Press Release
August 31, 2016

Villar, dismayado sa maliit na pondo para tulungan ang mga magsasaka

Ipinahayag kahapon ni Sen. Cynthia Villar na ang panukalang 2017 budget ng ahensiyang inatasang tulungan ang may 3.5 million coconut farmers ay hindi sapat para tulungan ang pinakamahihirap sa kanilang hanay.

Ayon kay Villar, vice chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, ang kinaltas sa panukalang budget ng Philippine Coconut Authority (PCA) mula sa P4 billion noong 2015, P1.27 billion sa 2016 af P1.42 billion sa susunod na taon ay hindi sapat upang tulungan ang pinakamahihirap na magsasaka.

"Bakit ba tayo galit na galit sa mga coconut farmers na tinatanggal natin ang budget sa kanila when they are the poorest in the Philippines? They earn only on the average, P50 a day, or P1,500 a month. We should do something. We should do programs in order to improve that or else we will not reduce poverty in our country. Why is this happening?," tanong ni Villar sa economic managers ng bansa sa briefing ng Development Budget Coordinating Committee kaugnay ng P3.35 trillion panukalang national budget.

Nang sabihin ni Department of Budget and Management Sec. Benjamin Diokno na ang budget cut ay sanhi ng underspending, iginiit ni Villar na hindi kasalan ng mga magsasaka ng niyog kung nag-underspent ang PCA sa kanilang budget.

"Change the people in PCA so that they can help the coconut farmers," diin ni Villar.

Sa kabila nang pagtatatag ng coconut levy trust fund na aabot sa P72 billion at ang paglalaan ng 2-percent treasury bills income na aabot sa P1.5 billion kada taon, sinabi ni Villar na hindi sapat ang halagang ito upang pondohan ang mga prgramang kinakailangang sa pag ahon ng mga magsasaka mula sa kahirapan.

"Akala ko ba yung coco levy fund is in addition to existing programs to help the coconut farmers? Iyong income sa coco levy fund hindi sapat para sa kakulangan sa budget ng PCA. Paano natin tutulungan ang ating coconut farmers? I just want an explanation because everybody is saying that we should help our coconut farmers because they are the poorest in the country and we are for inclusive growth. Bakit nagkaganito ang budget ng PCA?," ani pa Villar.

Tiniyak ni Diokno na bubusisiin niya ang financial report ng PCA. Siniguro rin niya na nasa polisiya ng administrasyon ni President Duterte na sibakin ang mga hindi tumutupad sa kanilang gawain.

Sinabi ni Villar na ang sektor ng agrikultura ay may 11.8 million o 1/3 ng buong working population.

"Kung pababayaan ninyong mahirap ang farmers, hindi bababa ang poverty figure from 27 percent to 16 percent. There's no way kasi ang laki-laking portion iyan ng ating mahihirap. Kung hindi magi-improve ang performance ng PCA, we will have a hard time," dagdag pa ni Villar.

News Latest News Feed