Press Release
August 26, 2016

GRACE POE'S DZMM INTERVIEW TRANSCRIPT
with Mr. Ted Failon

Ted Failon: Si Senator Grace Poe on a Friday morning. Madam Senator, Good Morning po!

Sen. Grace Poe: Magandang Umaga po Manong Ted at sa lahat ng nakikinig Magandang Umaga po.

Failon: Yes Ma'am, nagkaroon po kayo ng hearing Madam Senator kahapon. Amin pong napakinggan part of your opening statement, can you just tell us po, pinuntahan niyo po ang Southwest Terminal dito ho sa may bandang Macapagal Boulevard at duon nanggagaling ang inyo pong pinaghuhugutan nga po ng inyo pong mga imporamasyon sa inyong hearing kahapon. Ano ho ba ang inyong nadiskubre?

Poe: Naku Manong alam mo, diba sabi nga natin mababawasan ang bus at ibang mga sasakyan dito sa may EDSA, sa Metro Manila mas magiging maluwag ang pagdaloy ng trapiko pero hindi naman ma-eengganyo, hindi lamang yung mga pasahero kundi yung mga operators nitong mga bus na 'to. Papunta nga lang doon sa terminal, tama yung mga sinabi ninyo na napakahirap gamitin. Unang-una yung walkways natin doon, medyo malabo yung pagka-disenyo. Pangalawa yung pinaka-basic, andaming basura na nakatambak. Hindi ka pa nakakapasok sa trabaho, minsan pagka-umuulan, napuputikan ka na. Madilim, tapos yung mga ibang bus ang sabi sa akin ng isang pasahero sana pagpuno na makabiyahe na kaso hinihintay nila standing room only bago sila umalis kaya minsan naantala. Ang banyo siguro mga 100 meters away ka pa lang sa banyo naamoy mo na. Ang waiting area nila na formal waiting area nakakandado sapagkat sira ang aircon. Yung mga bagay na ganun na sabi ko para bang walang pakundangan na pinabayaan na lamang at makikita mo na ang laki ng pinagyayabang noong nakaraang namamahala nung terminal na iyun. Pero ano yun, parang abandoned mall lang na ginawa nilang isang terminal. Kaya siyempre hindi lang naman tayo mamumuna lang, ano ang plano nila, iyun ang tinanong natin. At si Usec Lontoc sinabi nga na may isang bakanteng lupa na tabi doon yun ang talagang gagawing Southwest Terminal na kanilang uumpisahan. Apparently PPP po ito at nakuha na ng Megawide at gagawin nila. Ang sabi ko, 'e di okay, kailan niyo uumpisahan yan'. Wala naman silang nasabing definite pa kaya nga ang sasabihin lang na ang lahat yan isumite na nila sa amin kasi hindi man lang nila nakausap yung mga bus operators duon. Papaano ngayon yan magpapatayo sila ng terminal hindi naman sila nakakasiguro kung ilan ang gagamit niyan. Kung ano ang time and motion, ibig sabihin yung tamang operasyon ng mga buses para hindi nagkakagulo atsaka sinabi natin ang kailangan natin ay intermodal sa ating mga kababayan na ibig sabihin noon pag magkaroon tayo ng isang terminal; merong na siyang sakayan ng train, sakayan ng jeep, sakayan ng taxi, sakayan ng iba't ibang mga transportasyon na paglilipatan ninyo. Dahil ang mga magsasaka po natin na may dala-dalang paninda, hindi pupwedeng sumakay sa mga bus na Metro buses kaya sila po ay uupa pa ng taxi napapamahal tuloy ang kanilang bentahe na lahat naman tayo ay apektado rin dito. Kaya lahat po iyun, sabi ko dapat may plano at ibigay agad. Alam niyo kahapon, Manong Ted, ang trabaho namin po ay nasa Pasay at ako po'y nakatira sa Quezon City, tatlong oras po ang aking pag-uwi ng alas-tres ng hapon, nang natapos ang hearing, 3 o'clock. Meron pa sana akong gagawin sa Quezon City pero tatlong oras po (ang byahe). Kung ako'y nagbu-bus o iba pang transportasyon; malamang mga apat na oras yung biyahe na iyon...Yung mga kasabayan kong mga bus, yung iba walang aircon, talagang iba na yung pinagdadaraanan ng ating mga kababayan at sa iba parang gusto na nilang talagang ituloy-tuloy na itong solusyon sa traffic. Talagang pinapaspas namin sa Senado ito. Ang problema po, hindi pa nag-uumpisa sa Kongreso. Kung pwede lamang, basta wag lang abusuhin at maayos ang probisyon, DOTr isubmit na ninyo kung ano ang inyong gustong gawin. Ano ang solusyon ninyo at aaprubhan namin yan basta hindi lang ito magiging sanhi ng pagnanakaw at meron kayong timeline para kapag may nakalagay duon na isang taon tapos na ito, pag hindi ito natapos ng isang taon, lagot kayo. Kasi hindi pwedeng basta-basta lang na pipirmahan ko lang hindi lang kasi ako po ang anduon, yun nga ang Kongreso rin at ang DOTr.

Failon: Ang pinag-usapan nating special o emergency powers na hinihingi ninyo kinakailangan po naman bilang bahagi ng oversight function po ng ating Kongreso yung ano ba ang detalyadong plano ninyo. Example, there's talk about infrastructure, di ho ba. Kasi daw para sa bidding process, ang tanong siguro ang maganda, anong infrastructure project ba yan. Pangalawa, right of way tanong ngayon nakakahigit na almost two months na right of way, saang mga right of way mga lugar na yan ang pinag uusapan natin. I mean kasi kung ngayon ho meron na kayong mga plano kasi may mga inabutan ka ng plano. For example, itong NLEX-SLEX connector natin na Skyway merong mga issue na right of way na dapat ako ho with all your due respect kay Usec. Lontoc pagpunta mo sa Senado kapag tinanong ka dapat you come prepared. Ito yung concern namin ngayon, for example, magandang halimbawa yung SLEX-NLEX skyway connector, definitely Ma'am luluwag ang EDSA. Kasi by-pass road ito, so may mga usapin diyan Ma'am na right of way dapat natanong siya at siya po ay sumagot, nasaan ba yung problema diyan. Dapat preparado kang sumagot na ito yung mga problema naming ngayon. Ngayon kapag meron kaming emergency powers pwede na naming saklawan na ito sa pamamagitan ng poder na ito sa right of way issue na ito, wala silang maibigay.

Poe: Kaya nga po. Nangangapa rin po sila, iyun nga ang di ko maintindihan, diba Manong kung meron kang gusto talagang passionate ka tungkol dito. Kahit hindi pa kumpleto ang plano mo masasabi na ito talaga yung problema naming ngayon. Ito yung kailangan namin, ito yung plano namin. Pero parang mga pipi na hindi masabi pa kung anu-ano iyon. May mga suhestiyon na maglalagay ng cable cars; pero Manong wala tayo sa Peru. Iba naman, hindi naman mountainous dito. Ano ba talaga yung gusto ninyong gawin kahit bigyan niyo kami ng general idea para pag na-draft na yung emergency powers, mabibibigyan knaman kayo ng konting allowance. Hindi naman po kami rigid na kailangan na bawat period diyan ay maayos; bawat kalsada; bawat sukat; basta naman nakalagay diyan na industry standard ang presyo kung mataas naman ng konti dahil may justification. Halimbawa Manong, ang isang kilometrong kalsada na kailangan nilang idagdag kung sa bawat kilometro halimbawa na lang P10 million ang gastos; normally, sabihin natin ang gastos nila P15 million tumaas man sila ng P5 million sapagkat minamadali nila, tanggap naman natin yun. Hindi naman kailangan, kaya tingnan mo nagkaloko-loko itong mga kontrata natin sa MRT dahil napaka-detalyado na hindi naman natin kayang ipatupad. Katulad niyan, kailangan magkaroon ng ilang hundred miles of test bago natin tanggapin ang mga bagon na yan. Tinest ba, hindi. Kasi wala naman tayong capability na gawin niyan dahil yung mga tracks natin hindi pa naman napalitan pa. So, yung mga ganung bagay naiintindihan ko dahil ako ay praktikal na tao rin. At ako'y nakikita ko na talagang pikon na tayo...by Christmas sabi nga ng kaibigan ko, people will be begging us to be able to roll out the emergency powers. I wanted, gusto kong ibigay yan bago pa magPasko pero talagang mapapatunayan nila na gagawin nila ang trabaho nila agad-agad. Hindi yung pati emergency powers ay uupuan nila.

Failon: One thing good all about this discussion, Madam Senator, is that pwede naman po kasing para ho kayo magmukhang pogi at maganda sa mata ng publiko, ibigay na kaagad yan. Bahala na kayo basta binigay na namin sa inyo. Bahala na kayo. Pupwede pong gawin yun. I mean, you know in all fairness, pwede naman talaga kaagad gawin yun ng Kongreso. Pero ang punto ho is, ibigay natin yan pero kapag hindi mo sila hinihingan ng mga plano nila na ngayon pa lang din, ano ho, you know, para bang makakadagdag sa kanilang bilis na kilos sa ehekutibo itong pressure ng lehislatura na ano ba ang plano niyo? You know what I'm saying? Kasi kapag bibigay namin 'yan saka pa lang kami magpaplano, I mean ang atin ngang gusto dito ay mabilisan at madaling solusyon at aksyon. So, ngayon pa lang gusto niyong hingiin sa amin ito, ano bang plano niyo? Kaya dapat ngayon sa next hearing kapag nagtanong ho kayo dapat meron na ho talaga silang plano kasi mahirap yung, Ma'am bigyan niyo po muna kami ng power saka namin gagawin yug plano.

Poe: Oo nga ho, parang humihingi muna ng sweldo nang wala pa namang trabaho. Alam niyo po humingi po ang DOTr si USec. Kintanar, siya yung tagapagsalita ni Secretary Tugade ng dalawang linggo bago nila masumite yung plano. Sige na po para mas maging maayos. E, yung mga tao talagang exasperated, pagod na pagod na rin kaya sabi ko sige dalawang linggo. Sabi ko kung ano yung masusumite ninyo para may idea na kami kung ano ang gagawin namin. Kasi naman Manong, tingnan niyo po sa ating mga kababayan, lalo na popular ang ating Pangulo ngayon, lahat sumasang-ayon sa sinasabi niya. Pero ako naman ay may sinumpaang tungkulin, ayoko namang magbigay ng isang blankong tseke na pipirmahan ko lang at maski na anong halaga ay isusulat nila kahit hindi kailangan. Kasi alam niyo po babayaran natin 'yan hanggang sa ating mga kaapo-apohan. Halimbawa, kung anong gagastusin nila ngayon kung hindi tayo mag-iingat. Kaya nga po sabi ko bibilisan natin ang trabaho pero gawin natin lahat ang nararapat para hindi naman maisahan ang taumbayan. Kasi kung papayagan natin ang emergency powers, e kung sabihin natin na yung isang maliit na kalsada ay ilang daang milyon at 'yan ay pinayagan nila? Aba e babalik sa atin 'yan at sa konsensiya ko po 'yan. Kung ngayon popular na bagay 'yan, three years, five years, tumaas ang buwis namin dahil sa dami ng ginastos ninyo. Kaya nga po inaayos lang natin na bilisan lang talaga ng DOTr na isubmit na sa amin para ma-review at maaprubahan na 'yan.

Failon: So, Ma'am if I may just add po some input on your hearing po. Sige, isubmit niyo lahat ng inyong plano at kung maaari lang yung mga cable car na 'yan, yung mga tingin po ninyo na hindi po doable agad no? E, huwag na ho natin pag-aksayahan na masyado po ng panahon. So, dito po tayo sa mga sigurado ho at talagang kailangan. Kasama po noong common terminal ng mga bus. Saang mga lugar? Ang akin po, ang tanong ko lang, kayo ba nakipag-meeting na talaga sa stakeholders? Hindi lamang doon sa mga presidente ng mga samahan? Kasi yung kumakatawan ngayon, for example, itong si Mr. Yage, ang kinakatawan niya yung kumpanya lang na kanyang boss. I mean if you talk individually to the different bus operators, iba-iba rin sila ng opinyon. And doon sa kanilang iprinisinta kahapon na power point na kopya ko ngayon, doon may paramdam na sila na dudulog sa Supreme Court. Kasi meron doong nakalagay na diba they invoke the decision of the Supreme Court on the closure and transfer of bus terminals, right? Ang punto ko Ma'am is that if you talk to the different bus operators, sila ba'y pumapayag? Papayag kami, hindi kami pupunta ng hukuman. Payag kaming umalis ng EDSA, payag kami. Pero ang tanong namin, pwede ba namin malaman ngayon kung saan ba? Kasi you cannot make this happen in two to three years.

Poe: Alam niyo po Manong yun nga yung talagang nagulat ako. Sabi ko, 'ay na-award na ang PPP terminal na 'yan...nakausap ba ninyo ang iba't ibang bus operators? Hindi lang si Mr. Yage. May iba-ibang grupo doon, may Victory, may kung anu-anong kumpanya. Hindi pa daw sila nag-uusap pati yung mga grupo nila Tita Elvie - yung commuters safety, pati yung kay... syempre hindi mawawala 'to si ka Ka Efren de Luna, yung mga ganon. Dapat kasama sila doon. Kaya nga po ang sinabi ko kay Usec. Lontoc, hihingan ko po kayo ng schedule at minutes ng meeting ninyo. Alam niyo pasensiya na, pinilit ko talaga sila na mag-usap. Kasi nga tama kayo, meron silang balak siguro nai-invoke itong Supreme Court decision, pero sinabi sa akin na they're willing not to do that kasi alam nila mapapatagal rin kung pakikinggan lang sila. Pero alam mo Manong, tama kayo, yung ibang bus operators or yung ibang public utility operators na nandon, ang gusto nila dagdagan pa yung sasakyan ng mga bus nila sa EDSA. Sabi ko, hindi naman pwede. Ang solution nga ng isa, yung mga colorum e gawing ligal. Sabi ko, pwede 'yon pero tanggalin muna natin yung mga colorum tapos kung meron talagang demand at kailangan dagdagan, at saka pa lamang tayo pwedeng...Kaya pati yung task force colorum. Sabi ko, bakit hanggang ngayon may colorum pa rin? Hindi ba kayo pwedeng gumawa dyan na talagang nakatayo dyan na mga bus operators na sabihing 'yan colorum, 'yan colorum, alisin muna lahat 'yan. Kasi nagkaroon sila ng memorandum of agreement na supposedly sa bawat isang colorum na huhulihin, ang pangtubos ay 1-Million pesos, this was in 2014. Alam niyo po ilan ang nahuli nilang colorum since 2014 hanggang ngayon? Sampu lang. Tingin ko masyado nilang hinihigpitan yung penalties to prevent pero hindi ini-enforce. Ang ibig sabihin po maraming lagayan kaya marami pa rin ang colorum at siksikan pa rin dyan. So, lahat po 'yan talaga, ang daming problemang nanganganak-nganak na.

Failon: Ma'am hindi solusyon nga yung taasan mo nang taasan yung penalty kasi nga parang sa BIR din diba? Ma'am ito lang po, before we close this interview, lagi pong binabanggit ni Usec. Lontoc... ano ba ang solusyon niyo kung ang terminal ng bus ay dadalhin niyo sa Bulacan, for example sa North. Ako ho, I appreciate the input of Ms. Medina sa punto ng with all due respect sa iba, e mas mahusay pa siya sa ilang Senador na magtanong at saka magpresent e. Ang tanong po dyan, from there saan po kami sasakay papunta ng destinasyon ko sa Cubao? Kasi hanggang doon lang ako e. Paano ako magko-commute papunta po ako ng Makati? Ito ho aba ay sa EDSA pa rin ho ba ako sasakay? Anong klase ng bus na naman. May lagi binabanggit si Usec Lontoc na point to point buses, mga double deckers. Ang tanong nga diyan ang pinag-uusapan nga diyan dito ay ang volume. Hindi po ba ng bus?

Poe: Oo nga.

Failon: Ano ho ba iyan, magdadagdag pa rin ho ba ng bus? Ma'am medyo ano ho talaga kung iisipin mo, pinag-isipan ninyo ba talaga ito? Mayroon ba talaga kayong study dito o una pa lang gawin na natin ang depinisyon ng provincial buses at saka city buses? Ang provincial bus ma'am, mayroon siyang terminal na pinaggagalingan sa terminal niya sa probinsiya at mayroon siyang terminal sa Metro Manila. Either sa Cubao, sa Pasay, Malibay or either sa Maynila. Hindi ka dumadampot, namumulot ng pasahero along the way.

Poe: Kaya nga.

Failon: Hindi. Okay po. Pero, ito hong ilang provincial buses ngayon from Laguna, may listahan ako dito na ito ho iyong mga dumadampot ng pasahero sa bawat sulok ng EDSA. Pero, ang tawag sa kanya, provincial bus pa rin. So, ito ho trabaho ito ng DOTr under ng LTFRB, LTO. So, ang tanong ko nga lang po dito kina Usec Lontoc, bago po natin pag-usapan ang mga double decker bus na iyan, mga point to point na iyan. Puwede po bang ayusin ninyo muna ang mga usapin dito sa inyong mga binigyan ng prangkisa na city buses, ilan ba sila at saan ba ang kanilang biyahe na dumadaan sa EDSA at itong provincial buses? Hindi iyong kapag tinanong mo sila, ang sagot nila usually 'shotgun.' At isipin mo minsan parang dagdag a problema, ma'am.

Poe: Kaya nga, hindi ko nga alam saan din sila nanggaling kasi parang hindi nila nararamdaman at naiintindihan. Dapat kasi ngayon matagal na nilang pinag-aaralan iyan ay mayroon na talaga silang blue print at kung ano ang dapat gawin? Kaya Manong, may pagdinig na naman kami next week. Kung sawa na ang tao, kami rin minsan, nagsasawa na rin kasi kami binobola na rin kami minsan. Hindi, madalas kaming binobola. Pero, kailangan na rin naming tapusin ito dahil nakaaawa na nga ang ating mga kababayan. Kaso lang parang ang mga plano nila, hindi ko alam kung mayroon, una. Pangalawa, kung saan nila dinadampot ang ilang ideas nila kaya mabuti nga nandiyan sila Elvira Medina. Nandiyan din ang iba't ibang mga grupo. Para mas maayos pa ang solusyon kaya nga po tinatawag din natin ang mga pribadong sektor para tumulong para mas mabilis na rin.

Failon: Opo. Ma'am, iyon pong next hearing ninyo po yata kasama na ho ang mga LGUs?

Poe: Oo nga po. Sana. Kasi ang ginagawa namin, advance naming tinatawagan kung makakadalo sila. Kasi, useless magkaroon ng meeting kung puro representatives lang ang ipapadala. Katulad niyan, kausap ko si Mayor Erap, informally sa isang...ang sabi niya dadalo siya. Kailangan natin malaman. Iyong kanya pinaniniwalaan niya ang truck ban na nangyari noon. Pero, siyempre, marami ring apektado doon. Nais nating marinig. Tapos, si Mayor Bistek yata ay nasa Norway pa. Pero, kailangan kasi magharapan kasi iyong mga problema doon sa kanila. Sabi nga ni Tito Sen, maraming mga naka-parking doon sa mga gilid gilid ng kalsada ay laki rin po ng luwag doon sa mga mag-e-exit ng EDSA Kasi, ang problema, bumabara rin sa EDSA kasi iyong mga secondary roads ay hindi madaaanan kasi mayroon nang naka-park doon o kaya may mga liga na doon o iyong kalsada ginawang parking lot. Iyon ang mga bagay talaga na dapat ma-identify ng DoTr at MMDA. Ano iyong iyong mga main road ng iba't-ibang local governments na talagang problema pa rin kaya hindi rin dumadaloy ang trapiko doon sa main artery line? Iyon po ang nais nating matanong sa kanila lahat.

Failon: But again ma'am in closing sa inyo pong pagdinig doon naman sa LGUs papel dito ho sa hinihinging emergency powers. Maganda rin pong matanong ang DOTr diyan. Okay, so ito ang LGU anong klase namang poder ang gusto ninyong ipatupad para saklawan itong LGU's? Let's see kung ano ang kanilang sagot?

Poe: Kaya nga.

Failon: 'Di'ba ma'am?

Poe: Power struggle iyan.

Failon: Yes Ma'am, papaano ho? Para maliwanag po ito kasi right now let's face it. Matagal pa ho. Hindi pa ho siguro coming soon. Hopefully, before mag-christmas break ang Senado mabigay na iyang hinihinging emergency powers na iyan. But, meantime, siguro ho Ma'am ang panawagan: ano ang doable ngayon? Kagaya nga lang po lamang ng mga paglilinis sa mga side streets. Di ho ba? Sa pag-aayos po sa sinasabing maling posisyon ng mga U-turn slot at mga concrete barriers na iyan. Kung ano ho ang pupuwedeng gawin na ho ngayon. Baka pupuwedeng gawin na ho nila. Ano ho para kahit papaano po ay mapaghandaan na rin natin ang Christmas rush kung saan po ang traffic ngayon. Kung ikaw man ay bumibiyahe ngayon ng 3 hours ay baka abutin ka na nang 5 hours sa traffic sa panahon po ng kapaskuhan. Iyon po ang dalangin naming Madam Senator.

Poe: Ako nga rin e. Lahat naman tayo nayayamot na. Malapit na ang pasko kaya sana nga bago pa kami mag-break matapos na itong hearing na ito kasi may break pa kami ng October, mga technical na ito. May mga budget hearing. Pero, ito po ay aking prayoridad. Kasi, baka ang solusyon nila para sa Christmas rush, mabili mo na ang mga kailangan mo nang mga regalo. O, baka maglagay na lang ng tiangge sa EDSA dahil nakatigil naman ang mga sasakyan. Huwag naman ganoon kaya aayusin po natin kaagad iyan. Sana sa ating mga kababayan, kung mayroon mga nagsasabi na kailangan ito. Ito ang mga problema natin. Totoo namang isang malaking problema kaya lang ayaw lang naman natin na maabuso tayo ng mga hindi gagawa ng tama kaya inaayos din natin ang proseso.

Failon: Yes po. Madam senator, thank you for your time.

Poe: Maraming salamat po.

News Latest News Feed