Press Release
April 9, 2018

MENSAHE PARA SA ARAW NG KAGITINGAN

Halos walong dekada na ang nakaraan nang bumagsak ang Bataan sa ilalim ng mga Hapon. Ngunit sa araw na ito, ginugunita natin hindi ang pagkagapi sa mga mananakop noon, kundi ang pagmamahal, paninindigan at kagitingan ng mga sibilyan at kawal na Pilipino para ipagtanggol ang ating bayan.

Kaya naman kaisa ng sambayanan, taas-noo akong nagpupugay sa ating mga beterano, gayundin sa ating mga bayaning patuloy na nagbabantay sa ating seguridad at soberanya. Mula sa ating mga kababayang nakipaglaban sa mga himagsikan at digmaan, sa ating mga unipormadong hanay na nagpalaya sa Zamboanga at Marawi mula sa karahasan at terorismo, at sa mga nagbabantay sa West Philippine Sea, maraming salamat sa inyong dedikasyon at propesyunalismo.

Malinaw po: Nasusukat ang kagitingan hindi lamang sa tapang, at lalong-lalo na, hindi sa yabang. Maipapamalas ito sa paninindigan at pakikipaglaban para sa tama at makatwiran, at sa pagmamalasakit sa kapwa at bansa.

Balewala ang paulit-ulit na retorika tungkol sa pagmamahal sa bayan, kung inuudyukan naman ang pagpatay sa libo-libong Pilipino, lalo na ang mga inosente at walang kalaban-laban. Walang pagka-makabayan sa pagsuko sa dangal at teritoryo ng Pilipinas sa ibang bansa.

Ang bayan natin ay duyan ng magigiting. Makailang ulit na natin itong pinatunayan sa kasaysayan at sa buong mundo. Sa mananakop, lumaban tayo para sa kalayaan. Sa diktador, nagbuklod tayo sa ngalan ng demokrasya. Sa harap ngayon ng lantarang paniniil sa ating mga karapatan, sa pagsisinungaling at paglabag sa batas ng mga nasa kapangyarihan, sa pagpapaikot sa sistemang pangkatarungan, at sa balatkayong pagbabago na isinusulong ng ilan para pahabain ang termino, huwag tayong maging bilanggo sa pananahimik at pagwawalang-kibo. Tinatawag tayong muli para kumilos at magkaisa, at maging mga kawal ng katarungan at katotohanan.

Isang mapagpalaya at makahulugang paggunita ng Araw ng Kagitingan sa ating lahat.

LEILA M. DE LIMA

Custodial Center, Camp Crame
9 Abril 2018

News Latest News Feed