Press Release
February 1, 2015

Transcript of Sen. Grace Poe's dzBB interview with Ms. Nimfa Ravelo

Nimfa Ravelo: Good morning, Sen. Grace Poe. Ano po ang objective ng hearing natin sa February 4 at ito po ay resulta ng mga resolution na inihain ng mga senador. Sinu-sino po ang inyong inimbitahan?

Sen. Grace Poe: Sa lahat po ng pagdinig, ang atin pong layunin ay malaman ang katotohanan at dito sa darating na hearing, ang gusto natign malaman, una, sinong nag-utos. Pangalawa, kitang-kita naman nating malaking trahedya ang naidulot nito bagamat nahuli na nila ang hinahanap nila, napatay na nila umano ang wanted person na si Marwan. Kailangan din nating malaman ano ang naging chain of command at ano ann naging kulang sa preparasyon. Sinu-sino ang hindi nakagawa ng kanilang responsibilad. Yan po ang ating tatanuning dahil tama ang sinasabi ng ating mga kababayan, kailangan natin ng hustisya. At bago natin makamit yan, kahit hindi tayo ang korte na magdedetermina kung sino ang mananagot sa sitwasyon na ganyan, ang sa atin ay dapat malaman natin ang katotohanan.

Ang atin poing inimbitahan ay si Sec. Mar Roxas ng DILG, nasa ilalim po ng kanyang ahensya ang PNP. Inimbitahan din natin Sec. Voltaire Gazmin, Gen. Espina na syang OIC ng PNP. Tatanungin din natin ang ibang kasama ng AFP, si Gen. Edmundo Pangilinan ng 6th Infantry Division over Central Mindanao. Kung matatandaan mo, may tanong kung bakit hindi naghanda ng back up ang military. Pinakamasakit talaga pag inisip mo, lalo na may mahal sa buhay kang andyan, ilang oras silang nakipaglaban. Para bang ipinain na lang sila hanggang sa naubos. Mahirap talaga ang panahong ito--nakakagalit, nakakalungkot. Nakakadismaya kaya lang po kailangan din ng konting kahinahunan dahil marami ang nakasalalay dito. Una ang hustisya para sa kapulisan at sa ating mga kababayan pero di natin makukuha yan kung galit tayo at di natin matututukan ang detalye ng engkwentro. Yun po ang aking pakay na talagang masuri kung sino ba talaga ang dapat managot.

Ravelo: Si PNP Chief Purisima po ba ay iimbitahan?

Poe: Inimbita po namin sya pero ayon sa mga balita--ang committee secretary ay nagpadala na ng imbitasyon--ang balita po namin sya ay nakatira pa rin sa white house sa Crame. Iniisip ko dun nila ipinadala ang imbitasyon. Pero ating naririnig na sya ay umalis umano papunta sa Saipan para sa isang meeting, di natin masisiguro kung sya ay darating. Sya ay inimbitahan natin dahil lumalabas ang kanyang pangalan at may mga katanungan ding katulad ng kung hindi alam ni Sec. Mar Roxas, dahil nakita naman natin sa kanyang pagkilos na talagang pati sya ay nagluat, at di alam ni Gen. Espina na syang PNP OIC ngayon, sino ang nag-utos. Kailangan yan ng logistics, kailangan ng pera, anong opisina ang nag-provide nyan kung hindi DILG?

Ravelo: Yun pong sinibak na chief ng SAF, inimbitahan din? Poe: Opo, si (Gen. Police Chief Supt. Getulio) Napeñas po ay talagang napakahalaga, sentro po yan ng ating pagdinig. Sya ang namumuno ng SAF at ang sabio nga po, ang responsibiliad ng SAF commander ay para magpadala ng warm bodies at mag-train ng SAF. Pagdesisyon na mas mataas, halimbawa, ano ba ang sasalakayin nila, bagaman sinabi ng Pangulo na lahat ng PNP ay may responsibilidad na mahuli kung sinumang may outstanding warrant. Ito po ay isang kumplikadong misyon na naniniwala akong meron pa syang dapat kinausap at kung wala syang kinausap na mas mataas sa kanya talagang naging mali ang kanilang operasyon. Pero di ako naniniwala sa ganun dahil sa tinign ko ang isang SAF commander ay may tungkulin sa kanilang organisasyon na magtanong sa susunod na nakakataas. Kaya talagang si Gen. Napenas susi dito sa ating pagdinig.

Ravelo: Yung kay Gen. Purisima, papayag ba tayo na dahil sya ay nasa Saipan, wala sya rito. Lalong nakakangitngit.

Poe: Kung ikaw ay nagging Chief ng PNP, hindi ba dapat ay ikaw ay may malasakit sa iyong mg sinasakupan. Kahit na sabihan mong ikaw ay on leave, ikaw ang nilagay dyan. Kahit past PNP, di ba dapat ikaw ay nakikiramay? Pangalawa, kung ikaw ay nadadawit ang pangalan pero wala ka naman talagang kinalaman, diba natural lamang sa isang tao na dipensahan ang kanyang sarili, lumabas at magsabing wala akong kinalaman dyan. Kahit na sabihin mong may chain of command at hindi sila basta-basta magsasalita sa media, ang isang Senate hearing ay isang pagkakataon para maisaayos mo ang mga haka-haka tungkol sayo. Kung totoong wala kang ginawa. Natural lamang iyon. Kahit ang pagpunta nya para makiramay, natural lamang iyon, pero hindi nya ginagawa kaya mas lalo lumalaki ang duda sa kanya at mas lalong nagagalit ang mga tao. Papayag na lamang ba kaming hindi sya dadalo? Ang hearing na ito ay di magtatagal nang isang araw lamang. Sapagkat napakaraming dapat kausapin, si Ms. (Miriam) Coronel Ferrer na head ng peace panel ay imbitado rin pati na rin si Mr. Iqbal ng MILF. Hindi man umattend si Gen. Purisima sa unnag pagdinig, kung kinakailangang magpadala ng mas malakas na demand o subpoena, yan po ay ating kailangang gawin para malaman kung ano ang dapat gawin.

Ravelo: Ano po kaya ang reflection nito kay Gen. Purisima kung talagang hindi sya magpadala ng statement?

Poe: Para sakin, mahuhusgahan lamang natin ang tao sa kanyang pagkilos. Hindi natin sila kilala ng personal pero ang pinakaunang hinahanap natin sa isang liderato ang makiramay sa atin. Ang magkaroon ng compassion para sa kanyang mga pinamumunuan at iyan po ay hindi natin nakikita. So alisin na natin ang mga alegasyon ng korapsyon na alam nating naibabato sa kanya, doon na lang tayo tumutok sa pakikiramay at pakikiisa, hindi ba iyan ay malaking kakulangang ipinapakita niya sa panahon ngayon. So kung tatanungin mo ang marami sa atin, marahil ang sasabihin din nila ay hindi karapat-dapat na mamuno ang isang ganyan. Kahit na sabihin mong on-leave siya ngayon, may pagkakataon pa pagkatapos ng anim na buwan na siya ay bumalik, kung sakali at siguro namang hindi natin makakalimutan ang nakakalungkot na pangyayaring ito na nawawala siya. Yun lang naman ang sinasabi ko, hindi ko hinuhusgahan kaagad na masamang tao siya, subalit sa mga kinikilos niya ay talagang magagalit ang marami diyan.

Ravelo: Ma'am pumasok po sa eksena si Gen. Purisima dahil po sa sabi rin ni Gen. Napenas sa SAF at sinasabi ng sources ay dahil si Pangulong Aquino mismo ang nag-tap kay Gen. Purisima so papano naman natin icoconfirm, paano natin sisitahin at tatanungin ang pangulo kung bakit niya tinap si Purisima samantalang ito ay suspended?

Poe: Alam niyo po kung hindi ako nagkakamali, yung sinabi ng Pangulo ay nagkakaroon ng konsultasyon. Diumano, matagal nang tinutugis itong mga wanted na sina Marwan at Usman. Kung casual conversation, kaibigan mo, marahil matatanong mo nga ang isang tao na alam mong pinag-aralan iyan pero ang atin lamang dito talaga ay yung opisyal na pag-uusap dito. Gusto nating malaman talaga kung sino ang nag-utos officially nito dahil kailangan nating malaman. Ang mga pulis, sabi nga nila, kapag pumasok ka sa SAF, kalimutan mo na ang kaligtasan sa lahat ng oras. Alam mong mapanganib ang kanilang trabaho, at tanggap naman nila na sa mga pagkakataon meron talagang madidisgrasya at maaaring mamatay sa kanila. Pero yung sitwasyon na dinanas nila ay hindi naman tama sapagkat pinabayaan halos nila na makipaglaban mula alas-singko ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Para kang nanonood ng pelikula na tuloy-tuloy ang bakbakan at parang nagdadasal ka na sana may dumating na para tulungan ka pero walang dumating. Bakit hindi tumulong ang military? Sa tingin ko dito ay dahil nagkulang nga ng liderato na pwedeng magsabi sa kanila dahil alam mo alalahanin natin, hindi makikinig ang military commander lalong lalo na doon sa central command ng isang rehiyon kung ang isang SAF lamang ang nag-uutos.

Ang pagkakaalam ko dapat mayroon pang isang mas mataas sa kanya na tatawag, kung hindi man ang Secretary ng Defense mismo o kaya ang head ng PNP. So hindi nga alam ng ating OIC PNP Chief ngayon, so kung mayroong nagplano na sabihin na natin, anyway lumalabas na, kung pinlano man iyan ni Gen. Purisima, sabi nila remote control sa white house, plinano man niya iyan, siguradong alam niya kung anong nangyayari sa bakbakan. Ano ba naman kung ipinatawag na nila sa military, papasukin na ninyo ang mga tao niyo ngayon. Pinasok mo na ang sarili mo, nakialam ka na, lubos lubusin mo na para huwag namang maraming namatay. Lahat nga ito Nimfa, kahit nagalit na tayo, ay dapat nating suriin mabuti dahil lahat ito, kahit na malakas ang ebidensya ng mga nag-interview at nagsabing meron kaming source na nagsabi nito, alegasyon pa lamang sa puntong ito.

Ravelo: Paano naman po tutuntunin yung pananagutan din ng Pangulo kasi sa lahat ng ito ay alam naman daw po ng pangulo lalo na kay Marwan?

Poe: Sa puntong ito, iisa-isahin na natin sapagkat kung sinuman ang may responsibilidad nito, mayroon iyang chain of command. Yung ating Pangulo, sa kanyang kapasidad bilang commander in chief ay nagdedesisyon base sa kung ano ang kanyang paniniwalang makakabuti lalo ngayon. Talagang nakakalungkot na maraming namatay dito pero tingnan natin, at hindi ko sinasabing totoong mayroong kinalaman ang nagbigay ng order dito, kailangan nating masuri ang kadahilanan sapagkat alam mo Nimfa, alam ko talagang maraming nagagalit na mga kababayan natin. Pero kung ikaw ang commander sa military, nagpadala ka ng sundalo at maraming namatay, bilang commander, malaking dagok ito sa iyong pangalan. Pero hindi mo syempre sinasadya na mangyari yun. Nagkamali ka sa plano mo. Pananagutan mo, pwede ka sigurong matanggal sa pwesto bilang military. Mahirap lamang dito ay kung ikaw ay nagpabaya sa iyong trabaho, so yun naman ang sa atin. Inuulit ko, kailangan nating maging mahinahon sa puntong ito. Sa tingin ko malaking pagkakamali at dapat na may managot pero kung magtuturuan tayo na wala pang konkretong pruweba, malaki po ang nakasalalay dito. Unang una na ang kapayapaan sa Mindanao kaya iisa-isahin po natin ito.

Ravelo: Kasi nakakalungkot na may mga namatay na tapos maririnig natin ang ilang opisyal na naghugas kamay kundi man nagtuturuan.

Poe: Mayroong ganoon, nakikita naman natin, dahil hindi nga lumalantad ang mga dapat magsalita para sabihin, para i-deny man lang, para sabihin na wala kaming kinalaman diyan. Kaya nga po bagamat maraming inquiry na binubuo importante po lahat iyan para malaman ang katotohanan at magtutulungan kami. Pero sa Senado kasi, may hearing doon para maliwanagan din ang ating mga kababayan. Kasama po iyan sa aming responsibilidad na bantayan ang iba't ibang departamento at ang maganda po sa mga hearing sa Senado at nadidinig ng ating mga kababayan sapagkat ito po ay bukas sa media at sa mga nais malaman kung ano ang nangyari. Yung iba kasing pagdinig ay hindi natin alam kung bubuo sila ng pulong pulong na hindi natin pwedeng pakinggan.

Ravelo: Yun nga po ma'am, itatanong ko nga po sana iyan kasi ma'am pwedeng sabihin na may national security concern dito at ongoing pa ang imbestigasyon ng board of inquiry so pwede din na magrequest po ang top officials na inimbitahan ninyo ng executive session. Kung ganon ay pagbibiyan po ba?

Poe: Alam mo Nimfa, totoo iyan. Para sa kaalaman ng mga nakikinig, kapag sinabi nilang national security concern, ibig sabihin, kapag ang isang impormasyon ay maaaring makasira sa kapayapaan o sa kalagayan ng ating bansa, maaaring hindi sabihin sa publiko. Pero ganito po iyan, bago namin sila payagan ng ganyan, mayroon pong sinasabi na clear and present danger test. Kung talaga bang ito ay about national security or kung totoo lamang itong makakatulong sa pagsalba ng isang personalidad. Hindi po ako papayag kung ito ay makakasira lamang sa isang personalidad sa isang tao sapagkat mas malaki po ang layunin nito. Ito ay para sa bayan.

So alalahanin din ninyo na bagamat ako ang chairman ng public order, mayroon pong ibang senador na kasama diyan and if they invoke national security, hindi lang po ako ang makikipag-usap, mayroon ding ibang senador na kasama diyan. At pagka pinilit nila or if they invoke national security, hindi lang po ako ang makikipag-usap, mayroon din pong mga ibang senador--sina Senator T.G, na kasama namin bilang secondary committee dahil sila naman ay sa peace process, at didinigin namin sa kanila. Pwede nilang ibulong sa amin na ito ang naging sitwasyon diyan, at madedetermina namin kung ito ba talaga ay national security. At kung hindi naman national security, at ito lamang ay para protektahan ang--sabihin natin--isang personalidad, hindi po kami papayag sapagkat kami naman po ay mailalagay rin sa isang alanganin na kalagayan dahil ito po ay aming responsibilidad.

Ravelo: Saka ma'am parang nasa rules din po ninyo--kung hindi po ako nagkakamali--kapag nagka-executive session kayo na closed-door, pagkatapos ng closed-door meeting, pwede ninyong i-decide kung idi-divulge ninyo 'yung mga pinagusapan doon o hindi.

Poe: Tama po. Hindi po sila nakakasiguro. Pagka nag-executive session kami, maraming mga kasama diyan. Pag sa tingin namin ay hindi ito makakasira sa national security, ilalabas namin 'yon. Kasama iyan sa proseso talaga. Kaya huwag kayong mabahala, ang utang na loob po namin ay nasa ating mga kababayan. At alam ko rin ang pait--nakita ko dahil ako ay nakapunta rin mismo sa burol ng ating mga kapulisan, nakausap ko ang kanilang mga pamilya, alam ninyo po ang talagang unang hinihiling nila sa amin ay hustisya. So, napagdaanan nating lahat iyan at sa buhay natin hindi natin alam kung sino ang ating kakapitan, kaya nga po sa aking panalangin, ay talagang maging patas at matapang sa pagdinig na ito.

Ravelo: Kasi ma'am ang mga cabinet member, kapag iniimbitahan, madalas mayroong mga excuse, diba? KInaasahan ninyo po ba na lahat sila ay sumipot?

Poe: Totoo po. Kaya nga iyung sinasabi ko ngayon, Nimfa, na kung sino man ang hindi sumipot, ano, actually mas makakasama sa kanila iyon eh. Kasi mas lalong magkakaroon ng duda. Ngayon, kung hindi sila sumipot, marami pa namang pagdinig. So bibigyan natin sila ng isa pang pagkakataon na sumipot sa susunod na pagdinig. Huwag tayong mag-alala dahil maraming mag-aattend. At sa tingin ko naman, kulang pa nga ang oras. Magkakaroon ng isa pang hearing. Kung hindi pa rin siya pupunta sa isang hearing, doon namin pagdedesisyunan kung ano ang susunod na hakbang. Maaari na ba siyang sapilitang papuntahin doon? Dahil nga nasa atin namang kapangyarihan iyan. Kaya lamang po, hindi natin masasabi ngayon kung sino talaga ang pupunta, hanggang sa pagdinig. Diba nga yung DOTC, si Sec. Abaya, hindi siya pumunta. So, nag-suspend kami ng hearing imbes na in-adjourn na namin. Kaya ngayon, Nimfa, bukas naman saka namin itutuloy 'yung MRT price hike hearing sapagkat di din namin magawa ng mas maaga sapagkat 'yung Papa nandito. Kailangan naman nating respetuhin iyon at garantehin ang kaniyang kaligtasan. Kaya ngayon lang. Kaya nga nakakalungkot minsan kapag hindi natutuloy ang mga hearing sapagkat kung kalian mo gustong malaman ang katotohanan, maghihintay ka pa. Kaya para tuloy delayed reaction ito pero gayunpaman, kailangan pa ring masuri. Bukas, alas diyes ng umaga, may hearing tungkol sa MRT, dadalo na raw si Sec. Abaya. Tapos sa Wednesday, gaya nga ng sinabi ninyo, yung hearing naman dito sa PNP.

Ravelo: Text question po, ma'am. Sa tingin ninyo daw po, papaano i-aaddress yung sama ng loob ng mga kapulisan ngayon? Kasi ngayon may demoralization na, sabi rin po ng mga pulis sa interview na nalilito na rin sila sa sitwasyon dahil mayroon ngang OIC--si Gen. Espina. Pero 'dun sa nangyari sa PNP-SAF, eh parang on top of the PNP pa rin, parang in-command pa rin sa PNP si Gen. Purisima. Hindi raw nila maintindihan kung sino ang susundin, mayroon din silang demoralization, sa tingin ninyo ma'am papaano iyon mababawi?

Poe: Unang-una, ang isang sugat ay kinakailangan ng panahon para mag-hilom. Pero kinakailangan din na bigyan ng lahat ng pagkakataon para gumaling. Ibig sabihin, tamang gamot. Tamang pag-alaga. Marami iyan. Unang-una sa ating mga kapulisan, kailangang magkaroon ng hustisya. Yung mga inquiry na ito, kailangang maging patas, kailangang matugis kung sino ba talaga ang nagging responsable dito, at kailangang managot ang mga taong iyon. 'Yan ay kasama sa healing process. Pangalawa, kailangan din nating ipadama sa kanila--at ginagawa rin ng ating mga kababayan sa ngayon--ang kanilang pasasalamat. Pasasalamat at appreciation, ano? Doon sa ginagawa ng ating mga pulis. At hindi lamang iyan ang dapat gawin sa mga panahon na ito, kundi sa mga pagkakataon pagkatapos nito. Pagtagal ng panahon, dapat huwag nating kalimutan iyan.

Ito nga ay isang ehemplo--minsan maraming mga hulidap na mga issue, isipin natin na ang sangay ng pulis ay malaaki. Kung mayroong isang bulok na itlog sa isang kaing, mas marami pa rin ang mga matitino. Kaya nga lamang, ang sitwasyon sa ating gobyerno, siyempre ang ating bansa, bagamat umuunlad na, hindi pa rin ganoon kayamaan, kaya ang bayad din sa kanila ay hindi ganoon kataas. Kulang rin sila ng suporta. Lahat po ng iyan kasama sa proseso para naman mailagay sa ayos ang ating institusyon ng pulis. At lalong lalo na sa lahat ang pagpili ng tamaang liderato dito. Kasi, mawawalan ka ng gana at inspirasyon kung ang mismong tinitingala mo ay hindi mo pinagkakatiwalaan . Kaya nga po, si Sec. Mar Roxas bilang DILG, siguro sa ngayon, pwede na siyang magrekomenda kung sino talaga ang dapat tatayong PNP chief dahil suspended si Gen. Purisima. Kailangan sa tingin ko na may mga ibang ni-rerecommend tayo na dapat talagang tumayo, at siya mismo, si Sec. Mar, ay puwedeng magbigay ng isang statement tungkol sa plano ba niya para sa PNP sapagkat siya ngayon ang titingalang head nila, dapat. Although not directly.

Ravelo: Kaya lang ma'am mayroon kaming information na talaga daw hindi magkasundo si Sec. Mar at si PNP Chief Purisima eh. Kaya noong inimplement ang suspension order kay Purisima, mag-dedefy pa po si Purisima.

Poe: Ombudsman na ang nagbigay, diba?

Ravelo: Parang mayroon pong gustong iba si Sec. Mar, daw, pero si Purisima naman ang gusto ni Presidente Aquino.

Poe: Hindi natin alam iyan ano? Lahat iyan, mga kwento. Hindi naman pinagkakaila ng presidente na kaibigan niya yung si Purisima, matagal na. Kaya nga po, masosolusyunan ito ng simpleng pagpapakita na rin ni Gen. Purisima--sabihin niya na wala siyang kinalaman o ano pa man. Eh kaso nga hindi niya siguro magawa. Hindi natin alam kung no ba ang sitwasyon diyan. Gusto nating malaman. Si Sec. Mar, kung ano man ang mga personal na mga nangyayari doon sa loob, siya pa rin ang inatasan ng pangulo na mamuno ng DILG. Kaya, kaibigan rin naman siya ng Pangulo. Para sa akin, mayroon talaga siyang karapatan na magsabi kung sino ang dapat managot at sino ang dapat munang pumalit dito sa PNP.

Ravelo: Saka ma'am, suspended si PNP Chief Purisima--diba six months lang po. Kung di niya po mapapaliwanag yung papel niya--kung may papel ba talaga siya o wala o patuloy siyang nanahimik tapos babalik siya after niyang masilibi ang suspension...Diba napakalaking insulto 'nun?

Poe: Malaking insulto at dagok iyon. Pero, naniniwala ako na sa puntong ito marami nang reklamo, hindi pa man siya nakakabalik. Alam mo, six months na preventive suspension muna iyan o kung ano mang suspension iyan, pero kapag may mga pumasok na bagong pruweba, maaaring tuloy-tuloy na yung kanyang suspension. Hindi natin masasabi--ito'y nasa poder din ng Ombudsman, ano? At saka nasa Pangulo. Sapagkat ang Pangulo ang magsasabi kung siya pa ay makakabalik matapos ang six months. Pero sa tingin ko naman, hindi naman siguro bingi ang ating mga liderato sa mga hinanaing ng ating mga kababayan. Iyan din ang aking pinagdadasal na marami naman. hindi naman magkukulang ng mga magagaling na lider ang PNP. Sa tingin ko nga marami. Alam mo, nung nag-judge nga kami sa isang foundation--yung Metrobank--pinagaralan namin ang buhay ng mga pulis na binigyan namin ng award at pagpupugay. Ang dami sa kanila magagaling, matatalino, may mga Ph.D. Sana sila ang makonsidera. Alam ko, ang tiwala ng pangulo ay napakahalaga, pero sa tingin ko, ang serbisyo ng isang pulis na hindi makwekwestyon ay may mas malaking halaga para sa sambayanan.

Ravelo: Ma'am, last question. Ano po ang inyong assessment sa pag-handle ni Pangulong Aquino dito sa sitwasyon? Sapat po ba? Nakikitaan po ba siya ng tapang--kasi ma'am maraming nagagalit on the way he handles the situation.

Poe: Siyempre, ang ating pangulo ay ating tinitingnan na parang tatay ng ating bayan. Sa trahedya na ganito, hindi tayo lubusan na makokontento. Maaaring malaki talaga ang kakulangan at hindi ko pinagkakaila na marami ang nakukulangan, halimbawa. Pero, napakahirap kasi na ipag-kumpara. Hindi ba doon sa Villamor napakasaya, ilang lingo lang ang nakalipas dahiln dumating ang Papa?

Ravelo: Napalitan ng dalamhati.

Poe: Tapos, dumating naman ang mga bangkay ng ating pulis. Ngayon, nakita natin sa Santo Papa ang pagiging warm, ano? Compassion--yung yayakapin niya ang mga tao, kakamayan niya, bubuhatin ang mga bata. Kakadating lamang dito ng Papa. So ngayon, nakikita natin siguro, hinahanap natin sa ating mga lider ang ganoong klaseng pagkilos, pero isipin din natin, iba't iba rin ang personalidad ng ating mga kababayan. Ang ating pangulo, ang masasabi ko naman, maraming aspeto ng pagiging Kristyano eh. Unang-una talaga sa lahat, ang pagiging mabait at pagiging tapat. Yun naman sa akin--Ang ating pangulo ay hindi natin hanapan ng butas saa korapsyon, ano? Ang hinahanap lang siguro ng tao ngayon sa kaniya ay ang mas--di ko alam--siguro ang mas mainit na pakikidalamhati. Pero alam mo. Ilang oras din naman niyang kinausap yung mga kababayan saka yung mga pamilya nila. Hindi ko sinasabing ito nalang ang dapat gawin, pero gumagawa rin siya ng sarili niyang paraan kung paano siya makikidalamhati sa kanila.

Ravelo: With that ma'am, abangan po namin ang hearing sa February 4. Ma'am salamat po!

Poe: Maraming salamat po, Miss Nimfa! At sa lahat ng nakikinig po na naging biktima ng karahasang ito, sa pamilya ng ating mga kapulisan, taos puso po kaming nakikiramay.

News Latest News Feed