Press Release
September 1, 2017

Grace Poe's Interview Transcript

Question: Reaksyon po ninyo sa nangyaring, sa harap ng publiko, dalawang senador nagtalo sa gitna ng isang hearing.

Poe: Siyempre nakakalungkot rin ang nangyaring yan dahil mga kasama ko yan, pero ang ninanais ko sana, hindi na humantong ito sa isang ethics hearing o ethics complaint--na pwede ng pag-usapan nang maayos kasi importante na maobserbahan natin talaga ang decorum at paggalang sa ating mga pagdinig. At importante rin na obserbahan natin ang pananaw ng bawat isa, salungat man sa atin. Isa pa, mas maganda sana na pag-usapan nila nang maayos, wala ng complaint na papasok para hindi na rin mabawasan ang oras ng bawat senador sa iba pang mga trabaho namin.

Q: Kung ibabase sa salita ni--hindi kayo kasali doon sa nirerefer ni Sen. Gordon na pipirma to file a complaint?

Poe: Sa alam ko wala pang iniikot na papel na pinipirmahan, pero para sakin, ako kasi miyembro ng ethics committee kaya hindi siguro ako pwedeng pumirma muna doon hangga't hindi ko nadidinig, pero gaya nga ng sinabi ko hindi na sana humantong ito sa ethics committee kasi importante sa lahat, hindi naman dahil sa katiwalian ang nagiging isyu sa kahit na sinong senador. Ito ay dahil sa proseso at decorum na importante, pero pwede ring pag-usapan para hindi na maulit muli. At pag naulit pa muli, alam ko ilang beses ng pinagbigyan, pero kausapin muli. At isa pa, hindi kaya mas matutuwa pa ang smugglers at drug pushers na nakatuon ang isyu dito sa internal na pag-aaway imbes na nakatuon sa talagang isyu na dapat maalis ang katiwalian dito sa mga ahensya ng gobyerno.

Q: Member din po kayo ng blue ribbon, sa tingin nyo po, significant pa ba--dahil si Sen. Trillanes gusto nyang i-invite, tingin nyo po ba, is it still necessary na pakinggan din si Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio?

Poe: Unang una, kahit sino naman ang binanggit sa hearing ay may pagkakataon na ipawalang-sala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-eeksplika kung ano ba talaga. Pagkakataon nila yun. Hangga't hindi hinihingi ng chairman ng committee na ipatawag sila, siyempre walang obligasyon sa kanila. Sila lamang, boluntaryo, kung makakatulong sa kanila, bakit hindi.

Q: Pero, ma'am, dapat ba, kasi ito matagal ng practice sa mga hearing, pag may binanggit na mga pangalan, next hearing ipapatawag. For the longest time, binabanggit ang pangalan na yun, tingin nyo, is it about time for the chairman to consider kasi may motion si Trillanes na ipatawag?

Poe: Para mawala lang ang duda. Alam mo, dapat manatili talagang independent ang Senado. Makikita natin dito sa hindi nila pagkakasundo na may kanya-kanyang pananaw. Siguro importante sa chairman ng kahit na anong komite ay mawalan ng pagdududa sa pagdinig. Lahat dapat patas ang pagtrato.

Q: Parang nagkakaroon kasi ng impression na may pinoprotektahan dahil siyempre Duterte yung isang pinapa-invite. Ilang beses na po syang nababanggit, ayaw talaga syang i-invite.

Poe: Siguro dapat tanungin natin si Sen. Gordon dyan. Ang sinasabi nya dapat mayroong malakas na katibayan bago imbitahin. Bagama't ang pagdinig din naman ay isang paraan para makakuha ng katibayan sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng sinumang resource person. Pero yun nga, tama rin naman ang sinasabi na hangga't hindi natin nalalaman ang buong katotohanan, hindi rin tayo pwedeng humusga kaya nga meron din tayong mga pagdinig na dapat manatiling patas at independent.

Q: Mali rin for Sen. Gordon na, kasi kinonclude na nya, sinuspend na nya yung investigation sa isyu na ito kahit may motion? Sabi nya sa Monday magbibigay na sya ng preliminary report.

Poe: Maraming pagdinig na kahit na natapos na, kahit yung ibang pagdinig ko, kapag may kailangan pa, magkakaroon pa ng isa pang pagdinig. Para sa akin prerogatiba yan ng chairman kung sino ang tatawagin niya pero ang gusto natin ay mabuo ang storya.

Q: Ma'am, observation ng marami, napakakonti, kundi isa, dalawang senador lang yung dumadalo aside from Sen. Gordon. Hindi kayo ganoon ka-active dun sa hearing?

Poe: May kanya-kanya tayong tinututukan na mga public hearings. Sa akin yung sa transportation, yung nangyari nga dito sa maling mga police operations.

Q: Hindi ito pag-iwas dun sa sinasabing grandstanding? One-man show?

Poe: Bilang pagrespeto sa aking kasama dito, marahil yan ay isang bagay na pwede naming pag-usapan sa isang pribadong pamamaraan muna.

Q: May caucus kayo ma'am sa Monday. Is it part of that?

Poe: May caucus kami, isa doon ay kung ano yung magiging priority bills ng Senado. Importante yun. Marahil isa yan sa mga pag-uusapan.

Q: Pero ma'am hindi siya declared na kasama sa agenda? Basta sabi nila Senator Lacson kasama daw po yun sa pag-uusapan, yung nangyari kahapon?

Poe: Wala naman akong natatanggap na agenda. Ang natanggap ko lamang ay meron kaming caucus at ang una nilang sinabi doon sa caucus ay pagdating dun sa legislative priorities ng Senado.

Q: Pero ma'am yung caucus ini-schedule even before nangyari yung--

Poe: Oo, the caucus was scheduled, I think 3 days before this happened.

Q: Do you think it will help kung isasama sa agenda ito considering na yun nga, sabi niyo nga kailangang pag-usapan, pribado?

Poe: Maganda sana yung dalawang sangkot dito, yung involved, sila muna ang mag-usap. Humingi ng tawad kung sino man ang dapat humingi ng tawad. Importante kasi pag nagkaroon ng pagdinig na ganito, ayaw natin na hindi nagkakasundo-sundo sa isang, ang mga senador mismo. Pwede tayong hindi magkasundo sa ating pananaw pero galangin natin ang isa't isa na ihayag ito. At sa bawat isa naman sa amin importante rin na manatili ang pagsunod sa proseso, pagiging mapagkumbaba, lahat ng bagay na yun.

Q: Dapat mamagitan ba yung liderato ng Senado kasi silang dalawa mukhang mainit?

Poe: Oo sa tingin ko makakatulong kung mamamagitan ang Senate President at kakausapin sila, kasi nga nasa kasaysayan naman ng Senado na magkakasalungat naman talaga ang pananaw ng iba, at sa tingin ko, yan ang diwa ng Senado na hindi natin dapat alisin, na ang bawat isa, na ang pananaw man ay hindi katulad nung atin, at least nai-aangat natin ang katotohanan pag nadidinig natin lahat yan.

Q: Ma'am yung sa 3-4% increase daw ng LRT fare--LRT 1. Sabi ni Sec. Singson kahapon.

Poe: Alam mo kasi ang LRT sa pagkakaintindi ko, pribadong kumpanya ang nagpapatakbo nito. Pero dapat ay makita din kung ito ba ay naaayon dun sa kontrata na hindi naman masyadong malaki ang increase kaagad. Kailangan pag-aralang mabuti yan. Ang isa ring matagal na nating sinasabi sa LTFRB yung flag-down rate ng mga taxi ilang taon na rin yan, hindi pa rin naaayos kaya hindi sila makapagkumpetensya.

Q: Yung proposal nila na sila na rin yung mag-take over dun sa MRT 3? Yung LRMC?

Poe: Nakita natin kasi na iba't ibang administrasyon na, parang hindi kaya ng gobyerno ang pagpapatakbo ng maayos, at ngayon nahihirapan din. Ok lang na maging pribadong sektor ang magpatakbo nito basta hindi tayo magbabayad ng napakamahal para dito, na ang serbisyo ay maayos, at madali silang tatanggalin pag hindi nila ginawa ang kanilang trabaho. Ang alam ko ngayon ang MRT, yung mga pinasok na kontrata nung nakaraang administrasyon dito sa palpak na maintenance provider ay parang gusto na rin nilang alisin.

News Latest News Feed