Press Release
September 10, 2018

DZRH Interview of Sen Francis Pangilinan with Deo Macalma & Atty. Cherryl Adami-Molina
On Rising Prices, Sen Trillanes issue

Q: Kumusta ang pamamalengke ninyo Sen. Kiko? Mataas ba ang bilihin?

SEN. PANGILINAN: Well, gaya ng nababanggit ninyo, talagang tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo dahil nga sa inflation. Pinakamalaking dagok ito para sa halos 25 porsyento ng ating populasyon over 100 million ng ating populasyon at ang 25 percent ng ating mga kababayan ay nariyan sa poverty levels, ika nga. 25 million ng mga kababayan natin ay gutom ang resulta nitong mataas na presyo ng mga bilihin.

Q: Eto nga 'yung prediction pa Sen. Kiko, nakakabahala, baka daw umakyat pa ng P55 ang palitan ng dolyar bago matapos ang taon.

SFNP: Tama po 'yan at malaking problema din 'yan lalo na po sa ating utang panlabas dahil dollar ang bayad natin habang syempre ang kinikita po natin, Peso ang ating babayaran so apektado rin ang ating budget, apektado rin ang kabuuang fiscal health, ika nga, ng ating pantustos o 'yung gastusin ng gobyerno.

Q: Sen. Kiko, ano nga ba 'yung pinag-ugatan nitong pagtaas nang sunod-sunod ng bilihin sa pamilihan?

SFNP: 'Wag niyo na lang akong tanungin dahil sasabihin destab.

Nababasa ko rin ang mga komento ng mga kaalyado mismo ng ating Pangulo. Ang economic team ay ipinagbibitiw ng mga miyembro ng Kongreso na kaalyado ni Pangulong Duterte. So sila na mismo pakinggan na lang po natin kahit ayaw na ho nilang pakinggan ang oposisyon. Si Sen. Recto na dating NEDA Secretary na kaalyado ng Supermajority sa Senate, eh sabi hindi ho si Trump ang dahilan ba't nagkaroon ng inflation kundi self-inflicted. So ang mga kakampi at kaalyado na ho ng Pangulo, hindi lang ho ang oposisyon ang nagsasabing maraming problema ang bansa at ito ay dapat ayusin.

Q: Pero ano nga ba ang nakita ninyong dahilan bakit, Sen. Kiko Pangilinan, sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin? Bakit ganito ang inflation? Dahil nga ba sa TRAIN Law 'yan o may ibang dahilan?

SFNP: Kasama ang TRAIN Law dahil 'pag tumaas ang presyo ng gasolina, transport cost ng produktong agrikultura ay tataas. Papatungan 'yan para mabawi 'yung gastos sa transport. Ang fertilizer, dahil mataas ang presyo ng gasulina at langis... ang ating fertilizer eh lahat 'yan petroleum-based. Tataas din ang halaga ng fertilizer at ng iba pang farm inputs at dadag na naman sa presyo ng mga bilihin po 'yan.

So talagang, isa ay ang TRAIN Law. Dahil tumaas ang presyo ng gasolina, nagkaroon pa ng excise tax sa gasolina at syempre 'yung bigas. Alam niyo, base sa datos, 'pag tumaas ang presyo ng bigas, hinihila nito pataas ang iba pang mga produktong basic commodities na pagkain. Eh ang rice inflation napakataas, 7 percent, mas mataas pa sa national average. At ang ibig sabihin po niyan, hihilahin niya pataas ang iba pang mga produktong pagkain o basic commodities. At ang mismanagement ng rice supply, 'yan po ang dahilan ba't tumaas ang presyo.

Q: Eto naman po, Sen. Kiko, kayo na mga taga-oposisyon, ayan talaga ang mga batikos ninyo pero ano daw ba ang nagawa ninyong solusyon? Mayroon ba kayong mungkahing solusyon, Sen. Kiko, para maresolba itong ganitong problema ng inflation?

SFNP: Well, hindi lamang po mungkahi, nagawa na po natin noong tayo po ay food security secretary. Napababa po natin ang presyo ng pag-import ng bigas. Nag-reject tayo noong panahon na chairman po tayo ng NFA Council. Ni-reject ho natin ang mataas na presyo ng bentahan ng bigas ng mga importer na mga bansa. Napababa ang presyo ng pagbili at napababa rin ang presyo ng bigas. Paano? Tama po kung ginagawa sa ngayon, na dapat ang NFA Council at hindi lang 'yung NFA Administrator ang siyang nagpapatakbo o nagma-manage ng rice supply.

Alam ninyo 'yang NFA Council, nakaupo diyan ang Secretary of Finance, Secretary of Trade, Secretary ng NEDA, DBP representative, Landbank representative, at kinatawan din ng BSP. Matataas din na opisyal 'yan at kinikilala ang problema ng supply and demand. Ang nangyari nga lang, hindi sila magkasundo ng administrador. Minsan ho gumagawa ng pasiya 'yung administrador ng NFA nang walang go signal o wala man lang pasabi at walang approval ng NFA Council nitong nakaraang dalawang taon kaya nagkaleche-leche ang ating rice supply dahil diyan.

Magkasundo lang sila. Magkaayos lang po sila at iisang direksyon nila, eh palagay ko mas mabilis malulutas 'yung problema nung supply ng bigas.

Q: Noong panahon ba ninyo, Sen. Kiko, kinokonsulta ninyo ang mga opisyal ng NFA Council?

SFNP: In fact, ang pakiusap ko, bago ko tanggapin 'yung pagiging chairman ng NFA Council, ang pinakiusap ko kay dating Pangulong PNoy, noong siya po ang Pangulo natin, kung maaari, umupo sa NFA Council, hindi 'yung representative kung hindi 'yung Secretary mismo. Kaya noong unang apat na buwan noong tayo po ay NFA Council chairman, ang umuupo po sa NFA Council meetings si Sec. Purisima, si Sec. Domingo at pati si Sec. Balisacan ng NEDA umuupo rin para talagang bukas, transparent, at talagang madedepensa ng lahat ng ahensya ng pamahalaan 'yung pag-manage ng rice supply.

Ang nangyari sa ngayon, ang bitiw na salita, mayroong inaaprubahan ang NFA administrator na hindi dinadaan sa NFA Council kaya nagkaroon ng bangayan.

Q: Pati Agriculture Secretary hindi pala kasama sa NFA Council, Sen. Kiko, hindi ba dapat kasama?

SFNP: Well, mayroon tayong itinatag noon na Food Security Council. Nakaupo doon ang Secretary ng Agriculture. At 'yan po ang nagmi-meeting at nagbibigay ng rekomendasyon sa NFA Council kung ano ang status, ano ang mga protection [INAUDIBLE] ...'yung toneladang palay ang maaani, milyong toneladang bigas ang siyang mami-mill, para ma-project na kaagad. Alam niyo noong panahon po natin, four months before nakabili tayo ng bigas pero ang deliver ay four months later. Bakit kaniyo? Eh kasi napo-project naman kung ano ang magiging [INAUDIBLE] dahil alam naman ng mga statistician ng DA kung ano ang projection ng ani eh. You can plan ahead. 'Pag nagplano ka ahead, hindi ka madidiktahan nung mga trader. Bibili ka ngayon ng October, tapos ang delivery January. Eh ang mangyari po ngayon, ang delivery ay November, bibilin mo ng September, ay nako. Talagang tataas ang presyo ng bigas, bilyon na naman ang gagastusin ng gobyerno. At kayo, Juan Dela Cruz at Maria Dela Cruz, tayo magbabayad ng utang diyan sa pag-import ng bigas ng gobyerno.

Q: Sabi po nila, 'yung TRAIN isa daw pong pinag-ugatan 'yan kung bakit nagkaroon ng inflation rate. Ngayon na po na 'yung TRAIN 2 o 'yung tinatawag nilang--pinalitan pa nila, trabaho, nakapasa na po siya sa 2nd reading sa Kamara at for sure ifa-fast-track nila 'to. Pagdating po ba sa Senado, haharangin po ninyo 'yang TRAIN 2 na 'yan?

SFNP: Alam mo, 'yung mga projections kasi doon sa TRAIN 1 nagbago na eh. Hindi na 'yung dating basehan po nila na mga istatistika, inflation rate, etc. Talagang hindi tayo papayag na magkaroon ng dagdag na pasanin ang ating mga kababayan ngayon na ganito na ang naging resulta. Hindi naman po nating sinasabing huwag kolektahin. So intindihin muna. Bigyan muna ng palugit ang ating mga kababayan dahil hindi na-project 'yung ganitong klaseng--sobra 6.4 percent inflation. Eh dati ang projection nila between two and three percent lang eh o halos more than double na. Eh talagang malaking dagok ito sa ating mga kababayan. Kaya sinusuportahan natin ang pagsuspinde dito sa excise tax ng TRAIN 1 ah. Dahil pagdating ng January, mayroon na namang dagdag na excise tax ang produktong petrolyo anywhere between I think P3 to mga P7 dagdag na buwis. Eh dapat 'yan isuspend na rin. At 'yan ang panawagan din natin. Wala pa 'yung TRAIN 2 diyan. May dagdag din 'yang TRAIN 2. Eh talagang 'wag naman tayong sagasaan ng tren, ika nga.

Q: Eto ngayon, Sen. Kiko, sa ibang isyu, ang sabi ng Pangulong Duterte, kayo daw po sa Liberal Party, ayan Sen. Trillanes at ang grupo ng CPP-NPA, nagsasabwatan po para patalsikin ang Pangulong Digong ngayong susunod na buwan ng Oktubre, Sen. Kiko? Nag-uusap po ba kayo diyan?

SFNP: Hindi ho totoo 'yan. Alam mo si Presidente, siya rin mismong nagsabi noong binabatikos siya ni Sen. Trillanes eh meron daw bank accounts si Sen. Trillanes na ganitong halaga sa bankong ito tapos binawi rin. Sabi niya gawa-gawa lang niya. Eh hindi po totoo. Wala hong katotohanan na kami po ay involved sa anumang plot. Unang-una, hindi ho kami naniniwala dahil ito ay labag sa Saligang Batas at pangalawa, nabanggit ko na ito dati, dalawang beses na natin napatalsik ang Pangulo, eh hanggang ngayon hirap pa rin tayo. Kung 'yon ang solusyon, eh dapat sana first world nation na tayo ngayon. Hindi ho solusyon ang pagpapatalsik ng nakaupo. Ang solusyon po ay ang tugunan 'yung patakarang pang-ekonomiya para guminhawa at bumaba ang presyo ng bigas, bumaba ang presyo ng ibang mga bilihin at pati ang gasolina at mabigyan ng suporta at alalay ang ating mga kababayan. Hindi ho totoo 'yan. At sa totoo lang eh kahit na nga ho ang mga kaalyado niya ang nagsasabing hindi tama ang palakad ng NFA, pinapa-resign nga ang NFA Administrator, pinapa-resign si Sec. Piñol, hindi lang ng oposisyon pati ng mga kaalyado niyo. Eh sila ba destabilizer din? Hindi po. Doon lang tayo sa totoo. May mga problema ang ating bansa, naghihirap ang kababayan natin, tumataas ang presyo ng bilihin, yan po ang kinakailangang lutasin. Hindi ho 'yung hahabulin si Sen. Trillanes at ipapakulong.

Walang epekto sa presyo ng bigas o baka mas lumala pa dito sa politikal na mga ingay.

Q: Ayan, si Sen. Trillanes po ay nagkakasakit na. Ano na po ang plano ng Senado para kay Sen. Trillanes? Siya po ba ay papayagan na manatili sa Senado hangga't hindi po nareresolba ang kanyang kaso sa Supreme Court?

SFNP: Ang posisyon po ng Senado at ito po ay bipartisan, hindi lamang ng oposisyon ay kapag nasa Senate premises, hindi ho dapat maaresto ang mga Senador and this has been the practice ever since mula pa noong panahon ni Cory out of respect for a co-equal branch. Pero having said that, kami naman po eh bakit ho siya aarestuhin, 'yung ilan sa amin ang posisyon namin, eh wala namang warrant of arrest. Wala namang kasong nakabinbin. Nadismiss na yung mga kaso. Kuwestiyonable rin itong revocation ng amnestiya dahil sabi po nila hindi raw sya nag-apply. Pero sabi rin nila doon sa same proclamation, hindi sya nag-apply kasi wala syang application, pero alam nila na sya po ay hindi umamin doon sa offense. Eh pano nila alam na hindi sya umamin kung hindi sya nag-apply? Ang gulo noong legal na argumento. Mukhang minadali ito at mas mabuti na nga na maresolba ng ating mga hukom dahil sila ang magpapasya.

Q: So, may mga kumwe-kwestiyon ngayong itong... ni Senator Trillanes. Malaki raw po ang konsumo ng kuryente at sa iba pang... dahil sa pananatili ni Senator Trillanes sa Senado, sir. Ano ang comment nyo diyan? Malaki nga ba ang gastusin sa pananatili ni Senator Trillanes at ng kanyang mga supporters sa Senado?

SFNP: Hindi ho, dahil sinasara naman ang air conditioning diyan kapag gabi. So hindi po iyon ang problema. Hindi po malaki ang kunsumo o iyong sinasabing gastusin ng Senado tungkol dito. Iyan po ang ating pagkakaalam, dati po tayong Senate Majority Leader. So I don't think this is an issue. Ang issue ho rito ay hindi valid- wala hong basehan para arestuhin ang ating butihing Senador. At yan nga, kaya nga po tinatalakay ng Korte. Eh dapat sana dinismiss na ng agaran yung kanyang petisyon kung walang basehan, pero yan ay dinedebate at tinatalakay at walang inissue na warrant of arrest yung lower courts.

Q: May mga sinasabi na ang AFP, Senator Pangilinan sir, na sya pa raw po ay sundalo at pwedeng arestuhin under court marshall. Kung isagawa itong aresto nang walang arrest warrant, through court martial, papayagan ba ito ng Senado? O hahadlangan ninyo?

SFNP: Well alam ninyo, in fairness naman sa Armed Forces, sabi nila hihintayin nila ang pasya ng Korte. So we will just leave it at that. Mabuti naman at nagbitiw sila ng ganoong salita.

Q: Marami pong nagsasabi na kapag meron pong mga scandals o mga controversies ng Duterte Administration, eh lagi pong parang sainyo po tinatapon. So yung mga keyboard warriors na tinatawag, yung mga netizen. Pag nababash po kayo, ano po bang stand nyo rito?

SFNP: Well, kami naman ay naniniwala na sa huling banda ang katotohanan ang mananaig. Kaya kailangan lang nating tiisin. Pero kailangan din nating sumagot. Para i-clarify na hindi totoo yan. Alam nyo... Sabi nga nila, baka pati yung Tulfo brothers na corruption, kami rin ang may pakana para pabagsakin ang gobyernong Duterte. Hindi po totoo 'yan. Noong panahon ni dating Secretary Yasay, dahil American citizen, kami raw may pakana noon. Noong panahon ni Secretary Aguirre na may 50 million na extortion, eh meron daw kaming conspiracy. Eh nag sorry pa nga! At binawi. Sabi, hindi pala totoo. Mali raw ang information. Eh so mukhang ito ay lumang tugtugin na. Kapag merong kapalpakan at hindi maipaliwanag na dapat ipaliwanag sana. Sa halip na magpaliwanag, eh ginugulo ang usapan at kami po ang sinisisi. Hindi po tama ito. Doon lang po sana tayo sa totoo.

Q: Pero kung hingin ng administrasyon ang tulong ng mga oposisyon sa ganitong kinakaharap nating malaking inflation Senator Kiko, willing ba kayong tumulong sa administrasyon?

SFNP: Syempre, wala tayong problemang tumulong. In fact, tumutulong na tayo sa pamamagitan ng pagbigay ng mungkahi kung pano masolusyunan ang mga problema. Alam niyo, si Secretary Dominguez, Sonny Dominguez, Secretary of Finance, dating Secretary of Agriculture 'yan. Kung siya ang pakikinggan ng ating Pangulo dito sa problema ng bigas, sana noong umpisa pa lamang naiwasan ito. Ako po ang Committee Chairman ng Finance Committee ng Commission on Appointments noon, at dinepensa po natin ang appointment ni Secretary Dominguez. Kasi alam po natin ang kakayahan. Pakinggan po siya at iyong iba pa pong mga marunong sa usapin po ng agrikultura eh palagay ko masosolusyunan ang problema.

Q: Parang inyong sinasabi, Senator Kiko, na ang pinakinggan ng Pangulong Duterte ay si NFA Administrator Jason Aquino, hindi si Secretary Sonny Dominguez na Head ng NFA Council.

SFNP: On record po yan, hindi po si Secretary Dominguez ang head ng NFA Council. Meron po syang kinatawan.

Q: Ah sino po ba ang head ng NFA Council?

SFNP: Ang Chairman ng NFA Council ay si, if I understand correctly, kasi wala pa yatang utos eh, pero si Cab Sec Evasco. Sila ang nagtatalo noon. In fact, ang gusto ni Evasco noong una, eh yung 8,500 MT ibigay sa private sector para walang gastos ang gobyerno. May taripa pa. Iyon nagdebate na sila. Ayaw ni Administrator Jason, gusto naman ni Evasco. Doon nag-umpisa iyon eh. Ang economic team, gusto na hayaan din ang pribadong sektor na mag-ambag dito sa gastusin ng... import... At meron pang buwis. Eh doon unang nagdebate. Ang pinakinggan, yung NFA Administrator, hindi nakapag-import, tinanggal pa yung USec ni Evasco. Hindi ba? Tapos yung pangalawa, iniimbestigahan na yung rebagging at diversion. Meron nang sulat si Cab Sec Evasco. Pinadala sa Malacañang. Sa halip na pakinggan yung nag-iimbestiga, eh nilipat yung nag-iimbestiga at nanatiling nandiyan pa rin at wala nang imbestigasyon iyong sinasabing rebagging. Iyon ko ang nangyari diyan kaya nagka-problema tayo dito po sa rice supply natin. Kung wala yung ganyang bangayan at pinakinggan lamang yung mga mas merong nakakaalam doon sa problema ng agrikultura, eh dapat sana wala na tayo rito ngayon.

Q: Out of topic, gusto ko lamang pong itanong. Iyong mga tinatanong po ng ating mga netizen ngayon, sabi rito, pakitanong naman po Sir Deo and Atty. Cam kay Senator Kiko, wala po bang plan i-amend ang Juvenile Justice Law na ibalik po sa dati at ibaba po ang age of minority para sa criminal liability?

SFNP: Actually alam mo, yan din ang isang matagal na nating sinasabi, mukhang hindi masyadong nauunawaan, Na-amend na yan. Pag mayroong heinous offense, hindi pwedeng pakawalan ang bata. 2010 pa po yan eh. Kaso iyong iba, ayaw makinig o naniniwala sa fake news, hindi po totoo na walang pananagutan iyong mga batang hamog ika nga. At pangalawa... kung hindi iyan kinakasangkapan ng mga sindikato. Ibig sabihin, trese anyos, iyong dose anyos, malakas ang loob nyan dahil meron yang backer na mga sindikato na hindi menor de edad. So bakit tayo, pinupuntirya natin yung mga menor de edad, habulin iyong sindikato ng droga, habulin iyong sindikato ng mga illegal gambling dahil iyon ang gumagamit sa mga bata, sa halip na iyong bata ang inuuna. Kapag binuwag na ang mga sindikato, eh ang balita may kasabwat din na pulis diyann kaya ayaw buwagin, kapag binuwag iyong mga sindikato, wala nang magsasamantala sa mga bata. At hindi na yan magkaka lakas ng loob.

Q: Pero sabi nyo may amendment na Senator. Kahit na menor de edad, basta heinous crimes, pwedeng makulong ang bata.

SFNP: Involuntary confinement of less than one year. Ibig sabihin nyan ilalagay yan sa involuntary confinement sa isang Bahay Pag-asa para doon po sya magkakaroon ng... At ang Huwes na po ang magpapasya.

Q: Eto pa Senator Pangilinan, mabigat ito. Ano raw ang ginawa ni Senator Kiko Pangilinan. Bakit pumayat ang Mega Sharon Cuneta?

Q: Out of topic, pero kumusta raw po ang love life ninyo ni Madam Mega Shawie Cuneta?

SFNP: Sabi nga, ang sikreto ay five cups of exercise, two tablespoons of dieting, and 50 kilos of love and support.

Q: Hindi raw ba nagke-keto diet ang Mega Sharon Cuneta, Senator Kiko? Kasi iyan ang uso ngayon.

SFNP: Hindi sya Keto Diet. Actually...

Q: Kiko Diet

SFNP: Kiko Diet [LAUGHS]. Meron syang sarili niyang ano, na unti-unti lang ang kinakain nya, pero maramihan. Ibig sabihin, frequency, maraming kain. Pero maliliit.

Q: Last nalang po. Meron na po ba kayong line up ng mga tatakbo sa susunod na Senate race ngayon pong darating na 2019?

SFNP: Ay magandang tanong yan dahil nagmeeting kami ng ating Vice President who heads the campaign team. Siya po ang ating pinaka-lead. We have 18 names.

Q: 18, so ibig sabihin kumpleto na ang line up nyo.

SFNP: Iyan ang dinedebate ngayon. 18 ang pangalan. Whether we will fill out the 12 or not depende rin, kasi mayroong factor ng: siya ba ay naninindigan sa issue laban sa EJK? Sya ba ay naninindigan sa issue sa West Philippine Sea sovereignty issue? So isa yan. Pangalawang factor ay ang winnability syempre, so track record, winnability, among others. So maaaring bumaba pa 'yan. But we now have around anywhere between 16 to 18 names. Of course ang nanjan na na-announce na natin dati. Si Bam Aquino, si Erin Tañada, Gary Alejano, Barry Gutierrez, Agot Isidro, at Chel Diokno. So far.

Q: Yan palang yung sure, Senator. Sabi mo 18, sino pa ang iba?

SFNP: Hindi pa po (inaudible) ang pagrelease ng kanilang mga pangalan. But sa darating na mga araw, stand by lang. Marami po tayong pinagpipilian, pero in the end, winnability and track record ang ating magiging basehan.

Q: Kris Aquino, kinoconsider nyong tumakbong Senador?

SFNP: Hindi po nababanggit ang kanyang pangalan sa ngayon sa proseso natin.

Q: Maraming salamat po.

SFNP: Maraming salamat, magandang umaga po.

News Latest News Feed