima at sa lahat na mayroon talagang pakialam dito, gaya nga ng sinasabi ninyo. Kaya nga sa akin, yung sinasabi niya ay hindi kapani-paniwala, dahil unang-una kultura talaga ng kapulisan o ng military na hindi na mandamay ng mga kasa-kasama nila, diba? Kaya nga nagkakaroon tayo ng problema sa imbestigasyon sa kanila. Pangalawa, ang dinig ko na mayroon kasing mga lebel ng responsibilidad ang mga SAF, mga ano--unang-una, siya ay isang Force Commander. Ang ibig sabihin po ng Force Commander, siya ay nagrerecruit at nagtre-train. Hindi naman po siya ang gumagawa ng desisyon sa pananalakay o gumagawa ng mga istratehiya, unless, doon nga sa purpose ng pagtre-training, ngayon ito nga ay itatanong ko sa aming hearing.

Pangalawa, mayroon po kasing tinatawag na Provincial Commander, at--kunwari sabihin natin, Provincial Commander ng Maguindanao--yun ang dapat tanungin. Sino siya, ano ba ang nangyari doon sa impormasyon, kung nakarating ba sa kanya. Pero, ang hirap paniwalaan na isang batalyon na pumunta doon, na ang nakipag-coordinate lang ay iisang tao. Kahit papaano, mayroon ka talagang gustong masabihan niyan eh, dahil napakalaking engkwentro iyan. Kaya hindi ako naniniwala.

At sinasabi po ninyo, magkakaroon ba ng imbestigasyon ang Senado at makakaasa ba kayo na may gagawin. Ang maganda sa imbestigasyon sa Senado, dito po ay pinapayagan namin ang media na talagang makunan. Kaya kahit na sabihin mo na ang iba ay mayroong pagpipigil ng pagtatanong, hindi mo naman mapipigilan--lahat sila ay mayroong kani-kanilang pananaw at lahat po halos ng mga nakausap kong senador ay interesadong mag-attend, una. Pangalawa po, ito po ay bukas sa publiko, at mapapanood. Iimbitahin po natin, tulad po nitong umako ng pagkakasala, sila Napeñas, iimbitahin po natin. Iimbitahin rin po natin ang panel ng MILF, at yung panel natin sa Bangsamoro Basic Law. Lahat naman po ay bibigyan natin ng representasyon. Sa tingin ko, napakahirap ng sitwasyon sapagkat tatanungin natin--sino ang nag-order sa iyo? Ikaw lang? Ano ang rules ninyo sa engagement ninyo? Ano yung chain of command ninyo? So lahat, ganiyan. Imposible. Tapos yung sinasabi nila na si Chief Purisima ay kasangkot rin daw dito, lahat iyan tatanungin natin--baka kailangang sa Executive Session 'yung ibang parte nito. Basta lamang makakaapekto sa national security--hindi ako papayag sa Executive Session kung ito ay para lamang protektahan ang personalidad ng iba sa PNP.

Failon: Aasahan po natin iyan, Madam Senator, ano? Ang inyong pahayag na iyan--na kapag nag-invoke ng Executive Session, at sa inyo pong pananaw at pagtimbang ay hindi naman po talaga involving pure, legitimate issue of national security, hindi kayo papayag. Maliwanag po?

Poe: Opo.

Failon: Okay. Iyan po tayo. I mean you know--tama po na binabanggit ninyo. Wala naman kayong control, eh, diba, sa bawat miyembro. Kanya-kanyang partido, kanya-kanyang kinikilingan, kanya-kanya ho iyang panig, kung saka-sakali. Kanya-kanya hong pulitika iyan diba? Pero ang taong bayan po, dahil ito po ay maaaring i-broadcast nga, lalo na ho on television, ang taong bayan po ay bahala na ring mag-obserba. Kung saan ba ang tinutukoy ng kanyang katanungan. Kung siya ba ay nag-aabogado kung kanino. So dito po ma'am sa inyong imbestigasyon na ito, mayroon na ho ba kayong listahan ng inyo pong mga iimbitahan maliban po doon sa direktamente--itong sina Napeñas. I'm sure iimbitahan ninyo si Mar Roxas...Kasama ho ba si Jojo Ochoa dito?

Poe: Hindi po. Hindi pa ah. Kasi doon sa unang listahan na nakita ko, hindi siya kasama.

Failon: Okay. Kasama ho ba dito, ma'am, si General Purisima?

Poe: Alam ninyo po, kagabi, noong iniisip naming ang listahan, hindi siya kasama, eh. Hindi ko alam, dahil sa naging kasaysayan natin sa kanya, kung makakatulong ang kaniyang presensya doon. Subalit, talagang kailangan itong sina Napeñas ay nandoon talaga, at tinitingnan ko nga po ang anggulo. Alam ko po mayroong protection of sources sa media, kasi mayroong nagsasabing nag-confirm na sinabi nina Napeñas na kasama talaga si Purisima. Titingnan ko po yung anggulo--na pwedeng kausapin iyon without mentioning his name, at magtetestify isa sa amin na nagsasabing nakausap namin iyon--in that way, baka pwedeng ipatawag si Purisima. But otherwise, hearsay pa po kasi yung iba diyan, titingnan pa namin.

Failon: Okay, ma'am. Mithiin po ng ating imbestigasyon na...Mithiin nito. Para kung hanggang saan ang responsibility? Papaano po, ma'am?

Poe: Alam ninyo, talagang mithiin natin na malaman yung katotohanan dito. Unang-una, kung sinong dapat managot. Ngayon, hindi kami korte na magpapataw ng kaparusahan. Subalit, nakita naman natin na pwede kaming mag-rekomenda para dito. At minsan, hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa Senado, ay kumikilos na ang mga tao. Ang sa amin--ayusin ang batas para hindi maulit iyan, bantayan sila sa kanilang trabaho. Pero may responsibilidad din ang bawat isa sa ating mga kababayan na makilahok sa kaparaan na pwede silang makilahok. Kaya nga po importante ang imbestigasyon sa Senado. Panig man tayo dito o hindi, sapagkat naririnig nating lahat at nakakagawa tayo ng sarili nating konklusyon. Sa akin, panalangin ko talaga na ilabas ito, sapagkat hindi makakabuti sa atin kung mayroon tayong proprotektahan na mga indibidwal lamang sapagkat mas malaki ang nakasalalay dito.

Failon: Ma'am, when's the hearing po?

Poe: Ang hearing po natin ay sa February 4, 10 a.m.

Failon: Ma'am, eto lang po, bago ang lahat ng katanungan dito kay Napeñas, ano, because they are claiming na napatay si Marwan. At nakatakas daw, wala silang report, dito po sa isa--itong si Usman.

Poe: Opo.

Failon: Alright--proof of death. Iyan po siguro ang--Yes ma'am. Kasi, hanggang ngayon po...Kasi kung inyong babasahin po, yung background kay Osama bin Laden, yun din po ang hinihingi ng marami, ano? Yung proof, diba? Pero kung inyo pong babasahin ngayon lahat ng artikulo tungkol doon, kung gaano po ka-tedious ang ginawa ng US Navy Seals, doon sa pag--ultimo pagkuha ng laway, alam ninyo ho iyon? Lahat po ng mga bagay: iyong pag-measure doon sa bangkay, etcetera! Alam ninyo ho iyon? Para masiguro. Bagamat hindi mo yan kinakailangang i-publika dahil iyan po ay mage-excite pa ng damdamin ng mga extremist eh.

Poe: Tama. Exactly.

Failon: Hindi po iyan ipinu-publish, ipinakikita na "'Yan ang bangkay!", hindi ho eh. Hindi ginagawa po iyon. Kasi po iyan pa ay magdudulot ng pagsiklab ng damdamin ng mga extremist na gumawa pa ho ng karahasan, ano? But the point is, okay, nagbuwis ng buhay itong mga bayaning ito, di ho ba? And you claim na napatay yung target--proof of death.

Poe: Yun nga po. Unang-una, tatanungin natin iyan. Ngayon, kung papaano natin mapapatunayan iyan, kung titingnan natin at isa siguro sa panel sa aming hearing ay titingnan ang kanilang pruweba, at sasabihin sa publiko na "nakita ko." O kung ano man iyong paraan na hindi na kailangang ipakita. Tama kayo--makakasiklab ng damdamin na hindi naman kailangan. Pero opo. Natural na dapat lang tanungin iyan. In fact, isa sa mga tatanungin natin, titingnan natin kung ano ba yung mga klase ng baril na ginagamit ng SAF. At dahil nga kaibigan natin ang MILF ngayon, sinasabi nila, dahil sa pag-uusap, nasaan na ang mga baril na iyan at ilan na ang nakuha natin.

Failon: Opo, opo. Madame Senator Grace Poe, thank you again for your time, ano po? Sa inyong pasensya sa amin pong laging pag-istorbo po sa inyo.

Poe: Hindi po, sa committee po. Pero pwede po ba, manong Ted na ipahatid ko na rin ang aking pakikiramay sa ating mga pamilya na naapektuhan--yung mga asawa, yung mga anak kung saan mayroon silang nawala na mahal na buhay dahil sa engkwentro na ito. Lahat po tayo, madadaplisan ng sakit nito sapagkat, kahit papaano, mayroon tayong pamilya, at kung nangyari sa atin ito ay talagang masaklap. Ang mabibigay ko na lamang sa kanila ay ang assurance na bilang Committee Chairman ng Public Order, ay iimbestigahan po natin ito na hindi natin papanigan ang kahit na sino. Sa hustisya lamang po tayo, para sa lahat.

Failon: Kayo ho ba ma'am ay naluha din po at naiyak sa inyong panonood ng mga balitang ito?

Poe: Siyempre naman po kasi pag nakita niyo naman po, yung iba kaka-graduate lamang. Tapos isipin mo ang paghihirap ng isang magulang para itawid ang pangarap ng kanilang mga anak. Tapos, makikita mo yung ibang asawa na nagpapatext na mahal nila yung asawa nila bago nangyari iyon, siyempre, tao ka, diba? Makikita mo na ang mga pulis na ito, siyempre matapang sila sa kanilang mga trabaho, pero pagtapos naman ng trabaho nila may inuuwian sila. So talagang ganoon na lamang po ang ating pakikiramay, pero tama na dapat ipakita rin natin ang lakas ng ating military, at ng ating pulis. Hindi naman pwedeng basta na lang tayo papayag sa mga ginagawa nila. Nandoon na ako sa peace talks, hindi ako naniniwala na ang emosyon natin ang dapat manaig sa ngayon, dapat ay rason. Pero hindi po tama yung ginawa nila, at talagang dapat depensahan natin ang ating bansa sa mga pagkakataon na ganito.

News Latest News Feed