Press Release
May 30, 2017

PAHAYAG NG PAGSUPORTA SA JOINT SESSION NG KONGRESO PARA TALAKAYIN ANG PAGDEKLARA NG BATAS MILITAR SA MINDANAO

Kasaysayan po ang malinaw na batayan: Hindi solusyon ang Martial Law sa subersyon, sa pagsupil sa mga rebelde o sa terorismo. Nagresulta lang ito sa lalong pagdami ng rebelde, sa pag-abuso sa kapangyarihan, sa higit pang karahasan.

Nakakabahala ang muling pag-iral ng Batas Militar, lalo na sa pamumuno ng Pangulo na handang i-etsa-puwera ang Kongreso at Korte Suprema para lang masunod ang gusto niya; na dinadaan sa dahas at pagpatay ang konsepto ng hustisya, na kumitil na ng siyam na libong Pilipino. Isipin ninyo: Hindi pa nangyayari ang gulo sa Marawi, paulit-ulit nang pinalulutang ng Pangulo ang kagustuhan niyang magdeklara ng Martial Law.

Kaya naman sinusuportahan po natin ang resolusyon para magpulong ang Kongreso sa isang Joint Session upang talakayin ang Proclamation No. 216, o ang pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng Batas Militar sa buong Mindanao. Mahalaga ito para sa tinatawag na checks and balances, upang suriin, hindi lamang ng Kongreso--kundi pati na rin ng publiko bilang siyang kinakatawan ng mga Kongresista at Senador--kung makatwiran ba ang pagpapatupad ng Batas Militar. Umaasa kami na susuportahan din ng iba pa naming kasamahan sa Senado ang panawagang ito.

Demokrasya natin ang nakataya dito. Kung hahayaan natin ang Pangulo na basta-basta lang gawin ang gusto niya at magdeklara ng Batas Militar sa Mindanao, hindi ako magtatakang isang araw, magigising na lang tayo na sakop na nito ang buong Pilipinas. Bago mahuli ang lahat, kumilos na tayo.

News Latest News Feed