Press Release
September 9, 2015

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon by Neil Ocampo

Q: Ano na po ang estado sa Senado ng Freedom of Information Bill? Ng Anti-Dynasty bill? 2016 National Budget? Ngayon po ang inyong mina-marathon ay yung Bangsamoro Basic Law, ano po ba ang timeline niyo dito?

SPFMD: Isa-isahin natin. Yung BBL, patuloy ang aming debate. Ang ang aming objective ay baka bago matapos ang buwan o bago matapos ang September ay matatapos po ang aming debate ukol diyan. Yun pong national budget ngayon po ay dinidinig ng Committee on Finance. Kahapon po ng DPWH na naghahalagang P364.5 billion, yan po ay kahapon dininig ng Committee on Finance.

Yung FOI, matagal na sa Senado naipasa iyan, iyan po ay nasa Kamara De Representante na. Yung budget nasa komite, yung BBL po ay patuloy ang aming mga debate at mamayang hapon po ay si Senator Bongbong ay muling tatayo at mag-iinterpellate naman si Senator Koko Pimentel. Yung anti-dynasty bill ay nasa komite pa ni Senator Koko Pimentel. Yaan po ang status.

Q: Kaya po ba ihabol lahat iyan bago kayo mag-Christmas break?

SPFMD: Maihahabol po natin ang BBL, at yung budget ay matatapos po natin, yung hindi ako sigurado sa anti-dynasty bill.

Q: So ang timeline para sa BBL, by November ay tapos na po ba iyan?

SPFMD: By October sisikapin po naming matapos.

Q: Kahapon din po ay dininig ang budget ng hudikatura at ng DPWH diyan sa Senado. Kumusta po ang budget nila?

SPFMD: Unang una yung sa budget ng judiciary - atin pong bigyan ng suporta ang judiciary. Yaan po ay kailangan natin para manatili ang pagpapatupad ng ating mga batas. Alam mo, malaking bagay na magkaroon ng tiwala ang taumbayan sa ating judiciary dahil diyan nakasalalay ang tiwala sa ating demokrasya.

Kaya atin pong sinusuporta - mahigit po sa P26.7 billion ang budget ng judiciary. Yan po ay mahigit po sa 20 porsyento ang pagtaas sa kasalukuyang budget. Doon nga po sa pagdinig ay hinimok ko po ang judiciary at Supreme Court na kung pwede ay bilisan nang konti ang paglilitis sa mga kaso, lalo na roon sa mga nakakaapekto sa ating ekonomiya. Halimbawa, yung mga writ of kalikasan, yung kaso involving government projects na naaantala dahil nasampahan ng writ of kalikasan, kaya ating hinihingi na tama iyan, dinggin natin, pero kung pwede lang ay mabilis, para hindi po maantala ang mga proyekto.

Doon naman po sa budget ng DPWH, alam mo talagang malaking bagay ang DPWH sa ating ekonomiya dahil 20 percent ng ating GDP o paglawak ng ating ekonomiya ay nakasalalay sa paggastos ng pamahalaan. Ngayon, aming nadiskubre na aminado na ang ating magaling na Secretary, si Secretary Babes Singson, na bumabagal ang kanilang utilization ng budget dahil sa mga technicalities o doon sa mga hindi pagka-unawaan doon sa desisyon ng Korte Suprema sa use of savings.

Kung ang pagbidding ay mas mababa doon sa budget, sabihin natin na P100 milyon ang proyekto, ang bid ay P90 million lamang, yung P10 million savings iyan, ang ibig bang sabihin ay hindi pwedeng gamitin ito hanggang end of the year? Yan po kasi ang interpretasyon ng Supreme Court, kaya po dahil doon bumabagal ang pagbuhos ng pera doon po sa mga proyekto. Kaya atin pong tingnan muli ang definition ng savings doon sa budget upang mapabilis ang pag-release ng pera at pagbubuo ng mga project.

Q: Nandiyan din yung sa right-of-way, na minsan dadaan sa husgado so nagkakaroon pa ng delay.

SPFMD: Tama po iyan, although ang batas ngayon ay ganito: Kapag kailangan natin ng isang lupain dahilan sa dadaan ng kalsada, kung ang halaga sa zoning evaluation ay P100 libo, pagdeposito ng P100 libo sa husgado ay dapat wala nang sagabal, at deresto nang papasukin ang dapat pasukin sa mga pribadong lupain.

Ngunit hindi po ganoon ang nangyayari. Ganoon ang batas pero sa katunayan ay mabagal pa rin, dahil kung minsan, labag na sa batas, lagpas na sa batas ang ginagawa ng ating mga kababayan.

Q: Sa tingin po ninyo ang scenario sa 2016 ngayong nagdeklara na si Mayor Duterte na hindi siya interesado sa pagka presidente - naniniwala po ba kayo?

SPFMD: Alam mo ang daming kong naririnig. Ang dahilan diyan, ang sinabi ng ating kaibigan na si Mayor Duterte ay hindi na siya tatakbo, pero yung kanyang mga supporters ay patuloy pa rin ang pag-organize. So hindi natin malaman ang totoo. Well alam mo, hintayin na lang natin siguro ang kalalabasan nito. Ang maliwanag, ang administrasyon, ang kandidato ay si Mar Roxas, at yung kanyang mga katunggali ay doon sa opposition.

Q: Kung hindi tatakbo si Mayor Duterte ay hindi na masikip ang scenario sa pagka-presidente sa 2016?

SPFMD: Ay ganoon pa rin yan, hindi pa natin alam ang kalalabasan nito. Mahaba pa ang kampanya, alam mo sa politika sabi nila, "one week is too long." Mahaba na ang isang linggo para sa pagbabago ng scenario sa politika.

Q: Hindi pa rin daw sumusuko si Pangulong Aquino kay Senadora Grace Poe bilang bise-presidente ni Secretary Mar. Paano na po ang inyong proposal?

SFPMD: Nag-uumpisa na po kaming maghanap para sa ganoon ay handa na.

Q: Totoo po bang leading itong si Congresswoman Leni Robredo sa inyong pinagpipilian?

SPFMD: Hindi pa naman po kami nagbobotohan. May pinag-uusapan. Kasama po itong si Congresswoman Robredo, may ilan sa mga kasama namin na siya ang tinutulak, mayroon din kay Senator Alan Peter Cayetano, mayroon ding tumutulak kay Governor Vilma Santos, kay Senator Sonny Trillanes, pina-guusapan pa.

Q: Nag-uusap po ba kayo ni Senator Cayetano ngayong araw-araw kayo nagkikita diyan sa Senado?

SPFMD: Nag-uusap kami, nagkakamustahan lang, "Kamusta ang kampanya?"

Q: Ano po ang sagot ni Senator Cayetano diyan sa pagbibise presidente ni Secretary Mar?

SPFMD: Sabi niya, "Kami sa Nacionalista, free zone pa sa ngayon at puro kami kandidato."

News Latest News Feed