Press Release
February 21, 2017

Press Statement of Sen. Leila M. de Lima on motions filed before the RTC

Bihira po tayong makasaksi ng panahon kung saan ang mundo ay nababaligtad tulad ng nararanasan natin ngayon. Imbes na ang mga kriminal ang mga kinukulong o pinapanatili sa kulungan, sila ang pilit na pinapawalang-sala at inaabsuwelto pagkatapos na silang hatulan bilang mga kriminal ng ating mga hukuman. Ang mga inosente naman na hindi dumaan sa paglilitis ay pinapaslang at iniiwang nakabulagta sa mga lansangan, o di kaya ay sinasampahan ng mga kasong gawa-gawa lamang para sa paghihiganti at sa layuning patahimikin ang mga sumisigaw ng katarungan.

Kamangha-mangha nga naman ang takbo ng katarungan sa mga panahong ito. Ito po ay kakaibang dimensiyon ng realidad. Ito po ang kagila-gilalas na mundo sa loob ng pambihirang utak ni Pangulong Duterte.

Noong nakaraang Biyernes, sinampahan ako ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ng DOJ sa ilalim ni Secretary Vitaliano Aguirre sa Regional Trial Court ng Muntinlupa, habang ang nahatulang kidnapper at nasasakdal na reyna ng PDAF na si Janet Lim Napoles ay nais na ipawalang-sala ni Solicitor General Jose Calida sa Court of Appeals.

Sa kasong isinampa sa Regional Trial Court, inaabswelto din ng DOJ ang mga Drug Lords na binantaan noon ng mismong Pangulong Duterte na huwag lumabas ng Bilibid kung gusto pa nilang mabuhay. Ito ay gantimpala nila bilang kapalit ng pagtestigo laban sa akin. Kung noon ay pinagbabantaan sila ng kamatayan ng Pangulo, sila ngayon ay binigyan ng mararangyang pribilehiyo, ayon na rin sa mga dokumentong nailabas sa media. Ang Pangulo na galit daw sa droga at sa mga Drug Lords ang siya ngayong nag-aalaga at nag-aabswelto sa mga Drug Lords na ito.

Sa kabilang dako naman, sinasabi ng rehimeng ito na walang kasalanan si Janet Lim Napoles. Katarungan raw para kay Janet Lim Napoles ang mapawalang-sala sa sakdal na pagkidnap kay Benhur Luy at nang tuluyan na siyang makalaya sa bilangguan. Ayon kay Solicitor General Calida, si Leila De Lima na naman daw ang may kasalanan kung bakit nakulong ang walang-salang si Janet Lim Napoles. Kasalanan ko raw ang usigin sa korte at maipakulong ang inosente at walang-salang si Janet Lim Napoles.

Ito po ang makasaysayang pambabaligtad ng mundo sa ilalim ng Rehimeng Duterte, kung saan ang mga ahensiya ng gobyerno ay nagtulong-tulong upang iabswelto at mapalaya ang mga nahatulang kriminal, at kinakasuhan naman ang mga nagpursiging nanghuli at nagsakdal sa kanila, gamit din ang mga bilanggong kriminal--mga drug lords na inaabswelto naman bilang mga testigo. Sa nakaraang linggo, marami na sa atin ang nadagdagan ng buhok sa bumbunan dahil sa kakataas ng kilay, o di kaya ay nakalbo naman dahil sa kakasabunot sa buhok.

Hindi na tayo dapat magtaka. Kung nagawa ng isang Pangulo ang magsulong ng isang polisiya na pagpatay sa mga maralita na pinaghinalaan lamang na gumagamit ng droga, ano pa ang makapipigil sa kanya na gawin ang kahit anong naisin niya: ang iabswelto ang mga totoong drug lords, ang ipawalang-sala ang kidnapper at reyna ng PDAF, ang gawan ng kwento at taniman ng ebidensya ang mga kalaban, na inamin din naman niyang gawain niya noong piskal pa siya, at patuloy na pumatay ng marami pang mga maralita, dahil "trip" lang niya.

Alam na natin ngayon na walang batayang prinsipyo ang lahat ng mga aksyon ng ating Pangulo. Basta trip niya, gagawin niya. Hindi dahil tama o mali, kundi dahil kaya niyang gawin, at hinahayaan lamang natin siyang gawin ito. Ang tawag dito ay kawalan ng pakundangan; anuman ang gawin niya, tiwala siyang ligtas siya sa parusa o pananagutan. Sa salitang Ingles: IMPUNITY.

TRIP LANG NIYA, iyan po ang klase ng pamamahala ni Pangulong Duterte.

Nag-umpisa ito noong nadiskubre niya bilang Mayor ng Davao City na maaari naman palang pumatay ng daan-daang katao ng walang pakundangan at ng walang pananagutan. Sa katotohanan, hanggang ngayon ay wala pa siyang pinagbabayaran sa ilalim ng batas kahit isa man lang sa mahigit isang libo sa Davao at pitong libo sa buong Pilipinas na kanyang ipinapatay sa kanyang mga death squad at mga alagang pulis.

Pero ngayon ay baka maaari na siyang panagutin sa kanyang mga karumaldumal na mga krimen.

Kahapon ng umaga, lumantad na ang kanang-kamay ni Pangulong Duterte sa Davao Death Squad, si SPO3 Arturo Lascanas. Katulad din ni Edgar Matobato, nagsagawa siya ng public confession tungkol sa mga pagpatay na ginawa nila sa Davao Death Squad sa utos mismo ni Pangulong Duterte. Silang dalawa ni SPO4 Sanson "Sonny" Buenaventura ang mga utak at kamay ni Pangulong Duterte sa anumang operasyon ng Davao Death Squad.

Sa paglantad ni Lascanas, wala na pong natitirang duda na ang atin pong Pangulo ay isang mamamatay-tao at sociopathic serial killer. Ito na rin po ang dahilan kung bakit natin nararanasan ang lahat ng kahibangan sa gobyerno sa ilalim ng rehimeng ito na pinangungunahan ng numero unong kriminal sa buong Pilipinas, kung hindi man sa buong mundo, walang iba kundi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Huwag na rin tayong magtanong, katulad ng sinabi ni Senadora Risa Hontiveros, kung bakit mistulang may reunion ang mga kuwestyunableng karakter sa ilalim ng rehimeng Duterte, mula sa mga Marcos, kay Arroyo, hanggang kay Napoles, sampu ng kanilang mga abogado katulad ni Ferdinand Topacio at mga operator na katulad nila Dante Jimenez, Sandra Cam, Reynaldo Esmeralda, at Ruel Lasala. Andyan din ang mga pangunahing enforcers ng mga utos ni Pangulong Duterte - sila Secretary Aguirre at SolGen Calida na mga abusado at aroganteng opisyal sa ating pamahalaan. Huwag na tayong magtanong kung bakit sa panahon ni Duterte naglabasan at namayagpag ang lahat ng mga kriminal, corrupt, halang ang bituka at maiitim ang kaluluwa.

May reunion ang mga kriminal sa gobyernong ito dahil ang pinaka-kriminal sa kanila ngayon ang Pangulo ng bansa. Parang sa pelikula lang iyan ni Batman, kung saan pinatawag ni Joker lahat ng masasamang loob sa Gotham City upang maghasik ng kadiliman. Kumbaga sa pelikula, si Pangulong Duterte po si Joker sa eksenang pinapanood natin sa kasalukuyan. Isang psychotic na mamamatay-tao, at pinaka-lider ng lahat ng mga halang ang bituka mula pa noong panahon ni Marcos hanggang sa panahon ni Arroyo.

Maitim ang pakay ng rehimeng ito: ang gamitin akong halimbawa para takutin, paatrasin, at patahimikin ang kanilang mga kritiko, ilihis ang atensyon ng publiko sa patuloy nilang pagmamalabis at kapalpakan, at para na rin pagtakpan ang madugong kampanya laban sa droga. Ang bilang ng mga pinatay nitong nakalipas na pitong buwan ay mas marami na kaysa sa mga pinatay sa labing-apat na taon ng Batas Militar at Rehimeng Marcos. Mahigit pitong libo sa pitong buwan, isang libo kada buwan.

Malinaw din ang kanilang layunin. Sa gitna ng kampanyang pagpatay sa mga maralita at maliliit na pusher at user, nais nilang sirain ang kredibilidad ng mga nagtataguyod sa karapatang pantao. Laban sa akin, ito ay kanilang isinakatuparan sa pamamagitan ng pagdawit sa akin sa droga at pagyurak sa aking pagkababae. Bilang pangunahing boses sa Senado, kailangan akong patahimikin ng rehimen upang wala nang tumuligsa sa kampanya nitong pagpatay sa mga dukha at maralita.

Ilang beses na akong halos mawalan ng loob sa gitna ng paggamit sa buong makinarya ng gobyerno laban sa akin. Kayo na rin ang naging saksi sa pitong buwan na pakikipaglaban at kahihiyan na aking pinagdaanan. Nakita naman ninyo kung paano tayo lumaban, mag-isa man o sa bandang huli, kasama na ang iba pa nating kababayan sa akademya, sa simbahan, pati na sa gobyerno, at lalong-lalo na mula sa mga maralitang komunidad.

Lumaban ako dahil alam kong hindi magtatagal ang pananahimik. Lumaban ako dahil alam kong hindi habang panahon ay ako lamang ang lumalaban. Lumaban ako, hanggang dumami na tayo. Lumaban ako, hanggang hindi na ako nag-iisa.

Hinding-hindi ako aatras sa laban, kahit saan pang korte nila isampa ang mga inimbentong kaso sa akin, kahit mali-mali ang bintang at pinagsampahan na husgado. Hinding-hindi ako aatras sa laban, ngayon pang alam kong hindi na ako nag-iisa.

Marami na tayo. Kaya matakot na sila.

Nanawagan po ako ngayon sa lahat ng ating mga kababayan na hindi pa kumikilos upang panagutin ang mamamatay-tao na Pangulo ng bansa.

Sa Volunteers Against Crime and Corruption o VACC na nagsampa sa akin ng kasong kriminal: kailan ninyo isasampa ang pinakamalaking kasong kriminal sa kasaysayan ng ating bansa, kung saan libo-libo ang iniutos na ipapatay ni Ginoong Duterte bilang Mayor ng Davao at Pangulo ng Pilipinas? Huwag sanang maging balakid sa pagharap ninyo sa hamong ito ang may pinipiling pagkakaso at pag-aabogado sa inyo ng abogado ng mga drug lords ng Bilibid at ni Ginang Arroyo na si Atty. Topacio.

Sa mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte: maari ninyong isalba ang bansang ito mula sa isang kriminal na Pangulo sa pamamagitan ng pagdeklara na dahil sa kanyang kriminal na pag-iisip, ay wala siyang kakayahan na gampanan ang mga katungkulan ng isang Pangulo.

Sa Integrated Bar of the Philippines at sa mga abogado: ang paghahari ng batas at hustisya ang tanyag na katangian ng inyong propesyon. Sa harap ng pinakamalaking kaso ng pagyurak sa batas at paglapastangan sa katarungan, kailan ba natin haharapin ang hamong ito bilang mga tagapagtanggol ng katuwiran at katotohanan?

Sa mga kawani ng gobyerno, kasama na ang kapulisan at kasundaluhan: Alam kong mahirap ang dinadaanan ng mga katulad ninyong propesyonal sa ating serbisyo sibil, kung paano manatiling tapat sa tungkulin sa gitna ng kahibangan ng inyong liderato. Ang hamon sa inyo ay ang manatiling tagapaglingkod ng mamamayan, at tagapaghatid ng serbisyo, kapos man at kulang ang pinaglaanan, dahil na rin sa kawalan ng moral ascendancy ng mga namumuno ngayon.

Sa ating mga kababayan na pinili na tumabi muna at patuloy na manood lamang sa daloy ng ating kasaysayan: Alalahanin natin ang mga katangian ng ating lahi. Lahi tayo ng mga bayani. Ngayon higit kailanman ay kailangan ng ating bayan ang inyong tapang at kadakilaan.

Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas mula noong huli nating ipakita sa sarili natin at sa buong mundo sa lansangan ng EDSA, na kahit ang kamaong bakal ng diktadurya ay walang binatbat laban sa pinagkaisang lakas at adhikain ng Sambayanan. Ngayon ay panahon na naman upang tayo ay manindigan at tumayo sa harap ng isa pang kriminal na diktador at rehimeng mapaniil.

Ipaglaban natin ang ating mga karapatan, ipaglaban natin ang hustisya, ipaglaban natin ang demokrasya.

Maraming salamat po.

News Latest News Feed