Press Release
February 4, 2018

Transcript of Sen. Grace Poe's Interview
dzBB with Ms. Nimfa Ravelo

Nimfa Ravelo: Magandang umaga po sa inyo, Senator.

Sen. Grace Poe: Magandang umaga po.

Ravelo: Ma'am, na-introhan ko na po yung tungkol sa problema sa MRT, and since may problema tayo sa MRT ay bumabaling tayo sa TNVS na may mga problema din. Ma'am yun po munang sa MRT, kasi kayo po yung nanguna sa mga Senate hearing at Senate investigations tungkol sa mga issue sa MRT. Sa ngayon ma'am, 2016 pinangako po ni Sec. Tugade na aayusin yung serbisyo pero hanggang ngayon may problema pa rin. Ma'am ano po yung inyong assessment sa problema ngayon, sa issues hounding the MRT system po?

Poe: Alam mo ang problema talaga ay kapag ang namumuno ng isang korporasyon o ng isang bagay ay hindi naman masyadong naiintindihan. Ngayon yung kanilang pinamumunuan halimbawa, alam naman natin, binigyan natin sila ng pagkakataon--ng ilang buwan dahil bago lamang sila--pero siyempre yun nga ang sinasabi ko dapat yung naghe-head ng katulad niyang sa MRT ay talagang engineer, yung nakakaintindi 'di ba. Noong nagkaroon ng hearing sa Kongreso, si Mr. Garcia yata ang nagsabi na gamitin na lang ang mga train dito ng Dalian, 'di ba parang may sinabi siyang ganun. Pero actually yung ating impormasyon ukol dito hindi talaga pwedeng gamitin iyon hangga't hindi naayos para maging compatible dahil unang-una, napakabigat nito para sa riles natin. Talagang hindi kaya sa ngayon. Pangalawa yung signalling system hindi pa nila naikakabit doon sa mga tren, 'di ba magbubunggu-bungguan iyan, so talagang hindi pwede. Kung naiintindihan nila yung nangyayari, dapat yun pa lamang, yun ang pinaka-basic. Sabi ko nga kalimutan niyo na kaya yang Dalian na yan, kahit na malaki na yung ating nagasta diyan, nagbayad na tayo ng a little less of P500 million pero parang pinipilit naman natin na isuot ang isang sapatos na size 6 pero size 5 tayo. Hindi natin talaga pwedeng pilitin ang isang bagay. Actually yung mas tamang analogy diyan ay yung size 7 tayo na pinipilit natin ang size 6, yung wala ka na talagang magagawa. Ngayon, ilan na lang ang tumatakbo, 8 or 7 trains 'di ba, magkakaaberya pa. Ang ideal diyan ay between 12 to 15 trains dapat. Tapos ang dati nasa 23 trains so talagang ang laki na talaga ng nabawas pero ang ridership natin nagiging 550,000 yata a day e dati mga 300,000 lang so natural ang pila ay napakahaba.

Ravelo: So ma'am una muna yun pong mga MRT, 'di ba ma'am ang natatandaan ko pong binanggit doon is P3.8 billion ang presyo nun tapos ma'am P500 million pesos po ang naibayad?

Poe: Less than P500 million po, pero malaki pa rin yun. At saka yung perwisyo, Nimfa, para sa atin, ay ganun na lamang. Hindi na bale yung pera e pero yung oras na nawawala sa atin, isa iyon. Pangalawa yung sinasabi nila na by the end of February gagaan na ang ating pagdurusa dahil darating na yung mga parts na inorder nila, andun na tayo na kapag nag-order ka, lalung-lalo na luma na yung train na iyan, halos pasadya na yung mga parts na iyan, hindi mo basta-basta makukuha sa shelf pero matagal na kasi nilang sinasabi sa akin na 'o by December of 2016 it will be better'

Ravelo: Pa-adjust ng pa-adjust.

Poe: Oo, it just shows na hindi nila naiintindihan yung ginagawa nila kasi otherwise, ilan na iyan, ilang extension, iba-iba ang dahilan. Pangalawa ang talagang para sa akin, okay--kung hindi man makakarating yung mga parts on time, or makakarating na late--wala na tayong magagawa dun kasi kailangan talagang intayin yun. Pero ito, huwag na nating aksayahin ang ating oras sa mga audit nitong mga Dalian train na alam naman natin, sabi ng mga eksperto, ay mahirap nang gamitin dahil yung ating riles hindi kaya. Number three, sa tingin ko maiibsan naman at magkakaroon naman ng pampalubag-loob sa ating mga kababayan kung yung mga orihinal na nagdesisyon at pumalpak dito sa MRT ay makulong na kasi yung mga kaso sa kanila parang atras-abante sa ating mahistrado 'di ba. Sa tingin ko malinaw pa sa araw na meron talaga silang pagkukulang sa ating bayan. Dapat talaga ay mapanagot sila.

Ravelo: Ma'am isa-isahin ko lang ano po, ma'am yun munang sa tren, yung mga Dalian trains na nakatengga, what should be done about it po? Ano yun ma'am, isauli na lang natin sa kanila?

Poe: Okay, magiging teknikal ako rito. Yung kanilang kinontrata ito, parang chinop-chop nila. So, ang Bombadier ang original ang magde-design, sila rin ang mag-iinspect at magse-certify. Pero ang bubuo ay Dalian, at sila rin, Dalian rin ang mag-iinstall. So, nagkakagulo doon, tapos yung signalling system, inorder din nila sa isang--Dalian din ang gumawa na hindi naman sila talagang expert. So, saan tayo nagkakaproblema? Kasi design lang yung Bombadier, sila yung magaling. Pero pagdating sa actual building at installation, ang pinili nila, hindi naman sanay so yung steps mali-mali. Ngayon, pag-inspect ngayon ng Bombadier sinasabi nila, hindi ito pwede. So, hindi nila ito pwedeng i-certify. Tapos, ang isa pa doon sa kanilang mga stipulation sa contract, dapat yung kanilang depot ay talagang pasadya para sa train nila--e hindi naman, at hindi rin compatible. So hindi mase-certify iyan na safe nung designer, yung nag-conceptualize nitong train na ito. So, doon pa lamang, hindi na natin kailangang magbayad ng milyun-milyon para sa consultant, makikita na natin na maraming hindi nasundan doon sa kontrata.

Ravelo: Ma'am naalala ko noong hearing po ninyo, lumitaw noon na sabi ni--yung dating MRT GM po, spokersperson si Cesar Chavez--sabi niya merong mga international certifiers na sinulatan na para inspeksyunin yung tren.

Poe: Alam mo naawa ako kay USec. Chavez din kasi kung meron mang isa sa kanila ang talagang nakakaintindi o at least naipapaliwanag sa atin, siya na yun. Kaso, lahat yata ng matitino ay umaalis doon. Basta ganito, yung para kay Usec. Chavez, sinabi niya oo, kukuha tayo ng mag-aanalyze niyan--magse-certify, mga consultant--pero actually, if there's anything, yung consultant siguro na kailangan nila ay para doon sa long-term rehabilitation ng MRT o kung kukuha tayo ng ibang magbi-bid para dito sa Dalian na idadagdag nila. Kung pakikinggan lang nila yung kontrata, susundin lang nila, yung Bombadier, meron naman silang reputasyon na pinoprotektahan. Hindi nila iyan papayagan kung naniniwala silang gagana nang tama, sa ngayon ayaw naman yata nilang payagan iyan.

Ravelo: So Ma'am, meantime po na may isyu doon sa mga tren na hindi po mapakinabangan, araw-araw may kalbaryo po tayo dahil yung mga presently na nagagamit na mga tren, lagi rin pong may aberya, hindi po ba? So Ma'am, ibig sabihin dapat habang pinoproblema po yung mga unusable na trains, mag-concentrate tayo dito sa mga nagagamit sa ngayon.

Poe: Parang ganoon na nga saka siguro--

Ravelo: Wala na tayong ibang magagawa.

Poe: Oo, pwedeng isipin na rin nila, kukuha ba sila ng third party, ipa-privatize na ba nila ito? Kasi baka naman mas mabuti para sa atin, basta lamang merong computational price cap na hindi naman nila tataasan ang presyo ng pamasahe. Alam mo yun nga yung nakakalungkot, naalala niyo noong panahon ni Secretary Abaya ay tinaasan nila yung pamasahe ng MRT para raw mas mapabuti ang serbisyo pero hanggang sa ngayon, sumama pa nga ang serbisyo, 'di ba? So, yun ang atin. Yung isa, 'di ba? Yung na-derail yung ano, nadulas yung gulong yata dahil may mga spots daw doon, wala na, hindi talaga natin pwedeng gawing dahilan talaga iyon, kailangan talaga rehabilitasyon na iyan.

Ravelo: So ma'am, yung isang dapat tingnan po pang-long term ay yung privatization, ano ma'am, i-consider na?

Poe: Oo pwede, yung LRT, privatized iyan. Kahit papano, mas maayos yung pagpapatakbo, siyempre kung negosyo iyan, gusto mong maayos, malinis, at makakakumpitensya ka. Ngayon, ang kailangan lang nating bantayan sa isang privatization, dapat wala silang kapangyarihan na basta-basta magtaas ng presyo, lalung-lalo na 'pag ito ay transportasyon, katulad din sa ibang public services, katulad ng mga jeep, yung mga taxi, kailangan ay may approval kasi kung hindi, baka naman hindi makayanan ng ating mga kababayan at kawawa din ang marami sa atin. Mabuti naman sinabi ni Sec. Tugade na pag-aaralan niya yung cap dito at hindi naman yata 45,000 na lang ang TNVS kasi nga dahil sira ng sira itong train tapos nagphephaseout pa tayo ng mga lumang sasakyan--nandoon na tayo, ayaw natin ng mausok--talagang mawawalan ng masasakyan ang ating mga kababayan.

Ravelo: Yung tren sa ngayon 'di ba ang nagre-repair sa ngayon, yung nagme-maintain ay gobyerno kasi tinakeover na dahil binasura na yung kontrata doon sa Busan Railway, yung BURI. Hindi ba kailangan rin i-rush ang pagkuha ng service provider kasi mukhang hindi rin expert o kulang din sa expertise actually ang gobyerno, mga government officials, dun sa mga nagtakeover nitong tren ngayon.

Poe: Alam mo ngayon, yung mga naririnig ko nga, kaya nga alam mo kailangan na naman ng pagdinig kasi alam mo ang mahirap, kahit na sinasabi nila 'naku hearing na naman,' pero kung walang hearing hindi natin malalaman kung sino talaga sa kanila ang may pananagutan. Ngayon, 'di ba ang dami nilang mga press release. Mayroong Sumitomo is considering taking over, 'di ba may ganoon, but nothing definitive and supposedly by May, Sumitomo might assume maintenance but we don't know for sure there are conflicting reports. Gusto nating marinig kay Sec. Tugade, mismo sa kanya, ano ba talaga kasi kung ganoon dapat bini-bid out na 'di ba kung sino ang mga ano niyan pero parang wala yata. Wala yatang bini-bid out unless hindi ko na nadidinig so gusto natin silang maimbitahan.

Ravelo: Tinakeover po ng gobyerno mula sa BURI yung maintenance ng MRT so nung nagtakeover hindi rin naman naresolba yung problema.

Poe: Well hindi talaga mareresolba kung wala kang parts na ipapalit. Parang sa sasakyan yan, tirik ng tirik kasi yung battery luma na, so charge ka ng charge. Ang kaibahan sa battery at sa ibang parts ng ating mga sasakyan, ang ating train ay napakaluma na. Kapag bibili ka ng isang part na ganoon ay special order, kailangan ima-manufacture pa kasi luma na po itong style na ito, kaya ka naghihintay ng buwan-buwan. Yun na nga e medyo dapat talaga nakakaintindi ang namamahala ng train sa atin kasi kung hindi, puro pulitika lang ang tututukan nila. Hindi nila tututukan yung mga teknikal na pangangailangan nila doon.

Ravelo: Ma'am so urgent po na kumuha na tayo ng pribadong service provider? Kung kukunin ang Sumitomo, kunin na?

Poe: Oo, kaso kung ayaw na ng Sumitomo, yun yung sa tingin ko sila ang nagpapa-'hard to get.' Naalala mo dati tinanggihan sila nila Sec. Abaya at yung dating nauna sa kanya na Secretary di ba tinanggihan yun. Tapos ngayon kung kailan tayo pipilay-pilay na saka tayo tatakbo sa kanila. E di syempre--teka muna papasukan namin ito baka kami ang mapagbintangan niyan--kaya siguro ina-assess din ng Sumitomo ang kanilang papasukan bago sila sumang-ayon.

Ravelo: Pero syempre ma'am urgent yun na makakuha nga kaagad ng service provider.

Poe: Talagang urgent. Yung ating manggagawa diyan, mga engineers natin sa MRT, sila naman talaga ang kinukuha kahit ng mga foreign companies to do the work here, nagdadagdag lang ang foreign companies ng experts pero syempre kailangan din nila ng ulo. Kailangan nila ng isang magbabaston, na magsasabing ito yung gagawin natin, ito yung kailangan ninyong orderin, ito yung kailangan ninyong bantayan, na expert talaga. Wala naman siyempre, kahit naman si Sec. Tugade hindi naman siya expert ng train at hindi naman yan trabaho strictly, kasi siya yung overall. Si Garcia ba siya ba yung dapat? Iyon yung mga katanungan e, sayang din si Usec. Chavez, dapat kung alam ng gobyerno yung mga tao na at least nakakaintindi, dapat hindi nila pinakawalan.

Ravelo: Last point nalang po dito sa isyu ng MRT, yung sa accountability sabi niyo nga dapat yung nangangasiwa diyan dapat nakakaalam ganyan. Ma'am, si Sec. Tugade kailangan na ba siyang bigyan ng ultimatum para maresolba ito kasi 'di ba ma'am 2016 pa natin narinig na nangako siya sa inyo na aayusin ang serbisyo, etcetera etcetera pero hanggang ngayon unresolved tapos getting worse pa.

Poe: Alam mo talagang lahat tayo inip na inip na pero tingnan natin. Siguro yung magiging deadline natin kay Sec. Tugade ay yung pinangako niyang by February ay gagaan na dahil darating ang mga parts. Tingnan natin, yun yung una niya, siguro in recent memory, na nasabi niya definitely, kapag hindi pa rin sa tingin ko may problema na tayo. Paguusapan na talaga natin ang ibang bagay pa diyan.

Ravelo: Last na ma'am yung kay Sec. Abaya, 'di ba ma'am nirekomendahan niyo nga na pakasuhan. Ano ang inyong panawagan ma'am, na bilisan yung pag-usad ng reklamo.

Poe: Oo, alam mo marami na yatang kasong nakapatong sa kanya pero parang yung criminal liability ay natanggal yata sa kanya dito sa Ombudsman. Kung saka-sakali magkakaroon kami ulit ng bagong committee report dahil nga 'di ba ang dami nang nangyari magmula nung huli naming pagdinig diyan sa MRT nung mga panahon pa ni Sec. Abaya ha. Talagang idedetalye namin kung bakit sila ay dapat managot at hindi lamang na parang administratibo kundi dapat ay mas mabigat pa na talagang siguro ay may pananagutan sila. Alam mo sa tingin ko dapat kulong na iyan e kasi sa sobrang daming aberya. Kaya lamang siyempre kailangan ay tingnan natin sa batas kung ano ba talaga ang kanilang nasuway pero para ibigay mo sa isang hindi eksperto na kumpanya na bagong incorporated lamang na bumibili ng secondhand parts, kung di ako nagkakamali sa Raon. Siguro naman si Sec. Abaya matalino naman siya na 'teka muna, sino ba itong mga ito.' E yun pala kilala niya yung mga iyon dahil yun yung biggest donor nila o hindi naman biggest pero isa sa mga donors ng kanilang partido so parang nakikita mo na may mali siya. Ayaw natin ng paghihiganti ang gusto lang natin ay pananagutan.

Ravelo: Nasa Ombudsman yung mga reklamo, yung Ombudsman po ang kakalampagin natin para i-resolve na kaagad yun pong mga asunto.

Poe: Oo, or pwede kaming magbigay ng mga bagong mga ebidensya din ukol dito.

Ravelo: Ma'am, yung tungkol po sa TNVS, ang gustong mangyari ng LTFRB limited na lang yung mga TNVS--45,000 sa Metro Manila, 500 sa Cebu at limited din po sa ibang mga key cities. Makatwiran po ba ito, alam ko po may mga sumulat sa inyo na mga grupo na nagrereklamo, nakikiusap kasi yung mga driver-operator, yung mga bagong bili yung sasakyan nila. Iniregister naman sila so maghuhulog, kapag natigil sila, wala silang hanapbuhay.

Poe: Unang-una hindi makatotohanan yung kanilang desisyon na iyan na 45,000 kasi ang dami naman din na nabigyan na ng temporary permit pero hindi sila kaagad-agad nakapag-aksyon, itong LTFRB. Pangalawa, sa sobrang daming pangangailangan--sa ngayon nga ang dami ng di makakuha ng sasakyan kapag rush hour so dapat i-rationalize lang ang oras nitong mga TNVS na dapat kung kailan talaga mayroong oras ng pangangailangan, doon maraming bibigyan ng permit na tumakbo. Ewan ko kung papaano nila gagawin ito scientifically pero sa tingin ko hindi nila pwedeng babaan iyan. Yung sinasabi nilang 500 TNVS lamang sa Cebu, nasisira na ba yung ulo nila? Hindi ba sila nakapunta sa Cebu. Ang Cebu ay parang Metro Manila na nga sa dami ng progress doon. Ang daming mga nagtatrabaho doon, kulang nga ang 500. So yun yung mga bagay talaga na--kaya nga magkakaroon kami ng meeting uli sa LTFRB para pagusapan nga ito kasi ang bagong statement ni Sec. Tugade ay hindi naman daw 45,000, itataas daw nila yan baka 75,000. Yun na nga, very uncertain, very tentative. We should finally resolve this.

Ravelo: Ma'am, paano po iyon ipatatawag ninyo ulit ang LTFRB kasi naghearing na kayo, laging may pinaguusapan.

Poe: Pero may bago e, kasi remember, naghearing kami noon, tapos sabi nila 'we're going to come out with a memo circular.' Yung memo circular nila lumabas na 45,000 lang tapos hindi pwede yung hatchback. Natural kailangan kaming mag-meeting ulit na parang teka muna, parang palpak naman ata itong bago ninyong regulation.

Ravelo: At saka ma'am noong naguusap kayo, maayos ang paguusap, tapos lilipas ang ilang araw magkakaroon na naman ng panibagong issue.

Poe: Ayan na nga so kahit ayaw naman natin, hindi naman kami close, ayaw naman naming magkita palagi, kailangan yata ay bantayan sila.

Ravelo: So ma'am ano yun kailangan i-clarify nila ano yung basis nung pagseset nila ng ganung cap?

Poe: Oo, papaano nila ginawa? Baka siguro sabihin nila number of population o kung anu-ano man. Pakinggan natin sila kung meron silang punto pero the mere fact that even Sec. Tugade is uncertain and he said na 'sa tingin ko pwede tayong lumagpas ng 45,000, hindi naman ganun yung cap,' ay ibig sabihin meron silang disagreement even amongst themselves.

Ravelo: Last question ano po ang inyong balak, ano ang inyong mensahe sa LTFRB at DOTr para maresolba pareho na yung sa MRT at yung sa TNVS.

Poe: Alam mo kung mamarapatin mo, ang mensahe ko ay para sa ating mga kababayan. Ako talaga ay nakikisimpatya sa inyo at naiintindihan ko ang inyong kalbaryo dahil minsan ko na ring nasubukan iyan at tuwing ako'y napapadaan ay nakikita ko ang pila sa MRT araw-araw at kulang na lang paminsan-minsan ay maluluha ka lalo na kapag masama ang panahon. Gustuhin ko man, minsan ay nakatali ang kamay namin sa lehislatura kasi hindi naman namin sila pwedeng ipakulong. Hindi kami hudikatura, hindi din naman namin sila pwedeng paalisin kasi hindi kami ang nag-appoint sa kanila. So para sa inyo ang aking serbisyo lamang talaga ay unang-una, mapanagot sa pamamagitan ng rekomendasyon ang mga nagkasala diyan. Pangalawa ay hindi sila tigilan sa kanilang responsibilidad na gampanan ang kanilang trabaho kung kalampagin man sila at magrekomenda ng kanilang pananagutan. Iyon ang aking hindi palalagpasin.

Ravelo: With that ma'am, maraming salamat po sa inyong oras.

Poe: Thank you.

News Latest News Feed