Press Release
June 22, 2015

Transcript of DZRH Interview by Neil Ocampo with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Kailan po ba exactly ang darating na SONA ng Pangulong Benigno Aquino III?

SPFMD: Sa July 27 po. Sa ating Saligang Batas, 4th Monday of July nagde-deliver ang Pangulo ng bansa ng kanyang State of the Nation Address sa Kongreso po.

Q: Sa darating na pangatlong at huling session ng 16th Congress, ano po ang mga isusulong na mahahalaga na panukalang batas para sa ating mga mamamayan.

SPFMD: Unang una po yung BBL, o yung Bangsamoro Basic Law. Yan po ang committee report diyan ay isusumite ng Committee on Local Government sa plenary sa July 27, at pagkatapos po noon ay iyan ay aming pagdedebatehan. Yan po ang unang bibigyan namin ng prayoridad. Meron din namang mga panukalang batas na nasa bicameral conference committee tulad ng Tax Incentives Management and Transparency Act (TIMTA) na siyang magbibigay ng liwanag sa mga insentibo sa buwis na natatanggap ng iba't ibang mga kompanya. Nandiyan din yung pagbuo ng Department of Information and Communication Technology ay amin ding pag-uusapan, dahil importante rin iyan lalo na po sa ating mga kabataan, dahil po ang internet satin ay isa sa pinakamahal sa Asya at pinakamabagal pa.

Q: Ano po ang kasiguraduhan ng taumbayan na ang bersiyon ng BBL na manggaling sa Senado ay magiging katanggap-tanggap sa ating mga mamamayan.

SPFMD: Hindi ko pa nakikita ang committee report sa BBL, at hindi pa iyan nabubuo. Pero sa tingin ko, kami po ay nakikinig sa lahat ng panig at iba't ibang sektor ng lipunan ukol sa importanteng batas na ito.

Tungkol diyan, Neal ay sa aking tingin ay yung kaso na isinampa sa Korte Suprema ay very premature po. Wala pa nga pong nagagawang batas ay nandoon na sa Korte Suprema. Sa ngayon po, ang batas tungkol sa Autonomous Region on Muslim Mindanao o ARMM charter ang siyang umiiral at hanggang hindi namin naipapasa ang panukalang batas na BBL ay iyan po pa rin ang ating batas; kaya premature po ang kaso na nasa Korte Suprema.

Q: Update po sa mga panukalang batas tulad ng Anti-Political Dynasty Bill, Philippine Maritime Zone Act at National Identification System Act?

SPFMD: Unang una yung sa Anti-Political Dynasty Act. Sa akin po, sinusuportahan ko po ang bersiyon ni Senator Koko Pimentel na siyang talagang mag-iimplementa ng tunay na anti-dynasty na probisyon na nakalagay sa ating Saligang Batas. Isusumite po iyan ni Senator Pimentel at aming pong tatalakayin iyan. Sa batas na po iyan ay yung mga tinatawag natin na relatives on the first degree - ibig sabihin ay yung anak o yung tatay - ay hindi na pupwede iyon.

Q: Eh yung pamangkin o apo?

SPFMD: Hindi na po sakop iyan, ang pamangkin dahil hindi na po first degree iyan, yung tatay o nanay, yan po ang bawal.

Q: Yung asawa?

SPFMD: Yung asawa bawal po iyan, dahil po iyan ay first degree. Ang pilyong tanong - paano ang mga "hindi asawa?" Sa akin tingin po ay hindi na po dapat kasama iyan, sa aking tingin, dahil iyan sa mga prinsipyong hindi naman natin kinikilala ang mga iyan sa ilalim ng batas. Mukhang hindi dapat isama, ngunit iyan po naman ay pagdedebatehan pa natin.

Q: Yung Philippine Maritime Zones Act?

SPFMD: Yung Philippine Maritime Zones Act, importante po iyan dahil sa ating ongoing dispute sa Tsina na ngayon ay nasa international arbitration. Ito pong maritime zones ay nagdedefine sa ating mga boundaries ayon na rin sa UN Law of the Sea. Yan po ang ating domestic na batas na siyang magsasabi na ito talaga ang ating teritoryo.

Q: Yung National Identification Systems Act?

SPFMD: Alam mo wala tayong National Identification Systems ngayon eh. Kung titingnan mo yung pitaka ng ating mga kababayan ay may ID sa COMELEC, merong ID sa Philhealth, may driver's license, may tax account number, may numero sa GSIS, sa SSS, ang daming numero. Sa ibang bansa po, halimbawa sa Amerika, yung pong sinusunod nila ay yung SSS number. Kung may SSS number ka, yun po ang magpapatunay na ID. Sa atin po walang ID system, so panahon na po na nagkaroon tayo ng isang ID system.

Q: Maipapasa po ba iyan sa huling sesyon ng 16th Congress?

SPFMD: Sisikapin po natin.

Q: Ang problema po sa LRT at MRT, ano po ba ang maitutulong ng Senado diyan?

SPFMD: Ay nakakalungkot po iyan Neal. Ang maintenance niyan ang importante, at hindi po niyan kailangan ng batas diyan. Ang kailangan po diyan ay executive action. As we talk Neil, nakakaawa dahil ang haba ng pila sa EDSA, sa MRT natin.

Yan po ay kailangan ng executive action, kaya po ako nanawagan sa DOTC: Ayusin niyo ito, kung ano man ang kailangan gastusin ay gastusin na for the benefit of our commuters.

Q: Akala ko nanawagan kayo na mag-resign na si Secretary Abaya.

SPFMD: Hindi naman.

Q: Dito po sa pag-angat ng trust rating ni Pangulong Aquino sa pinaka-latest na SWS survey, ito ba ay nagpapakita na mataas pa rin ang endorsement power ni PNoy sa 2016?

SPFMD: Alam mo kung titingnan mo ang kasaysayan ng ating mga trust rating, ito na siguro ang pinakamataas na trust rating on the last year of the incumbent presidency. Dito po nagpapakita na bumabalik ang tiwala ng taumbayan sa Pangulong Noynoy simula nang nangyari ang Mamasapano, at ito po ay malaking bagay at malaki po ang kanyang endorsement value dahilan po sa bumabalik na tiwala ng taumbayan kay Pangulong Noynoy.

Q: Kontento na po ba kayo sa nakalipas na 5 taong panunungkunglan ni Pangulong Noynoy?

SPFMD: Mayroon ding pagkukulang. Halimbawa, yung handling ng Mamasapano incident, isa po ako doon sa mga nagsabing medyo mali yung pagsali ni Purisima doon po sa mga desisyon sa pag-launch ng Mamasapano.

Pero by and large, sa aking tingin, ang kanyang " daang matuwid" na polisiya ay nakapagdulot ng maraming benepisyo sa ating mga kababayan.

Q: Reaksyon po sa Pulse Asia survey at SWS survey na kung saan nanguna si Sen. Grace Poe, at napakalayo ng agwat niya kay VP Binay?

SPFMD: Alam mo Neil ang dapat tinitingnan diyan ay yung trending, dahilan sa ang isang survey is only a reflection of the opinion of the people sa isang period. Ngunit kapag tiningnan mo ang trending, ang talagang mabigat ay yung bumabagsak ang suporta kay Vice President Binay simula nuong taong nakaraan.

Sa apat na survey, patuloy na bumababa yung kanyang suporta, mula 41 % noong nakaraang taon, ngayon po ay naging 22 %. Patuloy po itong pagbaba at iyan ang dapat natin tingnan.

Q: Ano ang pinakamalaking contributing factor kung bakit bumababa ang trust rating niya?

SPFMD: Ay siguro dahilan sa hindi na mapaliwanang na alegasyon ng katiwalian na lumalabas sa Senado, na hindi niya hinaharap.

News Latest News Feed