Press Release
January 19, 2018

MENSAHE NG PAKIKIISA SA "BLACK FRIDAY PROTEST" NG NATIONAL UNION OF JOURNALISTS OF THE PHILIPPINES (NUJP)

Maraming salamat sa lahat ng narito ngayon, at sa lahat ng mga kababayan nating nakikiisa sa ating ipinaglalaban--ang pagsusulong ng malayang pamamahayag at pagtatanggol ng ating mga karapatan mula sa abusado at diktador na gobyerno.

Wala na talagang tatalo sa kapal ng mukha ni Duterte at ng kanyang rehimen. Hindi nakuntento sa pagpaslang ng libo-libong Pilipino sa ilalim ng palpak na War on Drugs, hindi na nakuntento sa pagpatay sa sistemang pangkatarungan kung saan ipinakulong at kinakasuhan ang inosente habang kinukunsinte at pinapalusot ang mga tunay na sangkot sa katiwalian, heto naman ngayon, kinikitil na rin ng rehimeng ito ang kalayaan sa pamamahayag.

Wala ring tatalo sa pagiging sinungaling at doble-kara ng Pangulong mayroon tayo ngayon, at ng mga sunud-sunurang nakapalibot sa kanya. Wala raw siyang kinalaman sa naging desisyon ng SEC sa Rappler? Sa tingin ba ng Presidenteng ito, matapos ang paulit-ulit niyang pagsisinungaling tungkol sa pagdedeklara ng Martial Law, sa pagbibitiw daw sa puwesto kapag nasangkot ang pamilya sa korupsiyon, lalong-lalo na ang 3-6 months daw niyang deadline sa pagsugpo sa droga, maniniwala pa tayo sa kanya? Wag kami, Duterte.

Ang hamon sa atin: Huwag magwalang kibo o magkibit-balikat lang sa hayagang kasinungalingan, kayabangan, at pag-abuso sa kapangyarihan ng rehimeng Duterte. Dahil kung ngayon, Rappler. Malamang bukas, ikaw na. Kung noon, si De Lima. Malamang bukas, tayong lahat na.

Sama-sama, nagkakaisa, imulat natin ang marami pa nating kababayan sa katotohanan at pakikipaglaban para sa ating tunay na kalayaan.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
19 Enero 2018

News Latest News Feed