Press Release
December 3, 2015

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon
by Joe Taruc and Milky Rigonan

Q: On the Comelec's decision to disqualify Sen. Grace Poe from the 2016 presidential elections

SPFMD: Mayroon pong mga nagsasabi na pinakialaman daw ng Partido Liberal iyan. Hindi po totoo iyan. Yan po ang desisyon ng Comelec, out of their own perception kung ano ang batas, ano ang facts. Dahilan po sa doon sa SET (Senate Electoral Tribunal), yung aming kapartido, si Senator Bam Aquino, bumoto in favor of Grace Poe. Hindi po ba kung may party line kami, edi dapat sumunod si Senator Bam bilang miyembro ng aming partido at bilang kinatawan ng Partido Liberal doon mismo sa SET? Eh bumoto po siya in favor of Grace Poe. Kaya po walang katotohanan na itong desisyon na ito ay dahilan po sa Partido Liberal at yan pong desisyon ay appealable pa dyan po sa Commission en banc and ultimately, aabot iyan sa Korte Suprema.

Iyan ang importante, para sa akin na sa lalong madaling panahon ay dedesisyunan ito ng final ng Korte Suprema. Ipagpaliban po siguro muna nila ang kanilang bakasyon, ang Christmas break, para lang po madesisyunan ito dahil kinabukasan ng ating bayan, ng ating pamahalaan ang nakasalalay dito. Kapag nagkagulo either way, halimbawa, eh yung printing ng balota ay wala ang pangalan ni Sen.Grace Poe tapos ang sabi ng Korte Suprema ay dapat kasama siya, naloko na tayo. The opposite is also true. Kaya sa akin, sa lalong madaling panahon, ipagpaliban na po muna ng Korte Suprema ang kanilang bakasyon, pagdesisyunan na sa lalong madaling panahon ito in time for the printing of the ballots.

Q: Dapat din siguro po ay iwasan ang pagbibigay ng ibat-ibang opinyon na nakakapag-painit sa sitwasyon.

SPFMD: Sangayon po ako dyan. Madaming experts suddenly, pero sa kabilang dako naman ay hindi naman maiwasang sumagot ang ating mga kasama dahil sa tinatanong din ng media.

Q: Ang sabi po ng kampo ni Sen. Poe, kinakabahan daw sila dahil yung composition ng Comelec are all appointees of President Aquino.

SPFMD: Alam mo, sino ang mag-aappoint? By some stroke of chance ay ang Pangulo ang nag-appoint, pero ako po ay naniniwala na yan po ay independent ang Comelec at ang kanilang termino sa Comelec ay definite. Kaya nga po sa ating Saligang Batas, kaya nga po may definite terms yun pong nasa Comelec at maalis mo lang yan through impeachment. Kaya po wala pong dapat kabahan na in-appoint ng Pangulo ang commissioners sa Comelec. Kaya nga to remove that partisanship, binibigyan sila ng fixed term. Hindi sila pwede alisin kung hindi sa pamamagitan ng impeachment.

Q: At wala naman pong maaring mag-appoint ng Comelec commissioners kungdi ang Pangulo.

SPFMD: Tama po iyan. Hindi po sila pwedeng ihalal ng taumbayan.

Q: Maraming pong school of thought sa issue ng kaso ng disqualification laban kay Senator Poe. Bilang abogado, ano po ba ang proper forum para po dito sa kasong ito?

SPFMD: Unang una sa pagkabasa at pagkaintindi ko sa mga pahayagan, precisely ang sinabi ng Comelec ay may 'material misrepresentation.' In other words, mayroong mga nilagay doon na hindi totoo sa kaniyang certificate of candidacy. Ano po ito? Yung kanyang residency na sabi niya ay sampung taon, ang sabi ng Comelec ay "Hindi yan totoo, dahil sa three years ago, ang sinabi niya ay anim na taon at anim na buwan." So pagdating ng Mayo 2016, yan po ay less than 10 years. Sabi po ng Comelec, yan po ay material misrepresentation.

Ganun din po sa citizenship, ang kailangan po ay natural-born, at sinabi ni Sen. Grace ay natural-born siya, yan daw din ay material misrepresentation. Bigyan ko lang po ng diin, hindi po ako naghuhusga dito, sinasagot ko lang ang tanong.

Sinabi rin ng Comelec na hindi tama ang kanyang certificate of candidacy, kaya hindi on the qualifications, on the material misrepresentations on her certificate of candidacy. At ito po ay dedesisyunan ng Korte Suprema in the end. At the end of the day, desisyon ng Korte Suprema ang mangingibabaw.

Talking about that, yung issue sa citizenship sa SET, ay ganoon din, aabot din ito sa Korte Suprema. So kaya kung ano man ang desisyon dito sa SET, ay magiging applicable din dito sa pagkandidato ni Sen. Grace Poe sa pagkapangulo.

Q: Sana man lang, kahit sa kapos na ang oras ay hindi bara bara ang pagdesisyon dito. Sana mapag-aralan ng husto ng mga mahistrado.

SPFMD: Tama po iyan, at ang pagdedesisyon ay nasa kanila, dahilan po yung desisyon sa SET ay dadalhin sa Korte Suprema, at yung desisyon ng Comelec ay dadalhin din sa Korte Suprema.

Q: Sa hinaba-haba ng pangliligaw ng LP kay Senator Poe, hindi ba natalakay man lang yung kanyang possible disqualification o illegibility?

SPFMD: Hindi po yan tinalakay sa Partido Liberal noong hinihiling namin na o aming inaalok kay Senator Poe yung vice-presidency.

Q: Ano po ang inyong reaksyon sa hatol ng Olongapo Regional Trial Court dito kay US Marine Joseph Scott Pemberton?

SPFMD: Sinusuportahan ko po, at iyan po ay nagpapakita na ang ating sistema ng hustisya, ay umiiral sa ating bansa. May kakulangan man pero kahit papaano ay at the end of the day, nakikita natin na umiiral ang hustisya.

Sa akin po ay sinusuportahan ko po ang desisyon ng Olongapo Regional Trial Court, at ang dapat, si Pemberton ay dapat ikulong sa ating kulungan sa Muntinlupa, kung saan ang lahat ng convicted prisoners ay nakukulong.

Q: Masasabi natin na lalo pang lumakas ang ugnayan ng US at ng Pilipinas kaugnay nitong VFA?

SPFMD: Tama po iyan. Sa akin po ay hindi ito makakaapekto sa relasyon, dahil ito ay nagpapakita lamang na ang rule of law ang ating sinusunod.

Q: Naniniwala po kayo na dapat ikulong si Pemberton sa Muntinlupa, pero based daw po sa Visiting Forces Agreement, meron pong agreed areas of detention ang magkabilang panig. Nabanggit dito yung SAF headquarters sa Tagaytay at yung Camp Aguinaldo.

SPFMD: Wala pong specific areas sa kasulatan na napagkasunduan ng dalawang panig on the place of detention. Kaya sa akin, bilang isang dating kalihim ng Kagawaran ng Katarungan ay dapat po sa Muntinlupa ang place of detention.

Q: Ano na raw po ba ang estado ng panukalang batas sa additional na P2000 sa montly pension ng SSS retirees?

SPFMD: Matagal na po naming naaprubahan iyan. Wala pa po sa akin ang final copy for signature, nandoon pa po sa House of Representatives, dahil doon po nagsimula sa House ang pagpasa nitong batas na ito. Sa kanila manggagaling ang final copy, pagdating sa akin po ay pipirmahan ko po agad at para maipadala kay Pangulong Aquino.

Q: Yoon po ang order? Una sa House, then sa Senate at tapos ay didiretso na sa Office of the President.

SPFMD: Tama po iyan.

News Latest News Feed