Press Release
November 12, 2015

SENATOR TEOFISTO "TG" GUINGONA III
Opening Remarks
Laglag-Bala Senate Probe

November 12, 2015

Magandang hapon po sa inyong lahat.

Maraming salamat sa pagpunta ninyo dito sa pagdinig ng ating Senate Blue Ribbon Committee. Naniniwala ako na isang pagkakataon ito na hinihintay ng mga kababayan natin.

Tinawag natin ang pagdinig na ito para magtanong ... para mag-imbestiga ... para pag-aralan ang isang bagay na nagpapasakit sa kalooban ng mga kapwa natin Pilipino, lalo na ng ating mga OFW.

Ang sama ng loob ng mga kababayan natin ay nagkaroon na ng madaming mukha.

Nandiyan ang mukha ng isang nanay na OFW na nagtatrabaho sa Hongkong. Nandiyan ang mukha ng isang batang mag-aaral na kabilang sa isang choir sa kakatawan sana sa ating bansa sa isang international competition. Nandiyan ang mukha ng matandang lalaking nagbalik-bayan sa sarili niyang bansa ... na bumalik ng Amerika ... na punong-puno ng takot at trauma sa umano's nangyari sa kanya.

Marami pa sila.

Sa bandang huli, ang habol natin ay ang makita ang katotohanan ... at bigyan ng lunas ang anumang problema sa likod ng isyung ating kinakaharap.

Mga kasama:

Nakalulungkot na katakot-takot na upak na ang tinatanggap ng ating airports dahil sa umano'y nagaganap na laglag-bala raket sa ating paliparan.

Matindi ang kanilang upak... dahil sa tingin nila ay merong grabeng pumalpak. Tanong nila: ano daw po ba ang pumalpak?

Pumalpak ba ang istraktura ng pamamahala sa ating airports?

Pumalpak ba ang sistema ng pangangalaga sa mga kababayan nating mga pasahero sa ating airports?

Pumalpak ba ang mga tao na inaasahan nilang patatakbuhin nang maayos ang istraktura at sistema?

Nasaan ang palpak? Saan, ano at sino ang dahilan ng kanilang upak?

Sa kasalukuyan, malinaw ang isang bagay: mula sa matinding galit dahil sa tingin nila's kapalpakan, nagtatampo na ang ating mga kababayan.

Ipinapakita nila ang tampo sa social media. Ipinaparamdam nila ang matinding tampo sa paraan nila ng pagbabalot ng kanilang mga bagahe at bitbit sa biyahe.

Panahon na para tumugon tayo sa tampo ng ating mga kababayan.

Sa paniniwala ng komiteng ito, ang pinakamagaling na paraan para maghilom ang kanilang tampo ay ang magtulungan tayo para hanapin ... pag-aralan ... at ayusin ang lahat na sa tingin nila ay matinding kapalpakan.

Ito ay isang mahalagang tungkulin na dapat nating gampanan.

Maraming salamat sa pakikiisa ninyo sa layuning ito.

Umpisahan natin ang pagdinig.

News Latest News Feed