Press Release
March 10, 2015

GRACE POE AMBUSH INTERVIEW TRANSCRIPT
March 10, 2015, 3:30 p.m.

Sen. Grace Poe: Para sa ating mga kababayan na narinig yung sagot ng Pangulo kahapon, para sa amin siyempre mas komprehensibo ang magiging nilalaman ng aming committee report. Siyempre iba naman yung aming intensyon. Yung sa amin, all encompassing. Para ito sa legislative measures na pwede nating gawin para hindi na maulit ang ganitong uri ng operasyon kung saan nauwi ito sa trahedya.

Q: Consistent ba ang sinabi ng Pangulo sa findings na lumabas?

Poe: Sa tingin ko marami naman talaga doon sa sinabi ng Pangulo ang narinig na namin sa mga resource persons. Halimbawa nalang yung sinasabi ng Pangulo na marami nang kapalpakan bago pa lang nailunsad yung mismong operation. Yung sinasabi nila na pagpunta palang doon, nabawasan na ng mga tao sa pagtawid ng ilog at pagdating doon nalate na sila. Maraming mga bagay na sinasabi nga na nagkulang sa preparasyon. Pero hindi ko alam kung tunay ba, kasi nabanggit yata ng Pangulo na mayroong isang pahina doon kung saan ito yung mga bagay na dapat sundin at kung hindi nasunod ay dapat i-abort ang mission. Para sa akin hindi ko nakita yun sa aming report at kailangan ko pang balikan iyon.

Q: Pwede ba makadelay sa pag-issue ng report?

Poe: Hindi na naman kasi madali lang, tawag lang naman iyon para malaman kung iyon ba talaga ay standard na nilalaman, pero sa tingin ko yung kabuuan na kasi ng aming committee report ay halos matatapos na.

Q: Yung puntong nabola daw po siya ni Napenas lumalabas na po ba iyon sa inyo?

Poe: Hindi ko kasi alam kung nabola, o mali talaga ang naging protocol sa sitwasyon. Siguro kasi yung kay Napeñas, ang coordination ay sa isang taong hindi natin masasabi na opisyal ang kapasidad sapagkat suspendido nga. So napakahirap ang pagrelay ng impormasyon lalong lalo na kung ang tulay mo ay isang taong hindi nararapat na kasama sa ganoong uring operasyon. Pero malinaw doon sa mga text na nakita namin na hindi nila pinresenta sa Pangulo ang tunay na sitwasyon pagdating sa AFP support sa ground.

Q: Some were saying na alam naman ng Pangulo na palabas na naman ang committee report at BOI report, na-preempt niya yung ilalabas na report dun sa kanyang statement?

Poe: Marahil gusto niyang magbigay ng salaysay ukol dito at bahala na kami kung ito ay isasa-alang-alang namin. Para sa akin mas mabuting narinig din namin sa kanya bagamat ang iba ay nagsasabi na may kulang na mga aspeto na hindi niya diniscuss pero ang masasabi ko naman, kung ano man ang kakulangan nito ay mapupunuan siguro sa iba't-ibang report na isusumite ng iba't-ibang ahensya.

Q: Dapat ba nagparticipate nalang si Pnoy officially sa mga investigations imbes na he's making public statements?

Poe: Ang importante sa Pangulo kung ano man ang paraan ay maiparating sa mga kababayan natin, sa ating lahat ang mga sagot sa ating mga tanong. So kung ano mang forum yun, kung dito man sa Senado, sa BOI o kung saan pa man, or meet the press kung saan pwede ninyong matanong diretso sa kanya ay pwede naman.

Q: As commander in chief hindi po ba iyon sign ng kanyang leadership na mabobola, o naloloko ka ng isang tao..?

Poe: Siyempre yun ay masasabi nating hindi pagiging maganda sa isang establisimyento o isang ahensya ng gobyerno. Pero ang importante kasi, kung mayroon mang nagkamali o mayroon mang intensyon nila na talagang manlinlang ay dapat matugis ito at mabigyan ng karampatang kaparusahan o pananagutan.

Q: You will consider yung sinabi ni Presidente sa public statement niya doon sa gagawin ninyong committtee report?

Poe: Para sa amin, sa totoo lang, marami sa sinabi ng Pangulo ay alam na naman namin. Pero maganda na rin iyon na narinig din namin sa kanya kung mayroon mang hindi pagkakatugma dito ay pwede naming balikan kasi alam mo ilang grupo iyan. May salaysay ang grupo ng PNP, AFP, may salaysay ang executive so lahat naman iyan ay pwede nating pagtumbas-tumbasin, at sa ngayon naman, marami naman talagang nagkakatugma pa. Hindi naman natin sinasabi na dahil magkakatugma wala nang kasalanan maski na sino. Nakikita natin na nagkakatugma-tugma ang pagkakamali sa paglunsad ng kanilang operasyon.

Q: So yung committee report ipapa-ikot on March 17 and then sa 18 plenary na po ba ito?

Poe: Sana. Kasi para sa akin, ganito. Ihahanda na namin para by next week, kung hindi 16, 17 ay mailabas na namin, mapapaikot na namin sa mga Senador. Ngayon, bilang committee report, kailangang pumirma sila kung sang-ayon sila, kung hindi sila sang-ayon ay ilalagay nila doon kung bakit hindi. Kunyari, sasabihin nila, pipirmahan nila but will interpellate. Or without provision or without section 5 or kung ano pa man yon. Pero iniisip ko na kahit hindi sila pumirma at ako lang ang pipirma, baka ipresenta ko rin ang aking punto.

Kasi diba, pwede naman na yung final committee report ay ito, pinag-aaralan ko pa, dahil bilang chairman ng committee, sa tingin ko pwede namang gawin iyon. Pero hindi pa ako nakakasiguro. Basta, kung ano man yung pinirmahan ko, kung hindi man ito maipasa sa committee, ay baka mai-paalam ko na maipakita pa rin at kung ano man yung kailangang maayos, yung kakulangan o yung dapat madagdagan, para in that way, wala ring masisisi sa amin na mayroong tinanggal at hindi nasama doon.

Q: Ma'am, hindi ninyo po ba pagsasamahin ang BOI at ang report?

Poe: Yun na nga eh. Hinihintay sana namin ang BOI. Kung lalabas ang BOI ng Thursday, bigyan ninyo kami ng mga dalawang araw na magbasa noon kasi nakita ninyo naman kung ilang maleta yung kanilang dala-dala, at para makita rin namin at para ma-crosscheck din namin yung sa amin. Basta yung sa amin nakalatag na, if ever minor corrections na lang siguro or supplementary lines ang idadagdag namin.

Q: But not necessarily to make it the same?

Poe: No. Kasi, for us, it's evidence based on the testimonies of the resource persons. If it does not complement or coincide with what the BOI has, for as long as we can support it with the transcripts of our hearings, that is what we'll have to release.

Q: Ma'am, kinonsider niyo rin po ba ang mga public statements ni PNoy dun sa committee report kahit hindi siya officially part of the investigation?

Poe: Hindi. Yun lang yung sa mga text messages.

Q: Pero yung kahapon, ma'am? Definitely you will consider that statement?

Poe: Oo. Titingnan natin, ilalagay natin. Kasi, para sa akin, yung statement niya, kung makakadagdag o makakabawas, kasi nasabi na rin naman ng iba iyon eh. So if ever, supporting nalang ang sinabi ng Pangulo.

Q: So it's not an entirely new thing? Kasi ma'am, may ibang mga senators na nagsasabi na nakagulo pa lalo sa issue ang speech niya? Parang nakaka-confuse daw lalo yung mga sinabi niya?

Poe: Alam mo kung bakit? Kasi, ang diniscuss ng Pangulo ay yung actual operations. Yung technical na mga bagay. Siyempre sa public hearing namin, hindi masyadong napagusapan iyan. Mayroon siyang tinatawag na mga markers, white phosphorus yung tawag natin dito, may mga bagay na ganoon. Tapos yung mga terminologies na ginamit niya, mas teknikal. Sapagkat ang Pangulo, mas binusisi niya talaga ang mga pagkakamali. Pero para sa amin kasi, sa akin, at least, ilang oras na executive session, at ilang oras na public hearing na kinailangan kong umupo doon, hindi na bago sa akin iyon.

Q: So yung pambobola ni Napenas, hindi iyon bago?

Poe: Hindi, kasi umpisa pa lang nakita naman natin na sa text messages sinabi sa pangulo na ready na ang AFP, na nandoon na, hindi ba? Tapos, ang alam ko...Alam mo mahirap kasi yung iba sinabi sa amin noong nasa executive session. So lalabas nalang.

Q: So walang mga contradictions or parang inconsistensies sa mga sinabi ni PNoy?

Poe: Okay ganito. Ipagpatawad ninyo nalang pero babalikan ko muna ang speech ni PNoy. Siyempre kailangan kong pakinggan ulit. Pero sa naalala ko, parang wala naman. Pero hindi ko sinasabi na sapat na iyon. Sapagkat noong narinig ko ang sinabi ng Pangulo, bagamat narinig ko na ang iba doon at mukha namang pinapatunay ito ng mga nakalap namin, kulang pa rin. Sapagkat, may mga hindi nadiscuss doon. Halimbawa, yung partisipasyon ng MILF. Yung partisipasyon, di umano, ni Gen. Purisima. Yung mga bagay na iyon, intayin nalang natin sa committee report.

Q: Pero ma'am, ang tema ng Pangulo kahapon ay paninisi kay Napenas?

Poe: Yun na nga. Kulang iyon para sa marami, at ako ay sumasang-ayon naman, pero kung ano man ang kakulangan noon, ang dami daming nag-iimbestiga. Isa na kami doon. At sa tingin ko naman, mapupunan iyon.

Q: Thank you, ma'am.

News Latest News Feed