Press Release
July 26, 2017

Grace Poe's dzMM Interview Transcript with Ted Failon

Ted Failon: Sen. Grace, una po, emergency powers, ano po ang nangyari ma'am? Sabi nga, walang paramdam.

Sen. Grace Poe: Alam niyo, matagal ko na ito talagang sinasabi, noong umpisa pa lang talagang sinasabi iyan, noong umpisa pa lang na binigkas ng ating Pangulo na kailangan niya ng emergency powers nung unang taon ng kanyang panunungkulan. Ako nga yung nagpapastol niyan at talagang itinutulak ko iyan sa Senado, nung umpisa ay ganado ang aking mga kasamahan subalit po bandang huli ay siguro dahil wala naman sa priority measures sa SONA at ngayon din, hindi masyadong napapansin dahil may ibang prayoridad ang ating mga kasamahan. Ako'y umaasa sana noong SONA na sasabihin ng Pangulo na priority itong emergency powers kasi yung sinasabi po niyang problema, ako ay nakikisimpatya, hindi lamang sa nagiging problema ng Pangulo sa paglutas ng traffic kung hindi lalung-lalo na yung ating mga kababayan na matagal na rin, pareho nating adbokasiya ito. 'Di ba yung problema niya mga TRO hindi lamang sa traffic pati rin dito sa reproductive health, balakid talaga kapag mayroong mga proyekto tapos may magsasampa ng kaso, naaantala yung mga proyekto na iyan. Ngayon pangalawang problema rin ng Pangulo, 'di ba sinasabi nga rin niya na yung funding nga din para rito, kung may emergency powers, halimbawa yung relocation ng mga informal settlers, kasama po iyan sa panukala namin na bigyan ng pondo, kaya nga po sabi ko ay sana nga ay sabihin nya dito 'uy bilisan na ninyo iyan' kasi talagang makakatulong sana ito.

Failon: So ngayon ma'am, kumbaga, kung dati po nagkaroon kayo ng ilang mga hearing, ito po ay minamadali, so ngayon ma'am, will you still pass this measure?

Poe: I would like to. Actually, manong nasa period of interpellation, kayo po ay dating mambabatas, alam po ninyo na ang period of interpellation, medyo nakasampa na iyan pero depende sa dami ng magtatanong. Mayroon pa pong nakalista na nais magtanong pero hindi pa po nai-schedule. Narinig po ninyo yung nagiging prayoridad ngayon ni SP Koko ay federalismo. Alam mo yung istruktura ng gobyerno, importante yung deliberasyon niyan pero siguro yung agarang makakalutas ng problema natin yung dapat unahin. Ang gulo-gulo, ang daming mga iba-ibang eksplanasyon yan matagal na diskusyon yan. Pero ito nga mas nauuna pa nga nilang i-schedule yung franchise. Para sa akin sana nga ma-calendar na ito.

Failon: Sa majority leader din po ma'am ano ho?

Poe: Pakikiusapan ko na rin talaga si Senator Tito Sotto. Sa tingin ko naman ay siya pa nga yung marami talagang reklamo kasama ko dito pagdating sa mga problema sa traffic dahil si Senator Tito mismo nagmamaneho ng kanyang sasakyan papunta sa trabaho, nakikita niya lahat yan. Ang ganda-ganda ng maaring gawin kapag meron tayong mas mabilis na paglutas at pag-implement. Ito nga yung P8 trillion ang magiging budget nila, 1/3 of our 2018 budget para po sa infrastructure.

Failon: Build, build, build.

Poe: Build, build, build. Alam niyo ba yung underspending ng gobyerno parang P500 million last year, sabi ni Senator Ping, tapos this year umaabot na ng P400 million. Hindi magasta-gasta kasi nga minsan may mga balakid nga na legal na sana'y masosolusyonan kapag meron na tayong emergency powers. Ako nga ay pinipintasan, nangugutya pa yung Pangulo doon sa SONA. 'Ma'am Grace yung ano ha yung ganyan ganyan.' Hindi naman ako yung problema dun. Matagal ko ng sinabi sa kanya yan, mahilig nga yang manloko sa akin, pag sinabi 'Ma'am Grace, yung EDSA diba?' Sabi ko yun na nga yung problema ko, sana nga mas mabilis nga, sabihin niya dun sa mga kaalyado namin sa Senado na unahin na ninyo yan para si Secretary Tugade ay mas mabilis ang kilos.

Failon: Sige ma'am, to cut it short., ang kanyang parliamentary status pending pa ito ma-calendar para po sa debate at eventually period of amendment and then para ho ito ay mapagbotohan na. Sa ngayon ma'am wala kaming aasahan na mabilis pong pagpapasa nito kasi nga din yung mismong unang proponent yung DOTR ay hindi na siguro nag-follow up?

Poe: Alam mo manong pinag-iingatan ko ito, pag dumadaan, at least sa regular budget natin at sa ating mga batas na pinapayagan mas maayos nating mabubusisi ang kontrata. Ang mahirap, pag government to government na. Katulad nga niyan sinabi ng Pangulo, bibigyan tayo ng China, huwag nating kalilimutan na kapag wala tayong kapangyarihan na busisiin ito, maaaring mangyari na naman yung NBN-ZTE kasi 'di ba government to government yun. Kaya nga po kung may pera tayo gaya nga ng sinabi ko, underspending natin P500 million tapos may P400 million pa na nakaambag, bakit tayo kailangang kumuha ng pera sa banyaga kung kaya naman natin pala na dito ang ibang pwede nating gastusin. So yun lamang Manong, alam niyo ako'y masaya talaga na nabanggit ang inyong pangalan, talagang yung trabahong ginagawa ninyo hindi lahat pinapasukan niyong isyu ay popular o nakakatawa. Pero talagang importante tulad ng mining na talagang pinursigihan ninyo at ng inyong team, congratulations, at ito po'y isang halimbawa na tinig ng iilan ay maaring magbigay ng pagbabago at napanood mismo ng ating Pangulo at iba. Siyempre kapag ang Pangulo na mismo ang aaksyon sana lang magkaroon siya ng konkretong polisiya kung papaano nga mapipigilan itong mga minero na alam naman natin na ang kalikasan ay sinisira.

Failon: Ma'am, thank you ho for mentioning and my prayer now sa pangalan din po ng lahat ng mga nagsusulong ng isyung ito para po sa responsableng pagmimina ay aabangan po namin Ma'am yung magiging deliberasyon po ninyo once po na maisalang na po itong bagong batas, itong amyenda sa Philippine Mining Act. Kasi po napakaimportante po ng iyong gabay din po at timon dyan, and eventually po boto pabor na po sa kalikasan Ma'am.

Poe: Opo, at saka Manong pakihikayat na rin ang ating majority leader na talagang masipag pero siguro aligaga narin sa iba't ibang prayoridad at si Sen. Koko ay ma-calendar na itong emergency powers bill namin.

Failon: ...Ako ay interesado din dito dahil po dito po sa usapin po ng right of way para po sa Skyway project natin na binabantayan. Yung EDSA clearing para po sa transfer ng mga bus terminals, importante nga po itong emeregency powers para ho bumilis. Well, siguro tayo ay excited pero si Mr. Tugade baka wala nang paramdam, wala nang paramdam.

Poe: Baka government to government, yun ang mahirap po talaga. Anyway, maraming salamat at sa ating mga kababayan, ako po ay humihingi ng pasensya. Ginagawa ko po ang ating makakaya talaga sa Senado pero yun ang problema sa lehislatura e, kami po ay gumagawa ng batas. Sana ang ehekutibo, na sila ang magpapairal ng mas mabilis, ay kumilos narin.

Failon: Madame Sen. Grace, salamat po sa inyong panahon Ma'am, mabuhay po kayo. And again kami po ay umaasa sa gitna po ng lahat ng ito dito ho sa mga balakid ng inyong panukala, maaprubahan pa rin po ito kasi kasama ho dito yung pagbabantay ng Senado at Kongreso doon sa mga kontrata na ang kaakibat nga dito po sa pagpapatupad ng emergency powers na ito on traffic.

Poe: Maraming salamat po Manong at sa lahat ng nakikinig.

News Latest News Feed