Press Release
November 30, 2015

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon
by Rey Sibayan and former Rep. Angelo Palmones

Q: May sapat bang panahon para maipasa ang 2016 national budget?

SPFMD: Meron. Sa katunayan nga ay sa ngayon ay yan ay nasa bicameral conference committee na. Ipinasa na namin ang budget nitong Huwebes, at ngayon po ang mga kinatawan ng magka-bilang kapulungan ng Kongreso ay naguusap na sa komite upang ipaliwanang ang mga pagkakaiba ng mga bersiyon ng budget ng dalawang kapulungan. Itong linggo ito ay matatapos ang mga bicameral conference committee hearings at sa susunod na linggo ay amin na po itong ipapadala kay Pangulong Aquino para kanyang susuriin at pipirmahan na ang budget.

Q: Wala naman sigurong mga seriously contentious provisions sa mga bersiyon ng budget sa House at Senado ano?

SPFMD: May mga pagkaka-iba ang iba't-ibang probisyon ngunit iyan naman ay mapag-uusapan. It's a matter of explaining kung bakit mas mataas ang ganitong item, o mas mababa. Usual po iyan sa bicameral conference committee hearings na pinag-uusapan ng magkabilang kapulungan ang kanilang mga posisyon.

Q: May mga amendments pa po ba na idadagdag diyan?

SPFMD: May mga amendments, halimbawa yung dinagdag ng Kamara De Representante sa budget ng Comelec ng P500 milion, para mapabilis ang transmissions ng election results pagdating ng Mayo. Noong nakaraang halalan, ay mayroong mga ilang porsyento ng mga kabuuan ng mga presinto na hindi nakakapagreport on time dahilan sa walang cell sites.

Alam mo, ang importante dito ay yung mga presinto, dapat may cell site. Dahilan po kapag walang cellsite, siyempre wala kang mai-tatransmit. Alam naman natin, kapag walang signal, ibig sabihin noon ay walang cell site. Kaya po nagdagdag ng P500 million sa Comelec ay para siguraduhin na may sapat na transmission equipment na makakapagtransmit ng resulta within 24 hours.

Q: Sapat na po ba yung pondo na iyon?

SPFMD: Sapat na, sa kasalukuyan ay P500 million lang ang nasa proposal, kaya dinagdagan ng P500 million, dinoble.

Q: Dapat maging conscious diyan ang mga senador, dahil sila ang iboboto nationally.

SPFMD: Hindi lang po mga senador, pati rin po ang buong bansa, para sa kapakanan ng ating bansa na mabilis ang resulta, para hindi masabi na nagmamaniobra o may nangdadaya. Alam mo naman sa ating mga Pilipino, wala pong natatalo, puro po dinaya. Kaya kailangan po natin ng ganyang klaseng makinarya.

Q: Ano daw po ang total salary increase ng mga public school teachers at iba pang government school workers?

SPFMD: Ang budget po na nakalagay para sa pagtaas ng sahod sa 2016 ay mahigit po sa P57 billion, dito po sa susunod na taon. Ang pagtaas po ng sahod ay depende sa Salary Standardization IV na aming tatalakayin. Bukas po ay uumpisahan po namin ang debate ukol diyan. Doon po nakalagay sa SSL IV ang partikular na mga sahod, ngunit halimbawa sa mga nurses sa mga pampublikong hospital na may posisyon na Nurse II o salary grade 15, tumatanggap sila sa kasalukuyan ng P24,887 per month, pagdating po ng Enero ay sila po ay tatanggap na ng P26,192 per month. Ito po ay nakalagay sa Salary Standardization IV.

Q: Ganoon din ang first tranche sa mga Teacher 1?

SPFMD: Tama po, ganoon din sa mga Teacher 1, hindi ko lang po makuha ngayon, pero mayroon din po yang ganoong pagtaas.

Q: Sa lahat po ba iyan ng government employees?

SPFMD: Sa lahat po iyan ng empleyado ng pamahalaan.

Q: Paano naman kami sa private sector?

SPFMD: Alam mo, ang sektor publiko ay naghahabol lang sa sektor pribado, and we are trying to approximate the budget, ang sahod ng ating mga guro, mga nurses, sa public sector, para hindi na maglipatan sa private sector. We are trying to be competitive, at pangalawa, kailangan naman talaga na itaas ang sahod ng ating mga kawani sa pamahalaan. Ito po ay for the next four years, sa susunod na apat na taon, ay patuloy lang ang pagtaas ng sahod on schedule kapag naipasa namin itong Salary Standardization Law IV.

Q: Itong first tranche, P200 ang dagdag, yung susunod mas malaki ba o equally-distributed yan?

SPFMD: Mas mataas siguro.

Q: Naglilipatan na daw ang mga ibang pulitiko ng Liberal Party diyan sa Mindanao sa ibang partido, lalo na sa PDP-Laban.

SPFMD: Unang-una, hindi po totoo iyan. Kami po ay tumanggap ng liham mula sa aming mga kasamahan doon sa Mindanao, hindi daw totoo na naglilipatan. Of course, may ilang mga naka-commit noon, pero iyan naman ay hindi naman parang ang impression ay trak-trak ang naglilipatan, hindi po totoo iyan.

Q: Ang impression dito, ay exodus na eh, bandwagon na, from Davao group ay lilipat na rin daw yung mga mula sa ibang probinsiya sa Mindanao.

SPFMD: Natural po iyan, sa Davao lalo, dahilan po, siyempre naghihintay sila noon na magdesisyon si Mayor Digong, kung ano ang kanyang pagpapasya. Ngunit iyan po ay hindi naman totoo, na lahat na lang, yung ganoong klaseng impresyon na may exodus, ay hindi po totoo iyan. May mga natatanggap po kaming mga liham, mula sa lugar tulad ng Kompostela Valley, na sila pa rin po ay patuloy na sumusuporta kay Secretary Mar Roxas.

Q: Will this mean ang Liberal Party ay mangangampanya ng husto sa Mindanao?

SPFMD: Mayroon mang ganitong development o wala, talagang mangangampanya ng husto ang Liberal Party sa Mindanao.

Q: From pensioner Mr. Abiog of SSS, ano na daw ang status ng SSS pension increase? Diba pasado na po iyan?

SPFMD: Pumasa na po iyan, P2000 bawat buwan ang dagdag sa sahod ng bawat pensioner, hindi ko pa po napipirmahan ang tinatawag na enrolled copy, I think ginagawa pa ng technical staff, pero huwag po kayo mag-alala, bago po matapos ang taon ay amin po iyang maipapadala kay Pangulong Aquino para sa kanyang approval at pirma.

Q: So by next year po epektibo na iyan?

SPFMD: Sa isang buwan po ay epektibo na iyan.

Q: Kaya pa ba? Kasi sa actuarial, ay baka hindi na raw mag-tagal ang pondo ng SSS?

SPFMD: Ang kalkulasyon po diyan, ay dapat may karagdagang premium otherwise ang pondo ay baka maubos within 13 years time, kaya kailangan po ay magkaroon ng pagtaas ng premium o iba pang paraan na gagawin para po maagapan ang pagubos ng pera ng SSS.

Q: Any message po ngayong Bonifacio Day?

SPFMD: Sa araw na ito, na araw ni Gat. Andres Bonifacio, huwag po natin kalimutan na ipinaglaban niya ang kalayaan ng buong bansa, kaya kahit ikaw ay isang ordinaryong mamamayan ay mayroon kang magagawa para sa ating bansa. Ganyan po si Andres Bonifacio.

News Latest News Feed