Press Release
March 16, 2016

TRANSCRIPT OF DZMM INTERVIEW ON THE $81 MILLION MONEY LAUNDERING INVESTIGATION

BAJA: Kumausap po tayo ng isang senador na nakasama kahapon sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. Kausapin natin si Senator Sonny Angara na siya namang chairman ng Senate Committee on Ways and Means. Senator Angara, magandang umaga po!

SJEA: Magandang umaga Gerry, sa lahat ng nakikinig, magandang umaga ho.

BAJA: Senator, anong initial conclusion o nabuong impression sa inyo sa mga naririnig n'yo kahapon?

SJEA: Hindi pa kumpleto, Gerry. Pero mukhang mayroong hindi nagsasabi ng totoo sapagkat parang talagang kumukontra yung mga nababasa ho natin doon sa mga sinabi nung ibang mga testigo kahapon. At hintayin na lang po siguro natin bukas yung testimonya nitong branch manager ng RCBC, na sabi nga nila nasa gitna at itinuturo naman nung ibang mga involved dito na siya nga yung nag-utos sa kanila o nagsabi sa kanila na magbukas ng acccount o magpadala ng pera. Titingnan natin kung ano ang sasabihin niya dahil doon sa mga nanood, nakita nila na ayaw niyang magsalita sa harapan ng iba dahil may kaso nga siya, so in-invoke niya yung kanyang right against self-incrimination. Pero handa siyang magsalita kung saka-sakaling may executive session o kaya isasara yung sesyon at yung mga Senador lang ang makikinig.

BAJA: Tama kayo. Ganoon din ang obserbasyon ko. Maraming nagsisinungaling o hindi nagsasabi ng totoo doon sa mga pagtatanong ng mga senador.

BAJA: Sa buong picture, ang nakita ko ay parang lahat nung nagsasalita, ang iningunguso o ang itinuturo ay yung branch manager lang. Yung testimonya ni Mr. Lorenzo Tan, yung presidente ng RCBC, yung remittance, yung PhilRem, yung Bautista. Parang ang lahat ng sinasabi niya, eh utos ni ganire, galing lang kay Deguito. Si William Go, ang sinasabi ay yung si Deguito. Parang ang lahat ng sisi, bunton ng sisi ay nandoon lamang kay Deguito.

SJEA: Mukhang yun na nga ang sinasabi nila at yung iba tinanggi na ni Deguito na nabasa natin sa dyaryo, o kaya napanood natin sa news. Itinatanggi niya na siya yung nagpabukas ng account. At yung sinabi ni Bautista. yung money remitter o money remittance ay inutusan ni Deguito na magbigay ng $30M kay Weikang Xu. Yun daw ang utos ni Maia Deguito na pinabulaanan naman niya. So, may isa doon na hindi nagsasabi ng totoo kasi taliwas yung sinasabi nila.

BAJA: At yun hong pagde-deliver ng napakalaking pera ginawa lang tawag lang sa telepono? Yung iba nga paila-ilang libong piso lang e, kailangan tiyakin muna yung pagdadalhan, tapos kumpleto, hinahanap yung mga resibo. E, ito milyun-milyong libong dolyar ang ideni-deliver at daan-daang, milyun-milyong piso e.

SJEA: Tama, bilyong piso.

BAJA: Bilyon? Tama, bilyong piso.

SJEA: Sapagkat 30-Million Dollars, 1.5-Billion Pesos iyon. So iyon ay iniabot daw niya na cash. Although sabi nga ni Bautista hindi daw niya inabot na isang bayaran kundi may series of payments. Iyon nga, siguro nga may transaksyon na sila dati kaya hindi ito solong transaksyon sapagkat parang hindi mo naman gagawin iyon kung first time mo lang makipag-usap sa isang tao. So talagang mukhang may usapan na itong dalawa, at parang noong nahuli medyo siguro kanya-kanyang istorya na para protektahan yung kanya-kanyang interes.

BAJA: Tanggap niyo po ba yung sinasabi ng PhilRem na limandaang piso lang o isang libong piso lang ang kinita nila sa mga transaksyon na ito?

SJEA: Mahirap iyan paniwalaan, Gerry, sa totoo lang. Sapagkat napakalaking pera at usually, ewan ko, hindi naman ako nagpapadala ng pera sa ibang bansa. Pero usually ang sabi kasi sa akin ng ibang tao, usually porsyento 'yan e. Depende din sa laki nung pinapadala niyo. Although, siyempre, may posibilidad din na nagsasabi siya ng totoo pero parang medyo nakakagulat at medyo mahirap paniwalaan.

BAJA: Oo, mukhang kailangan talagang tignang mabuti yung involvement diyan ng PhilRem, dahil sa ganyan na pwede naman nilang aminin na halimbawa sa bawat dollar ay nagpasok sila ng -- nagpatong sila ng piso sa bawat dollar para may kita sila. So sa total niyan ay kumita sila ng 81-Million Pesos, hindi ho ba? Kung talagang ganoon naman ang kanilang transaksyon. Kaya lang nakakagulat talaga na bilyong piso, milyun-milyong dolyar, tapos ang kinita lang nila ay limandaang piso?

SJEA: At t ang laki ho ng risk o kaya yung...

BAJA: Yung risk, tama ho kayo.

SJEA: ...na ibibigay niyo ho ang isang milyong piso na cash.

BAJA: Tapos sila ang magdadala.

SJEA: Maaring manakaw 'yon, maaaring holdapin kayo. Maraming pwede hong mangyari sa pera, hindi ho ba? Kaya nga yung mga bangko talagang armored car, nagha-hire pa ng security para dalhin po yung pera sa ibang ATM, gawin lang nating ehemplo iyon. So talagang nakakagulat po na 500 Pesos or 50 Pesos kada transaksyon. Iyon ang sinabi ni Bautista.

BAJA: Doon sa branch manager, si Ms. Deguito na mistulang siya lang ang itinuturo, may kakayanan ho ba ang isang branch manager lang na magpasok at magpalabas ng ganoong kalaking halaga ng pera mula lang sa kanyang branch?

SJEA: Well, iyon ang titignan natin dito. Siyempre medyo nag-iba na yung kwento dahil siguro nahuli. Pero so far hindi pa klaro sa akin kung talagang sino -- kung gaano kataas yung naging authorization ni Deguito. kung alam ba ng superiors niya sa bangko, may mga vice-president o president. Siyempre ngayon tinatanggi, hindi ba? Pero hindi pa klaro sa atin. Hintayin natin kung ano yung sasabihin niya bukas.

BAJA: Executive session ang request ho nitong si Deguito. Ano hong epekto niyan kung executive session tapos yung iba naman ay nagsalita sa isang open hearing?

SJEA: Hindi ba sa executive session usually hindi na ilalabas yung sinabi sa executive session, kung nakita natin doon sa imbestigasyon natin sa Mamasapano, for example, nagkaroon ng dalawa o tatlong araw na pagdinig ang executive session. Hindi naman pwedeng ilabas yung sinabi sa loob ng executive session. Pero sa amin naman dahil ito'y pagdinig na in aid of legislation, mas mabuti na yung alam namin, kung saan nanggagaling yung isang tao at ano yung kanyang -- Dahil minsan nga gumagawa kami ng batas, naka-base doon sa haka-haka o naririnig namin, dahil sa tinatawag na anecdotal evidence o kwento-kwento, diba? So, okay rin siguro na pakinggan at tignan natin, susuriin din naman natin yung sasabihin niya kung sa tingin namin ay totoo o hindi, at kung makakatulong sa pag-amyenda ng batas sakaling kinakailangan. Yung Anti-Money Laundering Law, ilang beses na din na-amyendahan iyan so hindi ako magugulat kung ma-amyenda ulit iyan.

BAJA: Ma-amyendahan ulit at baka isama na yung mga casino?

SJEA: Hindi lang siguro casino, pati yung ibang sinasabi nila. Narinig ko si chairman po ng bank and financial committee, si Senator (Serge) Osmeña, ang sabi niya pati yung mga nagbebenta ng art, yung art dealer. Iyon din ang isang paraan, although hindi daw kasing-laki yung mga halaga kung ikukumpara sa mga casino na malalaki ang halaga.

BAJA: Okay, pero naniniwala din po ba kayo senator na kung ginawa lang ng banko talaga ang kanilang responsibilidad sa una pa lang, sa pagpasok pa lang ng pera, e wala nang nangyaring money laundering?

SJEA: Hindi pa klaro sa akin dahil hindi tumanggi yung banko na sagutin yung datos ukol sa kilos nila dito sa mga specific na bank account. I think sinubukan ni Senator Guingona na tanungin kung bakit nga hindi kaagad kumilos ang branch doon sa pinadalang stop payment account.

BAJA: Hindi nag-red flag.

SJEA: Opo, although ang sabi naman ng AMLC, within 10 days nag-file naman daw sila ng report. So, talagang kailangan makita talaga natin at siguro kung kasalanan ang pinag-uusapan, baka sa korte na lang talaga makita iyan. Baka sa amin hindi dahil sa bank secrecy. Diba sa loob ng korte pwedeng i-lift yung bank secrecy?

BAJA: Iyon nga po, mukhang kumapit nang husto sa bank secrecy ang mga taga-RCBC kaya't nahirapan ang Senado na mailabas. Bagamat ang sinasabi ng mga taga-RCBC, sila ay natutuwa at may imbestigasyon, at handang makipag-cooperate pero puro pagi-invoke nung Bank Secrecy ang kanilang binanggit. Doon sa possibility ng grand conspiracy, Senator Sonny, nakikita niyo din po ba iyon? Tinitignan niyo din po ba iyon?

SJEA: Well, isang posibilidad iyan Gerry. Dahil sa ngayon, sabi ko nga, hindi pa kumpleto yung buong larawan, dahil hindi pa natin naririnig yung testigo nung isa sa mga pinaka-importanteng kasabwat dito, yung branch manager. So siguro hihintayin natin yung sasabihin niya. At the moment parang kulang pa yung impormasyon na nasa harap ng komite kaya nga siguro kailangan pa ng a few more hearings dito. Para malaman talaga natin kung gaano kataas yung -- definitely kasama si Deguito pero hindi lang natin alam. Mag-isa siya kumilos o bahagi ito ng isang conspiracy na kung saan marami siyang kasabwat sa mga superior niya sa banko, at kung pati yung ibang mga dinaanan ng pera ay talagang isang -- sinasabi niyo nga, grand conspiracy kung saan the act of one is the act of all. Iyon ang ibig sabihin ng isang conspiracy, talagang may mastermind iyan at pinlano talaga ito.

BAJA: Okay, abangan natin yung bukas, anong oras po ito bukas, Senator?

SJEA: Ito po ay 1PM sa Thursday po.

BAJA: 1PM ulit, okay. Senator salamat po.

SJEA: Maraming salamat din Gerry, magandang umaga po.

News Latest News Feed