Press Release
August 19, 2016

GRACE POE's INTERVIEW TRANSCRIPT
Unang Hirit with Rhea Santos

Rhea Santos: Good morning po Senadora Poe.

Sen. Grace Poe: Hi, good morning Rhea. Sa lahat ng nakikining, magandang umaga po.

Santos: All right. Naniniwala po ba kayo Senator dun sa mga sinasabi ng mga police na meron talagang nanlalaban na mga suspect kaya wala na silang choice kundi unahan o barilin o patayin ang mga ito?

Poe: Maaaring sa ibang pagkakataon ay totoo yan pero sa tingin ko meron din mga pagdududa sa iba kaya nga nung sila ay pumunta sa pagdinig sa Senado, hiningi natin ang kopya ng mga imbestigasyon dito sa mga ibang nanlaban umano kahit na nakagapos na. Yun yung medyo nakakaduda ng konti. Alam mo, kami naman Rhea gusto natin talaga masugpo na itong problema sa droga kaya lang kasama rin naman ay proteksyonan din ang ating mga kababayan na magkaroon sila ng patas na pagkakataon na depensahan ang sarili nila lalong-lalo na kung sumuko na, kasi yun nga yung problema. Susuko ka tapos ikaw ay mapapatay, baka yung ating mga kababayan ay mawalan ng tiwala sa ating mga kapulisan. Yun lang naman, gusto nating maayos yun at medyo nakakabahala rin kung lagpas anim na daan na ang mga napapatay halimbawa, ng mga vigilantes, at dun naman sa limang daan na napapatay ng mga pulis ay parang lagpas sampu lamang ang mga napatungan ng kaso.

Santos: All right. Definitely po Senadora Poe, may problema kasi tayo sa drug rehabilitation eh marami hong sumusuko pero kung ano yung gagawin sa kanila parang hindi talaga handa ang pamahalaan. Ano ho ba sa tingin ninyo ang dapat na gawin dito sa mga sumusukong drug suspects?

Poe: Marami pero syempre alam mo, itong kampanya na ito laban sa iligal na droga, kakaumpisa pa lamang ng ating administrasyon at napakaraming natakot kaya sumusuko nga. Kailangan natin ng mga rehabilitasyon. Sa tingin ko kailangan mag partner up na sa mga eskwelahan, kailangan mag partner up sa private sector para mas mabilis magkaroon ng pasilidad at lugar. Pero alam mo Rhea, talagang mahirap kaya naintindihan din natin na kailangan magtulungan tayo dito dahil napakarami nga na mga hindi nabibigyan ng rehabilitasyon lalong-lalo na yung mahihirap. Kaya nga sa Senado nais namin talagang itaas yung budget para magkaroon naman ng lugar itong mga mahihirap na sumusuko na kailangan ng rehabilitasyon. Karamihan sa ating pulis matitino sa kanilang trabaho pero may mga iba naman na hindi mo maiiwasan sa ano mang organisasyon ay meron talagang ginagawang hindi karapat-dapat kaya nga sabi namin dapat ang nag-iimbestiga sa pulis ay isang independent na tao, hindi rin pulis. Kaya yung internal affairs o yung nag-iimbestiga sa pulis nakalagay talaga sa batas na kailangan isang sibilyan at hindi isang pulis din kasi akalain mo sa ganyan, iimbestigahan mo yung kabaro mo tapos kung boss mo pa yung iimbestigahan mo papaano mo gagawin ang trabaho mo ng tama? Kaya nga yun ang ating pinaalala kay General Dela Rosa.

Santos: Sabi din po ni PNP Chief Bato, sa dami-dami ng mga kaso ng mga napatay na drug suspect or pusher, daan-daan din ang mga imbestigasyong ginagawa nila pero bakit sa tingin niyo wala pa rin pa ring nareresolbang kaso ng pagpatay?

Poe: Kasi nga alam mo parang ang tagal-tagal na kung iisipin mo, pero tatlong buwan pa lamang ang administrasyon na ito. Yun ang nakakalungkot aminin sa ating bansa na napakabagal talaga ng hustisya. Kaya nga ang mga laboratory na pang-investigate katulad ng SOCO, siguro talagang punong-puno na sila ngayon ng trabaho kaya nga sabi ko nga, hihingi kami ng kopya ng update dito sa mga imbestigation na ito. Kaya lamang, o sige, nandoon na tayo kung matagal man ang imbestigasyon pero sana may imbestigasyon talaga. Ang pinaka ayaw nating mangyari sa ating bansa ay mamamatay na lang ang isang tao at hindi na natin malalaman kung ano na ang nangyayari. Yung mga Pilipino ngayon ay sawang-sawa na talaga sa krimen at droga kaya pinalalagpas ang lahat ng ito hanggang mangyayari sa iyong pamilya o sa iyong kakilala. Siyempre sasabihin mo na bahala na sila diyan basta patayin lahat ng nagtutulak ng droga at lahat ng adik kaya nga sinasabi natin na may hangganan ito basta dapat nasa tamang mabilis na proseso.

Santos: Senadora Grace Poe, maraming salamat po sa inyo at magandang umaga.

Poe: Maraming salamat po.

News Latest News Feed