Press Release
May 23, 2017

TRANSCRIPT OF GRACE POE'S AMBUSH INTERVIEW

Q: Move to terminate contract with BURI, do you think this is the best move right now?

Poe: Unang-una, nakikita natin maraming pagkukulang dito ang BURI maintenance provider. Nakita rin natin na ang sistema talaga ay sira sa umpisa pa lang. Kaya sinasabi din ng DOTr na kahit na putulin nila ang maintenance contract ng BURI ay hindi nangangahulugan na maaayos nila ang problema kaagad. Kaya mayroon silang rekomendasyon kung ano ang nararapat gawin bago nila i-terminate ang contract na ito. Ang nakikita talaga natin, ang malaking kasalanan dito ay ang hindi paggawa ng tamang pananaliksik o tamang pag-review ng nakaraang Bids and Awards Committee, yung BAC na tinatawag. Sila ang nag-review ng kontrata. Pumunta sila dito ng hindi nila naiintindihan o naalala kung ano ang mga detalye ng kontrata. Alam ko mahaba at maraming mga bagay, mga probisyon dito. Pero yung isang bagay na napakahalaga hindi nila matandaan, kaya nga para sa akin ang nangyayari dito, 'basta ginawa namin yung requirement sa amin, hindi na namin problema ito.' Ang talagang nakakalungkot ay wala man lamang pagsisisi. Hindi nila nagampanan ng maayos. Maaaring nagampanan nila na ang required sa kanila pero hindi nila ginawa ng maayos ang kanilang trabaho.

Q: Yung kay Al Vitangcol, nasabi niya na paulit-ulit niyang sinasabi noong time ni Sec. Mar Roxas na kailangan nang maghanda for another maintenance provider but he did not reply so may pagkukulang ba?

Poe: Isa pa yang natuklasan natin ngayon--na nagpadala si Al Vitangcol ng liham kay Sec. Roxas na sabi ay dapat ayusin na natin ang bidding para dito sa maintenance provider kasi matatapos na yung kontrata ng Sumitomo o tapos na, at hindi ito inaksyunan. Hindi man lamang sumagot na oo o hindi at kung oo man o hindi, bakit? Nakita natin na mabagal din ang pagkilos at alam naman din natin yun. Nakita natin na talagang hindi kumilos o mabagal lang kumilos ang mga nakaraang nakaupo diyan sa DOTC. Ngayon, mas malinaw na meron talagang isang tao na konektado sa nakaraang adminstrasyon na tila palagi na lang nananalo ng kontrata.

Q: Sino yun Ma'am?

Poe: Ito nga si Marlo dela Cruz na hindi nagpakita ngayon. Kung wala kang kasalanan, una ka pang magpapakita diba para sabihin na wala kang ginawang masama, 'ito yung aking napasukan na kontrata dahil patas naman ang naging bidding'. Eh hindi, nagtatago siya sa saya ng kanyang abogado at yun pa palang address niya na nakasaad sa Securities and Exchange Commission, hindi man lang niya address, address ng kapatid niya. Kaya hindi natin na-serve yung subpoena pero dahil nagsalita ang abogado ni Marlo dela Cruz, ibibigay namin sa abogado niya ngayon yung subpoena para siya makapagpakita dito.

Q: Ma'am does that indicate rigged bidding?

Poe: Kaya nga nais natin makuha ang buong larawan nito. Bigyan natin ng pagkakataon itong si Marlo dela Cruz na magsalita ukol dito kasi ngayon na wala siya dito mas lalong lumalakas ang suspetsa natin na talaga ngang parang pinagkakaisahan nila yung bidding or meron silang undue advantage dahil nga meron silang kakilala sa loob. Kasi yun ang paulit-ulit na sinasabi ng mga tumestigo dito, si Al Vitangcol sinabi yun. Yung isang, si Roehl (Bacar) ng CB&T sinabi rin yun na dahil nga dito si Marlo dela Cruz ay malapit sa mga miyembro ng Liberal Party. Ito nga lahat ay pagbibintang kaya nga sana, nandito si Marlo dela Cruz para ipawalang saysay ang kanilang sinabi kaso hindi niya ginamit ang pagkakataon na yun.

Q: How about Mar Roxas? I-invite nyo po ba si Sec. Mar next hearing since he was mentioned?

Poe: Sa ngayon, sa tingin ko dapat na siyang ipatawag. Para sa atin, pagkakataon niya para ma-eksplika ang kanyang sarili dahil sinabi ni Al Vitangcol na nagpadala ng liham at mayroon syang pruweba, dokumento na napadala kay Sec. Mar Roxas. So gusto nating malaman kay Sec. Roxas bakit nya hinayaan na mag-lapse ang contract, halimbawa ng Sumitomo...noong siya ay nakaupo at iniwan nya kay Sec. Abaya na pumirma ng kasunduan; na tatlong araw palang si Sec. Abaya doon ay pinirmahan na niya itong kontrata na ito. So mayroong interim period na parang nababanggit nga, si Santos ang nandoon sa interim period between Sec. Roxas and Sec. Abaya, pero alam naman natin noong panahon pa lang ni Sec. Roxas, ay nagkakaroon na ng problema sa kung sino ang magpapatuloy ng maintenance.

Q: So next hearing kasama na, ma'am, sya sa ipapatawag?

Poe: Sa ngayon sa nakikita natin ang gusto natin ipatawag sa susunod na hearing siguro ay siyempre si Marlo Dela Cruz. Ipapatawag natin ulit si Sec. Abaya. Kung si Sec. Roxas, dahil nabanggit ang kanyang pangalan kahit na siguro di siya ipatawag, siya na mismo. Kung kilala ko siya ay mas magugustuhan pa nyang mag-eksplika dito sa atin. Kaya lang, alam naman natin na magbe-break na ang senado, ang kongreso ngayon. Ang pwede kong gawin ngayon ay magbigay ng partial committee report at sa susunod na magkakaroon ng hearing, kapag sigurado akong may quorum na makakasama natin yung ibang senador na sasama dito dahil kahit sabihin mong continuation lang ito, mas maganda na makasama ko ang aking mga kasamahan dito sa senado para mas maraming magtanong at hindi nila sasabihin na ako lang ang nagtatanong.

Q: Ma'am, what about yung dalawang taga-LP pa, yung Rabago and de Mesa?

Poe: Teka, meron ding nagbanggit nga ng mga ito kaya ipapatawag din natin. Meron din Rapanut, Meron din Maralit. Yung mga pangalan, si de Mesa, ipapatawag sila lahat.

Q: Mga LP dati po?

Poe: Pero sa aking mga kababayan, lahat ito ay pananagutan na maaaring sila ay lumabag ng batas. Pero pagdating sa kaligtasan ng MRT, isa pang issue yan, na isasama na natin sa report namin ngayon sapagkat yun ang mas importante. Kaligtasan ng ating mga kababayan ang sinasabi natin sa DOTr na dapat unahin nila ang kumpanya na magce-certify kung ang atin bang mga train ay tunay na ligtas. Sa ngayon, wala pang kumpanya na gumagawa nyan at tayo ay umaasa lamang sa garantiya ni Undersecretary Chavez...

Q: Siya ba (Mar Roxas) ung Secretary na liable who may be liable for the Dalian trains?

Poe: Ayoko munang humusga pagdating dun, kaya nga sinasabi ko na nakatutok tayo ngayon sa safety ng trains, sa performance, kapag peak hours ilang mga train, yung delivery. Pagdating doon sa liabilities ng mga pumasok sa kasunduan, hintayin natin na marinig ang panig ng mga hindi pa nakakapagbigay ng salaysay sa ating pagdinig.

Q: Ma'am kanina masasabi niyo bang hindi safe dahil walang makapagbigay pa ng maliwanag na pahayag?

Poe: Hindi ko naman sinasabing hindi safe. Ang sinasabi ni Usec Chavez, naging technical siya e, may tatlong brake system na kung hindi puwede yung isa, merong isa at may pangatlo pa. Yung signalling system nila ay maayos pa sa ngayon. Pero yung mismong consultant nila at yung engineer ay parang natatakot rin namang sumagot. Ngayon granted sinabi nila because ang scope ng kanilang trabaho is not to certify safety, nandun na ko, kaya sinasabi ko hinihikayat ko yung DOTr, kuha na kayo ng kumpanya na magse-certify ng safety.

Q: Mam on the part of Secretary Roxas, ano yun parang sinadya, kasi sinasabi ni Al Vitangcol na sumulat sila, paulit-ulit hindi pinapansin, tapos last two weeks bago mag-expire saka ngayon kumilos yung DOTC tapos sinabi nila wala namang bidding sa tamang oras?

Poe: Kaya nga parang nananadya, ano ba ito-sinadya o naging pabaya? Yung dalawang bagay na yun ay kasalanan yun. Paglabag iyon sa responsibilidad bilang kalihim, mabigat na paratang ito kaya pagkakataon din na makapag-eksplika. Yun lamang at sana...

Q: Kanina na-bring up yung topic na baka ilipat sa LRTA yung management, ano yung thoughts niyo saka yung privatization din na nabanggit?

Poe: Well nakita natin mas maayos ang pagpapalakad dito sa LRT pero ang punto ko legal ba ito pwede ba itong gawin? Huwag nating kalilimutan na meron ding kasamang kasunduan sa MRTC na hindi basta-basta puwedeng ilipat lamang yung pagpapatakbo o ownership ng mga tren na ito kaya intayin natin ang rekomendasyon ng DOTr at saka tayo magbigay ng mas kumpletong komento ukol dito.

Q: Sasakay ka ba ulit sa MRT kasi before nag-check kayo...

Poe: Alam mo tsamba-tsamba lang iyan. Kahit sumakay ako ngayon na maayos, pwedeng bukas hindi. Oo sasakay ako kasama kayong lahat, sumakay tayo.

Q: Yung Anti-Distracted Driving Act. Your committee is being asked to review.

Poe: Oo yung sa Anti-Distracted Driving Act, ito ay isang batas pagdating sa mga electronic devices, communication devices. Pero paglabas ng regulasyon ng LTFRB parang nagmalabis sila at kung anu-ano pa, parang bawal kumain, may ganun yata. Nakita na natin, nandoon na tayo na dapat ligtas pero hindi pwedeng sumobra sa kung ano ang pinapayagan ng batas. Marami ang nagrereklamo at siyempre ang isang batas ay dapat kinokonsulta muna sa mga kababayan natin pati ang paggawa ng IRR dapat mayroong public consultation kaya kung hindi nila nagawa iyan ng tama sa pagkakataong ito ay didinggin natin iyan sa Senado kasi nakita na natin lahat ng mga meme na lumalabas, bawal din daw ang mga sexy na sumakay sa harapan dahil nakaka-distract sa mga drivers. So itong mga bagay na ito linawin lang natin sa pagdinig kasi hindi naman tayo pwedeng magbigay ng regulasyon na mahirap ipatupad at pangalawa kung ipinatupad man ayaw naman natin itong maging sanhi ng pangongotong kasi kapag masyadong mahirap, sasabihin umiinom ka o kasi may ganito ka, P5,000 agad, baka masyadong mabigat. Kaya didinggin natin muli bago magsara ang session.

Q: Ma'am sabi ng LTO hindi na raw nila kaya isuspend ang implementation kasi pinapatupad lang daw nila yung batas.

Poe: Sila yung gumawa ng IRR, pwede naman nila palitan yung IRR. Ang intent ng batas ang mas mahalaga. Intent of the Senate, kami na nagbalangkas ng batas na yan ang magsasabi kung nagmalabis kayo o hindi. Sila naman, ako naman dati ay namuno ng ahensya, pwede naman palitan ang IRR basta't ito'y inaprubahan ng board ng ahensya mo. Pero ang hindi pwede gawin ng isang ahensya ay mag-imbento ng mga batas na hindi naman talaga binibigyan ng awtorisasyon ng mismong batas na naipasa sa Kongreso.

Q: Ma'am magpapatawag kayo ng hearing, do you think kailangan pa?

Poe: Ang ibig sabihin nito, trabaho namin ito, bilang oversight kung maayos ba ang pagpapatakbo ng isang ahensya so kailangan na naman silang ipatawag dito. Kung ginagawa lang nila ng tama ang kanilang trabaho, wala namang dahilan para magpakita sila dito para sa isang hearing.

Q: Ma'am clarification lang po, are you asking the DOTr to suspend the implementation pending the revisal of the IRR?

Poe: I think wala namang mawawala na ipaalala sa ating mga kababayan na yung mismong intention ng batas ay bawal yung cellphone pero yung particulars ng IRR siguro hinihiling ko sa DOTr, na maglabas muna ng memorandum na magsasabi na basta bawal itong paggamit ng cellphone, electronic devices. Ngayon yung ibang mga probisyon nitong IRR, maaari pa naming pagdiskusyunan so kung pwede lang gawin nila yun para mawala yung kalituhan.

News Latest News Feed