Press Release
February 18, 2016

SEN. GRACE POE's SPEECH
GoNegosyo 8th Filipina Entrepreneurship Summit
World Trade Center, Pasay City
18 February 2016

Magandang umaga po sa inyong lahat. Isa pong karangalan ang muling maimbitahan dito sa inyong pagpupulong sa Go Negosyo para bigyan ng kahalagahan ang mga entrepreneurs na mga kababaihan. Bago po ako mag-umpisa, nais ko pong batiin siyempre si Mr. Joey Concepcion, ang ating founder ng GoNegosyo, na bilib naman talaga ako. Papasok pa lang dito nakita na natin kung gaano kahaba ang pila ng mga nais na dumalo sa inyong pagtitipon. Maaaring mangyari ito sa ating sunud-sunod na pagsasama-sama. Nandiyan din po si Mr. Ramon Lopez na walang pagod din na binubuo ang ating mga guest na dumalo. Ang DTI USEC Zeny Maglaya. Siyempre nandiyan si Ms. Marissa.

Lahat po ng aming 2016 inspiring Filipina awardees, guests, and panelists at syempre ang ating mga magaganda at gwapong mga estudyante na naririto ngayon. Ang dami kong nakita, nung pagpunta ko dito sabi ko, hindi lang pala women entrepreneurs kundi mga students na interesado sa entrepreneurship. Nais ko magpasalamat sa Mike and Chaps sa inyong introduksyon. Mike mukhang, ang zipline idea mo ay kaaya-aya at kaakit- at mas lalong nagiging kaaya-aya at kaakit-akit.

So, sa ating mga kababayan, mahalaga ang edukasyon na naglalayong itaas ang estado ng ating kababaihan sa pamamagitan ng kabuhayan. Sabi nga ng aking nanay na si Susan, iba parin kapag may sarili kang pera. Iba pa rin kapag ikaw ay nagtatrabaho. Kung gusto mong tumulong sa kapamilya mo o sa kaibigan mo, may maibibigay ka. Minsan nakakalungkot, may hihingi ng tulong sa'yo, wala ka naman madukot para ibigay. Hindi pwedeng ipanakot sa iyo na saan ka pupulutin sakaling malasin ang pagsasama ninyong mag-asawa. May mga babae pong nagtitiis sa pagsasama dahil nakadepende sila sa kanilang asawa. Importante ho na mayroon kayong sariling pera. Sa mga single moms, hindi nila kailangan manglimos ng suporta sa mga ama ng kanilang anak dahil kaya nilang panindigan ang pagsuporta sa pangangailangan nila. Maswerte tayo na na namulat akong may ina na si Susan, bukod sa pagiging isang artista noong araw ay mahusay mag-ipon at negosyante kaya kahit semi-retiree na siya ngayon, nakakatulong parin siya sa marami.

Kaya importante ang mag-ipon, at marami sa mga artista katulad ni Marvin Agustin ay mayroong ibang pinagkakakitaan. Mayroon siyang sariling restaurant, Sumosam atbp. Sapagkat, mas maganda kung marami kang ibang mga negosyo na gusto mong gawin at passionate ka.

Kasi dati si Marvin Agustin ay isang restaurateur, nagtatrabaho sa isang restaurant o nagsisilbi sa isang restaurant, ngayon ay entrepreneur na. Sa ngayon, 62.1% ng nagtatrabaho sa labor force, at 99.6 na lang ng negosyo ang galing sa SMEs ngunit maliit parin ang suporta mula sa pamahalaan. Isusulong natin ang pagpapalakas sa MSMEs. Ipush natin ang malawakang access sa financing mechanisms, tulong sa teknolohiya at alalay sa pagpapatayo ng negosyo. Titingnan natin kung ang isang pagkakaroon ng isang government credit guarantee mechanism na bukod sa kasalukuyang SME ay bubukas ng opportunity sa national growth. Sa ganitong paraan, mas madaling magkaroon ng puhunan para sa mga maliliit na negosyante. Mahirap talaga kumuha ng capital kapag bago, kailangan pa minsan yung iba pupunta sa 5-6 o kaya naman ay isasangla ang kanilang ari-arian para lamang magnegosyo. Alam niyo ang Thailand ay isang bansa na kung saan ay binabaan nila ang taxes lalong-lalo na para sa micro, small, and medium enterprises(MSMEs). Dapat ganoon na din sa ating bansa, lalo na sa mga naguumpisa ng negosyo. Ganoon na din sa ibang bansa sa Asya na mula dalawang taon o apat na taon na kita ay hindi talaga nababayad ng buwis.

Palawakin natin ang Professional Consulting Services sa negosyo centers. Magdadagdag tayo ng mas maraming centers sa buong bansa para sa mga gustong magtayo ng negosyo, madali lang pumunta sa isang opisina sa inyong bayan na kung saan may mga ekspertong magtuturo sa iyo kung ano man, kung ano ang ibig sabihin ng human resources and development, sales at marketing. Layunin natin na may uunlad sa propesyunal na makakatulong sa pagusad ng pagpapalago ng inyong negosyo. Palalakasin natin ang MSME's na may pamunuan ng access at kaya niyong makipag-kumpitensya sa foreign markets partikular na sa ASEAN at EU. Kailangan natin ng isang orchestrated approach sa pagpapayaman at pagpapatatag nito.

Pagbubuo ng MSME agencies para sa konsiderasyon ng lahat ng mga sarili nilang programa. Importante din na sa pagpapatayo ng business o negosyo as ating bansa ay dapat maikli lang ang oras. Napakahirap at napakatagal para lamang bumuo ng isang negosyo, andaming proseso kaya dapat natin amyendahan ang Anti-Red Tape Act o ARTA para lang mabawasan ang steps sa pagkuha ng mga ito. Dapat nating simulan ang pagkakaroon ng Agro-Industrial zones para makatulong sa iba't-ibang rehiyon, para naman matulungan ang sektor ng agrikultura. Nais ko nga pala kilalanin at i-acknowledge ang presence ni Senator Cynthia Villar. Alam mo naaalala ko, nabanggit din ni Senator Villar sapagkat siya po ang chairman ng Committee on Agriculture sa Senado.

At alam niya at talagang nasa puso niya ang pagtulong sa mga magsasaka...Paano matutulungan ang mga magsasaka natin? Halimbawa na lang ang magsasaka na nagtatanim ng mga niyog. Alam niyo ba dito sa isang buko, marami tayong pwedeng kunin, mayroong virgin coconut oil para sa kutis ninyo at sa kalusugan, mayroong coconut oil para doon din, may mga coconut products na pwede niyong gawing bunot, pwede rin niyong gawing tolda at kung ano-ano pa. Pero ang importante, ang Department of Trade and Industry, kasama ang Department of Agriculture ay nagtutulungan para i-market ang mga produktong ito.

Sabi nila that women would hold up half the sky. Kailangan natin ng dunong, kailangan natin ng trabaho, dahil successful tayo sa ating programa, pag-uwi natin sa bahay, titignan natin, ano ba ang kinain ng aking mga anak? Malinis ba ang kwelyo ng aking mga anak na pumapasok sa paaralan, siguro kapag nagtra-trabaho na lang. Importante na magkaroon tayo ng regional TESDA Women's Centres across the nation. Courses will be tailor-fit according to which thriving regional industries the local women can best work in. Mahalaga rin ang Private-Public Partnerships sa pagpapalakas ng women entrepreneurs. Isang halimbawa nito ang Coke-TESDA Sari-sari Store Training and Access to Resources. Napakaraming women entrepreneurs ang nabubuhay dahil sa sari-sari stores.

Layunin ng programang ito na pagdating ng 2020, ang mga kababaihan ang matutulungan sa pamamagitan ng formal business deals and training. Mga kababayan, marami talaga tayong dapat baguhin sa ating bansa para mas lalo pa tayong lumago. Unang-una, dapat patuloy ang pakikipaglaban sa kurapsiyon sapagkat lahat ng dapat na ipangtulong sa ating mga kababayan, serbisyo at ang pondo ay dapat diretso para sa ating mga kababayan, at magagawa lamang natin iyon kung maipasa natin ang Freedom of Information Bill na matagal na naming isinulong sa Senado.

Dahil doon pwede ninyong busisiin ang lahat ng kontrata ng gobyerno para hindi tayo naiisahan. Darating lamang dito ang mga mamumuhunan. Pangalawa, dapat ang pagkuha ng mga permits hangga't maaari ay online sapagkat napakahirap, mas madali ang kurapsiyon, pero kung online mo babayaran, mas madali umaksyon nun... Importante din na bumaba ang ating binabayarang buwis sa gobyerno, sapagkat napaka taas po ng bayad natin. Halos 32 percent, kapag corporate naman 30 percent. Samantalang sa ASEAN Economic Integration kung saan ang mga karatig bansa dun mas mababa ang binabayaran nilang buwis. Sino pang mamumuhunan dito sa atin, kung ganoong kataas ang ibabayad? Isipin ninyo ito, ang isang teacher na kumikita ng 18,000 pesos a month, ay nababayad ng 26,000 pesos a yearsa taxes lamang. Akalain mo yun, makatutulong sana iyon para sa pagkain, pag papagamot, pagtulong sa mga pamilya ng mga teachers.

Lahat tayo ay ganoon ang inaasam, kapag sinabi nilang hindi kaya ng gobyerno iyan. Sapagkat kung mababawasan ang buiws, papaano na ang mga proyekto. Importante na isipin na ang gobyerno ay mayroong underspending na halos 700 billion pesos. Kung nilaan nila iyon sa mga tamang proyekto, marami tayong matatamasang mga benepisyo ngayon. Kaya lang medyo napigilian, so importante po iyan. Importante din po na magkaroon kayo ng proteksyon, peace and order. Sapagkat syempre, paano kayo papasok sa trabaho o sa sarili ninyong business kung hindi kayo ligtas?

Kaya dapat parusahan ang mga nagkasala, ang mga pulis ay dapat may disiplina. Tulungan natin ang mga namumuno sa ating lipunan. Sa ating mga baranggay, pangako ko sa inyo lalo na sa mga lugar na ang maraming problema, maglalagay tayo ng CCTV para maalis na ang mga nagtutulak ng droga. Dahil mas kinakailangan nating ipairal ang batas, sapagkat hindi naman puwedeng mabibigla na lang tayo.

Kahit ang Diyos na alam ang ating mga kasalanan, ay binibigyan tayo ng pagkakataon na magbago. Pero kung paulit-ulit hindi puwede yan. Dapat talagang parusahan at managot, May mga nagsasabi na ang babae mahina daw, ako bilang isang babae, ay may tapang. Sino ba sa inyo ang hindi natakot sa mga nanay ninyo kapag nagalit? Sino naman sa inyo dito ang hindi naniniwala, ang nanay ninyo ay masipag

Hindi lamang masipag, ay gumagawa din ng paraaan para magka-isa ang mga pamilya? Para matugunan ang pangangailangan. Ang ating Chief Justice ay babae, ang chief ng Ombudsman ay babae. Ang dating namumuno ng DOJ babae. Mga trabaho na kung saan kailangan ng tapang at galing at malasakit ay babae. Ngayon bago ako mag tapos, nais ko pong sabihin si Senator Villar. Sa aming mga senador na talagang ipinakita niya na kailangan masipag ka sa lahat ng ginagawa mo...

Sa Senado ang mga nagsusulong ng kung anu-anong mga batas, katulad ni Senator Pia Cayetano, Si Senator Loren Legarda ang isa sa nangunguna sa environment issues. Si Senator Miriam Defensor Santiago, matapang na babae, resident constitutionalist ng Senado, alam na alam niya ang batas. Memorized niya na lahat iyon, isang babae.

Kaya huwag kayong mawalan ng lakas ng loob. Marami kayong kampi doon, at lalong lalo na, ang dami-daming katulad n'yo ang napagdaanan. Bago po ako magtapos, sabi ko nga kanina magtatapos ako sa isang joke po. Sabi nung isang babae, "Bakit mo ba inuuwi yung trabaho mo dito sa bahay? "Bakit? Masama ba? Masama bang maguwi ng trabaho dito sa bahay para nga mas madali tayong matapos?" Sabi ng asawa, "Oo pero ikaw lang ang embalsamador na naguuwi ng trabaho sa bahay!"Narinig ko iyan sa radyo.

Sa inyong lahat, sa mga estudyante, lahat tayo may pinaghuhugutan sa buhay. Sabi nga nila, masyado daw madrama ang aking buhay. Wala akong magagawa. Yun ang binigay sa akin ng Panginoon. Lahat tayo may hamon na pinagdadaanan. Ang importante sa mga pinuno natin ay naiintindihan ang ating pinagdadaanan. Sino ba sa inyo dito ang walang date nung Valentine's Day?

Meron kayong pinaghuhugutan. Hindi ko na ipapataas ang mga kamay ninyo. Ma'am naman, kailangan pa ba ng ka-date? Ang iba naman sabi, walang pinipiling edad ang pag-ibig. At sa tingin ko, tayo ang iilan lamang na naniniwala na walang hanggan ang forever. Ang iba naman sa inyo namo-mroblema tungkol sa pagbabayad ng tuition n'yo. Sino problema ang pagbabayad ng tuition? ...mayroon tayong UNIFAST Law kung saan bawat Pilipino kahit mahirap ay may paraan para makapagtapos ng kolehiyo.

Tutulungan kayo ng gobyerno at yan ay ating babantayan. Dapat ang state universities and colleges ay libre na sa ating bansa. Dapat lahat ng academic institutions ay libre na at mabilis ang wifi. Ang internet ay isang universal right. Makakaasa kayo dahil importante sa mga entrepreneur na mabilis ang internet para kahit nasaan man kayo, kahit nasa Zamboanga kayo, kahit nasa Abra, Ilocos Norte, kaya niyong makipagpaligsahan sa mga iba't-ibang negosyante sa buong mundo.

Kaya yan po ay aming tututukan, mabilis, murang internet service para sa mga entrepreneur at sa inyong lahat. Kahit na madrama ang buhay ko, ang pinaghuhugutan ko ay nagbibigay sa akin ng determinasyon at lakas na wag susuko. Wala namang perpekto sa atin. Lahat naman tayo may kapintasan. Pero wag kayong papatalo. Kung ang ginagawa niyo ay para sa kabutihan niyo at kabutihan ng inyong pamilya, magtutulungan tayo. Kayo ay magtatagumpay. Maraming salamat po.

News Latest News Feed