Press Release
October 14, 2017

(Editor's Note: The Message was delivered by Ms. Karina Constantino David)
On Pirma hindi Porma

Message

HON. LEILA M. DE LIMA
Senator

Palma Hall, UP Diliman

14 October 2017

Isang mapagpalayang araw po sa inyong lahat.

Hindi man po ako personal na makarating ngayon sa pagtitipon na ito, isang karangalan po ang maipahatid ang mensahe ng pakikiisa sa ating mga ipinaglalaban.

Pirma hindi Porma. Eksaktong-eksakto po itong panawagan na ito--panawagan na nakarating na sa Malacañang pero patuloy na hindi pinakikinggan. Akala po nila siguro, kapag pinatagal nila ito nang pinatagal, mapapagod tayo sa panawagan, at baka makalimutan na rin ito ng publiko. Yan naman po ang malaki nilang pagkakamali.

Habang tumatagal kasi, lalong lumilinaw: Kung gaano kadaldal si Duterte sa pagbibintang, pagbabanta at pananakot sa kanyang mga kritiko, ganun naman siya katahimik sa pagsagot sa mga akusasyon laban sa kanya ng katiwalian. Yung akala mo eh matapang na Pangulo, duwag naman pala. Kung may "tabang-hangin", itong si Duterte naman ay "tapang-hangin."

Duwag. D-U-W-A-G = Digong.

Duwag na pirmahan ang waiver para maisapubliko ang kanyang bank accounts, at malaman ang totoo. Duwag na tanggapin na palpak ang kanyang War on Drugs na pumatay na ng mahigit 13,000 na mahihirap na Pilipino, at dinamay pa ang mga inosenteng bata. Duwag na harapin ang kanyang mga kritiko, kaya umaasa sa pambabastos at pag-iimbento ng kuwento para malihis ang atensyon ng mga Pilipino.

Alam niyo naman po kung paano ginagamit ni Duterte ang kanyang pwesto at ang buong makinarya ng gobyerno para gipitin ang mga nangangahas na kontrahin ang kanyang mga polisiya. Alam na alam ko po iyan. Nag-imbento ng mga kaso laban sa akin para siraan ako, pabagsakin at ipakulong, sa tulong na rin ng kanyang mga alipores.

Nabalitaan niyo po siguro ang pag-dismiss ng Supreme Court sa aking petisyon na ipawalang bisa ang pag-aresto at pagpapakulong sa akin.

Sa kabila po nito, tuloy ang laban. Maghahain ang aking mga abogado ng Motion for Reconsideration at patuloy na aapela sa patas na desisyon ng Supreme Court. Nagpapasalamat po ako sa 6 na Associate Justices na nanindigan para itaguyod ang tama at ang hustisya. Maraming salamat din po sa ating mga taga-suporta. Tuloy lang po sana tayo sa pagdarasal.

Hindi pa nakuntento itong si Duterte at iniisa-isa na rin niya ang kasamahan ko sa Senado na tumututol sa baluktot niyang pamamahala. Anong gusto niya, lahat na lang, maging sunud-sunuran sa kanya? Wag kami, Duterte.

Pati ang mga namumuno sa ating independent institutions--si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, si Ombudsman Conchita Carpio-Morales, at Commission on Human Rights Chair Chito Gascon, ginigipit din.

Nasosobrahan na yata sa paglanghap ng Fentanyl itong si Duterte.

Binantaan pa niya pati ang mga ambassadors ng EU at UN na umalis na sa bansa dahil sa kritisismo nila. Bakit, pagmamay-ari ba niya ang Pilipinas?

Wala siyang pakundangan sa imahen at ekonomiya ng bansa, at sa interes ng mga Pilipino lalo na yung mga nasa bansang maaapektuhan ng bastos niyang pahayag. Ang masama, batay na naman sa fake news--na hilig niyang gawin--ang mga pinagsasabi niya. Hindi opisyal na kinatawan ng European Union (EU) ang tinutukoy niyang bumisita sa bansa noong isang araw, kundi international delegation ng Progressive Alliance.

Sayang ang inilobong bilyon-bilyong intel funds ng Malacañang, kung mali-maling impormasyon lang din pala ang naibubulong kay Duterte.

Sagutin niya na lang ang pinanggagalingan ng kritisismo, hindi puro pananakot at pagbabanta ang paborito niyang gawin.

Hindi rin ibig sabihin na nagbibigay ng puna, nakikialam na o may destabilisasyon na. Pahayag yun ng pag-alala at ng malasakit sa Pilipinas at sa mga Pilipino. Sagutin na lang niya ang pinanggagalingan ng kritisismo, hindi puro pagmumura, pananakot at pagbabanta ang paborito niyang gawin.

Kaya Ginoong Duterte: Wag kang magkubli sa kasinungalingan mo. Kung talagang wala kang itinatago sa Pilipino: Pirma hindi Porma.

News Latest News Feed