Press Release
June 7, 2018

TRANSCRIPT OF SEN. GRACE POE'S INTERVIEW
RMN Cebu with Atty. Ruphil Bañoc

ATTY. RUPHIL BAÑOC: Magandang umaga po, Sen. Grace Poe. Live po tayo sa RMN Cebu. Kamusta po kayo, Madam Senator?

SEN. GRACE POE: Maayong buntag sa tanan at sa'yo siyempre Atty. Ruphil, good morning.

BAÑOC: Good morning, so ano ang activities natin ngayon dito sa Cebu ngayong araw, ma'am? Nabalitaan namin na nandito ka ngayon sa Cebu po.

On the Mactan-Cebu airport

POE: Actually alam niyo Atty. Ruphil kaya nga ako ay nakipagpanayam na sa inyo. Hayaan na natin ang Pangulo sa kanyang inagurasyon dito at mabuti na rin sapagkat medyo masama rin ang pakiramdam ko ngayon bagama't malapit talaga sa puso ko ang proyekto diyan sa terminal ng Cebu ng GMR at Megawide, sapagkat noong 2014 po, dumaan po ito sa Senado, kinilatis po natin at nagkaroon ng konting duda sa kapabilidad ng mga nanalo ng bid. Pero ako naman po ay tumayo at sinabi ko na sila ay nanalo ng bid at makatarungan naman, maayos, at ang kanilang plano ay maganda rin dahil isho-showcase nila ang pride ng Cebu. Pinangako nila sa akin na kukunin nila ang pinakamagagaling na disenyo at designers na galing diyan at sila ay tumupad. Kaya nga ito ay isang magandang halimbawa na kapag nagtutulungan ang mga nasa gobyerno na mapabilis ang isang proyekto, ito ay natatapos agad. 2013 sila nanalo ng bid, nagkaroon ng aberya, tinulungan natin sa Senado noong 2014 kasama si Senator Serge diyan sa ating mga pagdinig, at ngayon ay magbubukas na yung terminal na iyan. Pinakamagandang terminal iyan, talo pa dito iyong sa Metro Manila at siguro sa Asya makaka-compete tayo dahil iyan ay magiging first resort terminal na sinasabi nila dito sa ating lugar. Kaya congratulations sa ating mga kababayan diyan. Talagang world-class, something you can be proud of, at nauna ang Cebu.

BAÑOC: World-class nga itong terminal at malaki ang role mo dito, ma'am. If I'm not mistaken, if my memory serves me right, noong nangyari ang pagkilatis ninyo sa Senado, mayroon pang isang malaking official din na nag-file ng case doon sa Korte upang kuwestiyunin itong proyekto na ito.

POE: Iyon nga Atty. Ruphil, kaya natatagalan ang ibang proyekto natin kasi file nang file ng kaso yung mga natatalo. Ngayon, alam natin na masama ang loob nila pero kung nanalo naman sa maayos na bidding, siguro masama ang loob nila kasi maliit lang ang talo nila doon sa presyo na binigay ng GMR at Megawide pero iyan ay fair and square. Kaya nga bilang mambabatas, we have to honor contracts and bids. Ang sisiguraduhin lang natin ay hindi lugi ang ating mga kababayan doon sa kanilang ipinangako kasi parang ang kanilang concession diyan ay P17.52 billion, ang kanilang pangako, 25 years ang concession diyan. Tapos sa ating mga kababayan naman, mayroong silang pangako--ang gobyerno--na sisiguraduhing hindi nila basta-basta tataasan ang singil ng terminal fee, at least hindi pa nagka-utang ang gobyerno. Naging maayos at ngayon napapakinabangan na. Hindi katulad ng mga ibang proyekto na ang gobyerno lang ang nagpapatakbo na hanggang ngayon ay hindi matapos-tapos. So, mabuti rin itong partnership na ito.

BAÑOC: Anong feelings mo ngayon ma'am na, ang nangyari noon na ito ay maraming mga may gusto na, nagkuwestiyon dahil mayroon pala silang ibang mga bidders din na siguro gusto nilang iyon ang makapasok. Pero at least, yung role mo dito na ito ngayon ay na-realize na talaga. Anong feeling mo ngayon, considering that you had a great role upang ma-implement ito dito sa Cebu?

POE: Alam mo Atty. Ruphil, talagang it warms my heart, nakakataba ng puso. Alam mo noong pumunta ako sa Cebu last March at dumaan ako--kasi hindi pa bukas yung terminal, nagtataxi ang eroplano--nakita ko...mapapaluha ka ng konti. Kasi makikita mo ito, isang tangible result. Makikita mo na nandyan ang istruktura, hindi yung para bang ilalaban lang sa Korte, nadelay nang nadelay at wala namang naipatayo. So merong produkto na mapapakinabangan ng ating mga kababayan diyan, at hindi lamang ng ating mga kababayang nandyan, pati dito sa buong Pilipinas na gustong pumunta ng Cebu. Kaya noon nagkakaroon na ng kasikipan sa airport 'di ba. Ngayon, ang dinig ko mayroon na tayong 50 international flights na kaya kasi habang ginagawa iyong terminal, ang private company na Megawide, pinatakbo rin ang existing terminal since 2014, kaya kahit papaano naging mas maayos ang pagpapatakbo. Salamat na lang kasi alam naman nila na kapag pumalpak sila ay kikilatisin pa rin namin ang kanilang mga ipinangako kaya nga kapag nakita mo iyan--alam mo, nagdala pa sila ng mga German engineers para lagyan ng mga trusses, yung mga beams diyan, mga German craftsmen. In short, talagang pride of place, makikita mo, this is definitely a Cebu masterpiece.

BAÑOC: Maganda yung terminal natin.

POE: Maganda, talo nga ninyo ang main terminal dito sa Metro Manila, which is fine para maka-inspire din at para yung mga nandito ay bilis-bilisan rin nila ang rehabilitation ng mga airports natin dito. Kaya nga hindi ako ma-susurprise diyan Atty. Ruphil kung mas maraming turista ang mas gusto nang pumunta sa Cebu ngayon dahil mas convenient. You'd rather fly out of Cebu from other parts of Visayas than go through Metro Manila. So congratulations po sa inyong lahat and it warms my heart and I hope that they will really deliver on their promise of a world-class capacity terminal na makaka-accommodate ng at least 8-12 million passengers a day, so malaking bagay po iyan sa ating ekonomiya at sa probinsya ng Cebu at sa buong Pilipinas.

BAÑOC: Itong bagong Terminal 2 ng Mactan Airport ay inaasahang magiging solusyon sa air traffic congestion din sa Cebu madam senator pero kumusta naman ang pagdating diyan sa Maynila?

POE: Sa Maynila naman, being fair dito sa DOTr, kahit papaano nagkaroon ng konting improvement sa movements per minute ng mga eroplano. Hindi ko matandaan kung ilan, pero may nadagdag ng konting capacity. Mayroon ng mga night landing capabilities ang iba't ibang mga airports kaya nakakatulong sa congestion kasi they can fly from other provinces to Metro Manila even at night kasi mayroon ng night capability ang mga airports sa ibang probinsya. Gayunpaman, alam naman natin na kulang talaga ang runway natin sa NAIA, kailangan nang magkaroon ng expansion. Maraming pag-uusap, hanggang ngayon hindi pa rin natin matunton kung ano ba talaga? Magdadagdag ba ng airport na may unsolicited bid sa Bulacan? I-improve ba ang NAIA at magdadagdag ng isa pang runway? Nagdadagdag sila ngayon ng taxiways, siyempre that can only go so far, so ganoon po, Atty. Marami pa talagang dapat gawin ang DOTr at tayo naman ay nagiging mapasensya sa kanila pero siguro it's high time--magkakahalati na ang kanilang termino--na maka-deliver na sila nang mas mabilis na resulta lalung-lalo na ngayon yung issue ng TRAIN, madaming umaaray, madaming nagsasasabing suportado natin ang 'Build, Build, Build' ng administrasyon, alam natin ang hangarin nila na maging modernized din ang ating bansa at makapagkompetensya tayo. Pero marami pa rin ang nagrereklamo na ang bagal din ng rollout ng proyekto at hindi lamang iyon, nararamdaman na natin ang epekto ng TRAIN pero marami pa ring mahihirap ang hindi nakakatanggap ng ipinangakong social protection measures dito.

BAÑOC: Ma'am going back dito sa build-operate-transfer dahil nakita natin dito sa Cebu maganda ang resulta, may plano po ba ang Manila airport na mag-build-operate-transfer din ng airport diyan?

POE: Alam niyo po mayroong mega consortium na nagbi-bid, unsolicited bid at kung hindi ako nagkakamali, pati ang Megawide kasama ang ibang mga kumpanya na international ay nagbi-bid din. Mayroon din silang mga international consultants na katulad ng Mitre Corp., mayroon iyan talagang kakayanan at competence sa paggawa at pagdisenyo ng airport. Hanggang ngayon wala pa ring desisyon ang DOTr. Nakausap ko si Secretary Tugade about two weeks ago at sinabi niya na mayroon daw silang mga ina-iron out din na detalye, pinapababa nila ng ilang years ang magiging turn over from 25 years parang gustong gawin yata ni Secretary Tugade na 15 years. Remember itong mega consortium na ito ang makakasama dito ay Ayala, Aboitiz, Metro Pacific at kung anu-ano pang mga ibang kumpanya, pati yata ang Gokongwei group. Lahat ito na mga namumuhunan na mga top businessmen ay nagkumpol-kumpol para nga ma-update itong airport na ito. Sa kabilang dako naman, nandiyan naman ang Megawide na napatunayan na rin naman nila dito sa Cebu airport na kaya din nila, kaya sana magdesisyon na agad si Secretary Tugade para magkaroon na ng paghakbang. Baka naman kung mangarap ka at magising tapos na ang termino mo hindi mo pa nauumpisahan, malungkot naman iyon.

On projects to solve traffic

BAÑOC: Makaka-expect tayo ng karagdagang tourist arrivals dito sa Cebu dahil sa mas malaking airport terminal pero ano naman ang dapat na maging solusyon din sa problema sa trapik sa daan? Dahil paglabas sa airport, iyon na ang start ng trapik.

POE: Naku alam ninyo po, siguro dapat magsimula ako sa konsultasyon dyan sa Cebu. Kasi naalala mo, nagkaroon ng proposal, ang bus rapid transit. May mga sumusuporta diyan, may mga tumututol din. So ano na ba talaga ang final decision ng DOTr tungkol diyan? Pati ako, hindi sa 'kin malinaw kasi kung magdadagdag ka ng mga, let's say dedicated lane para sa buses, baka naman magkulang din ang kalsada para sa ating mga regular na mga sasakyan. Although kung magiging maayos ang sistema, baka naman makatulong. Pero maraming bagay ang pwedeng gawin, halimbawa, yung kanilang proposal na magkaroon din ng train system diyan at subway system. Ito ba ay feasible? Kaya ba nating bayaran ito? Pero siguro dapat ay i-rollout na nila sa lalong madaling panahon itong mga magiging proposal nila. Kaya nga, alam ninyo po, balak ko po talagang pumunta dyan siguro sa Hulyo kapag mag-uumpisa na yung session natin para may mga kasama din akong ibang mga senador para makilatis din ang sitwasyon diyan.

BAÑOC: Tapos parang pwedeng ma-open din ang idea na itong train system for example, pwede siguro itong build-operate-transfer din?

POE: Alam ninyo, mas panig ako dyan. I'm more agreeable na magkaroon ng PPP (Public-Private Partnership) o build-operate-transfer, kaysa naman yung ODA (Official Development Assistance), direct government-to-government. Kasi minsan, kapag gobyerno lang, mas mabuti na minsan sa PPP kasi una, 'di tayo uutang, sila ang maglalabas ng pera, sila ang magpapatakbo. Kapag lugi sila, bahala sila basta bantayan natin na ang singil nila ay dapat hindi tataas nang hindi makatarungan o dapat aprubado ng gobyerno, na hindi na uutang ang gobyerno pa. Alam niyo ba ang usap-usapan Atty. Ruphil, ang proposal para sa subway system sa Metro Manila, parang $18 billion. So magandang magkaroon ng subway system, pero kung uutangin iyan lahat--ang $18 billion na iyan--plus para mabayaran iyan...ang estimate ng ibang money managers na ang gobyerno ay mag-susubsidize ng $2 billion a year para sa pamasahe. Kung uutangin natin iyan, aba'y malulugi rin tayo 'di ba? Tama na siguro ang sobrang utang kung may capability ang mga investors na sila muna ang maglabas ng pera, walang utang ang gobyerno, sila lamang ang mag-ooperate. Minsan mas mabuti pa iyon. 'Di na sasakit ang ulo natin na ang magpapatakbo ay gobyerno. Tingnan mo, sino ang nagpapatakbo ng mga laging nasisirang mga sistema, MRT halimbawa dito, hindi ba gobyerno iyan noon? Ang iba, ang nagpapatakbo ay pribadong kumpanya, mas maayos ang nagiging pagpapatakbo kasi kahit papaano, kung pribadong kumpanya, kung publicly listed iyan, mas transparent dapat ang mga records niyan at isa pa, they have to guarantee na ito ay magiging profitable. Siyempre, kikita sila ng kaunti diyan pero kung babantayan naman ng gobyerno, halimbawa, itong deal natin sa Megawide. Oo, kayo ang magpapatakbo pero ang terminal fees ninyo ay kailangan maging at par din doon sa terminal fees ng ibang mga airport. So nananatili sila sa P750 kung 'di ako nagkakamali, so pareho lang. Kung kaya naman palang gano'n, bakit pa tayo mangungutang ng pera, hindi ba? Sila ang magpatakbo, kikita pa ang gobyerno.

BAÑOC: Wala tayong gastos sa gobyerno at secondly, parang nakita ko ma'am na kung ang project ay resulta ng PPP o build-operate-transfer, parang maganda ang pagkakagawa, concrete, dahil kung government project, dahil siguro sa mga corrupt diyan, makikisawsaw, may problema tayo.

POE: Aba'y totoo iyan. Nakikita mo naman Atty. Ruphil 'di ba? Ang mga government officials, I mean pasensya na, ako rin naman ay kawani ng gobyerno, pero kung hindi ka transparent, ang hirap makakuha ng request para sa--ano ba ang nilalaman ng kontrata na iyan, ganyan. Pero kung ikaw ay publicly listed company, ibig sabihin ikaw ay malaking kumpanya, sabihin na natin, kung ikaw ay San Miguel, ikaw ay Ayala, ikaw ay Filinvest, mayroon kang share holders 'di ba? Tapos ikaw ay under the SEC so kung mayroong gustong sumilip ng iyong financial capability, iyong capitalization, madaling makita kung kaya mo ba talaga ang isang proyekto, kung ano na ba ang kinikita talaga nito. Hindi mo basta-bastang maitatago iyan. At saka sila ay mayroon talagang sistema ng pagpapatakbo nang maayos na negosyo. Kung babantayan naman natin ang mga singil sa kanila, mas efficient sila kasi ang gobyerno naman ay hindi nandiyan para kumita ng pera, ang gobyerno ay dapat nandiyan para sa serbisyo na minsan ay hindi pa natin nagagawa ng tama, yun po ang sa akin. Sana po ay makinig naman ang gobyerno natin na bawas-bawasan natin ang pangungutang, lalung-lalo na sa ibang bansa, hayaan natin ang pribadong kumpanya na umutang, kung sila naman ay gagawa ng isang proyekto--ang bantayan lang natin ay 'wag silang mag-overcharge. Nasa kapangyarihan naman natin na maglagay ng limitasyon diyan sa kanilang paniningil.

On TRAIN law

BAÑOC: Dito tayo sa TRAIN law, ma'am. Dahil nag-headline yung request ninyo sa mga government agencies na dapat mag-implement ng fuel vouchers at iba pang mga social mitigating measures dahil hirap ang bayan sa initial implementation ng TRAIN law, papaano po ito ma'am?

POE: Alam mo Atty. Ruphil, sa pag-iikot ko, nagpunta ako ng Iloilo, nagpunta rin ako ng Bicol, siyempre dito sa Metro Manila at sa NCR, talagang damang dama natin--I'm sure pati diyan sa Cebu--ang pagtaas ng presyo ng bilihin na bunga na rin ng pagtaas ng presyo ng krudo. Ngayon, sabihin na nating world market, pero kahit paano ay nakadagdag din naman yung buwis natin, maliit lang nga ang percentage. Pero ang hindi natin dapat makalimutan ay ito, noong itong TRAIN law, kumokolekta na ang gobyerno ng kita diyan dahil nga ipinatong na iyan sa mga commodities, pero yung tulong na dapat ibibigay nila--P24 billion po iyan na dapat ay ipinapamahagi sa mahihirap nating mga kababayan, naibigay na namin iyan sa budget last year pa--dapat by January naibigay na nila iyan. Pero hindi pa nila naibibigay dahil hanggang ngayon ay wala pang malinaw na guidelines. Unfair po iyon sapagkat ang pinakamahihirap na pamilya ay dapat makatanggap ng at least P200 more a month, maliit na bagay pero kahit papaano ay makakatulong iyan doon sa mga conditional cash transfer beneficiaries. Nadadagdagan nila from four million to 10 million. Hanggang ngayon wala pang malinaw na listahan kung sino yung additional six million families na makakatanggap dito ng subsidies. Isa pa, mayroon ding nakalaan sa budget--so dapat available ito talaga--P900 million na fuel vouchers para sa mga drivers natin ng jeep. Hanggang ngayon hindi pa maayos sa DOTr kung ano ba talaga ang detalye nito, so paano makakapagbigay ng diskwento ang mga drivers natin--additional discounts sa senior citizens, sa mga estudyante, sa mga mahihirap bunsod nitong TRAIN law--kung hindi pa rin naibibigay sa kanila ang fuel vouchers nila. Kaya nga ang sabi ko, itong TRAIN ay magandang pakinggan para sa 'Build, Build, Build,' at sinusuportahan natin ang ating gobyerno kaya nga ito'y naipasa dahil alam natin ang pakay ng Pangulo na magkaroon ng mas maraming kalsada, imprastraktura, modernization, maganda naman iyon. Kaya lang ang Tax Reform for Acceleration ay may kasamang Tax Reform for Acceleration and Inclusion, ibig sabihin included lahat ng tao, dapat walang maiiwanan diyan lalung-lalo na ang mga mahihirap. Ang nangyayari, imbes na TRAIN, nagiging MRT, Mabagal ang Roll-out ng Tulong, 'di ba MRT. So palaging palyado sila, kaya nga imbes na acceleration at inclusion, mabagal ang roll-out ng tulong, at talagang maling-mali iyon.

BAÑOC: Senator Grace, alam ninyo malaking bahagi ng ating listeners ay mga senior citizens at marami sa kanila ang talagang hirap sa pagbili ng gamot, hospitalization, food at pang-araw araw na tustusin. Paano ba natin sila matutulungan?

POE: Alam ninyo po sa TRAIN law, kasama yung mga mahihirap nating senior citizens, mga PWDs, na may dagdag sila na P200 a month na tulong, na kahit paano ay makakadagdag sa kung anumang kaunting mayroon sila sapagkat iyan ay malinaw noong aming dine-deliberate iyan na makakarating iyan sa ating mga senior citizens. Hindi lamang iyon, may subsidy sa NFA rice--kung mayroon nang NFA rice, isa pang issue iyan--tapos may subisidy rin na extra pa na 10 percent sa pamasahe ng mga senior citizens. Hanggang ngayon hindi natin alam, hindi alam ng mga kababayan natin, kung ano ba ang mabebenepisyo ko dito sa TRAIN diumano, kaya nga sinulatan natin ang iba't ibang ahensya ng gobyerno. Bigyan ninyo ako ng kasagutan, kailan ninyo ilalabas itong guidelines, ano na ba ang nangyari doon sa perang dapat ay available na diyan, bakit hindi pa ninyo napapamahagi, at kung ibibigay ninyo pa lang iyan ngayon, dapat retroactive iyan--from the time na nag-umpisa ang TRAIN, meaning sometime in January. So lahat po iyan iniintay natin ang kasagutan at kapag nagkaroon na tayo ng sagot ay tayo'y mag-seset ng isang public hearing muli, itong Hulyo, pagdating ng session o bago pa siguro mag-SONA para mas madali, upang makilatis at masingil natin sila kung nasaan na yung pera.

BAÑOC: Sumulat kayo sa mga government agencies, buti iyan ma'am para makalampag natin sila at mag-implement ng social measures kasabay ng tax collection.

POE: Opo, yun nga po Atty. Nakakalungkot, kung hindi pa susulatan, hindi pa ba kikilos. Nasa batas nga po iyon kaya nga nakakalungkot. Ayaw naman natin na palaging mangulit pero siguro iyan ay kaakibat ng ating trabaho.

BAÑOC: At least, mag-set aside ka ng time mo para mangulit, upang ma-implement ito ng...full implementation itong mga measures na ito.

POE: Siyempre, alam mo si Secretary Tugade nakulitan sa amin kasi palagi naming pinapatawag hanggang sa nakiusap siya at sabi niya 'bigyan mo naman kami ng ilang buwan para maka-order ng spare parts ng MRT.' Nanahimik ako dahil nakita ko namang mayroong effort ang department, kahit papaano nagkaroon ng bunga iyan. Alam mo siguro, kailangan lang ay huwag natin silang tantanan. Trabaho namin sa Senado, hindi lamang gumawa ng batas kung di bantayan sila, 'nasaan na yung pera na nailaan sa inyo? Ginagamit niyo ba ito ng tama o hindi?' Ayoko talagang makialam ng basta-basta pero pagdating naman sa mga ipinangako dapat naman, huwag mapako kasi lahat naman kami ay nakasugal din ang aming reputasyon dito at pangako sa ating mga kababayan.

On unemployment

BAÑOC: Ang biggest problem din sa kasalukuyan Madam senator ay kakulangan sa trabaho, mataas ang unemployment rate dito sa ating bansa ngayon. Sana matulungan natin ang walang oportunidad.

POE: Alam ninyo, Atty. Ruphil, maraming salamat sa pagbanggit ninyo niyan. Unang-una bilang public services committee chairman, tayo po ay in-charge sa pagbibigay ng prangkisa. Prangkisa, hindi po sa mga sasakyan, prangkisa tulad ng, halimbawa mga telecommunications, mga radio stations, mga media companies. Doon po sa mga franchise bills ko, sa franchise law na binibigay, may nakalagay po ako doon, ang tawag ko po doon ay ang aking 'Grace Poe provision' kasi talagang pinaglaban ko ito, na kung saan magkakaroon ng bagong prangkisa dapat kukuha sila ng mga nagtatrabaho mula doon sa lugar na iyon. Halimbawa, kayo meron kayong RMN Cebu, kaya lang hindi kayo dumaan sa akin, pero yung bago, yung Manila Broadcasting Corp., all over the Philippines po iyan, mayroon na silang bagong provision na kung saan sila may opisina dapat kukuha sila ng mga empleyado galing sa probinsya na iyon, number one. Number two, kukuha sila ng mga estudyante at bibigyan nila ng internship ang mga estudyante na iyon na may bayad, hindi lamang internship na libre. So in short, mayroong kasamang 'trabaho clause' para hindi lamang pagbibigay ng prangkisa kung di may kasamang commitment na magbibigay ng trabaho. Ngayon, ano pa ang ating ginagawa? Alam niyo, importante ang telekomunikasyon sa ating bansa. Medyo mahal ang binabayad natin sa mga cellphones, bagama't nag-improve na, kulang pa rin ang kalidad ng internet speed at serbisyo sa ating bansa. Gusto ko, mas maraming mga investors ang papasok. Kaya nga, isa sa mga itinutulak ko at sana ay maitulak rin ito ng Malacanang, katulad ng pagtutulak nila ng ibang measures katulad ng TRAIN at BBL, na ipasa na ang Public Services Act. Anong ibig sabihin nito? I-oopen up natin ang ating ekonomiya sa mga foreign investors. Huwag matatakot ang ating mga kababayan na papasok ang dayuhan sapagkat, hindi naman ako papayag na bumili sila ng lupa dito. Pero ang negosyo na itatayo nila, hindi naman nila madadala ang gusali nila, kung sila ay magbibigay ng trabaho, kung mag-iinvest sila ng pera dito dahil ang ownership restriction ay tatanggalin sa kanila, papasok ang iba't ibang kumpanya at makikipag-kompetensya sa mga kumpanya rito, mas mapipilitan na gandahan ang serbisyo ng mga nandito para makalaban sa kanila. Iyon po ay isa sa ginagawa ng mga kalapit na bansa natin katulad ng, halimbawa na lang sa Singapore, pinapayagan naman nila ang ownership diyan, pero tingnan mo napakalago ng kanilang ekonomiya basta ilalagay natin doon sa clause na ang trabaho, talagang kukunin nila ang mga tao natin dito so bakit hindi natin sila papayagan? Alam mo ang nangyayari ngayon, maraming mga investors diumano ng mga Pilipinong kumpanya, ang mga may-ari naman ay mga banyaga, hindi naman nila nilalagay sa dokumento dahil bawal so nagkakaroon pa tuloy ng panglilinlang, so let's open up our economy ng tama. Siyempre may mga ibang limitasyon katulad ng land ownership, hindi tayo papayag diyan, pero ang mga investors katulad ng telecommunications at least ay buksan natin.

BAÑOC: Nakausap ko si former Gov. Lito Osmena tungkol diyan sa pag-open po ng economy natin dito sa mga foreigners, sang-ayon siya diyan dahil parang mayroon tayong opportunity sa trabaho dito sa ating bansa madam senator.

POE: Kunyari sabihin natin we open up the economy pati sa public transport at least sa mga rails payagan natin ang mga Hapon na pumasok dito, sila ang may pinakamagandang bid, sila ang gumawa ng subway system sa Cebu halimbawa, pero mayroon tayong kaakibat na limitasyon on how much they can charge which is subject to review. Anong talo natin doon 'di ba, kung wala tayong utang pero magre-remit pa rin sila ng pera sa gobyerno at mayroong limitasyon sa icha-charge nila sa ating mga pasahero. Sila ang may expertise, 'di ba? Mamumuhunan sila so siyempre gusto din naman nila maayos ang pagpapatakbo nito, bakit naman hindi. Kung aalahanin ninyo, ang mga train natin, anong ginawa ng nakaraang administrasyon? Hindi naman dahil sa pagbibintang lang pero this is for accountability. Binigay nila ang maintenance provider sa isang kumpanya, remember this is more than a million dollars a month ang contract nila. Alam mo magkano ang puhunan nang nanalong kumpanya--P600,000. Iyon lang ang pera nilang available at alam mo Atty., saan nila binibili ang parts ng MRT kaya nagkasira-sira? Sa second-hand shop sa Raon na dapat binibili nila sa Bombardier, iyong original supplier ng mga parts na iyan sa ibang bansa na talagang mayroong quality control kaya nga tingnan mo, we're relying on local investors na minsan wala namang capabilities. Hindi bale sana kung super consortium katulad nga ng nabanggit ko, pero ito, dahil lamang kaibigan nila ay nanalo ng mga bid dahil emergency bid ang nangyari kaya nga iyon nga iyong aking binabantayan. Ang Cebu ay malapit sa puso ko dahil nakita ko talaga ang pride ng mga tao diyan na gusto nilang ipagmalaki ang kanilang probinsya, ang kanilang skills, ang kanilang magandang tanawin, gusto ko namang tulungan kaya nga sa maliit na bagay, imagine binantayan natin ito na talagang matuloy ang proyekto saka tingnan mo ang terminal na mayroon na kayo. So kung iyong ibang mga proyekto ay mababantayan rin natin ng ganoon, isang maliit na boses sa Senado at ito'y kumakalat rin naman dahil ang ating mga kasamahan ay nagiging supportive pag nakikita nila, siguro naman ay magkakaroon tayo ng diperensya na makakaganda. Hinihikayat ko rin ang mga nasa gobyerno, lalung-lalo na ang DOTr na bilis-bilisan (line cut) yun lang po.

On the opening of classes

BAÑOC: Ito pa, last two questions na lang. Importante ito, lalo na start ng school year ma'am. Dito po sa Cebu, may mga incident na ang mga jeepneys ay hindi nagbibigay ng discount sa mga estudyante. Parte po ito ng public services committee ninyo. Paano po natin sila matutulungan, at paano natin mae-enforce ang mga fare discounts na ito?

POE: Alam niyo, unang-una, dapat silang i-report. Dapat ang LTO, ang mga enforcement officials diyan, yung mga nag-tatraffic diyan, dapat alam nila iyong batas na ini-enforce iyan. Dapat patigilin sila sa pamamasada kung di nila ini-enforce iyan. Ipapatanong nga natin paano nangyari iyon. Iyong mga estudyante nga na tinatanong namin, nagbibigay naman madalas ng discount pero hindi pa kasama iyong sa TRAIN adjustment. Isa pa iyan sa mga dapat nating tingnan. Dapat paalalahanan ko rin ang mga drivers, alam niyo, lahat naman tayo ay dapat sumunod rin sa batas. Naiintindihan ko, mahirap ang buhay ngayon pero baka kasi baka kapag hindi ninyo sinunod iyan ay pwedeng igarahe muna ang inyong jeep at mas malaking perwisyo iyan. Pinapaalala ko rin sa mga traffic enforcer, enforce the law at kapag may nagsumbong sa kanila na 'di nagbibigay ng diskwento at may witness diyan, ay dapat agarang ipatigil muna ang pasada ng jeep na iyon. Mayroon pong mga multa diyan, hindi ko lang matandaan exactly kung magkano ang multa pero mayroon po. Tapos ang isa pang nagiging problema sa back to school, alam natin na sa ibang mga cities--sa Mandaue, Lapu-Lapu, Talisay--dini-divide nila yung class schedules nila into three shifts dahil maraming enrollees ngayon. Isa pa iyan, dapat yung mga PPPs sa mga public schools, pagtatayo ng mga buildings, baka pwedeng mas mabilis. Ginawa rin iyan ng Megawide noon, mas mabilis silang nakagawa ng mga gusali at classrooms kaysa sa gobyerno kaya isa pa nating titingnan iyan--classroom shortage. Ang isa pang problema ay teacher shortage, yung 6,000 teachers in the region na kailangan, medyo nagkukulang tayo diyan kaya maraming problema rin dito sa back-to-school na dapat ay tutukan natin.

On surveys

BAÑOC: One last question, itong mga surveys na ginagawa ngayon, SWS at Pulse Asia, consistent number one po kayo madam senator, kung gagawin ang eleksyon ngayon. Saan mo ina-attribute itong rating po ninyo?

POE: Alam ninyo ang rating--ang pinakaimportante sa akin ay ang trust rating, maganda yung popularity sa surveys pero yun nga yung nakikita ko rin doon, ang tiwala ng ating mga kababayan ay nandiyan kaya nga ayaw kong sayangin ang tiwala na iyan, Atty. Ruphil. Sabihin na nilang minsan ay ako'y masyadong kontrabida sa ibang mga bagay, pero hindi ko pwedeng kalimutan ang aking responsibilidad. Kaya nga siguro kahit paano ay may tiwala rin ang ating mga kababayan--at maraming salamat rin po sa inyong tiwala. Alam mo, sariwa sa aking isip na mayroon kaming kasunduan ng aking nanay, ang aking nanay na alam mo'y hanggang ngayon--kahit na senior citizen na--nagtatrabaho pa rin, talagang binabantayan ako niyan dahil sabi niya, 'puhunan mo ang magandang, kahit paano, legasiya namin na mga magulang mo.' Ayokong sayangin iyan kasi para sa akin naman, pumasok ako sa gobyerno, aaminin ko naman, kumportable naman ako sa buhay, pero gusto ko rin naman na mas umigi pa ang buhay ng ating mga kababayan, so ayokong sayangin iyan. Isa pa, sa nakikita ko sa mga ibang bansa, ako'y nalulungkot na hindi natin magawa iyan dito. Bakit hindi natin magawa iyan, marami namang matatalinong Pilipino, masisipag naman tayo kung mayroon lang tayong tamang insentibo. Tumakbo nga ako para sa pagka-Presidente, nangarap din ako na mas mabilis ang pagbibigay ng pagbabago, hindi man ako naging mapalad, hindi pa rin nawawala ang aking pangarap na kahit sa aking trabaho ngayon, isa pa ring pribilehiyo ang makatulong. Kaya sa ating mga kababayan, makakaasa po kayo sa akin, ito po ay isang garantiya ko na talagang gusto kong alagaan ang malinis kong pangalan. Isa pa, talagang galit din ako sa mga corrupt, kaya nga po, sabi nga ng nanay ko, 'sa inyong lahat, kung mayroon kayong iniisip, 'wag mahihiyang magtanong,' kasi karapatan natin iyon.

BAÑOC: Madam senator, maraming salamat po. Thank you so much for joining us this morning.

POE: Daghang salamat po sa ating mga kababayan sa Cebu.

BAÑOC: Maayong buntag.

POE: Maayong buntag.

News Latest News Feed