Press Release
August 29, 2018

Transcript of Sen. Grace Poe's Ambush Interview

Q: Ma'am mayroon ba kayong nakikitang parang violation ng MIAA officials for not extending assistance sa mga passengers?

Sen. Grace Poe: Talagang mayroon silang malaking kakulangan. Sabihin na natin na ito ay isang pagkakataon na puwede silang matuto, pero malinaw na lahat sila ay nakatutok doon sa pagtatanggal ng eroplano na nakalimutan na nilang tutukan ang mga pasahero na kailangang sumakay pa o kaya kung paano sila bibigyan ng tulong habang nag-iintay. Mismong ang General Manager ng airport na si Mr. Monreal ang nagsabi na hindi na nila natutukan ang iba pang mga bagay-bagay, basically hindi nila nabantayan ang mga pangangailangan ng mga pasahero.

Q: Paano 'yun, puwede silang sampahan ng reklamo ng mga affected passengers o 'yung committee mismo ang mag-recommend?

Poe: Alam mo sa ngayon, siyempre kailangan ko din ang approval ng mga kasamahan ko pero marami sa amin ang nakakakita na talagang malaki ang pagkakamali ng management ng airport at ng DOTr sapagkat tingnan mo, sa kanila manggagaling kung magkakaroon ng gate changes, kung ano ang mga papasok na mga flights, pero hindi nila yata naaabisuhan ng tama ang mga airlines, at ang mga airlines naman, kung naabisuhan, hindi rin naman nila naipaalam sa kanilang mga pasahero. Lahat talaga ay nagkaroon ng breakdown ng communication. Sabihin na nating aksidente ito at hindi naman natin pinaplano pero malinaw na ang kanilang mga protocol o ang kanilang mga dapat sinusunod na mga steps ay hindi nila nasunod. Kaya nga talagang nakakalungkot dahil nahirapan talaga ang mga pasahero, sinabing nagbigay ng pagkain pero marami pa rin talaga ang hindi nakatanggap. Marami sa kanila ay hindi naabisuhan sa kanilang flight. Balik sila ng balik sa airport o kaya ay nag-intay sila do'n ng matagal. Pasensiya na pero talagang pumalpak ang management ng airport dito.

Q: Ma'am 'yung paliwanag nila sa 36 hours bago matanggal, acceptable ba 'yun sa inyo?

Poe: 'Di ba tinanong din ni Senator Serge, bakit kinailangan ninyong mag-intay ng anim na oras bago tumawag ng magtatanggal no'n na kailangan pala ninyo? Tapos wala naman pala silang listahan ng mga contractors na puwede nilang tawagan para magtanggal no'n, 'yan ay napagdesisyunan lang nila noong nangyari 'yon, so dapat may listahan sila. Maraming mga bagay pala na ngayon lang natin nakita na hindi pa pala kayang gawin ng mga opisyal ng ating airport. Mabuti na lang, sa pagdinig na ito nakita na 'yan dahil ipapasumite natin sa kanila kung ano ba talaga ang mga protocol nila. Sinabi rin na hindi nila nakausap ang mga airline representatives agad-agad, tapos sabihin na natin na in constant communication daw, pero mismong si Secretary Tugade ay hindi rin nagpunta doon sa mismong lugar na pinangyarihan ng aksidente. It took him about a day bago siya nakarating doon sa airport physically.

Q: Ma'am big deal 'yung hindi siya nagpakita kaagad immediately...

Poe: Kasi para sa ating mga pasahero at para din sa mga empleyado ng airport, siyempre iba 'pag nakita mo mismo ang Secretary ng Department of Transportation na nando'n. Ang sinasabi ni GM Monreal na 'yung mga ibang airlines hindi daw nag-volunteer magpadala ng representative doon sa kanilang crisis meeting, sabi ko 'hindi puwedeng voluntary 'yun, dapat 'yun ay mandatory.' Siguro kung mismong ang ating Kalihim ng Department of Transportation ang nagtawag nitong crisis management meeting na ito, ay lahat ay pupunta do'n.

Q: 'Yung sa recording, parang hindi nila kinonfirm na 'yun nga talaga 'yung recording. Tama ba na parang tugma din do'n 'yung kuwento ng taga-CAAP doon sa nangyari?

Poe: Sa tingin ko nag-iingat lang sila kasi ayaw nilang aminin muna kung ito ba ay talagang official recording dahil nga iniimbestigahan pa sa Singapore. Pero kung titingnan mo, mayroon talagang 12-minute gap 'di ba, na hindi nagco-communicate sa air traffic control 'yung piloto. So bakit 'yun hindi pa rin nasasagot? Diumano hindi daw nila puwedeng gamitin ang isang recording na gano'n laban sa isang piloto, bakit hindi? Dahil daw kailangang intayin muna ang actual investigation ng lugar na 'yon ng mga awtoridad. Pero ang recording na 'yon ay very revealing, 12 minutes tinatanong ka bakit ka ikot ng ikot, hindi makasagot ang piloto. So 'yun ang dapat nating malaman bakit siya nag-iikot, dahil ba hindi niya matantiya ang panahon o hindi niya maintindihan ang ingles ng ating air traffic controller o hindi siya maintindihan? Ang daming bagay na dapat sagutin.

Q: Do you see the need for remedial legislation to avert a repeat of this incident?

Poe: Alam mo hindi lang naman sa paggawa kasi ng legislation, kinakailangan din ng rekomendasyon sa airport at kung maaari ang rekomendasyon natin, 'yun bang mga tao na nakalagay diyan sa airport ay competent? 'Yun bang mga airline na 'yan--mayroon silang franchise agreement sa ating bansa--sila ba ay talagang tumutugon sa kanilang kontrata sa ating bansa na magbibigay ng tamang serbisyo? Kasi 'yun ay puwede nating bawiin, hindi naman natin sinasabing bawiin natin ngayon pero aside from legislation, review rin ng franchise commitment ng mga airlines.

Q: Recommendations about Tugade and Monreal? Should they be replaced?

Poe: Sa ngayon, sa nakikita natin, mayroong mga pagkukulang. Mayroon tayong isa pang pagdinig tungkol sa airport expansion. Tingnan natin pagkatapos ng pagdinig na ito kung ano ba talaga ang magiging pinal na committee report ng ating komite, kung magrerekomenda tayo na siguro ay nararapat na magkaroon ng pagbabago sa liderato pero sa ngayon, hindi ko masasabi with finality sapagkat kailangan ko ring makuha ang opinyon ng ating mga kasama sa komite. Q: Kailangan bang i-invite ang piloto? Para i-explain bakit hindi sila nakipag-communicate?

Poe: Maganda sana kung nandito siya. Isa 'yan sa ating tatanungin kung hindi ba ito makaka-violate ng regulation habang iniimbestigahan kasi ito ay ongoing investigation pa, so maaaring baka closed-door discussion muna.

Q: (inaudible) regular taxi na bumili ng tablet, nagrereklamo po ang mga drayber at operator kasi P18,000 ang tablet na may kasama nang app ng MiCab para daw nakakasabay sa TNVS?

Poe: Bigyan mo ako ng pagkakataon na makuha itong order ng LTFRB, kasi ngayon ko lang narinig 'yan, kelan ba nila binigay 'yan?

Q: Sa press briefing nila sa Malacanang.

Poe: Tingnan natin kasi kung P18,000 per taxi unit parang masyado naman yatang mabigat 'yon.

Q: Ang 'Pantawid Pasada' card, hindi gumagana sa maraming gas stations?

Poe: Sabi nga nila, nabigay na diumano kahapon. Noong umpisa na nagbigay sila, walang laman. Pangalawa ang sinasabi nga nilang limitado sa ibang mga gas station, kailangang malaman kung bakit hindi nakukuha sa ibang mga stasyon 'yan, baka hindi pa activated. Baka naman pumapayag sila pero hindi pa tugma ang card do'n sa kanilang sistema. Masyado nang matagal 'yan. Dapat 'yan last February pa na-rollout kasabay ng TRAIN 'di ba. Siguro nagmamadali sila ngayon pero hindi pa rin nila naayos ang kanilang sistema.

Q: Parang minadali dahil baka mapagalitan do'n sa budget?

Poe: Kasi nga 'di ba sinabi ko pagpunta nila sa budget baka masisita ko na sila dahil nagpunta nga ako do'n sa pagtitipon ng mga drayber ng mga jeep, tinanong ko kung sino na sa kanila ang nakatanggap, walang nagtaas ng kamay, isa lang pero sabi hindi daw gumagana.

Q: The airline franchise review will start when?

Poe: Mayroon tayong isa pang hearing.

News Latest News Feed