Press Release
June 20, 2015

Mensahe ni Senadora Nancy Binay sa Araw ng mga Ama

Nais ko pong kunin ang napakahalagang okasyong ito upang pasalamatan at batiin ng "Happy Father's Day" ang haligi ng aming pamilya, ang malambing na lolo at ulirang tatay--si Vice President Jejomar Cabauatan Binay.

Bilang isang guro sa kolehiyo at human rights lawyer noong panahon ng Martial Law, nasubaybayan po namin kung paano nagpursige ang aming ama na kami ay maitaguyod nang maayos.

Naging saksi kaming magkakapatid sa mga mabibigat na pagsubok na dinaanan, nalampasan at napagtagumpayan niya.

Sa kanya ko po nakikita ang tapat na paglilingkod sa mga kababayan, lalo na sa mga kapos-palad, sa mga may karamdaman, at yaong mga salat sa hustisya.

Sa kanya ko po nakita ang tunay na commitment sa pagsisilbi sa bayan mula pa noong siya ay human rights lawyer--sa nasaksihan kong pakikibaka niya noong Dekada '70 hanggang EDSA Revolution, hanggang ngayon po na patuloy ang kanyang pagtatanggol sa karapatan ng ordinaryong mamamayan.

Ni minsan po ay hindi niya nalimutan ang kaniyang pinanggalingan, bagay na lagi niyang ipinapaalala sa amin mga anak niya, at maging sa kanyang mga apo. At kahit na sobrang busy niya, ang araw ng Linggo ay sagradong araw para kaming mag-anak ay magtipon-tipon at magkakasalong mag-lunch o mag-dinner.

Sa kabila ng kanyang obligasyon bilang pangalawang pangulo at lingkod-bayan, ni minsan po ay hindi niya napabayaan ang kaniyang pamilya.

Kaya nga espesyal itong araw na ito para sa kaniya, ang "Ultimate Family Man" ng aming pamilya.

Salamat po sa paggabay at pagiging inspirasyon sa dalawa pang daddy sa aking buhay, ang aking asawang si Pepito at ang aking kapatid na si Mayor Jun.

Para sa pagmamahal at pag-aaruga ninyo sa amin, salamat po, Daddy.

At sa lahat ng mga ama sa buong mundo na nagsisikap buoin, pasayahin at itaguyod ang kanilang mga anak at pamilya--ako po ay nagbibigay pugay sa inyo.

Maligayang Araw ng mga Ama sa inyong lahat!

News Latest News Feed