Press Release
May 7, 2015

Suspensiyon ng operasyon, hindi na sasapat
PNR MODERNIZATION ANG DAPAT

INIREHISTRO ni Senador Joseph Victor G. Ejercito na ang desisyon ng Philippine National Railways (PNR) na pansamantalang itigil ang mga biyahe dahil sa mga sira at pagkadiskaril ng tren ay nagtutulak para seryosohin na ng pamahalaan ang kagyat na modernisasyon nito.

"Hindi na sasapat ang pailan-ilang mga pagkumpuni ng tren, pagtataas ng pamasahe at iba pang maliliit na hakbang upang mapabuti ang operasyon ng PNR kundi ang kagyat na modernisasyon nito. Kailangan natin ng bago, modernisado at mabibilis na mga tren, makabagong pasilidad at railway system na tutugon sa nais nating pag-unlad hindi lamang sa mga lungsod kundi sa mga probinsiya," sabi ni Senador Ejercito.

Ipinaliwanag din ng itinalagang chairperson ng Senate Committee on Public Services, sub-committee on Transportation na tama ang mga panimulang resulta ng mga committee hearings na ipinatawag nito na hindi pa rin sapat ang pondong nilalaan ng national government sa PNR. Hindi rin sasapat ang dagdag na pamasahe para maayos ito.

"Kung naniniwala ang gubyerno na kailangang paunlarin ang mass transport system sa bansa, walang ibang daan ito kundi ang pagsasaayos ng isang moderno, cost-efficient, environmentally-friendly at economically-sustainable na railway system. Ito rin ang solusyon sa problema natin sa Metro Manila congestion at lumalalang trapiko. Ito'y isang long-term na programang magpapaunlad sa ekonomiya, komersyo, kalakalan at iba pang produktibong aktibidad ng bansa," paliwanag ni Senador Ejercito.

Samantala, inirehistro rin ni Senador Ejercito na walang-mali kung tinitiyak ng PNR ang kaligtasan ng mga pasahero sa pagsuspinde ng operasyon nito. Ngunit panahon na upang mag-isip ng pangmatagalan at komprensibo sa hinaharap na mga problema ng PNR.

News Latest News Feed