Press Release
November 24, 2016

Pahayag ni Sen. Leila M. de Lima ukol sa pagtawag sa kanya ni
House Speaker Pantaleon Alvarez bilang "serial liar"

Ipinapakita lang ng pahayag na ito kung gaano kakitid ang pag-iisip ni House Speaker Alvarez. Pinapatibay din nito kung paanong nahusgahan na ako ng naturingang pinuno ng Kamara de Representantes, bago pa man ang sinasabing "in aid of legislation" kuno na pagdinig sa diumano'y paglaganap ng ilegal na droga sa Bilibid.

Sa simula pa lang, isa na po si Ginoong Alvarez sa mga puspusang nagsisikap para idiin ako sa mga kasinungalingan at bintang laban sa akin. Kung matatandaan po ninyo, si Ginoong Alvarez din--ang naturingang pinuno ng mga kinatawan ng taumbayan sa Mababang Kapulungan--ang siya mismong nanguna at pumayag sa pagpapalabas ng diumano'y sex video sa imbestigasyon sa Kamara. Kung ganito po kabastos mag-isip si Ginoong Alvarez, hindi na talaga ako magtataka sa iba pang pambababoy at paninirang-puri na ibabato niya laban sa akin.

Malinaw naman na ang tono ni Ginoong Alvarez ay kapareho rin ng kanyang Mahal na Poong Duterte. Naging bukambibig na nila ang husgahan at hiyain ako sa publiko kahit imbento lang naman ang kanilang mga ebidensya. Kung susuriin po ang kanilang mga paratang, wala silang ibang ipinagmamalaki kundi ang mga testimonya ng mga drug convict at personalidad na may personal na motibo para mapilitang magsinungaling at tumestigo laban sa akin.

Ang sa akin lang, bago pa man magsalita si Ginoong Alvarez, at ang mga kagaya niya sa Kamara at sa sangay ng Ehekutibo, subukan muna nilang humarap sa salamin, at makikita nila kung sino ang bastos, walang galang sa kababaihan, at tunay na mga sinungaling.

News Latest News Feed