Press Release
June 2, 2018

Transcript of DWIZ Interview with Senate Minority Leader Franklin M. Drilon by Cely Bueno

Q: On amendments introduced to Senate version of the Bangsamoro Basic Law

SFMD: Yung mag importante, na-adopt. Alam mo po yung sa MOA-AD, ako po ay isang intervenor, at sumali ako sa kaso sa Supreme Court, at doon ko nakita yung madaming paglabag sa Saligang Batas kaya binasura ng Korte Suprema ang MOA-AD. Ayaw ko po mangyari iyan sa BBL, dahil kailangan po natin ito sa kapayapaan, kaya sinikap ko po na lahat ng posibleng labag sa Saligang Batas ay ating inamyenda, kaya madami -dami din ng konti. Pumayag naman ang sponsor (Senator Migz Zubiri) dahil ipinaliwanag din natin na may hindi po tama.

Halimbawa po isa sa ating inamyenda ay yung tungkol sa reserved powers ng national government. Kasi nilagay nila doon, "reserved power," "shared power," ang sabi ng Saligang Batas, kung ano ang nasa Saligang Batas, at sa mga ipinasang batas, yun po ay kapangyarihan ng central government. Hindi mo po pwedeng ienumerate yung sinasabing reserved powers of the central government dahil ano ang ibig sabihin noon, kapag wala doon hindi pwedeng gampanan ng central government? Hindi pwede iyan.

Pumawag naman sila na ang enumeration lang ay yung kapangyarihan ng Bangsamoro government. Ang hindi naenumerate doon ay yan po ay gagampanan po ng National Government. Yan po ay wala sa version ng House of Representatives at ito po ay ating ipapaliwanag sa kanila kung bakit ito ang dapat sundin nila na provision.

Q: So isa po yan sa disagreeing provisions sa bicam?

SFMD: Yes, dahil niretain po iyan sa House version. Kaya yung ating hihilingin sa bicam, wala na dapat yung sinasabi na shared power, wala yung reserved power sa national government. Ang ating eenumerate lang ang yung power ng Bangsamoro government at kapag wala doon ay di nila pwedeng gampanan.

Q: On block grant to be granted to Bangsamoro government

SFMD: Ganoon po ang kanilang hinihiling. Ang magkaiba po sa version ng Bangsamoro Transition Commission at ng version ng 2 kapulungan ay 5 percent po sa amin at 6 percent po yung sa kanila. Pero yung item na po ito ay aabot ng P100 billion kaya ito po ay ating paguusapan ng husto kung paano itro magkakaroon ng safeguards at hindi naman pwede ito ibibigay kanino man, at tapos, "bahala na si Batman," kung paano gagastusin ito. Isa iyan sa paguusapan sa bicam, itong tinatawag nating block grant at pano gagastusin.

Q: On earnings of the Bangsamoro government

SFMD: Ang kikitain po nila ay sa kanila iyan. Ang makokolekta nila, sa kanila po iyan, may specified taxes na pwede nila ipataw at sa kanila mapupunta iyon. Iyan ay yung taxable activity na nangyayari sa Bangsamoro region.

Yung block grant ay maliban pa po iyan sa mga buwis na kikitain nila sa activities inside the Bangsamoro territory. Ang block grant ay manggagaling sa gobyernong nasyonal. Ang nakalagay po na qualification sa block grant na ibibigay sa kanila, iyan po ang sususpendihin kung mayroong "unamangeable public deficit." In other words, kung masyadong malaki ang public sector deficit ay pwede munang suspendihin ang block grant.

Q: Hindi kailangan sila magsubmit ng listahan ng projects para sa unang taon ng block grant diba?

SFMD: Tama po iyan.

Q: Yung military at police sa Bangsamoro, hiwalay po basa AFP at PNP?

SFMD: Hindi, hindi pepwede. Ang ating Saligang Batas, sinasabi na "There shall be one police national in scope." Ang ibig sabihin, ang buong bansa, isa lamang ang kikilalanin na pulis, hindi po pwede magkaroon ng hiwalay na Bangsamoro Police. Ang setup, may regional office ang Philippine National Police sa Bangsamoro territory, pero kagaya ng ibang regional offices din sa ibang bansa, may "Police Region" doon under the control of the National Police Commission na nakalagay sa Saligang Batas.

Q: On territory covered by BBL

SFMD: Unang una yung region, yung 5 lalawigan sakop na po iyan kung ang majority nila ay sa plebisito boboto at iraratify ang Bangsamoro Basic Law. Maliban diyan yung 6 na munisipyo doon po sa Lanao del Norte, kasama din po iyan, at iyan po ay kukunin ang kanilang opinyon sa isang plebisito, kung sasama sila. Yung 39 na munisipyo sa North Cotabato, yung Cotabato City at Basilan Cit, yan po ay sasama o pwedeng sumali o kung sino mang probinsya na mayroong petisyon, kung hindi ako nagkakamali ay 20 percent, na gusto sumali sa plebisito, at mananalo sa plebisito. Yan po ang pinasa sa Senado.

Hindi pumayag ang Senado na magkaroon ng paulit ulit na plebisito. Let's determine once and for all ano yung boundaries ng Bangsamoro territory sa pamamagitan ng isang plebisito matapos namin maipasa ang batas na ito.

Q: On political dynasty provision

SFMD: Nilagay ang political dynasty provision, yung aking amendment na more comprehensive ay hindi po tinanggap ng Senado, ginaya ko yung provision sa Sangguniang Kabataan na batas, hindi po pumayag dahil daw baka sabihin ng mga tiga-Bangsamoro, discriminatory dahil hindi po nirererequire iyan sa ibang parte ng bansa. Ako po ay naniniwala na dapat magkaroon po ng anti-dynasty provision pero wala po akong boto sa Senado kaya hindi po naisama iyan. Ang naisama po ay yung anti-political dynasty provision na applicable sa members of the parliament.

Q:If the presence of a parliament in the Bangsamoro government is unconstitutional

SFMD: Ang kanilang regional legislature, at ang pipili ng Chief Minister ay hindi po diretso sa tao kung hindi yung mga miyembro ng parliament, dahil sila ay parliamentary system. Sa aking tingin, yan ay wala namang prohibition sa Saligang Batas pero yung mga kalaban, ang sabi hindi pwede magkaroon ng parliament sa loob ng presidential system. Aabot po iyan sa Korte Suprema.

Q: If the Senate version, if approved, can withstand judicial review

SFMD: Ako ay malaki ang tiwala na kung ang aming version ang masusunod, the chances of the BBL being declared unconstitutional is smaller. Mas compliant po ang aming version sa Constitution.

Q: On the bicameral conference committee hearing

SFMD: Crucial po iyan. Halimbawa tayo po ay may isiningit na provision doon sa Senate version na ang lahat ng Bangsamoro ay citizens of the Philippines pursuant to the Constitution. Hindi pepwede na iba silang tao. Kailangan po sila ay citizen po ng ating bansa by express provision, para po hindi po magkaroon ng impression na sila ay citizen ng ibang bansa. Isa po iyan sa ating nilagay para maging constitutional ang ating batas.

Q: On the changing of terms in the BBL to make sure it is constitutional

SFMD: May ginawa po tayong "territorial jurisdiction" hindi po "territory" kasi takot ako na yung mga elements of a state, yung characteristics na bumubuo sa isang bansa, ayaw ko makita doon. Halimbawa, yung definite territory, yung definite people, yung government, yung kakayahan na foreign relations sa ibang bansa, yan po ay indication na sila ay ibang bansa kaya po hindi po pinayagan na mailagay doon.

In other words, the elements of a state na nakita ng Korte Suprema sa MOA-AD, sa North Cotabato case, ang sinabi ay yung MOA-AD ay unconstitutional dahil nandiyan ang lahat ng elemento ng isang bansa at hiwalay na gobyreno. Iniwasan po natin na maulit yung kamalian nila sa MOA-AD, maulit sa BBL.

Q: If the Senate version will be approved at bicam

SFMD: Nasa mayorya po iyan. Ipaglalaban ko, pero I do not have control over the bicam. Sana po makinig sila na ang version ng Senado, yan ang mangibabaw. Hindi naman na pagdating ng bicameral conference committee, bibitiwan ang version ng Senado, dapat ipaglaban ng Senate contingent yung version na pinasa ng Senado.

Q: On the transition after BBL is passed

SFMD: Magiging maayos po iyan. Ang Bangsamoro Transition Authority ang siyang magiging governing authority habang wala pang halalan. Ang halalan ay synchronized o isasabay doon sa 2022 national elections.

Ang Presidente po ang mag-appoint ng members ng Bangsamoro Transition Authority, habang hindi pa nagkakaroon ng halalan

Q: On the BBL's approval and peace in Mindanao

SFMD: Sana po ay tanggapin na nila, hindi naman lahat ng gusto nila ay yun ang masusunod at sinikap po natin na ang interes po ng lahat ay ating matitingnan at mabalanse, pati yung kapangyarihan ng national government na siguraduhin na hindi po magkakaroon ng hiwa-hiwalay na bansa, ating sinikap na gawin.

Q: On draft Senate resolution on quo warranto, and possibility of senators withdrawing support

SFMD: Wala namang pagkaiba yung sitwasyon, yung argumento ay ganoon pa rin. Atsaka wala naman ako narinig na mag-withwithdraw, naintindihan naman ng lahat bago sila pumirma doon, kami po naniniwala that the resolution continues to be valid with the signature of 14 senators. Yan po ang damdamin ng 14 na senador, at sana po ay maikalendar ito pagbalik namin sa session.

Q: On what would happen if senators do withdraw support to the resolution

SFMD: Kahit po iisa na lang na pirma ang natira doon, parehas pa rin iyan na ihaharap sa plenaryo at pagbobotohan sa plenaryo. Hindi kailangan na 14 ang pumirma, iisa ang pirma ay pwede pong iharap sa plenary at pagbobotohan. Kahit may 14, kung less than the majority ang bumoto for the resolution, hindi rin maadopt ang resolution.

Q: On issue of the Senate supposedly "interfering" with the Supreme Court with the draft resolution

SFMD: Tama po iyan, yan ay isang "sense of the Senate" resolution. Sa puntong iyan, ang media, hindi ba may komento ukol doon? Ang iba-ibang opinion makers, may sinasabi na hindi dapat quo warranto, dapat impeachment, mayroong ding nagsasabi na pwede ang quo warranto. So lahat po ay nagbibigay ng kanya-kanyang opinion. Hindi naman po bawal magbigay ng opinion, tayo po ay may freedom of speech. Eh bakit ang Senado bawal magbigay ng opinion?

Pangalawa po, araw-araw, nagbibigay kami ng opinion diyan sa Senado ukol sa constitutionality ng ano mang subject. Doon lang sa debate sa Bangsamoro Basic Law, several times, sinasabi, ito ay hindi naayon at labag sa Saligang Batas. Pumapayag po ang Majority at inaalis. Hindi ba interpretation ng Constitution iyan? Kapag sinabing, "Burahin natin tong provision na ito dahil ito ay labag sa Saligang Batas," that is an interpretation of the Constitution.

Although, ultimately, at the end of the day, it is the Supreme Court which would decide. Pero hindi po ibig sabihin, ang Korte Suprema lang ang pwedeng magbigay ng opinyon. Yang "sense of the Senate" resolution, kung maipasa, ito ang opinyon ng Senado. Kung sundin man ng Senado o hindi, nasa Supreme Court po iyan. Hindi po sila obliged to give weight to our resolution, nasa sa kanila na po yan. Ang Senado ay may karapatan na magbigay ng opinyon, at araw-araw ay ginagawa po namin iyan.

Q: On Solicitor General Calida's argument that he is not a Cabinet member, and thus not obligated to divest stocks in his security agency

SFMD: Kaya nga po kami ay humingi ng imbestigasyon para ito ay matalakay lahat at maipaliwanag kung alin ang tama.

Q: If Senate will probe whether or not Calida used his office to influence biddings which his security agency won

SFMD: Isa po iyan sa mga tanong sa resolution. Hayaan natin na ang komite ang magimbestiga kung totoo to o hinde.

Q: If the latest COA findings on the Office of the Solicitor General will also be probed

SFMD: Parang hindi kasama iyan sa resolusyon. Nauna yung resolusyon, kung iimbestigahan po iyan ay baka ibang query o resolusyon. Siguro kasama doon.

Q: On the proposals for P750 national minimum wage

SFMD: Ang sa akin po, dapat ang Regional Wage Council ang magdedesisyon niyan. Ako po ay Executive Secretary noong binuo yang regional wage boards dahil hindi naman pare-pareho ang standards of living dito sa Maynila at sa lalawigan. Sa akin po tama ang sistema natin ngayon na ang regional wage boards ang siyang magdedetermine kung magkano ang pangangailangan ng labor sector sa ating mga lalawigan.

Hindi ako sangayon na ibalik ang kapangyarihan sa mga politiko at mapoliticize yung wage setting. Yan po ang iniiwasan natin, dito sa regional wage boards, andiyan po ang gobyerno, ang mga manggagawa, ang mga namumuhunan, it is tripartite. Tatlo ang maguusap, at sila po ang magdedetermine kung ano ang tulong sa mga manggagawa sa different regions.Yan po ang batas ngayon, pabayaan natin silang magdesisyon.

News Latest News Feed